NDBC BIDA BALITA (9.7.17)

NDBC BALITA  • Thu Sep 7, 2017 09:08 AM  •  188   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST SEPTEMBER 7, 2017 (THU)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. PNP chief, guest of honor ng PNP 116th anniversary sa PNP-ARMM regional office 

2. Tapat na tricycle driver, pinarangalan sa Koronadal City

4. Employees Compensation Commission may paalala sa private employers sa Region 12




-0-




MAGIGING PANAUHING PANDANGAL ngayong araw si PNP Chief Director-General Ronald Bato Dela Rosa sa 116th Police Service Anniversary celebration sa PNP ARMM Headquarters, sa Camp General SK Pendatun, sa Parang, Maguindanao.  

Maliban kay dela Rosa, inaasahan ding dadalo sa naturang okasyon ang mga matataas na opisyal ng ARMM, gayan ng mga provincial governor, local chief executives at iba pang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.  

Tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Buhay ng Pulis Handang Ibuwis Para sa Katahimikan at Kaayusan ng Bayan”.  

Samantala, inaasahan na ang pagbisita ng PNP chief ay makapagpapalakas ng loob at magtataas ng moral ng mga pulis sa bahaging ito ng Mindanao.  

Ito ay lalo pa’t nahaharap ngayon sa kaliwa’t kanang kontrobersya ang pambansang pulisya dahil sa nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.  

Kaugnay nito, naka-alerto naman ngayon ang mga pulis at sundalo sa mga bayan ng Parang, Buldon, Matanog, Barira, Sultan Mastura at Sultan Kudarat para matiyak ang seguridad sa pagdating ni dela Rosa.


-0-


KALABOSO NA NGAYON ang dalawang mga drug den operator matapos madakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM katuwang ang mga pulis sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation sa Cotabato City.  

Unang naaresto sa ikinasang drug buy bust operations pasado alas syete kamakalawa ng gabi sa Brgy. Malagapas, Barangay Rosary Heights 10 ng lungsod si Mairah Akmad Amino, 26 anyos.  
Habang nakatakas naman ang asawa nitong si Saidali Kabamblan alyas Dolly matapos matunugan ang parating na raiding team.  

Nakuha mula kay Amino ang walong maliliit na sachets ng shabu, 1,600 pesos cash, at ang 500 pesos na marked money at mga drug paraphernalia.  

Samantala, pasado alas nuebe naman ng gabi kamakalawa nang madakip din ang isa pang drug den operator na si Sherma Angkay Ampuan, 26 years old at taga Purok Tres, Barangay Bagua Tres ng lungsod.  

Inaresto rin ng mga otoridad ang mga parokyano nitong sina Ibrahim Talusob, 36 at Rico Lim Balilia, 50 anyos.  

Nakuha mula kay Ampuan ang 12 sachets ng shabu, 2,500 pesos cash, at 500 pesos na marked money at drug paraphernalia.  

Sinabi ni PDEA ARMM Director Juvenal Azurin na matagal na nilang mino-monitor ang operasyon ng naturang dalawang drug den sa mga nabanggit na lugar sa syudad.  

Aniya, nadakip ang mga suspek dahil na rin sa tulong ng mga concerned citizen sa naturang mga barangay at sa mga natanggap din nilang intelligence report.  

Sa ngayon ay tinutugis pa ng mga otoridad si Saidali Kabamblan habang nasampahan na ng PATONG-PATONG na kasong may kaugnayan sa iligal na droga ang mga naarestong suspek.


-0-


BINOBOMBA NA ng AFP ang lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon gamit ang FA-50 fighter jets.  

Sinabi ni Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner na malaking pag-usad ito sa kanilang tactical operations dahil mas makakalapit pa ang tropa ng gobyerno.  

Kumpyansa rin ang AFP na tatamaan nila ang pinagkukutaan ni Hapilon sa pamamagitan ng airstrikes.  
Naniniwala rin si Brawner na makakatulong ito sa pag-supil sa mga terorista, lalo na’t tinatayang nasa 47 na mga terorista pa ang naka-posisyon sa paligid ng kanilang tina-target na lugar.  

Una ng kinumpirma ng AFP na nananatili pa rin sa loob ng Marawi City si Hapilon, habang patuloy namang binibiripika ang pagkamatay ng isa sa mga lider ng Maute terror group na si Abdullah Maute.  

Samantala, tiwala naman ang AFP na matatapos na ngayong buwan ang mahigit 100 araw nang bakbakan ng mga sundalo at Maute Group sa Marawi City.  

Ito ay matapos na natuklasan na ng militar ang paraan ng mga terorista para makapasok sa battlefield.  

Base sa report, maliban sa mga butas ng pader, dumadaan din sa isang drainage system ang mga kalaban upang makalipat ng puwesto.  

Nakakapasok din sila sa Marantao, Marawi, sa pamamagitan ng pagtawid ng Lake Lanao habang nagtatago sa water lily at floaters.  

Ginamit ng mga terorista ang drainage system upang hindi makita ng mga nagbabantay na militar lalo pa’t natatabunan ito ng mga konkretong bahay.  

Ang drainage system ng Banggolo bridge o Bayabao bridge ang dahilan kaya’t mabilis na nakakalipat ng puwesto ang mga terorista na naglalabas-pasok sa mga manhole.  

Sinabi ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr. na ikinasa na nila ang “last push” ng kanilang operasyon laban sa mga natitira pang miyembro ng Maute Group.


-0-



HINIKAYAT ngayon ni ARMM Regional Civil Security Unit chief Police Supt. Reynante Cabico ang mga gun owner na expired o paso na ang mga lisensya na samantalahin ang kanilang Provisional LICENSE TO OWN AND POSSESS FIREARM o LTOPF program.  

Ayon kay Cabico, simula August 15 ay mas pina-simple na ang renewal ng lisensya para sa mga gun owner na magtatapos naman sa November 31, 2017.  

Nabatid na kung noon ay nasa sampu ang mga pangunahing requirements para sa pag-renew ng firearms license, ngayon ay tatlo na lamang ito.  

Ito ay kinabibilangan ng accomplished application form na downloadable na online sa website na feo.csg.pnp.gov.ph, magpresinta ng kahit anong government-issued ID at magbayad ng 500 pesos na processing fee.  

Sinabi ni Cabico na ang naturang programa ay ipinatutupad sa buong bansa.



-0-


Dagdag na mga Bureau of Fire Protection o o BFP personnel.

Ito ang kailangan ng lungsod,ayon kay Koronadal City Fire Marshall, Senior Fire Inspector Jennelyn Te-elan. Sinabi ni Te-elan na bukod sa mga fire truck may dalawa pang ambulansya ang BFP Koronadal.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Te-elan nangangailangan sila ng mas maraming personnel.

Bukod sa mga ito ayon kay Te-elen aktibo rin ang emergency medical responders ng BFP sa panahon ng emergency.

Ang mga responder ng BFP ang kadalasang unang tumutulong sa mga biktima ng vehicular crash sa lungsod.

Umapela naman si Te-elen sa publiko ng tulong at palaging mag-ingat para iwas sunog. Sinabi ni Te-elan na target nito ang zero fire incident sa pagupo bilang fire Marshall ng Koronadal.

Si Te-elan ay kaisa isahang babaeng fire marshall officer sa region 12. Una itong itinalaga bilang Fire Marshall ng Alabel, Sarangani Province.

Pinalitan nito si Senior Fire Officer Reginald Legaste na itinalaga naman bilang Fire Marshall ng General Santos City.


-0-


Ang malaking multa sa mga lumabag sa anti smoking ordinance ang dahilan kung bakit tila nababawasan na ang mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Koronadal City.

Ito ay ayon kay Koronadal City Environment and Natural Resources Officer Agustus Britania. Sinabi ni Britania na maliban sa sentro ng lungsod nakatutok din ang mga enforcer ng CENRO sa mga naninigarilyo sa mga barangay.

Sa katunayan ayon kay Britania buhat ng ipatupad ang anti smoking ordinance noong Agosto abot na sa 686 na violator ang pinagmulta ng tig P500 ng CENRO.

Nakakolekta naman ng 114,O00 na multa ang lokal na pamahalaan.

Ito ay bukod pa sa mga vendor at tindahan na nahuling nagbebenta ng tingi tinging sigarilyo.



-0-



Pinatunayan ng tricycle driver na si Akhmad Watamama ng Barangay Saravia, Koronadal City na hindi hadlang ang kahirapan para gumawa ng kabutihan sa kapwa. Ito ay matapos ibalik sa may ari ang pitakang naiwan ng pasahero nito sa kanyang tricycle.

Ayon kay Watamama, nang makita ang wallet na naglalaman ng P6,000 hindi siya nagdalawang isip na ibalik ito sa may ari.

Sinabi nito na nakontak nito ang mayri ng pitaka na si Hina Lacson ng Barangay Lamian, Surallah, South Cotabato sa pamamagitan ng contact number sa ID na laman nito.

Ayon kay Watamama hindi ito ang unang beses na nagbalik siya ng gamit ng pasaherong naiwan sa kanyang tricycle.

Binigyan diin nito na ang pera lalong lalo na kung hindi pagaaari ay madaling maubos pero ang karangalan sa pagiging tapat sa kapwa ay isang katangiang hindi mawawala kailanman.

Dahil sa magandang ehemplong ipinakita nito. Si Watamama ay binigyan ng plake ng lokal na pamahalaan ng Koronadal.



-0-



Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kawani ng Land Transportation Office o LTO sa Polomolok, South Cotabato. Ito ay matapos maaresto sa anti illegal drug operation ng mga pulis sa Poblacion, Polomolok.

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Police Senior Inspector Hernan Gabat ang suspek na si Conrado Casabal, 44 anyos.

Nakuha ng mga pulis sa suspek ang dalawang sachet ng suspected shabu at P500 marked money.

Samantala inaresto naman ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 ang umanoy job order employee ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Kinilala ang suspek na si Kemberlee Hallarsis,driver , na naaresto mismo sa lugar nito sa Purok Matibay, Barangay Santa Cruz, Koronadal City.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang sachet ng umano’y shabu, P1,000 marked money at kutsilyo.

Inihahanda na ng PDEA ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban kay Hallarsis.




-0-



Dapat bigyan ng kaukulang benepisyo ang mga kawani na maaksidente habang ginagampanan ang kanilang trabaho.

Ito ang paalala muli ni Employees Compensation Commission o ECC 12 Information Officer Christopher Gamboa sa mga pampubliko at pribadong kumpanya.

Ayon kay Gamboa may benepisyo ring dapat matanggap ang mga kawani na naaksidente habang papasok ng opisina o yaong mga pauwi na mula trabaho.

Kabilang sa maaring makuha ng mga ECC beneficiary ang lost-of-income benefits, medical services,appliances at supplies, Rehabilitation Services, death at funeral benefits.

Ang Employees Compensation ay maaring i-file sa mga Regional Offices ng Government Insurance System o GSIS sa mga mangagawa ng gobyerno.

Habang ang mga kawani naman sa pribadong sektor ay maaring dumulog sa pinakamalapit na sangay ng Social Security System o SSS.

Ito ang paalala ni Gamboa sa mga kumpanya kasabay ng civil service month celebration ngayong Setyembre.


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy