Friday Dec, 13 2019 04:45:17 PM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 18, 2019)

NDBC BALITA • 11:45 AM Mon Nov 18, 2019
242
By: 
NDBC NCA

NDBC BIDA BALITA 7 AM 

HEADLINES:

1. ARAWANG SAHOD ng mga minimum wage earner sa mga lugar na sakop ng BARMM, madaragdagan ng hanggang 20 piso.

2. BABAENG miyembro umano ng NPA, isa sa mga nasawi matapos madaganan ng kahoy dahil sa lindol sa Makilala, North Cotabato

3. Universal Health Care Program, inilunsad sa South Cotabato

4. Maguindanao 2nd District Cong. Toto Mangudadatu, handa umanong magbitiw sa pwesto kapag hindi mabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng Ampatuan massacre.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

 

MADARAGDAGAN ng hanggang 20 piso ang arawang sahod ng mga minimum wage earner sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM bago magtapos ang taong ito.

Ito ay matapos na aprubahan na ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board o BTWPB ang Wage Order No. BARMM-01 nitong November 13.

Sinabi ni BARMM Labor Minister at BTWPB-BARMM chairperson Romeo Sema na sa ilalim ng naturang wage order ang mga private agriculture at non-agriculture worker sa mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at sa mga lungsod ng Marawi at Lamitan ay tatanggap ng dagdag na 20 piso sa kanilang arawang sahod.

Kaya naman ang bagong arawang sahod ng mga ito ay magiging P300 na sa non-agriculture sector habang P290 naman kada araw sa agriculture sector.

Samantala, sa Cotabato City naman at sa 63 na mga barangay sa North Cotabato na sakop na ngayon ng BARMM, madargdagan ng P14 ang arawang sahod ng non-agriculture sector habang sampung piso sa agriculture sector.

Ayon kay Sema, magiging epektibo ang dagdag sahod pagkatapos na mabalangkas ang Implementing Rules and Guidelines nito at mailathala sa mga pahayagan sa loob ng 15 araw.

 

-0-

 

HANDANG MAGBITIW sa kanyang tungkulin si Maguindanao 2nd District Cong. Esmael "Toto" Mangudadatu kung hindi mabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng Ampatuan massacre sampung taon na ang nakakaraan.

Maalalang 58 katao, kabilang ang asawa ni Mangudadatu na si Jenalyn at iba pa nitong mga kamag-anak ang nasawi noong November 23, 2009.

Sinabi ni Mangudadatu na inaasahan nilang maglalabas na ng desisyon ang korte kaugnay sa naturang kaso pabor sa mga biktima bago sumapit ang December 20 ng taong ito.

Umaasa rin ang kongresista na walang makakalusot sa mga major suspect na ang tinutukoy ay ang ilang mga miembro ng pamilya Ampatuan na umano ay utak sa naturang karumal-dumal na krimen na itinuturing din bilang pinaka-marahas na pagpaslang sa mga mamamahayag sa kasaysayan.

Giit ni Mangudadatu, napakahirap umanong tanggapin na mapapawalang-sala at hindi mananagot sa batas ang mga suspek sa naturang krimen bagaman at napatawad na niya ang mga ito.

Samantala, nirerespeto ni Cong. Mangudadatu ang hininging 30-days extension ni Quezon City Regional Trial Court Branch 211 Judge Jocelyn Solis Reyes sa Korte Suprema para ibaba ang desisyon ng kaso.

Ayon kay Mangudadatu, hindi madali ang gagawing desisyon ni Reyes.

Dagdag pa ng kongresista, nakapaghintay na sila ng isang dekada kaya handa naman silang maghintay ng ilang araw pa.

Inaasahan namang dadalaw sa Massacre site ang mga pamilya ng mga biktima kasama ang grupo ng mga media at ilan pang mga government official para gunitain ang ika sampung anibersaryo ng Ampatuan massacre sa November 23 sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal at mga bulaklak at pagsindi ng kandila.

 

-0-

 

ABOT sa 500 mga batang atleta mula sa Cotabato city at iba pang mga bayan sa Maguindanao ang lalahok sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Sports for Peace Caravan na gagawin sa Cotabato city.

Sinabi ni Bangsamoro Sports Commission chairman Norhan Uka na dadalo ang naturang mga mag-aaral sa dalawang araw na leadership training and sports clinic upang linangin pa ang kanilang mga kakayahan sa larangan ng sports.

Dagdag pa ni Uka, layunin din ng aktibidad na ito na ilayo sa iligal na droga at violent extremism ang mga kabataan Moro, Christian at Lumad.

Nabatid na kabilang sa mga kalahok ay mga batang atleta ng basketball, Volleyball, Sepak Takraw, Football, Athletics at Chess na edad 13-16 years old. 

Ayon kay Uka, katuwang ng Bangsamoro Sports Commission ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education at Office of the BARMM Chief Minister sa pagpapatupad ng nasabing programa sa ilalim ng pangangasiwa ng National Sports Commission.

Aniya, nais nilang makilala ang BARMM sa larangan ng sports hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong Asya.

Samantala, dadalo sa opening program ng BARMM Sports for Peace Caravan si PSC chairman William Ramirez.

 

-0-

 

PATAY ang 70 taong gulang na lolo matapos na mabiktima ng hit and run sa Brgy.  Balogo, Pigcawayan, North Cotabato

Kinilala ng Pigcawayan PNP ang biktima na si Elmer Casiple Duromal, may asawa at taga Bangkal, Davao del Sur

Sa report ng pulisya, tumatawid umano sa kalsada si Duromal nang mahagip ng Bajaj motorcycle na walang plaka na minamaneho ng hindi kinilala driver na may isa pang angkas.

Nagtamo ng matinding bali sa kaliwang binti at mga galos sa iba't ibang parte ng kanyang katawan ang biktima na agad namang naisugod sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian rin ito ng buhay

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at angkas nito na tumakas patungong Cotabato City matapos na mabundol si Duromal.

Sa iba pang balita, walo katao naman ang hinuli ng Cotabato City PNP at LGU Ronda Team dahil sa paglabag sa umiiral na Curfew Hour sa lungsod nitong weekend.

Ang mga nadakip ay kinabibilangan ng tatlong mga menor de edad na mga residente ng iba't ibang mga barangay ng lungsod

Nakita umano ang mga ito ng mga otoridad na pagala-gala sa daan dis-oras ng gabi kaya sinita ang mga ito at dinala sa Police Station 1

 

-0-

 

Kinailangang bigyan ng psychosocial support services ang mga mag-aaral ng Tulunan, North Cotabato bago sila magbalik sa eskwela dahil sa trauma mula sa sunud-sunod na lindol sa kanilang lugar.

Kaya naman nitong Linggo ay nagbigay ng suporta ang Center of Psychological Extension and Research Services ng Ateneo De Davao University sa mga bata sa Tulunan para tulungan silang malimutan ang takot na idinulot ng mga lindol.

Isa ang kanilang paaralan sa malubhang nawasak ng lindol nitong October 29 kung saan may guro at mag-aaral din ang nasugatan dahil sa mga nahulog na debris mula sa gumuhong mga gusali.

Natuwa ang mga bata sa mga magic show, kantahan at sayawan.

May storytelling din at mga papremyong chocolates, candies at school supplies.

May libreng medical check-up rin at mga gamot para sa mga mag-aaral.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa ng psychosocial support services ang grupo at magpapatuloy ito hanggang sa tuluyang makarekober ang mga bata.

Sa iba pang balita, nakatakas naman mula sa mga kamay ng kanyang mga abductor ang 17 anyos na dinukot ng mga suspek habang pauwi sana mula sa kanilang paaralan sa Maramag, Bukidnon.

Ililipat na sana ng hindi pa nakikilalang nga suspek sa ibang sasakyan ang biktimang si alyas Junior nang dumating sila mula Bukidnon patungo sa Barangay Nazareth, Cagayan de Oro City.

Sinabi ni Police Staff Sgt. Jaime Ipas ng Divisoria Police Station na nangyari ang pagdukot sa biktima nang bigla itong dinampot ng isang lalaki at puwersahang binalot ang kanyang ulo at sapilitang ipinasakay sa isang van.

kwento pa ng biktima, nasa anim na oras na silang bumibyahe mula Bukidnon papunta sa Cagayan de Oro City.

Subalit nang makakita ito ng pagkakataon makatakas ay bigla itong tumakbo hanggang nakita ng nagpa-patrol na police car at tuluyang nasagip ang biktima.

Agad tinawagan ang pamilya ng biktima sa Kitaotao, Bukidnon kaya nasa ligtas na itong kalagayan sa ngayon.

 

-0-

 

Laborer sugatan matapos na pagsasakin ng isang senior citizen sa Makilala, North Cotabato

Patuloy na nagpapagamot ngayon sa ospital ang isang laborer matapos na pagsasaksakin ng senior citizen sa isang evacuation center particular sa lobb ng Green Academy High School compound Barangay San Vicente, Makilala North Cotabato alas 6:30 ng gabi noong sabado.

Sa report ng Makilala PNP, kinilala ang sugatang biktima na si Jimboy Aguan Colano, 30 anyos na residente ng Purok 7, Barangay Luayon habang ang suspek naman ay si Isaac Lara Bagyo, 61 anyos, may asawa, isang magsasaka at nakatira sa Sitio Palusok, Barangay Sta. Felomina, Makilala Cotabato.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na sumugod umano ang biktima sa nasabing evacuation center at pinaghahanap ang suspek hanggang sa nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo dahilan para kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak si Colano.

Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanyang leeg at balikat na agad namang isinugod sa ospital. Mabilis na nakapagresponde ang isang BPAT member sa lugar dahilan ng pagkakaaresto ng suspek at ngayo’y inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Energy Development Corporation balik operasyon na matapos ang nangyaring lindol

Balik normal na ang operasyon ng Energy Development Corporation o (EDC) Mount Apo Geothermal Power Plant 54.24 MW M1 at M2, na naapektuhan ng lindol matapos bumigay ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP noong October 31.

Ayon kay Romy Kee, siyang head ng Mount Apo Geothermal Project, katuwang nila sa agarang pagbabalik serbisyo ang kanilang mga partner-contractors mula NGCP at ang National Power Corporation (NPC).

Dagdag pa ni Kee na matapos ang nangyaring lindol, agad na pinagtuunang pansin ng ng EDC ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga manggagawa at maging ang mga residente ng Brgy Ilomavis, kung saan nakatirik ang naturang planta.

Nabatid na namigay rin ng pangunahing pangangailangan sa mga bakwit ang EDC gaya ng pagkain, tubigm gamot, tents at trapal maging ang mga makeshift na mga banyo para sa mahigit 4000 mga internally displaced families ng barangay Ilomavis at Balabag ng lungsod.

Ang EDC ay nag-ooperate sa 108.48-MW Mount Apo Geothermal Project na siyang nagsusuplay ng kuryente sa Mindanao. Samantala, kahit pa ideneklarang no build zone ang lugar na kinatatayuan ng nasabing planta, sinabi ni Kee na minor lamang ang danyos na natamo nito habang tinugunan naman ng NGCP ang ilan sa kanilang mga nasirang equipment.

Nilinaw rin nito na walang nangyayaring drilling o pagkukuhay malapit sa paanan ng Mt.Apo dahilan upang gumalaw ang malawak na parte ng lupain sa nasabing barangay. 

 

 

-0-

 

Pasok sa ilang mg paaralan sa bayan ng Makilala, North Cotabato, kanselado parin hanggang ngayong linggo

Pinagpaliban pa rin ng lokal na pamahalaan ng Makilala Cotabato ang klase sa ilang mga paaralan sa bayan sa lahat ng antas dahil sa mga sira na tinamo noong lindol.

Ayon kay Makilala Mayor Armando Quibod na hanggang sa Nobyembre 22 pa posibling magbubukas ang klase sa naturang bayan Narito ang mga paaralang walang pasok hanggang Nobyembre 22, 2019: Malasila Elementary School Malasila National Vocational and Technological High School Braulio Dano Elementary School Balawan Elementary School Buhay Elementary School Buhay High School Luayon Elementary School Luayon High School Sto. Niño High School Sto. Niño Elementary School Makilala Institute of Science and Technology (College Dept.) Makilala Institute of Science and Technology (SHS Dept.)

Nabatid na maraming paaralan sa bayan ang nawasak at nagkabitak-bitak dulot ng magkasunod na pagyanig kung saan pinakahuling lindol ay sa Makilala ang sentro nito. Kailangan anyang siguraduhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

Samantala, nagtayo ang Dep-Ed Cotabato at LGU ng temporary learning shelter. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Kidapaweños, nakiisa sa isinagawang prayer rally bilang paggunita ng October 16 earthquake na tumama sa lugar

Nakiisa ang taga City officials at mga mamamayan ng Kidapawan City mula sa ibat- ibang sector sa isinagawang prayer rally nitong sabado kasabay ng isang buwan na paggunita ng unang malakas na pagyanig noong October 16, 2019 na tumama sa malawak na bahagi Mindanao.

Ayon kay City Councilor Lauro Taynan Jr, layon ng aktibidad na makapagbigay ng panahon na manalangin at humingi ng proteksyon sa panginoon dahil patuloy pa rin ang mga nararamdamang aftershocks hindi lamang sa lungsod maging sa buong lalawigan.

Nagsimula ang aktibidad alas 5:00 ng hapon noong sabado sa tapat ng City hall dala ang kani-kanilang mga kandila na simbolo ng liwanag. Dagdag pa ni Taynan, sa mga kahalintulad na kalamidad dapat ay pinalalakas pa anya ang isinagawang mga earthquake drill sa lahat lalo na sa mga paaralan. 

 

-0-

 

Operation and Warning Division Chief ng PDRRMO South Cotabato nanawagan sa mga establisemento sa lalawigan na patuloy na magsagawa ng earthquake drill

Ipagpapatuloy ang pagsagawa ng earthquake drill para sa kaligtasan ng publiko. Ito ang hiling sa mga establisemento sa lalawigan ni South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Operation and Warning Chief Rolly Doanne Aquino. Sinabi ito ni Aquino matapos matuklasan sa nationwide simultaneous earthquake drill na kailangan pa ng maraming mga establisemento sa South Cotabato ang ibayong paghahanda sa lindol.

Binigyan diin ni Aquino na mayroon kasing iba na hindi sineryoso ang earthquake drill. Ayon kay Aquino may mga pagyayanig pa rin kasing nararanasan ngayon sa lalawigan bagama’t mahina lang ay kailangan pa ring paghandaan ng mga mamamayan.

 

Matatandaan na ang pagsagawa ng earthquake drill tuwing araw ng Byernes hanggang sa Christmas break ay nauna nang ipinagutos sa mga eskwelahan sa rehiyon ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo. Kasunod ito ng mga pagyanig na nakaapekto naman sa maraming mga mamamayan sa Central Mindanao.

 

-0-

 

Universal Health Care Program inilunsad sa South Cotabato

Mapapakinabangan na ng mga mamamayan ang Universal Health Care o UHC Program na kalulunsad pa lang ng Provincial Health Office ng South Cotabato. Matatandaan na ang South Cotabato ay isa sa tatlumput tatlong mga lalawigan sa bansa na napili para maging pilot area ng UHC.

Ayon kay Department of Health 12 Assistant Regional Director Dr. Fatima Emban, maswerte ang South Cotabato matapos mapili bilang unang integration site ng UHC. Ipinahayag ni Emban na ang UHC ay napakahalagang batas para sa pagpapaigting ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Ayon kay Emban isinusulong nito ang automatic coverage sa lahat ng mga mamamayan sa National Health Insurance Program o NHIP at pooling funds sa pamamagitan ng special health funds ng lalawigan. Binigyan diin ni Emban na ang resulta ng pagpapatupad ng UHC sa South Cotabato ang magiging batayan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng nasabing programa sa buong bansa.

Ang paglunsad ng UHC ay tampok sa 2019 Provincial Health Summit na pinangunahan ng Integrated Provicial Health Office ng South Cotabato sa Koronadal City.

 

-0-

 

Small Scale mining operation sa T’boli,South Cotabato pinabuksan muli ng South Cotabato Provincial Government matapos suspendihin dahil sa mga pagyanig sa Central Mindanao

Nanatiling ligtas ang mga small scale mining tunnel sa T’boli,South Cotabato kaya pinayagan ang mga ito na makapag-operate muli. Ito ay sa kabila ng mga pagyanig na naranasan sa lalawigan. Ipinahayag ito ni South Cotabato Provincial Environment and Management Officer Siegfred Flaviano.

Ayon kay Flaviano, lumabas sa kanilang assessment na walang dapat ikabahala ang mga minero sa small scale tunnel. Kinumpirma din ni Flaviano na sa ngayon ang bayan ng T’boli ay mayroon nang dalawang Minahan ng Bayan.

Ito ang mga lugar kung saan pinapayagan lamang ang small scale mining operation. Ayon kay Flaviano, tinututukan ngayon ng kanilang tanggapan ang mga mining tunnel sa labas ng mga Minahan ng Bayan. Matatandaan na dahil sa mga pagyanig sa Central Mindanao, pinsuspinde ng Provincial Environment and Management Office ang small scale mining operation sa T’boli.

 

-0-

 

DSWD 12 Regional Director hiniling sa mga katuwang na grupo na paigtingin pa ang pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan sa rehiyon

Paigitingin pa ang pagbibigay ng serbisyo lalong lalo na sa mga pinakamahihirap na komunidad. Ito ang hiling ni Department of Social Welfare and Development 12 Regional Director Cezario Joel Espejo sa mga dumalo sa capability building on resource mobilization na pinangunahan ng ahensya sa General Santos City.

Ang isang araw na aktibidad ay nilahukan ng mga myembro ng Area Based Standard Network o ABSNET. Ang ABSNET ay grupo ng mga Non-Government Organizatons, People’s Organization at local government na may accreditation sa DSWD.

Ayon kay Espejo ang ABSNET ay may mahalagang papel sa isinusulong ng DSWD na makatulong sa pangunahing pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan. Kaugnay nito ipinahayag naman ni ABSNET Focal Person Camalia Taha na nagsagawa sila ng operation mercy sa mga nilindol na mamamayan sa Makilala, North Cotabato noong Sabado.

Ayon kay Taha ang kanilang grupo ay namigay ng mga supplies sa mahigit 1,600 na mga kabataan at tatlong daang pamilya na apektado ng lindol sa nasabing lugar.

 

-0-

 

Tulong sa mga magsasaka at mangngisda na apektado ng lindol sa North Cotbato, tiniyak ni Secretary Dar ng Department of Agriculture

Mabibigay ng agricultural aids sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng lindol sa North Cotabato ang Department of Agriculture .

Ayon kay DA Secretary William Dar layon nito na matulungan ang mga mamamayan na nawalan ng kabuhayan dahil sa lindol na makapagsimula muli.

Ito ang tiniyak ni Dar sa kanyang pagbisita sa Makilala Institute of Science and Technolgy Campus Evacuation Center sa bayan ng Makilala. Ang mga bakwit dito ay mula sa mga barangay ng Buhay at Indangan na labis na naapektuhan ng mga pagyanig. Pinangunahan din ng kalihim ang pamimigay ng mahigit limang daang relief packs sa mga bakwit.

Ipinahayag din ni Dar na nagpapatuloy ang assessment ng DA sa kasiraang naidulot ng lindol sa mga proyektong pang-agrikultura sa Central Mindanao. Tumungo ang nasabing DA Secretary sa North Cotabato upang makita mismo ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda na apektado ng mga pagyanig.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

 

Pansamantalang ipinatitigil ni Pangulong Duterte ang pag-angkat ng Pilipinas ng bigas mula sa ibang bansa.

Ito ay sa gitna ng hinaing ng mga magsasaka kasunod ng pagbagsak ng farm gate price ng palay dahil sa pagbaha ng imported na bigas sa merkado.

Sinabi ng pangulo na dapat simulan na ng gobyerno ang pagbili ng lokal na mga bigas bilang tulong sa mga magsasaka.

Sa iba pang balita, thirty-six percent ng mga Pinoy adults ang nagsabing bumuti ang lagay ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan.

Batay sa third quarter survey ng Social Weather Stations o SWS, umabot naman sa 25 percent ang nagsabing naging mas masama ang kanilang buhay ngayon dahilan para maitala ang Net Gainers score na positive 11.

Ang third quarter Net Gainers score ay mas mababa sa positive 13 at positive 17 na naitala noong June at March 2019 ngunit pare-parehong nasa klasipikasyong Very High pa rin naman.

 

-0-

 

 

 

Sa kabilang dako naman, nais ng PNP na wag ng manghimasok si Vice President Leni Robredo sa war on drugs ng pamahalaan na may kinalaman sa law enforcement.

Ito ay sa kabila naman ng pagiging co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD ni Robredo.

Ayon kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa, dapat ipaubaya na lang ni Robredo ang law enforcement activities sa pulisya at sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Giit ni Gamboa, hindi naman sinasabing huwag nang pakialaman ni Robredo ang sistema sa pagsugpo sa iligal na droga ngunit dapat ay ituon na lamang nito ang pansin sa pagtaguyod sa justice, advocacy at rehabilitation clusters ng ICAD.

 

BARMM holds 1st food security summit

COTABATO CITY — The Bangsomoro Government's Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) spearheaded the conduct of the first ‘...

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...