Friday Dec, 13 2019 04:04:24 PM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 16, 2019)

NDBC BALITA • 05:30 AM Mon Nov 18, 2019
219
By: 
NDBC NCA

7AM NDBD BIDA BALITA

HEADLINES:

1. ALYAS "Jingle" ng Cotabato City, kalaboso sa drug buy bust operation.

2. Drayber, patay; Rubber tapper, sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Carmen, North Cotabato.

3. PROGRAMANG makakatulong sa mga drug personalities, pinaiigting sa Tacurong City.

4. PUBLIKO, PINAYUHAN ng DOH na huwag maalarma sa pneumonic plague.

 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

-0-

ARESTADO ang isang 40 anyos na lalaki sa isinagawang drug buy bust operation ng kapulisan dakong alas 3:00 ng hapon kahapon sa Purok 2, Barangay Rosary Heights 9, Cotabato city.

Kinilala ang suspek na si Eduardo Tan Yleaña Jr., alyas "Jingle", walang trabaho, may asawa at residente rin ng nabanggit na lugar.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga elemento ng Police Station 3 kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-BARMM at Regional Mobile Force Battalion ng PNP.

Ayon sa Chief Investigator ng Police Station 3 na si Police Master Sergeant Basser Lidasan, nakuha mula sa suspek ang dalawang plastic sachets ng pinaniniwalaang shabu, 500 pesos na marked money, dalawang plastic container na naglalaman ng transparent plastic sachets, at isang digital weighing scale.

Ang nasabing operasyon ay sinaksihan ni Rosary Heights 13 Barangay Chairperson Abu Mending at Hector Sarion ng Department of Justice.

Sa ngayon ay hawak na ng Police Station 3 ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

 

-0-

 

Kinumpirma ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na hinahanda na ang mga local health centers kasama na ang health personnel, barangay health workers at maging ang mga barangay officials sa lungsod para sa implementasyon ng Anti-Polio Vaccination Campaign.

Ang unang round ng "Sabayang Patak Kontra Polio" ay magtatagal ng dalawang linggo simula November 25 hanggang December 7.

Target ng Cotabato City Health Office o CHO na mabakunahan ang 33,260 infants o 59 months old pababa sa 37 nitong mga barangay.

Ayon kay Cotabato CHO Anti-polio Program Focal Person Dr. Suher Guinomla-Ibrahim, ang pangalawang round ay isasagawa sa January 6 hanggang January 18 ng susunod na taon.

Aniya, naghanda sila ng tatlong stratehiya tulad ng house-to-house vaccination, hospital immunization, rural health units, gayundin sa mga barangay health stations.

Ang pangatlo naman ay ang outreach vaccination na magaganap sa mga malls, public transport terminals, checkpoints, mga simbahan, mosque, department stores, at pati na rin sa mga grocery stores.

Inihayag ni Dr. Ibrahim na ang anti-polio vaccine ay ibinibigay sa pamamagitan ng single drop at hindi injection.

Nanawahan naman ang opisyal sa mga residente ng lungsod na ugaliing maglinis ng kanilang paligid para hindi na lumaganap ang polio virus.

 

-0-

 

PATULOY NA NAGPAPAGALING sa pagamutan ang isang batang lalaki na nagtamo ng matinding sugat sa katawan matapos mabangga ng motorsiklo dakong alas dos nang hapon kamakalawa sa National Highway na sakop ng Barangay Bugawas, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ang biktima na si NOHAIMIE LUMANDAO, anim na taong gulang, residente rin ng nasabing bayan.

Base sa inisyal na report ng pulisya, bigla umanong tumawid ang biktima sa daan habang minamaneho ni alyas "Janel" ang kanyang motortsiklo dahilan para sumalpok ito sa biktima.

Maayos namang sumuko sa mga otoridad si Janel matapos maganap ang insidente.

 

-0-

 

ISINANTABI MUNA ng Presidential Task Force on Media Security ang batikos ng ilang grupo hinggil sa kawalan umano ng aksyon sa kaso ng mga napapatay na mamamahayag sa bansa.

Ayon kay Presidential Task Force on Media Security o PTFoMs Executive Director Usec. Joel Egco, pinagtutuunan muna nila ng pansin ang kanilang trabaho lalo na ang paghahanda para sa nalalapit na promulgation ng kaso ng Maguindanao massacre.

Bagamat naiurong sa December 20, sinabi ni Egco na posibleng mapaaga ang promulgation dahil sa bakasyon ng mga empleyado ng pamahalaan sa ikalawang linggo ng Disyembre.

Ayon kay Egco, naghahanap na din ng malaking venue ang korte sa Quezon City dahil sa dami ng mga respondents, witnesses at pamilya ng napatay na 58 indibidwal kabilang na ang 32 na media practitioners noong 2009 Maguindanao massacre.

Samantala, nirerespeto naman ni Maguindanao 2nd District Representative Ismael "Toto" Mangudadatu ang hininging 30-days extension ni Quezon City Regional Trial Court Branch 211 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa Korte Suprema para ibaba ang desisyon ng kaso.

Ayon kay Mangudadatu, hindi basta-basta ang kaso lalo na at kilala ang mga taong sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Umaasa din si Mangudadatu at Egco na makakamit na ang hustisya na sampung taon na nilang hinihintay.

Kung mabibigo man, handa umano silang magbitiw sa kani-kanilang mga pwesto.

 

-0-

 

NAPIGILAN NG militar ang pagsabog ng isang Improvised Explosive Device o IED at mga armas sa President, Quirino, Sultan Kudarat.

Ayon sa report ng Philippine Army's 601st Brigade, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga sibilyan na may bombang iniwan sa gilid lamang ng kalsada sa Barangay Bagumbayan sa nasabing bayan.

Agad rumisponde ang tropa ng Philippine Army's 40th Infantry Battaion kasama ang pulisya at Explosive Ordnance and Disposal o EOD Team at pinawalang-bisa ang nasabing IED.

Di kalayuan sa iniwang bomba, nadiskubre din ang mga armas na iniwan sa isang kubo na kinabibilangan ng isang M79 grenade launcher, Caliber .22 hunting rifle, isang kalibre.45 na pistola at mga bala.

Hindi pa malaman sa ngayon ng mga otoridad kung sino ang nag-iwan ng nasabing IED at mga armas.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa bayan ng President Quirino.

 

-0-

 

120 feet Chrismtas Tree na magiging sentro ng atraksyon sa Pasko ipinatatayo ng LGU sa Koronadal City

Malaking hamon sa lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng 120 feet na Christmas Tree na unang gagawin sa Koronadal City.

Ito ang ipinahayag ni Koronadal City General Services Office o CGSO Officer Amor Panza. Ayon kay Panza sa ngayon ang 80 feet na structure na ng nasabing Christmas Tree ay naipatayo na sa City Hall grounds. Ipinahayag ni Panza na kakaiba ang ipinatatayong Christmas Tree dahil palalamutian ito ng mahigit dalawang libong mga parol.

Ang mga parol ay gawa naman ng Indigenous Peoples o IP sa syudad. Layon nito na makatulong sa kabuhayan ng mga IP Communities sa panahon ng kapaskuhan. Maliban sa higanteng Christmas Tree sa harap ng City Hall maglalagay din ang Koronadal LGU ng mga palamuting pamasko sa Rizal Park.

Paiilawan ito ng Koronadal City Government sa December 2.

Sa ngayon ay naikabit na rin ang mga makukulay na parol sa mga streetlights ng lungsod. Ang mga palamuting Pasko ay pinaglaanan ng lokal na pamahalaan ng mahigit one hundred thousand pesos.

 

 

-0-

 

Gensan LGU ikinaalarma ang lumalalang kaso ng madalas na pagliban at late na pagpasok sa trabaho ng kanilang mga kawani

Nadiskubre ang madalas na pagliban o pagpasok ng late ng kanilang mga empleyado nang suriin ng lokal na pamahalaan ng General Santos City ang kanilang daily time record o DTR. Ito ang ipinahayag ni Gensan Office of the City Mayor Executive Assistant Atty. Doan Balboa.

Ayon kay Balboa sa ngayon ay kinikilala na nila ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na palaging absent o late sa pagpasok sa trabaho.

Ipinahayag ni Balboa na makaapekto ito sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan na kanila namang ikinabahala. Ayon kay Balboa kapag nakumpleto na ng Human Resource Management Division ang listahan ng mga pasaway na mga empleyado kanila itong ipatatawag at hingan ng paliwanag.

Ipinahayag ni Balboa na magsasagawa din ng pandignig para sa mga nasabing empleyado at kanilang mga Department Heads ang Gensan local government.

Ayon kay Balboa, sa ilalim ng mga panuntunan ng Civil Service Commission, ang madalas na pag-absent at late sa trabahao ay isang mabigat na offense. Ang mga ito ay maaring maging sanhi ng suspension o dismissal ng isang government employee.

 

-0-

 

Lima pang NPA member sumuko sa militar sa Tupi, South Cotabato

Makikinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-Clip ng pamahalaan ang lima pang myembro ng New Peoples Army sa South Cotabato at Sarangani na pinakahuling sumuko sa militar. Ito ay ayon kay Philippine Army 27th Infantry Battalion Commanding Officer Lt. Col. Jones Otida.

Ayon kay Otida dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko sa kampo ng 27th IB sa Tupi, South Cotabato ang kanilang mga armas. Sinabi ni Otida na apat sa mga sumuko ay mula sa Tampakan, South Cotabato at pawang mga kasapi ng Front 74-Sub-Regional Committee Alip-Far South Mindanao Region ng NPA.

Habang ang isa namang sumuko mula sa Maasim, Sarangani ay myembro ng front 23 Sub-Regional Committee Musa-Far South Mindanao Region ng nasabing rebeldeng grupo.

Ang mga ito ay nagkukuta sa mga bundok ng Sarangani, South Cotabato at Sultan Kudarat. Sinabi ni Otida na sumuko ang nasabing mga NPA member dahil sa kahirapan ng buhay sa bundok at pagnanais na makasama muli ang kanilang pamilya.

Ayon kay Otida dahil sa suporta ng kanilang mga stakeholders sa mga programa ng pamahalaan unti unti nang nababawasan ang mga NPA members sa mga lugar na sakop ng 27th IB. Matatandaan na noong nakaraang lingo, 19 na mga myembro din ng NPA sa South Cotabato ang sumuko sa intillgence unit ng PNP 12.

 

-0-

 

Programa para makatulong sa mga drug personalities pinaiigting ng lokal na pamahalaan sa mga Barangay ng Tacurong City, Sultan Kudarat.

Patuloy na pinaiigting ng lokal na pamahalaan ang kampanya nito kontra iligal na droga sa mga barangay ng Tacurong City, Sultan Kudarat.

Nabatid na ang Community-Based Rehabilitation Program o CBRP ay nailunsad na ng Tacurong LGU sa labinpito sa dalawampung mga barangay sa nasabing syudad. Ang tagumpay ng programa ay nakasalalay hindi lamang sa mga otoridad kungdi lalong lalo na sa tulong ng kanilang mga stakeholder at depdendent ng mga benepisyaryo.

Ito ang ipinahayag ni Tacurong Mayor Angelo Montilla sa pinakahuling paglunsad ng CBRP sa Barangay New Isabela. Ang mga isinasailalim sa CBRP ay mga low risk na drug user.

Ang mga ito ay agad na inire-refer ng PNP sa Department of Health para sa drug dependency examination kasunod ng kanilang Oplan Tokhang campaign.

Ipinahayag naman ni CBRP Focal Person for Health Riza Abejero na mahigit pitong daang katao ang natukoy na Persons Who Used Drugs o PWUDs sa Tacurong City. Umaasa naman si Abejero na maipapatupad na ang CBRP sa lahat na mga barangay sa Tacurong City. D

 

-0-

 

Pagtuturo ng Agrikultura sa mga eskwelahan, pinaboran ng Deped Secretary

Dapat maagang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng Agrikultura. Ito ang ipinahayag ni Deped Secretary Leonor Briones ng dumalo sa South East Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture o SEARCA Board Meeting sa Los Banos Laguna.

Sinabi ni Briones na dapat ay isa mga pangunahiling curriculum sa Edukasyon sa bansa ang Agrikultura. Ayon kay Briones kailangan din ang maagang pagtuturo ng Agrikultura sa mga magaaral. Sinabi ni Briones na huli na kasi kapag ito ay ituturo pa sa kolehiyo.

Pero ayon kay Briones magiging posible lamang ito kung ilalakip sa curriculum ang mga pananaliksik na isinagawa ng SEARCA. Ayon kay Briones malaki kasi ang naitulong ng SEARCA sa pagunlad ng sector ng Agricultura sa Pilipinas at ASEAN.

 

-0-

 

Cotabato Electric Cooperative o COTELCO at ilang mga allied Organizations, tutulong sa “Build me a home” project sa isang Barangay, Makilala Cotabato

Pormal na pinasinayaan kahapon ng umaga ang “build me a home” program ng ilang mga foundation sa tulong na rin ang ilang mga Electric cooperatives sa Barangay Buena Vida, Makilalala, North Cotabato.

Ito ay inisyatiba na rin Makilala District Director Alfonso Jack Sandique, na layuning makatulong sa mga pamilyang lubhang naapektuhan at walang kakayahang makapagtayo ng bahay. Kabilang sa mga foundation ay ang SUCCOUR, ONE EC Network Foundation at nagpahayag naman si Cotelco General Manager na sila tutulong sa pagpapatupad ng programa.

Tutulong naman sa pamamagitan ng pagpapailaw para sa mga itatayong bahay ang National Electrification Administration o NEA at nag ambag-ambag rin ang ilang mga allied organization.

Samantala, ipinakita din kahapon sa mga dumalo sa nasabing programa ang halimbawa ng bahay na ipapatayo sa “build me a home” project habang pinangunahan naman ni Rev. Father Carlito Garcia, DCK ang blessing ceremony.

Nagpasalamat naman si Barangay Buena Vida Chairman Jaime Taguibalos dahil napili ang kanyang Barangay sa pagtatayuan ng mga bahay para sa kanyang mga nasasakupan na lubos naapektuhan ng pagyanig. Laking pasalamat din ng mga mamamayan sa mga foundation at sa lahat ng tulong upang unti-unti ng makakabalik sa normal ang kanilang pamumuhay. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Drayber patay habang rubber tapper sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Carmen, North Cotabato

Patay ang isang drayber habang sugatan naman ang kasama nito makaraang pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa Sitio Onse, Barangay Tacupan, Carmen, Cotabato alas 5:00 ng hapon kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Abil Buka Sambatuwa, 25 anyos, na taga Barangay Kitulaan habang nag nasugatan Horhanie Yusop Sandigan, 18 nayos, estudyante at residente ng Sitio Mantawil, Barangay Tacupan ng bayan.

Batay sa ulat, lulan ng motorsiklo ang dalawa mula sa Barangay Pobalcion at patungo sana sa sitio Mantawil nang dinikitan at pagbabarilin ang dalawa dahilan ng ikinasawi ng drayber at pagkasugat ng isa pa. Nakuha sa crime scene ang basyo ng caliber 45 pistol na siyang ginamit sa pamamaril habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, duguang isinugod sa pagamutan ang isang lalaki matapos tambangan ng di pa nakikilalang kalalakihan sa Barangay Katanayanan, Carmen, North Cotabato alas 8:30 kagabi. Kinilala ang sugatang biktima na si Francisco Mabanag, 51 anyos, isng rubber tapper habang maswerteng hindi nasugatan ng kanyang misis na kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.

Ayon sa report, pauwi na sana ang mag-asawa nang pagsapit sa lugar ay pinagbabaril sila ng mga suspek na mabilis ding tumakas matapos ang krimen. Sa binti tinamaan ang biktima na mabilis isinugod sa pagamutan ng mga miyembro ng 7th Infantry Battalion na siyang rumesponde sa pamamaril at nagpapagaling na ngayon sa ospital.

Nagawa pa umano ng biktima na maimaneho ang kanyang motorsiklo at natumba malapit sa sugar cane plantation at humingi ng saklolo ang kanyang asawa. Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng Carmen PNP kung ano ang motibo at sino ang responsable sa tangkang pagpatay sa mag-asawa. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

12-Milyon pesos ilalaang pondo ng LGU Tulunan sa pagbili ng lupain na tatayuan ng bahay ng mga bakwit

Abot sa labindalawang milyong pisong halaga ng lupain ang bibilhin ng Local Government Unit o LGU ng Tulunan para sa resettlement area ng mga biktimang nawalan ng bahay matapos malakas na tama ng lindol sa nasabing bayan.

Ayon kay Tulunan Mayor Pip Limbungan, anim na mga barangay sa nasabing bayan ay una nang ideneklara ng PHIVOLCS na delikadong pagtayuan ng mga bahay at istruktura dahil malapit ang mga ito sa fault line.

Dagdag pa nito na ilang mga bahagi ng barangay Paraiso, Daig at Magbok ang deklaradong no build zone, habang ang mga barangay naman ng New Caridad, Batang at Bacong ay muli nito ipapa-assess sa PHIVOLCS. Ang 12-million pesos naman na pondo ay magmumula sa perang nalikom ng local government mula rin sa mga donasyon ng iba’t-ibang ahensya, NGO, sikat na personalidad at iba pang mga LGU.

Habang may nakita na rin aniyang resettlement area ang LGU na una nang nasuri ng PHIVOLCS at ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR.

Sa ngayon kasi ayon pa kay Limbungan, nasa mahigit dalawang libong mga bahay, pampublikong gusali at mga commercial building ang tuluyan nang nasira.

Samantala, bagama’t malaki ang naging epekto ng lindol sa aspeto ng ekonomiya, pero business as usual na ang mga negosyante sa nasabing bayan kahit una nang ideneklara ang pagkasensala ng foundation anniversary na gaganapin sana sa susunod na linggo. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Makilala LGU, naghahanap na ng relocation site na paglilipatan ng mga Internally Displaced person sa nasabing bayan

Patuloy na naghahanap ngayon ang lokal na pamahalaan sa bayan ng Makilala, North Cotabato ng lugar na posibleng paglilipatan ng mga evacuees mula sa bayan.

Sinabi ni Municipal Administrator Sheryl Orbita, prayoridad anya nila sa ngayon ang mga pamilya na pasok sa No build Zone na una ng tinukoy ng Philvocs at MGB. Sa bayan ng Makilala, apat na mga Barangay ang No build zone o bawal ng pagtirikan ng istruktura o bahay.

Ito ay ang mga Barangay ng Bato, Buhay, Kabilao at Luayon habang may parte o Purok naman sa apat na iba pang mga Barangay ng bayan.

Samantala, sapat naman anya ang tulong na ibinibigay sa tatlumpung mga evacuation centers sa bayan. Sa kabuuan, mahigit sa 23, 000 na mga pamilya ang apektado sa buong bayan ng Makilala at halos 100 percent na mga bahay ang nasira. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Kalusugan ng mga bakwit sa ibat-ibang mga evacuation center sa North Cotabato, patuloy na tinutugunan ng pamahalaang panlalawigan

Bukod sa pagkain at tirahan ng mga pamilyang apektado ng lindol, isa sa mga tinututukan at binibigyan tugon ng Provincial Governmentof North Cotabato ay ang kalusugan ng mga evacuees na nasa ibat-ibang mga evacuation center ng lalawigan.

Sa panayan kay ICP spokesperson Board Member Joemar Cerebo, sinabi nitong kanila ng tinutugunan ang kalusugan at sitwasyon ng mga bakwit lalo na sa mga kabataan na madaling nagkakasakit.

Lalo na ngayong panahon na mainit at umuulan habang ang iba naman ang sinira pa ng malakas na hangin ang kanilang ginawang makeshift tents sa bayan ng Makilala.

May tinatawag na ring regional clusters na binubuo ng Department of Health o DOH, National Line Agencies, Regional Nutrition Council at iba pa.

May mga nakastandby na ring medical team sa bawat LGU at tumutulong na private individuals upang masiguro na agad na makakapagbigay ng tulong medikal para sa mga nangangailangan. Samantala tiniyak naman ng opisyal na sapat ang mga ibibigay na tulong sa mga lubos naapektuhan na pamilya lalo pa’t maraming mga indibidwal ang nagpaabot na ng kani-kanilang tulong.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

Wala pang naitatalang kaso ng "black plague" o pneumonic plague sa Pilipinas.

Ito ang tiniyak ni Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III kasunod ng dalawang naitala na kaso ng pneumonic plague sa China.

Ayon kay Duque, walang dapat ikabahala ang publiko dahil nagagamot na ang nasabing sakit at wala pang naiulat sa ngayon na may namatay na dahil dito.

Pero nilinaw nito na lumalala o kumakalat lang ang nasabing sakit kung walang bakuna o napapabayaan ang kalusugan.

Ang karaniwan umanong sintomas ng pneumonic plague ay lagnat, pananakit ng katawan, pagkahilo at pagsusuka.

Nabatid na noong 14th century, milyun-milyong mamamayan sa Europa ang namatay dahil sa nasabing sakit o tinatayang 60 porsyento ng kabuuang populasyon ng nasabing kontinente.

 

-0-

 

SAMANTALA, Ipinag-utos ng Philippine National Police ang paghuli sa mga sasakyan na hindi otorisadong ang paggamit ng blinkers at wang-wang.

Ito ay kasabay na rin ng gaganaping 30th Southeast Asian Games at ngayong holiday season.

Ayon kay PNP OIC Police Lt/Gen. Archie Francisco Gamboa, inatasan na niya ang lahat ng PNP unit commanders na mahigpit na ipatupad ang probisyon base sa "action plan against wang-wang and counterflow" at ang "Policy on the Provision of the PNP Mobile and Motorcycle Security Coverage."

Tanging mga patrol vehicles at patrol motorcycles, SOCO, SWAT, Rescue, Emergency vehicles, Fire truck, at Ambulansya lang umano ang pinapayagang gumamit ng wang-wang at blinkers.

 

 

 

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...

Mindanao checkpoints to continue even without martial law

MANILA -- Checkpoint operations in Mindanao will continue despite the lifting of martial law by year-end.

"Well definitely...