NDBC BIDA BALITA (9.16.17)

NDBC BALITA  • Sat Sep 16, 2017 09:12 AM  •  111   0
By CBCP
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST September 16, 2017 (FRI)
7:00 AM
 



HEADLINES:
 

1.
2 patay sa isinagawang operasiyon ng otoridad sa Mlang, North Cotabato


2.
Mining operators sa T’boli sinanay sa  pagbuo ng Emergency Response and Preparedness Plan ng South Cotabato PDRRMO


3.
Kasapi ng 39th IB, Philippine Army natagpuang patay sa Matalam, North Cotabato


4. Drug court at family court, inirekomenda sa South Cotabato



-0-


Kinumpirma ng Mala­cañang na totoong may mga baril ng gobyerno ang napunta sa kamay ng mga teroristang Maute na ginagamit laban sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City.  

Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa Mindanao hour briefing kahapon, nakuha ng mga terorista ang mga baril dahil sa mga ginagawang ambush sa mga sundalo, ibinibenta ng mga ilang tiwaling sundalo ang baril sa mga kalaban at ninanakaw sa mga government armory.  

Inihayag pa ni Loren­zana na ang kaso ng mga baril ng gobyerno na napupunta sa mga kalaban ay minimal lamang.  

Samantala, niliwanag ni Lorenzana na hindi na siya magbibigay ng eksaktong araw kung kailan matatapos ang krisis sa Marawi.  

Tiniyak ni Lorenzana na malapit ng matapos ang giyera sa Marawi dahil patuloy na lumiliit ang stronghold ng mga tero­ristang Maute group.


-0-


Arestado sa inilunsad na Drug buy bust operations ng pinagsanib na pwersa ng Cagayan de Oro City Police Office, City Police station 7, at Philippine Drug Enforcement Angency o PDEA ang isang dating miyembro ng Maguindanao PNP at isang kasama nito sa Cagayan de Oro City kamakalawa ng gabi.  

Kinilala ng Cagayan de Oro City PNP ang mga drug suspect na si PO1 Zamaxary Romato Usman at Peter Candonggo Fabro.  

Si PO1 Usman ay dating nakabase Maguindanao Police Provincial Office at na dismiss sa serbisyo simula February 9, 2017 dahil sa Serious Neglect of Duty.  

Nabatid na ang mga suspect ay kasali sa High-value target ng mga otoridad na naaresto pasado alas syete ng gabi sa Camella Homes Highway, Cagayan De Oro City.  
Narekober mula sa kanila ang 9 na pakete ng shabu , 500 pesos na marked money at drug paraphernalia.  

Sa ngayon nakakulong na sa detention cell ng PDEA ang mga drug suspect na nahaharap sa kaaong paglabag sa RA9165.  



-0-


Malaki ang hinala ng pulisya na matindi ang galit ng hindi pa kilalang suspek sa nadiskubreng bangkay ng isang 41-anyos na mister  na pinatay sa saksak at  pagkatapos ay tsinap-chop ang katawan, sinunog at itinapon sa isang maisan sa  Brgy. Tugop, San Fernando, Bukidnon kamakalawa.  

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-6:45 ng umaga nang ireport sa pulisya ni Brgy. Kagawad Tiborcio Gerongco ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima na kinilala ng kanyang kaanak na si Tito Mancilla, 41, hiwalay sa asawa at residente ng Purok 3, Brgy.Tugop ng bayang ito.
 

Nagresponde ang Scene of the Crime Operatives sa lugar kung saan itinapon ang nakasakong tsinap-chop, sinunog at isinilid sa sako ang katawan ng biktima na kung saan ay nawawala ang lamanloob nito.  

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na posibleng nito pang Setyembre 13 dakong alas-11:00 ng gabi pinaslang ang biktima ng hindi pa kilalang suspek na matindi ang galit kaya nagawa ang brutal na pagpatay.  
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang suspek at motibo ng pagpatay dito.



-0-



Nilagdaan noong Huwebes ni Cot City Mayor Atty. Cynthia Frances Guiani Sayadi ang isang Executive Order sa pagtatag ng Limang common boat docking areas malapit sa Tamontaka River, Rio Grande de Mindanao, at Matampay River. 

Sa ilalim ng Exec. Order No. 222 ay magkakaroon na ng regulation sa pagpasok ng mga sasakyang pandagat sa lungsod.  

Layunin din nito na maiwasan at mapigilan ang pagpasok ng smuggling of contrabands dala ng mga lawless elements sa pamamagitan ng pag-angkat nito mula sa mga byaheng pandagat.  

Kabilang sa limang identified docking areas ngayon ay ang Sitio Biniruan, sa Poblacion 9, Sitio Bucana, Kalangalan Mother, Purok 4 sa Tamontaka 3, Barangay Kalangalan 2 na nasa tatlong daang metro ang layo bago ang Grand Mosque, at ang Timako Hill.  

Isinaad din sa order na kailangan marehistro ang mga sasakyang pandagat na pagmamay-ari ng mga residente sa lungsod sa Public Safety Office habang ang hindi naman residente ng lungsod ay kinakailangang magkaroon ng entry record kasama ang 5th Special Forces na siyang mamamahala sa seguridad sa mga nasabing daungan.
 

Samantalang magkakaroon naman ng minimal fees para sa mga bangkero, 20 piso para sa mga nonresidents, habang 5 piso sa mga residente.  

Ayon sa alkalde ng lungsod na isa ito sa mga isinusulong ngayon sa lungsod upang matiyak ang siguridad ng mga mamamayan ng Cotabato.


-0-



Papayagan lamang na makapag-operate muli ang 12 mining operators sa Sitio Tunnel, Barangay Kematu, T’boli, South Cotabato, kapag nakapagsumite ng Emergency Response and Preparedness Plan o ERPP.

Ayon kay South Cotabato Provincial Environment and Management Officer Seigfred Flaviano, ito ang dahilan kung bakit, sinanay ang mga ito ng Provincial Disaster Risk and Reduction Office sa pagbalangkas ng ERPP.

Sinabi ni Flaviano na problema kasi ng mga mining operators na sinuspinde ang operasyon ang paggawa ng disaster management plan.

Ang dalawang araw na training ay dinaluhan ng 25 kinatawan ng 12 small scale mining operators. Ang pagsasanay ay inirekomenda ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, PEMO, at Municipal Environment and Natural Resources Office ng T’boli .

Ang mga ito ay nag-inspection sa mining site kasunod ng landslide sa Sitio Tunnel noong July 18. Makikita din sa Geohazard map na “highly susceptible sa landslide ang lugar.

Ang suspension ng mining operation ng 12 mining operators ay ipinagutos mismo ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes noong Aug 14.



-0-



Isinusulong ni Surallah, South Cotabato Regional Trial Court o RTC Branch 26 Judge Lorenzo Balo ang pagtatag ng apat na drug court at dalawang family court.

Ayon kay Balo, bunsod ito ng pagdami ng mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga at pamilya sa lalawigan. Sinabi ni Balo na dahil sa dami ng mga nakatambak na kaso sa mga korte sa lalaiwgan, mahina din ang pagusad ng mga ito.

Ayon kay Balo naging sanhi naman ito ng sikskan ng mga preso sa mga dentention facilities. Sinabi ni Balo na kapag madagdagan ang mga korte sa lalawigan dapat ding dagdagan ang mga piskal at abogado ang Public Attorney’s Office o PAO.

Ayon kay Balo ang mga ito ay kanyang nang ipinaalam kay Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez na dumating kamakailan lang sa Koronadal City.




-0-




Kasabay ng pagpasok ng “ber” months ay ang pagiging abala naman ng mga preso sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center sa paggawa ng mga parol.

Ayon kay South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Juan Lanzaderas,maagang sinimulan ng mga inmate ang mass production ng parol dahil sa inaasahang pagtaas ng demand nito habang papalapit ang panahon ng kapaskuhan.

Gamit ng mga preso sa parol ang mga indigenous materials tulad ng kawayan at patapong mga karton na nilagyan ng silver dust at makukulay na ilaw.

Ang mga ito ay naibebenta ng mula P1,200 hanggang P2,500 depende sa laki, disenyo at mga materyales na ginamit.

Ayon kay Lanzaderas, bukas ang provincial jail sa mga nais umorder o magpagawa ng parol na naging kabuhayan na ng mga preso sa pasilidad.

Maliban sa mga parol patok ding pangregalo sa pasko ang mga souvenir items ng mga preso na gawa sa straw at iba pang indigenous materials.




-0-



Ipatupad ang 4s o Search and destroy mosquito breeding places, use self protection, seek early consultation at say No to indiscriminate fogging campaign.

Ito ang hiling ni Koronadal City Health Officer Dr. Jean Geneive Atrudido sa publiko para mapigilan ang sakit na Japanese Encephalitis.

Binigyan diin ni Aturdido na hindi dapat balewalain ang 4s campaign dahil mapipigilan nito ang pagdami ng mga lamok na nagdadala hindi lamang ng Japanese Encephalitis kungdi pati na rin dengue fever, zika virus, malaria, at Chikunggunya.

Gayunpaman, nilinaw ni Aturdido batay sa kanilang monitoring na ligtas pa rin sa Japanese Encephalitis na umatake sa mga mamamayan ng Luzon ang 27 barangay sa Koronadal City.

Payo naman ni Aturdido sa mga mamamayan kapag nakararanas ng sintomas ng Janapese Encephalitis tulad ng grabeng pananakit ng ulo, panghihina at pagsusuka, agad na kumonsulta sa doctor.



-0-




Walang nakitang motibo ang pulisiya sa pagbigti ng job order employee ng lokal na pamahalaan ng T’boli, South Cotabato. Ito ay ayon kay T’boli, Chief of Police, Chief Inspector Ramil Villagracia.

Ayon kay Villagracia, walang problema sa pamilya at trabaho ang empleyado kaya palaisipan pa rin sa mga otoridad at pamilya nito ang kanyang pagbigti.

Ang 26 anyos na si Vanree Dela Cruz, job order sa T’boli Municipal Environment and Natural Resources ay natuklasan lamang wala ng buhay nang nagising ang misis sa kanilang bahay sa Purok Maligaya, New Dumangas, T’boli.

Ang biktima ay nagbigti gamit ang lubid na itinali sa trusses ng kanilang bahay. Si Dela Cruz ika pang 22 nang nagbigti sa South Cotabato nitong taon. Matatandaan na noong nakaraang linggo patay din ang isang estudyante matapos magbigti sa Koronadal City.

Dahil sa tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay, nakikipag tulungan ngayon ang provincial health office sa National Center for Mental Health ng Department of Health.

Ayon kay Mental Health Program Focal Person Jade Javella, problema sa pamilya, kabiguan sa pagibig at depression ang kadalasang naging sanhi ng pagpapakatiwakal sa South Cotabato



-0-





Trap pa rin sa kanilang lugar ang mahigit 70 pamilya sa Sitio Cabuling Barangay Saravia, Koronadal City.

Ayon kay Saravia Punong Barangay Gregorio Presga, hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa naalis ang lupa na tumabon sa daan papasok at palabas ng Sitio.

Sinabi ni Presga na dahil sa malakas na ulan pasado alas syete kagabi, binaha at gumuho ang bahagi ng bundok sa lugar.

Ipinahayag ni Presga hindi na nailikas pa kagabi ng disaster team ng City LGU ang mga mamamayan dahil sa biglang pagtaas ng tubig na may kasamang putik.

Sinabi ni Presga na pinili na lamang ng mga nakatira sa Sitio na manatili sa kanilang lugar at maging alerto.

Maliban sa Cabuling, sinalanta rin ng baha at landslide ang mga Sitio ng Dungan Lahit, Tolosa Village at Old El Gawel sa Saravia.

Ayon kay Presga, nawalan din ng kuryente ang ilang bahagi ng lugar matapos patumbahin ng baha ang ilang poste ng kuryente.

Nagpapatuloy pa ang assessment ng City Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga apektadong lugar.

Ayon kay Presga, sinimulan na rin ng City Social Welfare and Development Office ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong mamamayan.

Habang ang nagpadala na ng mga equipment ang city LGU para tumanggal sa lupa at putik na tumabon sa mga daan.

Isinisi naman ni Presga sa iligal na pamumutol ng mga puno ang madalas na mga pagbaha sa mga bulubunduking bahagi ng Saravia.

Umapela si Presga sa mga mamamayan na nakatira sa delikadong lugar sa Saravia na dahil sa madalas na mga pagulan dapat maging alerto ang mga ito at agad na lumikas kung kinakailangan. 


-0-


LIMANG mga tindahan sa Kidapawan City ang napagmulta matapos lumabag sa Anti-Smoking Ordinance ng lungsod.  

Ang naturang mga establisiemento malapit sa Notre Dame of Kidapawan College, Central Mindanao Colleges, at North Valley College Foundation.    

Pinagmulta sila ng tig-dalawang libong piso.   Sa ilalim pa rin ng batas, bawal magtinda ng sigarilyo sa mga menor de edad.  

Ayon sa Information Office ng Kidapawan City LGU, ilang beses na ring winarningan ang naturang mga tindahan.




-0-



MANANATILI
muna pansamantala sa headquarters ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO ang dalawang mga chief of police na ni-relieve bago lamang sa kani-kanilang mga puwesto.  

Ayon kay Senior Superintendent Jonathan Tangonan, officer-in-charge ng CPPO, ang regional police office na ang magde-desisyon kung saan ilalagay sina Superintendent Leo Ajero na na-relieve bilang chief of police ng Kidapawan City PNP at Superintendent Bernard Tayong bilang chief of police ng Midsayap PNP.  

Si Ajero, ayon kay Tangonan, ay posibleng sa Police Regional Office o PRO-12 ma-a-assign, habang hinihintay nito ang pagtaas ng ranggo niya – mula sa pagiging Superintendent sa pagiging Senior Superintendent o full-pledged colonel.  

Si Ajero ay overstaying na rin bilang COP ng Kidapawan City PNP at ang ranggo niya ay over-qualified na rin sa naturang posisyon.  

Sa kabila nito, umaasa si Tangonan na magpapatuloy sa pag-function ang naturang mga police station habang hinihintay kung sino ang ipapalit sa mga nabakanteng pwesto.



-0-
 


NAMAHAGI
ng abot sa 35 libo na piraso ng de-kalidad na fingerling tilapia sa may 29 na fishpond operations mula sa North Cotabato ang Office of the Provincial Agriculturist o OPA ng Cotabato provincial government  

Bahagi ito ng Freshwater Aquaculture Development Program ng OPA.  

Nakinabang sa fingerling distribution ang mga fishpond operators mula sa mga bayan ng Carmen, Matalam, Makilala, Mlang, President Roxas, Antipas at Pigcawayan, at Kidapawan City.  

Layon ng programa na maiangat ang produksiyon ng tilapia sa lalawigan na siya namang mapagkukunan ng dekalidad na fish protein ng mga rural communities sa abot-kayang halaga lamang.  

Mula pa sa Travilla Hatchery sa Banga, South Cotabato ang tilapia fingerlings na ipinamahagi sa mga fishpond operators sa lalawigan.  




-0-


PINAGBABARIL
hanggang sa mapatay ang isang miyembro ng 39th Infantry Battalion.  

Natagpuan ang bangkay ni Private First Class Jimmy Bagawisan Marcelo sa damuhang bahagi ng Purok 8, Barangay Kidama, Matalam, North Cotabato, alas-6:00 ng umaga ng Biyernes.  

Ayon sa report, nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.  

Na-recover naman sa crime scene ang motorsiklo ng biktima na kulay itim na Suzuki raider 115 at walang license plate.  

Maliban dito, na-recover din ang mga bala ng 5.56 M16 rifle at kalibre .45 na pistola sa crime scene na siyang ginamit sa pamamaril kay Marcelo.  

Nilinaw ni Lt. Silver Belvis, spokesperson ng 39th IB, na walang kinalaman sa giyera nila kontra New Peoples’ Army o NPA ang pagpatay kay Marcelo.  

Posible, aniya, na biktima lamang ito ng ‘mistaken identity’.   



-0-

 

SIMULA September 15 ay naupo na ang bagong officer-in-charge ng Kidapawan City PNP.   Natanggap umano ni Chief Inspector Ramel Hojilla ang kanyang appointment nitong Huwebes.  

Pirmado ng regional director ng Police Regional Office 12 ang naturang appointment.  

Matatandaang nabakante ang puwesto ng Kidapawan City PNP noong September 11 matapos mailipat sa provincial headquarters ng Cotabato Police Provincial Office si Superintendent Leo Ajero.  

Maliban kay Ajero, na-relieve din sa puwesto si Superintendent Bernard Tayong bilang hepe ng Midsayap PNP.  

Na-assign din siya, pansamantala, sa CPPO headquarters.  

Ang pumalit kay Tayong bilang OIC ay si Supt. Gilbert Tuzon.  

Sinabi ni OIC Provincial Director Sr. Supt. Jonathan Tangonan, ang balasahan sa hanay ng mga police station sa North Cotabato ay desisyon na ng PRO-12.   NDBC BIDA BALITA




 
 -0-



ITO NA ANG ikatlong kasong graft na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kontra kay dating Cotabato 2nd district Representative Greg Ipong.  

Ang kaso ay nag-ugat sa pondong inilabas ng opisina ni Ipong mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund o PDAF para sa isang medical assistance nag nakakahalaga ng P9.4 million, sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.  

Naganap ang scam noong March 2007 noong si Ipong ay kongresista pa ng ikalawang distrito ng North Cotabato.  

Kasama rin sa kinasuhan ang dating DSWD Secretary na si Esperanza Cabral.  

Nito’ng Lunes isinampa ng Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan. Ito na ang ikatlong graft case na kinakaharap ni Ipong.  

Ang una ay tinaya sa P9.6 million, at ang ikalawa, nagkakahalaga ng P4.9 million na hanggang sa ngayon ay pending pa sa 3rd at 6th division ng Sandiganbayan.   Ang lahat ng mga akusasyon kontra kay Ipong matindi niya’ng itinanggi.    

Ilang apela na rin ang kanyang ipinasa sa graft court, kabilang na ang paghiling niya noong August 2017 na i-dismis ang naunang mga kaso niya.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy