NDBC BIDA BALITA (9.21.17)

NDBC BALITA  • Thu Sep 21, 2017 08:48 AM  •  130   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST SEPTEMBER 21, 2017 (THU)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. MGA TANGGAPAN at paaralan sa ARMM at ilang mga lugar sa Mindanao, walang pasok kaugnay ng pagdiriwang ngayong araw ng ‘Amon Jadid’ o Islamic New Year.  

2. NPA at Militar, nagkabakbakan sa Magpet, North Cotabato; landmine, granada at iba pang gamit ng NPA narekober  

3. Mahigit 100 libong pisong halaga ng droga, nakumpiska sa Koroandal City drug pusher 

4. Postponement ng barangay at SK elections, pinagtibay ng senado.



-0-


Ipagdiriwang ngayong araw, September 21, ng mga Muslim ang ‘Amon Jadid’ o Islamic New Year batay sa Hijrah Calendar.  

Kaya naman deklarado ang araw na ito bilang Special Muslim Holiday batay sa memorandum na inilabas ng National Commission on Muslim Filipinos sa Zamboanga Peninsula, alinsunod sa Presidential Decree 1083. 
 

Kabilang sa mga lugar na saklaw ng holiday declaration ang mga lalawigan sa ilalim ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang mga lungsod ng Cotabato, Iligan, Marawi, Pagadian, Zamboanga, Kidapawan, at Tacurong.  


-0-


Samantala, inabisuhan naman ang mga employer na mayroong mga kawaning Muslim sa buong bansa na payagang lumiban sa trabaho ang mga ito para ipagdiwang ang naturang mahalagang okasyon sa Islam. 
 

Kasabay naman ng pagdiriwang ng Islamic New Year ay idineklara rin ni P. Duterte bilang national day of protest ang araw na ito.  

Kaugnay nito ay inaasahang tatapatan ng mga Duterte Diehard Supporters o DDS ang ikinakasang rally ng iba’t ibang sector.  

Magsasagawa rin ng rally ang mga supporters ni Pangulong Duterte sa Plaza Miranda.   Ang militanteng grupo naman ay magtitipon-tipon ngayong alas-kwatro ng hapon sa Luneta Park matapos ang kanilang rally sa Mendiola.  

Una ng sinabi ng Pangulo na maging siya ay sasama din sa kilos protesta sa araw na ito.  

Ayon sa Pangulo iproprotesta niya ang mga dilawan na kasalukuyang nakaupo sa gobyerno na hindi naman niya masibak dahil sila ay protektado ng security of tenure.  

Inihayag ng Pangulo na malaya ang sinuman at alin mang grupo na maglabas ng saloobin sa gobyerno sa ilalim ng prinsipyo ng demokrasya basta walang malalabag na batas at mananatiling payapa ang mga kilos protesta.  

Magugunita na nagpalabas ng kautusan si Pangulong Duterte na nagsususpinde sa pasok sa executive branch gayundin sa pampublikong paaralan sa buong bansa kasama ang state colleges and universities para makiisa sa NATIONAL DAY OF PROTEST.


-0-

Isinasagawa ng ilang religious sector, mag-aaral ng Spotswood Methodist Center, Inc. ang Peace prayer and rally hinggil sa komemorasiyon ng Martial Law ngayong araw. 

Ang pagtitipon ay sinimulan alas 5:00 kaninang umaga sa Spotswood Methodist Center sa lungsod. Ang grupo ay mananalangin para sa maayos na pagkilos hinggil sa ideneklarang ‘Day of Protest’ ngayong araw sa bansa.

Ito upang maiwasang may masaktan o masawi sa nasabing pagkilos. Pinangunahan ni Bishop United Methodist Church President Rudy Juan ang nasabing aktibidad kasama si Framer Mella, ang President ng Spotswood college. 

Para kay Juan, ang magandang nangyari sa Martial ay ang peace and order, pero ang mga mapapait na nakaraan ng martial law ay sana di na maulit.

Nagtipon-tipon din ang mga kabataang miyembro ng youth for peace movement kaninang madaling araw dito sa lungsod na may dalang mga sulo o torch at sabay-sabay na nanalangin para sa kapayapaan sa bahaging ito ng mindanao. 

Matatandaan na nagpalabas na kahapon ng kautusan ang Malacañang na nagsususpinde sa pasok sa mga gov’t offices at klase sa public schools at state universities (SUCs) nationwide kaugnay ng “National Day of Protest”. 

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, nasa desisyon naman ng private schools at companies kung magpapatupad din sila ng suspension.    


-0-


INAASAHANG MAS MAGIGING madali na para sa mga sundalo at pulis ang pagtugis sa mga kriminal sa Cotabato City dahil sa kanilang makabagong teknolohiya na Facial Recognition System.  

Mismong si city mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang nag turnover ng naturang pasilidad sa Task Force Kutawato na pinamumunuan ni Lt. Col. Jesus Sarsagat.  

Ang naturang gadget ay may kakayahang matukoy ang mga kriminal na pinaghahanap ng batas sa pamamagitan ng facial identification or recognition base na rin sa mga larawan ng mga wanted person na hawak ng mga otoridad.  

Dumalo sa simpleng turnover ceremony sina National Intelligence and Coordinating Agency o NICA-12 Regional Director Everly Tajanlangit, 5th Special Forces Battalion Commander Lt.Col. James Uri at PDEA-ARMM Regional Dir. Juvenal Azurin.  

Kaugnay nito, umaasa naman si mayor Sayadi na mas magiging mahigpit pa ang seguridad sa syudad sa pagdating ng naturang apparatus.  



-0-



PINAL ng pinagtibay ng Senado ang panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sanang gawin ngayong Oktubre.   Labimpitong senador ang pumabor sa panukala habang si Sen. Risa Hontiveros lamang ang tumutol.  

Sa inaprubahang bersyon ng Senado, hindi isinama ang probisyon na magpapahintulot kay Pangulong Duterte na mag-appoint ng mga OIC o officers-in-charge sa mga barangay.  

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, tinanggap ng mayorya ang kanilang amyenda na tanggalin ang Section 3 o appointment ng barangay officials dahil isa raw ito sa nakikitang paraan para sa posibleng deklarasyon ng martial law.  

Ibig sabihin, mananatili sa pwesto ang mga kasalukuyang Opisyal ng barangay hanggang sa mayroong mahalal na mga bagong opisyal.  

Sa inaprubahang panukala, sa halip na sa Oktubre, isasagawa ang eleksyon sa huling Lunes ng Mayo sa 2018.  

Una rito, nagpasya ang Commission on Elections o COMELEC na iurong ang election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.  

Nauna nang itinakda ng COMELEC En Banc sa September 23 hanggang October 30, 2017 ang election period.  

Pero kinumpirma ni COMELEC Chairman Andres Bautista na napagpasyahan ng mga miyembro ng Commission En Banc na iurong ang election period sa October 1 hanggang October 30.


-0-

NAIS NA RAW sumuko sa mga otoridad ang ilang miyembro ng Maute terror group na nakikipagbakbakan sa tropa ng militar sa Marawi City.  

Sinabi ni AFP Spokesperson Restituto Padilla na ito ay base umano sa kanilang natatanggap na impormasyon sa ground.  

Kasama umanong isusuko ng mga Muate Group member ang kanilang mga armas.   Gayunman, ayon kay Padilla, nagbeberipika pa sila kung ang surrender feeler ay nanggaling talaga sa mga tunay na miyembro ng terror group.  

Tiniyak naman ni Padilla na tatratuhin nang maayos ang mga susukong combatant maging ang mga ito man ay orihinal na Maute member o mga napilitang sumanib sa kanila.  

Kasabay nito, mariini namang itinanggi ng militar na may bagong armadong grupong nabuo sa Marawi City.   Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na hindi hahayaan ng militar na panibagong armadong grupo na mabuo.


-0-


Muling naka-engkwentro ang tropa ng military laban sa pangkat ng New People’s Army o NPA sa Sitio Kinampang, Barangay Balite, Magpet, North Cotabato, pasado alas 3:00 kahapon ng hapon.

Ayon kay 39th Infantry Battalion Spokesperson Lt. Silver Adell Belvis, may presensya umano ng mga armadong grupo na namataan sa lugar.


Agad namang nagreport ang mga residente sa lugar sa mga sundalo dahilan para magsagawa ng patrol operations ang tropa ng 39th IB.


Dito na nakasagupa nila ang nasa 20 miyembro ng NPA na pinamumunuan ni Ronald Sagcaan alias Lando sa ilalim ng Pulang Bagani na sakop ng Guerilla Front 53. Tumagal ng halos labin tatlong minuto ang palitan ng putok sa magkabilang panig.

Wala namang may nasaktan sa panig ng pamahalaan. Posible namang may mga sugatan sa kalaban, matapos na mamataan sa lugar ang ilang bakas ng dugo.

15 kilos ng improvised Explosive Device o IED, granada, 100 rounds na bala ng K3 machine gun at iba pang gamit naiwan ng NPA habang tumatakas sa engkwentro laban sa tropa ng gobyerno sa Brgy. Balite, Magpet.

Agad namang nagpalipad ng dalawang helicopter bilang Combat air support ang 39th IB dahilan para umatras ang mga NPA.


Sa ngayon patuloy na tinutugis ng mga sundalo ang mga rebeldeng grupo.



-0-



Abot sa P365, 000.00 na halaga ng pera ang natangay kasama na dito ang cash donations sa pagpapa-ayos sana ng sangtuwaryo ang nalimas din sa nangyaring robbery incident sa Barangay Sibsib, Tulunan, North Cotabato.

Ayon kay PCI Michael Alupre, hepe ng Tulunan PNP nangyari ang insidente sa di malaamng oras kahapon ng madaling araw. Ang biktima kinilala kay Evelyn Carumba, 52-anyos, may asawa at residente ng nasabing lugar. Batay sa ulat, pinasok umano ng suspek ang grocery store ng biktima, sinira ang atip para gawing entry point.

Kabilang sa mga natangay ay ang P42,000 na cash donations para sana sa pag-sasa-ayos ng Sanctuary (Shrine)  sa Brgy  Lampagang ng nasabing bayan.


Bukod sa Apple Ipod na nagkakahalga ng P21,000 ay nalimas din ang personal cash ng mag-asawang Carumba na tinatayang P365,000 buhat sa kanilang grocery store.        



-0-    


Walong mga infrastructure projects ang nai-turn over sa mga munisipyo ng Matalam, Pres. Roxas, at Antipas sa lalawigan ng North Cotabato, kamakalawa.

Sa Matalam, kabilang rito ang Brgy New Abra na mayroon na ngayong bagong tayong birthing clinic na nagkakahalaga ng P1.7M at additional medical equipment na nagkakahalaga naman ng P500,000; Sitio Maligaya, Brgy Tamped, na nabigyan ng P1.7M covered court; water system na nagkakahalaga ng P600,000 para naman sa Brgy Bangbang, Matalam; P1.7M covered court para sa Sarayan elem. School, Brgy Sarayan at karagdagang P2M na multi-purpose building.

Sa Pres. Roxas naman ay nakinabang din ang Brgy Kisupaan sa bago nitong covered court na nagkakahalaga ng P1.7M, Brgy Salat na nabigyan ng P500,000 solar drier at P1.7M covered court.

Hindi naman nagpahuli ang bayan ng Antipas kung saan isang P1.7M covered court din ang naibigay sa Brgy Kiyaab.

Abot naman sa kabuuang P12.1M ang halaga ng naturang infra projects. Mismong si Gov Emmylou “Lala” J. Talino-Mendoza na nanguna sa formal turn over ng nabanggit na mga projects na una ng hiniling ng mga barangay bilang mga priority projects para sa kanilang nasasakupan.    




-0-  






-0-      



Inihanda na rin ng Kidapawan city LGU ang mga generator set na gagamitin sakaling magkaproblema sa supply ng kuryente sa limang mga testing centers para sa gagawing licensure exam for teachers dito sa Kidapawan city.

Ngayong darating na linggo September 24 ay higit limang libong kukuha ng nasabing exam sa Kidapawan city na magmumula pa sa ARMM, Davao Region at Soccsargen.

Upang masigurong walang magiging aberya sa takbo ng pagsusulit ay minabuti ng LGU na maghanda ng generator set sa mga testing centers upang hindi mabalam ang exam sakaling mawalan ng supply ng kuryente.

Magiging venue ng exam ang limang mga tertiary, secondary at elementary school campuses sa lungsod.

Para naman sa mga gustong malaman ang kanilang mga room assignment ay bisitahin lang ang website na prc.gov.ph.        



-0-


Bago tumulak patungong South Korea naglunsad pa ng fund raising activity ang Medal Kolondatal Dance and Theatre Ensemble Incorporated.

Ito ay para mapunan ang kakapusan sa budget para sa kanilang pangangailangan. Pinatunayan ng grupong ito ng mga cultural dancers sa South Cotabato na hindi naging hadlang ang mga pagsubok para makapagpakitang gilas at hangaan sa ibang bansa.

Pagkatapos ng isang linggong pagtatanghal sa iba’t ibang lugar sa South Korea nakuha ng Medal Kolondatal ang Silver Prize sa Cheonan World Dance Festival 2017. Ang Dance Festival ay nilahukan ng 13 bansa.

Tumanggap man ng $2,000 dollars na premyo, ang pinakamahalaga pa rin sa kanila ayon sa grupo ay naipakita kumpetisyon ang makukulay na kultura ng South Cotabato.

Ang Medal Kolondatal Dance and Theatre Ensemble Incorporated ay binubuo ng mga estudyante, out of school youth at propesyunal na mga performer sa lalawigan.





-0-



Welcome Home Tito Pads. Ito ang nakasulat sa malaking placard sa bukana ng tahanan ng pamilya ni Father Terisito “Chito” Suganob sa Norala, South Cotabato.

Patunay ito na sabik na rin ang mga kaanak ni Father Chito lalong lalo na ang mga pamangkin nito sa kanyang paguwi.

Ito ay matapos makawala sa pagkakabihag ng Maute-ISIS group sa Marawi City.

Ayon sa kapatid ni Father Chito na si Roqueto “Boyet” Suganob, bagama’t ipinagpasalamat ng kanilang pamilya ang paglaya ng pari hangad pa rin nila ang kalayaan ng iba pang bihag.

Saglit lamang nakausap sa telepono ni Roqueto si Father Chito. Sinabi ni Roqueto na hangad din ng pari na umuwi sa kanilang bayan sa Norala para makapagpahinga.

Ayon kay Roqueto, bagama’t wala pang katiyakan kung kelan, maghihintay pa rin sila sa paguwi ni Father Chito.

Ang mahalaga ayon kay Roqueto sa ngayon ay ligtas na sa kamay ng mga terorista ang kanyang nakatatandang kapatid.

Plano din ng pamilya Suganob na mag-alay ng thanksgiving mass na pamumunuan mismo ni Father Chito.

Matatandaan na si Father Chito at ilang mga sibilyan sa parokya nito ay dinukot sa unang araw pa lang ng pananalakay ng Maute-ISIS group sa Marawi City noong May 23.




-0-



Ipinakikita sa limang araw na Ist Budayaw Festival ang mga mayayaman at makukulay na kultura ng Brunie, Indonesia, Malaysia at Pilipinas.

Ito ang mga bansang kabilang sa BIMP-East Asia Growth Area. Sinabi ni Regional Tourism Council Chairwoman 12 Michelle Solon na itinuloy pa rin ang Budayaw Festival sa kabila ng Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay Solon ito ay patunay na nananatili pa ring normal ang pamumuhay ng mga mamamayan sa isla. Matutunghayan sa Budayaw Festival ang mga cultural performances, exhibit, lectures, workshop at community outreach tours.

Layon nito na mapaigting ang ugnayan ng mga bansa sa BIMP-EAGA sa kabila ng magkakaibang kultura. Dumalo sa Budayaw Festival ang mahigit 300 cultural Artist sa mga bansang kasapi ng BIMP-EAGA.

Inilunsad ang festival na magaganap kada dalawang taon kasabay ng pag host ng Pilipinas sa ika-50 taong aniversaryo ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.

Ang Budayaw Festival na nagsimula kahapon sa General Santos City ay magtatapos naman sa September 24. Tema nito ang “Taking Pride in the Creative Diversity of the BIMP-EAGA Region.”

Kaagapay ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA sa pagpapatupad nito ang Mindanao Development Authority, Department of Tourism XII, lokal na pamahalaan ng Gensan, at Autonomous Region in Muslim Mindanao.



-0-


Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang umanoy’t tulak, ng shabu na naaresto ng mga pulis sa Koronadal City.

Kinilala ni Koronadal City Anti Drug Abuse Council Action Officer Glorio Sandig ang suspek na si John Charles Nambong alias “Tanoy” 22 anyos, walang trabaho at nakatira sa Agreda Phase I, Subdivision, Barangay Sto. Nino sa lungsod.

Si Nambong ay inaresto matapos kumagat sa buy bust operation ng PNP sa Sueno Village, Barangay Morales, Koronadal.

Nakuha sa kanya ang isang maliit,at dalawang big packs ng suspected shabu, na nagkakahalaga ng mahigit P118,000.

Nakumpiska din ng mga pulis kay Nambong ang mga drug paraphernalia, limang piraso ng tig 500-peso bill at dalawang hundred-peso bill.

Si Nambong ay inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Koronadal PNP, City Drug Enforcement Unit, at City Anti Drug Abuse Council.




-0-



Nanatili pa ring matatag ang produksyon ng bigas sa Koronadal City. Ito ay sa kabila ng mga pagbaha at pananalasa ng peste sa ilang bahagi ng lungsod.

Ayon kay City Agriculture Officer Emelita Miguel, ito ay batay naman sa assessment ng kanilang tanggapan.

Sinabi ni Miguel na nakatulong kasi ng malaki sa mga magsasaka ang pagpapa-insure ng kanilang mga pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC.

Ayon kay Miguel para maging benepisyaryo, dapat ay makapag-enroll sa PCIC ang mga magsasaka 15 araw bago magtanim.

Ayon kay Miguel maliban sa mga pananim maari ring ipa-insure sa PCIC ang mga alagang hayop ng mga magsasaka. Sinabi din ni Miguel na libreng makapag enrol ng kanilang mga pananim o hayop ang mga magsasaka sa PCIC.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy