NDBC BIDA BALITA (9.19.17)

NDBC BALITA  • Tue Sep 19, 2017 09:10 AM  •  166   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST SEPTEMBER 19, 2017 (TUE)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. MIEMBRO ng drug syndicate at isang wanted sa kasong frustrated murder, huli sa magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

2. CAFGU, patay sa pamamaril sa Arakan, North Cotabato  
3. South Cotabato Governor, umapela sa mga otoridad na huwag patayin ang mga target NG kanilang anti-illegal drugs operation  

4.Koronadal PNP at South Cotatbato police office, best PNP offices sa Region 12




-0-



Dinakip ng mga operaiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM ang umano ay miembro ng isang drug syndicate na nag-o-operate sa mga Maguindanao, General Santos City at Cotabato City.  

Sa bisa ng search warrant, dinakip ang suspek na si Nihara Sabayani Makmod, miembro umano ng Saba Drug Group.  

Si Makmod ay nadakip matapos salakayin ang bahay nito sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.   Nakuha mula sa suspek ang 50 libong pisong halaga Shabu at mga drug paraphernalia.  

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002.  

Samantala, arestado naman ang isang wanted person at ang apat pang mga kasamahan nito sa inilunsad na law enforcement operations ng mga otoridad pasado alas dos ng hapon kahapon sa Club Cusiong Beach Resort, sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat.  

Kinilala ni DOS PNP Chief, police chief insp. Achmad Alibonga ang wanted na si Antonio Roales alyas Chito, 62 anyos, negosyante at residente sa lugar.  

Naaresto si Roales ng pinagsanib na pwersa ng DOS PNP, CIDG ARMM at Army’s 19th Infantry Battalion matapos sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bansawan Ibrahim ng RTC Branch 14 sa Cotabato City sa kasong frustrated murder.  

Habang naaresto rin ang apat na mga kasamahan nito matapos makuhanan ng ibat’t ibang uri ng mga baril, bala at granada.  

Kinilala ang apat na sina Jery Guey Indo, 23 years old, may-asawa at isang security guard; Reynald Lorenzo Anton, 28 anyos, may-asawa at isang helper; Orlando Mosela Ariston, 26 anyos at parehong mga residente sa lugar at si Raymond Duran Clemente, 43 anyos, may asawa, isang security guard at residente naman ng Upi, Maguindanao. 
 

Nakuha mula sa kanila ang tatlong cal.45 pistol with 3  magazines, at 16 pang mga bala; isang.38 cal revolver at mga bala nito; Improvised shotgun na walang serial number at mga bala rin nito; 

Improvised UZI sub machine gun na may anim na mga bala;  isang fragmentation grenade at mga bala rin ng cal. 5.56mm at 9mm pistol.
 

Ang limang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516.


-0-


PATAY NA nang madatnan ng kanyang pamilya ang trenta anyos na pintor matapos magbigti gamit ang isang nylon cord sa Purok Masagana, Barangay Rosary Heigts 10, Cotabato City.  

Kinilala ni City Police Station 2 Commander, police Chief Insp. REYNALD DELATIEN ang nasawi na si Joel Atadlan.  

Nabatid na hiniwalayan ng kanyang kinakasama si Atadlan kaya dahil sa sama ng loob ay hindi tumigil sa pag-inom ng alak si Joel hanggang sa magpatiwakal.   Pasado alas syete kahapon ng madiskubre itong nakabitin sa loob ng kanilang bahay.  

Napag-alaman na nagtangka na rin noong magpakamatay si Atadlan ngunit nasagip lamang siya ng mga kamag-anak.  

Ngunit sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang nasawi.  

Samanatala,
 PATAY ang lalaki matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals sa Midsayap, North Cotabato.  

Kinilala ni Midsayap PNP chief, police Supt. supt. Gilbert Tuzon ang nasawing biktima na si Conie Ayub Ali, 34 years old at taga Barangay Tumbras, Midsayap.  

Sa inisyal na ulat ng pulisya, pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay nang abangan ng mga suspek at saka pinagbabaril gamit ang cal. 45 pistol.  

Dead on the spot ang biktima dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.  
Inaalam pa ng mga otoridad sa ngayon ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng mga salarin.  


-0-


Dalawang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang napatay habang dalawang iba pa ang nasugatan sa patuloy na pakikipagbakbakan ng mga ito sa ISIS-inspired group at breakaway faction ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa mga Barangay Andavit at Barangay Tee, Datu Salibo, Maguindanao.  

Kabilang sa mga namatay sina Mustapa Musa, 24 years old, ng Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao; at Mokamad Kadil, 40, ng Barangay Simsiman, Pigcawayan, North Cotabato.  

Samantala, sugatan naman sina Surani Abelusa, 50, ng Brgy. Damatulan, Midsayap, North Cotabato; at Taha Sabpa, 30, ng Barangay Koloy, Shariff Aguak, Maguindanao.  

Ayon sa ulat, nagkasagupa ang MILF at ang ISIS-inspired BIFF breakaway group na pinamunuan ni Commander Abu Torayfe sa nasabing bayan.  

Agad dinala sa ospital sa Cotabato City ang mga sugatan habang ang dalawang mga nasawing MILF combatants ay agad na inilibing batay sa tradisyon ng Islam.  


-0-


Mayroon daw kabuuang 207 thousand, 884 ‘ghost students’ sa Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor.  

Ito ang ibinunyag ni ARMM Gov. Mujiv Hataman sa isinagawang budget hearing kahapon sa Senado.  

Ayon kay Hataman, nagsagawa sila ng aktuwal na headcount kaya nadiskubre ang ‘ghost students’ at naghain sila ng kaso laban sa mga principal at teachers na sangkot sa anomalya.  

Isinalang kahapon ng Senate Committee on Finance ang panukalang pondo ng ARMM para sa 2018.  

Ang ‘ghost students’ na nadiskubre sa ARMM ay mula 2011 hanggang 2016 kung saan pinalobo o dinagdagan ang bilang ng mga estudyante upang makakuha ng mas malaking pondo.  

Sabi ni Hataman, base sa kanilang imbestigasyon,  nadiskubre nila na noong 2011-2012, nagkaroon ng 28,153 ‘ghost students’ sa kabuuang 860,509  na nasa listahan; noong 2012-2013, nagkaroon ng 75,242 ‘ghost students’ sa kabuuang 785,267 sa listahan; noong 2013-2014, naman ay nakapagtala ng 48,066 ‘ghost students’ sa kabuuang 710,201 na mga estudyante.
 

Sinabi pa ni Hataman na matagal nang nangyayari ang nasabing raket kung saan nagbubulag-bulagan ang mga nakaraang administrasyon.


-0-


KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines o AFP na napaslang sa kanilang mga inilunsad na air strikes at ground assault operations ang tatlong magkakapatid na Maute na pasimuno ng kaguluhan sa Marawi city.  

Kinilala naman ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang mga napatay na Maute brothers  na sina Abdullah, Madie at Otto.  

Aniya, tanging sina Omar Maute at Isnilon Hapilon na itinalagang lider ng Maute-ISIS sa Southeast Asia, ang nanatiling buhay sa mga lider ng mga terorista na sinasagupa ng mga sundalo at pulis sa main battle zone sa Marawi.  

Aminado naman si Año na nasa sampung dayuhang teroristang ISIS pa ang tumutulong sa Maute terror group sa bakbakan.  

Ayon kay Año, tinataya namang nasa 45-50 pa ang mga bihag na kailangang masagip sa battle zone na hawak ng mga kalaban.  

Sa kasalukuyan, nasa 673 na mga terorista na ang napapatay, 47 na mga sibilyan at 149 naman sa panig ng security forces sa ika 120 araw ng krisis sa Marawi.  

Naitala naman sa 699 ang mga armas na narekober at nasa 1,730 ang mga sibilyang nasagip kabilang si Fr. Teresito “Chito” Soganub.  


-0-


South Cotabato Governor umapela sa mga otoridad na huwag patayin ang mga target sa kanilang anti llegal drug operation Buhayin ang mga drug personalities sa kanilang operasyon laban sa iligal na droga.

Ito ang apela ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes sa mga pulis ng lalawigan.

Ayon kay Fuentes ikinabahala kasi nito na maari ring maganap sa South Cotabato ang nangyayari sa ibang lugar na pagkamatay ng mga suspek sa drug raid ng mga otoridad.

Sinabi ni Fuentes na walang makapipigil sa gyera kontra iligal na droga at hiling nito sa mga otoridad na buhayin ang mga suspek sa kanilang anti-illegal drug operation,

Ito ang sinabi ni Fuentes kasunod ng pahayag ng PNP at Philippine Drugs Enforcement Agency na pagpapalakas ng kanilang kampanya kontra illegal na droga.

Nauna nang ipinahayag ni PDEA 12 Regional Director Gil Cesario Castro na tututukan ng ahensya ang mga high value target sa illegal drug trade.

Matatandaan na una nang nasampolan nito ang umanoy drug suspek na si Ruel “Balong” Espinosa na naaresto ng mga otoridad sa Koronadal City noong nakaraang linggo.




-0-


Tinanghal bilang 2017 Model OFW Family ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang dalawang pamilya sa rehiyon.

Kabilang sa mga pinarangalan ang pamilya ni Evelyn Camendan ng Tacurong City, Sultan Kudarat sa Land-Based Category Sinabi ni Camendan na ang parangal ay bunga ng dalawang dekadang pagtatrabaho nito bilang Overseas Filipino Worker.

Habang si Noe Diola at pamilya nito sa Pigcawayan North, Cotabato ay tumanggap naman ng parangal sa Sea-Based Category.

Ang dalawang pamilya ay magiging kinatawan ng SOCCKSARGEN sa 2017 National Model OFW Family of the Year Award sa Nobyembre.

Ang pamilya Camendan at Diola ay nangibabaw sa pitong mga nomindado.

Kabilang sa mga ito ang Janiola family ng General Santos City na Special Awardee sa Community Involvement At Somcio family ng Tamapakan, South Cotabato na Special Awardee sa Entrepreneurship.

Sinabi ni Department of Labor and Employment o DOLE 12 Regional Director Sisinio Cano na lahat ng mga nominado ay panalo dahil sa pagiging ehemplo sa komunidad.

Si Cano ang head ng screening committee na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa gobyerno at pribadong sektor.

Ayon naman kay OWWA 12 OIC Marlyn Jamero, kahanga hanga ang mga pinarangalang pamilya dahil napanatili ang pagiging buo at matatag sa kabila ng pagkakalayo.

Ang Model OFW Family of the Year award ay ginagawad sa mga OFW at kanilang pamilya na nakatulong sa komunidad at may matatag na pundasyon.

Naging batayan din ng award ang tagumpay sa negosyo at financial stability ng ng mga pinarangalan.


-0-


Makatutulong sa pagunlad ng turismo sa Region 12 ang Mindanao Land Connectivity o MindLandConn ng Department of Tourism.

Ito ay ayon kay DOT 12 Regional Director Nelly Nita Dillera.

Ayon kay Dillera ang MindLandConn ay isang hop-on, hop off concept patungo sa iba’t ibang Pit Stop bago dumeretso sa mga tourist destinations.

Sinabi ni Dillera na para sa maayos na pagpapatupad ng MindLandConn, bubuin nila ng Tourism Assistance Centers sa tulong ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.

Sinabi ni Dillera na ang mga Hop-on at Hop Off areas ay dadaanan lamang ng mga turista at hindi magsisilbing terminal ng mga bus.

Gayunpaman ayon kay Dillera, hinihikayat din ng DOT ang mga bus companies na makiisa sa proyekto na ngayon ay suportado pa lamang ng Metro Shuttle Bus.

Unang makikinabang sa MindLandConn ng DOT ang mga myembro ng Tourism Promotion Board na inaasahang dadalo sa kauna unahang Budayaw Festival sa General Santos City sa Setyembre 20 hanggang 24.

Ito ay dadaluhan ng mahigit 300 cultural masters ng Brunei, Indonesia, Malaysia at Philipinas, mga bansang kasapi ng BIMP-East Asia Growth Area.


-0-



Nilinaw ni OIC Provincial Jail Warden Juan Lanzaderas na laan lamang sa mga magasawa ang karere-novate na conjugal rooms sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Centre o SCRDC.

Sinabi ni Lanzaderas na inaayos ang conjugal room para maging presentable sa mga gagamit nito. Maliban sa sahig na pinalagyan ng tiles, bago rin ang pintura ng sampung conjugal rooms.

Ayon kay Lanzaderas ang magasawang parehong inmate sa SCRDC ay maaring gumamit sa conjugal rooms ng isang beses bawat buwan.

Ang ang preso na naman na nasa labas ng pasilidad ang asawa ay pwedeng gumamit nito ng isang beses isang lingo sa loob ng dalawang oras.

Paliwanag ni Lanzaderas ang P20.00 na bayad sa paggamit ng conjugal rooms ay inalaan sa maintenance nito.

Ayon kay Lanzaderas, layon ng conjugal rooms na mapanatiling matibay ang samahan ng magasawa sa kabila ng pagkakapiit ng mga ito.

Maliban sa conjugal rooms tapos na rin ang apat na bagong selda sa pasilidad. Layon naman nito na maibsan ang siksikan ng mga preso sa SCRDC Naglaan naman ng mahigit P2,000,000 ang provincial government para sa proyekto.



-0-


Kinilala ng Police Region Office 12 bilang Best Provincial Police Office sa buong rehiyon ang South Cotabato Provincial Police Office.

Isinagawa ang awarding ceremony kasabay ng 116th Police Anniversary sa PNP 12 Regional Headquarters sa Barangay Tambler, General Santos City kahapon.

Maliban sa South Cotabato PNP dalawang mga police unit pa sa South Cotabato ang pinarangalan. Kalakip dito ang Koronadal City Police na tinahanghal bilang Best City Police Station.

Iginawad naman ang parangal bilang Best Municipal Police Station sa Tupi Municipal Police. Ang awarding ay pinangunahan mismo ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Tiniyak naman ni dela Rosa ang pagpapatuloy ng maigting na kampanya kontra iligal na droga ng PNP.


-0-



Upang mapalakas pa ang seguridad at mapanatili ang peace and order sa Lalawigan ng North Cotabato ay nagpulong ang mga matataas na opisyal ng Phil Army at Cotabato Police Provincial Office o CPPO sa Provincial Governors Office, Capitol Compund, Brgy Amas, Kidapawan City nitong nakaraang linggo. 

Kabilang sa mga dumalo mula sa panig ng militar ay ang mga Brigade at Company Commanders ng 7th IB, 34th IB, 38th IB, 39th IB, 72nd IB at maging ang 602nd at 1002nd Brigade.

Si PSSupt Jonathan Tangonan, Acting Police Director ng CPPO ang dumalo mula sa hanay ng kapulisan habang kasama rin sa meeting ang ilang opisyal mula sa Phil. Drug Enforcement Agency o PDEA.

Ayon kay Governor Emmylou “Lala” J. Tali?o-Mendoza, kailangang mapanatili ang kaayusan o katahimikan sa lalawigan at maging handa ang militar at pulis sa anumang banta ng karahasan.

Tampok naman sa coordinative meeting ang pagsagawa ng Joint Security Coverage, Operational Plans Against Criminal Acts and Harassments.

Nagbigay din ng update ang mga opisyal ng militar at pulis patungkol sa kalagayan ng kani-kanilang area of responsibility sa naturang pagkakataon.  



-0-  


Patay ang isang 39-anyos na miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU makaraang pagbabarilin ng di pa nakilalang mga suspek sa Purok Antonio, Barangay Anapolon, Arakan, North Cotabato.

Sa report na nakarating sa Arakan PNP kinilala ang biktima na si Jeffrey Bitonio, nakabase sa CAA detachment ng Brgy. Anapolon.

Batay sa ulat, nangyari ang pamamaril alas 7:20 kahapon ng umaga. Sakay umano si Bitonio sa kanyang motorsiklo papunta sa Poblacion Proper ng ito ay pagbabarilin ng limang mga armadong kalalakihan sa nabanggit na lugar.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Patuloy namang tinutugis ang mga responsable sa krimen. Blanko pa ang Arakan PNP sa motibo sa pagpaslang sa nasabing CAFGU member.    



-0-  



Hindi na natiis ng isang misis ang higit taon ng pananakit ng kanyang mister kayat siya na mismo ang kusang nagpahuli at ipinakulong ito.

Sa naging salaysay ni aling Edna Morbo, residente ng Purok 1-a, barangay lampayan sa bayan ng matalam North Cotabato, binubugbog, sinasampal at minsan ay tinututokan pa umano siya ng kutsilyo ng kanyang mister na si Lyndon Morbo, 47 anyos sa tuwing nalalasing umano ito.

MAging ang kanilang apat na taong gulang na anak ay di rin nakaligtas sa kalupitan nito. Linggo ng gabi ay nakaranas na naman ng pananakit si Edna mula sa kanyang mister kayat nagdesisyon na itong ipakulong ang kanyang mister.

Makailang beses niya rin itong naireport sa barangay at naipablotter sa PNP ngunit nangangako naman umano ang kanyang mister na di na uulitin ang kanyang ginagawa pero hindi parin ito nagbabago at paulit-ulit na ginagawa ang pananakit.

NAgpasaklulo na sa PNP si aling Edna at kahapon sa nasabing barangay ay pinahuli niya ito sa matalam PNP. Kasong Violation against Women and Children ang kakaharapin ni Lundon na ngayon ay naka kustodiya na sa Matalam PNP Lock up cell.  



-0-  



Balak ngayon ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na maglagay ng bagong sub-station sa Kabacan, North Cotabato.

Ito ayon kay NGCP Spokesperson for Mindanao Milfrance 'Bambie' Capulong.

Ito upang matugunan ang lumalaking demand sa supply ng kuryente South Central Mindanao. Target nilang maipatayo ito bago mag 2020.

Sa ngayon kasi, nasa Nuling Substation sa Sultan Kudarat sa lalawigan ng Maguindanao kumukuha ng supply ng kuryente ang ilang bahagi ng North Cotabato.

Kung maipatupad na ito inaasahang mare-regulate ang power at aasahan ang kalidad na supply ng Kuryente.

Kaugnay nito, sinabi naman ng tagapagsalita ng NGCP na sapat sa kasalukuyang supply ng kuryente sa Mindanao. Batay sa Power Situation Outlook ng Mindanao Grid kahapon may 644 Megawatts na reserba ang Mindanao.



   
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy