Tuesday Feb, 25 2020 11:17:55 AM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 19. 19)

NDBC BALITA • 15:30 PM Tue Nov 19, 2019
369
By: 
NDBC NCA

7 AM BIDA BALITA 

HEADLINES:

1. KLASE sa lahat ng antas sa Cotabato city at mga karatig na lugar, suspendido ngayong araw dahil sa naramdamang lindol kagabi.

2. Ina ng isang pastor, sinaksak dahil napagkamalamang aswang sa Magpet, North Cotabato

3. Lalaking nakamotorsiklo, patay sa pamamaril sa Surallah, South Cotabato

4. PNP, bumili ng TATLONG BILYONG pisong halaga ng mga bagong armas at sasakyan.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

-0-

 

NIYANIG ng Magnitude 5.9 na lindol ang Kadingilan, Bukidnon pasado alas nuwebe kagabi.

Sa ulat ng PhiVolcS, ang naturang lindol ay may lalim na siyam na kilometro at tectonic ang pinagmulan.

Naramdaman ang Intensity 5 sa Kadingilan, Damulog, Kalilangan, Talakag at Valencia City, Bukidnon; Kidapawan City at Marawi City.

Intensity 4 naman ang naramdaman sa Impasugong, Bukidnon, Cotabato City, Davao City, Koronadal City, Malungon, Sarangani at Cagayan de Oro City.

Habang Intensity 3 sa Kiamba, Sarangani, General Santos City at Mambajao, Camiguin.

Naramdaman din ang Instrumental Intensity 4 sa Kidapawan City habang Instrumental Intensity 3 naman sa Davao City.

Ayon sa Phivolcs, inaasahan pa ang mga aftershock.

 

-0-

 

Samantala, dahil sa naramdamang lindol kagabi ay pansamantalang pinalabas ang mga pasyente ng Cotabato Regional Medical Center.

Gayunman, agad ding pinabalik ang mga ito pagkatapos ng 30 minuto.

Kaugnay nito, inanunsyo naman ni Cotabato city mayor Cynthia Guiani na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa lungsod ngayong araw, November 19.

Ito ay para mabigyan ng pagkakataong masuri ng Cotabato City Public Safety Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office at City Engineering Office kung ligtas pang gamitin ang mga school building pagkatapos ng lindol kagabi.

Tiniyak naman ni mayor Guiani na nananatiling alerto at naka-antabay ang City Public Safety Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon sa alkalde, patuloy na nagmomonitor ang naturang mga tanggapan para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan ng lungsod sa panahon ng kalamidad.

 

-0-

 

PUSPUSAN naman ang ginagawang paghahanda ng Cotabato City Schools Division para paghandaan ang mga kalamidad tulad ng lindol.

Sinabi ni City Schools Division Superintendent, Concepcion Balawag na nakikiisa ang mga pampublikong paaralan sa mga isinasagawa na Earthquake Drill tulad ng ginagawa ng mga Guro at Mag aaral ng Cotabato City National High School -Main Campus.

Bukod sa "Duck, Cover and Hold" ay itinuturo rin sa mga mag-aaral ang mga ligtas na lugar na maaaring puntahan sakaling makaranas ng malakas na lindol.

Ayon kay Balawag, Sa ganung paraan ay malalaman ng mga guro at mag-aaral kung ano ang mga dapat gawin at mailigtas ang kanilang sarili.

Maliban dito, sinabi ni Balawag na nakatakda na ring ayusin ang mga school building na una ng tinukoy bilang “unsafe o unfit for occupancy” matapos na makitaan ng mga bitak.

Samantala, kahapon ay isinagawa rin ang isang Earthquake at Fire Drill sa Notre Dame University pasado alas otso ng umaga.

Paraan din ito ng unibersidad para masigurong handa ang kanilang mga guro at mag-aaral sa panahon ng kalamidad.

 

-0-

 

Guro patay habang apat na iba pa sugatan matapos masangkot sa vehicular crash sa Pikit, North Cotabato

Dead on arrival sa pagamutan ang isang guro habang sugatan naman ang apat na iba pa kabilang ang drayber matapos na bumangga ang pampasaherong van sa isang bahay pahingahan sa National Highway Barangay Dalingaoen,Pikit Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Leonila Salang Fernandez, guro ng isang paaralan sa Cotabato City at residente ng Amhersia St. NovaTierra Village Lanang Davao City habang ang nasugatan ay sina Juvil Hermosura ng Surallah South Cotabato, Czyrie Jade Cariaso na taga Upi Maguindanao, Kamesa Pananggilan ng Kabuntalan, Maguindanao.

Ayon kay Police Staff Sergeant Ibrahim Langaban Mandas traffic investigator ng Pikit PNP, alas 3:00 ng madaling araw kahapon habang binabaybay ng Toyota van na inamaneho ni Celso Geromo Gerago Jr ang National Highway galing Davao City at patungo sana sa Cotabato City.

Nang pagsapit sa lugar, iniwasan anya ng drayber ang tumatawid na aso hanggang sa nawalan siya ng kontrol at bumangga bahay pahingahan o purok sa lugar.

Dahil sa lakas ng impact, patay ang guro na papunta na sana ng kanilang paaralan at ikinasugat ng apat na iba pang pasahero. Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa nasabing aksidente. NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

 

Barangay Kagawad, patay sa panibagong kaso ng pamamaril sa Kabacan, North Cotabato

Patay ang opisyal ng Barangay makaraang pagbabarilin ng di pa kilalang suspek sa Barangay Lower Paatan, Kabacan Cotabato alas 3:20 ng hapon kahapon. Nakilala ang nasawing biktima na si Freddie Balansiawan, Kagawad ng Barangay Cuyapon ng nasabing bayan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Kabacan Police, lumalabas na lulan ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ng di pa kilalan suspek.

Mabilis ding tumakas ang umano’y apat mga suspek na mga responsible sa pamamaril patungo sa Barangay Cuyapon habang narekober sa crime scene ang mga basyo ng caliber 45 pistol. Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng PNP sa kung ano ang motibo at sino ang responsable sa pagbaril at pagpatay sa nasabing opisyal.

 

-0-

 

Panibagong investment scheme sa Kidapawan City, binuwag ng PNP Sa bisa ng warrant of arrest,

Hinalughog ng Regional Intelligence Division at ng Kidapawan City PNP ang tanggapan ng isang investment shceme pasado alas dos ng hapon kahapon sa Salcedo Subdivision, Sudapin, Kidapawan City.

Ayon sa PNP na ang Spatial Distribution Trading and Construction Corporation ay matagal na nilang minanmanan na sangkot sa investment scheme kung saan abot na sa libo-libo katao ang miyembro nito.

Sinabi naman ni Kidapawan City PNP Chief Lt.Col. Rammel Hojilla na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung sino ang nasa likod ng nasabing money investment scheme dahil ito ay isang korporasyon, ibig sabihin marami ang nasa likod ng pagpapatakbo nito.

Lumalabas din sa ulat na ang ang Spatial Distribution Trading and Construction Corporation ay dati umanong Kabus-Padatuon Community Ministry International o KAPPA.

Abot naman sa 340-Thousand pesos ang perang nakumpiska ng raiding operatives kasali na ang ibang mga dokumento na siyang magpapatunay na nag-ooperate ang nasabing investment scheme. Samantala, muli namang nagpaalala ang mga otoridad na huwag nang pumasok sa mga ganitong uri ng investment upang hindi na masayang ang perang kanilang pinaghirapan. N

 

-0-

 

 

Mga paaralan sa bayan ng Tulunan, deklaradong walang pasok ngayong araw kahit pa kanselado na ang municipal fiesta

Bagama’t kanselado na ang pagdiriwang ng founding anniversary sa bayan ng Tulunan ay deklarado pa ring walang pasok sa lahat ng antas sa parehong pribado at pampublikong paaralan ngayong araw.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 89 series of 2019 na inilabas ni Tulunan Mayor Pip Limbungan, nakasaad na ang pagsuspendi ng klase ngayong araw kahit pa wala ng selebrasyon , ay isang pagbibigay daan sa pagdiriwang ng pagkakaisa at pagtutulungan ng kanyang mga mamamayan sa kabila ng pagtama ng malalakas na lindol sa kanyang bayan.

Nabatid na ngayong araw ang ika-58th Founding Anniversary at 2nd Tulun Kastifun Festival ng nasabing bayan pero dahil sa tatlong magkakasunod na malalakas na lindol na tumama rito ay kinansela ng Sangguniang Bayan ang lahat ng aktibidad at selebrasyon upang pagtuonan ng pansin ang mga mamamayang labis na naapektuhan ng lindol.

Tema ng kanilang selebrasyon ay: Tulanan @58: “2nd Tulun Kastifun” a Great Gathering of Grace-Turismo kag Kaumahan, Merkado kag Kadalanan. Itinatag ang bayan ng Tulunan noong 1961 sa bisa ng Executive Order No. 144. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Matandang babae na pinagdudahang aswang ng ilang mga residente, patay ng pagsasaksakin sa isang barangay sa Magpet, North Cotabato

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 75-anyos na lola ng hindi pa kilalang mga suspek gabi nitong linggo sa Sitio Natutungan, Brgy. Bagumbayan, Magpet, North Cotabato.

Kinilala ni Magpet PNP Chief Police Captain Rolando Dillera Jr. ang biktima na si Victoria Saavedra, byuda, walang trabaho na residente ng Brgy. Santo Niño, Arakan, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng PNP, iniwan lamang ng kanyang anak na si Angeles Terania ang kanyang ina, hapon nitong linggo sa nasabing lugar ngunit nang balikan nito pasado alas 10 ng gabi ay naliligo na ito sa sarili nitong dugo at wala ng buhay.

Lumalabas din sa inisyal na ulat na abot sa 16 na saksak ang natamo ng matanda mula sa kanyang kaliwang dibdib at balikat.

Patuloy pa ngayong tinututukan ng Magpet PNP ang iba pang anggulo sa naturang krimen. Samantala, lumalabas naman sa kanilang inisyal na ulat na kaya pinaslang ang nasabing matanda dahil pinagdududahan itong aswang ng ilang mga residente sa nabanggit na lugar.

Ayon kasi sa ulat na ipinarating ng kanyang anak sa PNP na may sakit umano sa pag-iisip ang kanyang ina, bagay rin na posibleng naging dahilan ng mga residente na pagdudahan ang matanda. Sa ngayong may mga person of interest na ang pulisya na posibleng sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Hindi naman makapaniwala ang anak ng biktima na isang pastora sa sinapit ng kanyang ina.

 

-0-

 

NAGPOSITIBO sa paggamit ng iligal na droga ang sampung mga kawani ng Cotabato City Government base sa resulta ng isinagawang Surprise Mandatory Drug Test noong nakaraang buwan.

Nabatid na isa sa mga dating regular employee ng City Engineering Office na si Eduardo Yleana ang nag-resign sa trabaho matapos na magpositibo sa drug test.

Noong nakaraang Biernes ay nahuli si Yleana sa inilunsad na buy bust operation ng mga otoridad sa lungsod.

Ang City Government ay mayroong 2,200 employees at mahigit 90% na ay sumailalim sa mandatory drug test kaya tanging ang mga kawani na lamang na naka -sick leave at vacation leave ang hindi pa nakapag drug test.

Samantala, pinayuhan naman ni City Administrator, Dr. Danda Juanday ang lahat ng mga kawani ng City Government na sumunod sa Drug-Free Workplace Program na pangunahing Isinusulong ni Mayor Guiani at nang Duterte Administration.

Sinabi ni Juanday na dapat na maging mabuting halimbawa ang mga kawani ng pamahalaan lalo’t sila ang nagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.

 

-0-

 

NANGANGAILANGAN ng Mahigit 500 Volunteer Health Workers ang Cotabato City LGU na magiging katuwang ng City Health Office sa ilulunsad na "Sabayang Patak Kontra Polio" sa darating na November 25 hanggang December 7 sa 37 mga barangay ng Lungsod.

Sinabi ni Cotabato City Administrator, Dr. Danda Juanday na mangangailangan sila ng mahigit 20 volunteers sa kada barangay para sa isasagawang House to house campaign, at paglilibot sa mga Mall, Terminal at iba pang mga pampublikong lugar.

Ayon kay Juanday, nais ng city LGU na makamit ang target na 95 percent na accomplishment rate sa Polio Immunization Program.

Sa Round 1 ng programa, hangad ng City Health Office na mabigyan ng polio vaccine ang nasa hiit 33 libong mga kabataang edad 0 to 59 Months old sa lungsod.

Gagawin naman ang Round 2 sa January 6 -18, 2020.

Nabatid na sa ngayon ay nananatiling Polio-Free ang Cotabato city matapos na wala pang naitalang kumpirmadong Polio Case sa syudad.

 

-0-

 

Kritikal ang kondisyon ngayon ng isang construction worker matapos pagbabarilin sa Barangay Capiton, bayan Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ang biktima na si Khalid Mupak, 40 anyos, may asawa, at taga Brgy. Taviran ng nabanggit na bayan.

Kwento pa ng mga kaanak ng biktima, nangyari ang pamamaril pasado alas Syete ng gabi kamakalawa habang kumakain ang biktima sa loob ng bahay ng suspek gamit ang cal. 45 pistol

Mabuti na lang umano at natapik ng biktima ang pistola kaya hindi siya tinamaan sa ulo.

Mabilis namang tumakas ang suspek na umano ay kuya ng kanyang kaibigang babae ngunit di naman kinilala sa report.

Desidido naman si Mupak na magsamapa ng kaso laban sa suspek na ngayon ay pinaghahanap na ng mga otoridad.

 

-0-

 

Lalaki na nakamotorsiklo patay sa pamamaril sa Surallah, South Cotabato

Binaril ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo sa Barangay Libertad, Surallah, South Cotabato.

Ito ang lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis.

Kinilala ng Surallah PNP na pinamumunuan ni Police Major Efren Salasar Jr. ang biktima na si Elico Good, 35 years old, at  nakatira sa Quezon City.

Nabatid na habang nagmamaneho ng motorisklo mula sa karatig bayan ng T’boli, si Good ay binaril ng  isa katao na bigla na lamang lumitaw sa kanyang daanan pagsapit sa nasabing barangay.

Ang biktimang si Good ay dead on arrival sa Upper Valley Community Hospital sa Surallah.

Sanhi ito ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang likod at dibdib.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang dalawang basyo ng 45 pistol at motorsiklo ni Good.

Hindi pa batid ng mga pulis kung sino ang salarin at ano ang motibo nito sa pagpatay sa biktima.

 

-0-

 

Rekomendasyon na pagbawi ng martial law sa Mindanao ipinauubaya na  ng PNP 12 sa kanilang national headquarters.

Nasa matataas na opisyal ng PNP ang  desisyon kung  magrerekomenda ang mga ito ng extension ng martial law sa Mindanao.

Ito ay ayon kay PNP 12 public information officer Lt. Col. Lino Capellan.

Ayon kay Capellan, naghihintay pa sila ng resulta ng assessment sa peace and order situation sa Mindanao mula sa PNP national headquarters.

Sinabi ni Capellan, trabaho lamang ng PNP 12 ang amagbigay ng datus  na magiging batayan desisyon ng top PNP Officials.

Kaugnay nito ipinahayag ni Capellan na bumaba ang bilang mga krimen sa Soccksargen simula nang magdeklara ng martial law sa Mindanao noong May 2017  si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Capellan patunay ito na malaking tulong sa pagkakaroon ng matiwasay na rehiyon ang martial law .

Ipinahayag ni Capellan na kaakibit kasi ng martial law declaration ang paglalagay ng mas maraming mga checkpoints, pagpapatiging ng pagtugis sa mga myembro umano ng teroristang grupo, at  kampanya kontra iligal na droga.

Ayon kay Capellan matiwasay ang buong region 12 at ginagawa ng PNP ang lahat para ito ay mapanatili.

 

-0-

 

Outstanding Anti-drug Abuse Council sa South Cotabato pinarangalan bilang kabahagi ng Drub Abuse Prevention and Control Week Celebration sa lalawigan

Tinanghal na First Place sa Search for 2019 Most Outstanding Anti-Drug Abuse Council sa lalawigan ang Surallah, South Cotabato.

Ang nasabing bayan ay tumanggap ng 500 thousand pesos cash prize.

Nasa second place namn ang  bayan ng Sto. Nino na tumanggap ng 400 thousand pesos.

Ang nasa third place na bayan ng  Norala ay nabigyan ng 300 thousand pesos, 200 thousand pesos ang fourth place na Tantangan at 100 thousand pesos ang nasa fift place na bayan ng Banga.

Sa awarding ceremony kahapon, ang Best DARE Officer Award ay iginagawad naman kay Police Executive Master Sergeant Ricky Feren.

Best Barkada Kontra Droga o BKD Implementer si John Porras ng bayan ng Sto. Nino, Best Rehabilitation and Integration Cluster  ang Municipal Anti-drug Abuse Council ng Polomolok at Outstanding Secretariat Office ang MADAC  ng Surallah.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. layon ng Search for Outstanding Anti-drug abuse Council na kilalanin ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na may pinakamatagumpay na programa laban sa iligal na droga.

Umaasa si Tamayo na magsilbi ring magandang halimbawa sa iba pang mga local government units ang mga awardee.

Isinagawa ang awarding ceremony kasabay ng paglunsad ng Drug Abuse Prevention and Control Week Celebration sa Koronadal City kahapon .

 

-0-

HIV cases sa lungsud bumaba, ayon sa Office Nurse Supervisor ng city health office ng Koronadal

Nakapagtala ng pitong kasong Human Immunodeficiency Virus o HIV ang City Health office ng Koronadal mula Enero hanggang ngayong Nobyembre.

Mas mababa ito sa dalawamputwalo katao na nagpositibo sa HIV  sa lungsod noong 2018.

Ito ay ayon kay Koronadal City Health Office Nurse Supervisor Mylene Sillote.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Sillote na tuloy pa rin ang kanilang information dissemination at counselling.

Layun nito na mahikayat ang mga mamamayan sa syudad na magpa HIV Test at upang magabayan din ang mga nag- positibo sa nasabing karamdaman.

Binigyan diin ni Sillote na bagama’t wala pang lunas, mapipigilan ang pagkalat ng HIV virus sa pamamagitan ng pag-inom ng libreng anti-retro viral drugs.

Ayon kay Sillote walang dapat ikabahala ang mga may HIV na dudulog sa HIV/Aids Core Team o  HACT clinic dahil mananatiling confidential ang kanilang pagkakakilanlan.

Umapela din si Sillote sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan upang  mawakasan ang stigma at makapamuhay ng normal ang mga persons living with HIV/AIDS.

 

-0-

 

Pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan  sa mga liblib na lugar ng lalawigan, tututukan ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato

Mararating ng sebisyo ng pamahalaan maging ang mga pinakaliblib na mga  lugar sa South Cotabato lalong lalon na ang Barangay Ned Lake Sebu.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ito ang napagusapan sa pagpupulong ng mga kasapi ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Ayon kay Tamayo, ito ay matapos irekomenda ng sumukong NPA member na dapat matulungan ang mga bata sa mga malalayong lugar sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tamang edukasyon.

Sinabi ni Tamayo na  hiniling na nito sa Technical Education and Skills Development Authority na huwag mapili sa pagpapatupad ng kanilang mga programa.

Ayon kay Tamayo, hihilingin din nito sa Deped 12 ang pagtatayo ng mga eskwelahan sa mga lugar sa lalawigan kung saan hirap makababa para magaral ang mga estudyante.

Ipinahayag din  ng nasabing gobernador na hihilingin din nito sa mga government agency na magtulungan para mas makapagbigay pa ng serbisyo sa mga mamamayan sa mga liblib na lugar.

Ito ay bilang pagtalima na rin sa  Executive Order Number 70 o whole of the nation approach ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iniuutos nito sa lahat ng mga sangay ng gobyerno na bumaba sa mga komunidad.

 

-0-

 

NAKUHA ng mga sundalo ng Army’s 37th Infantry Battalion ang mga high powered firearm sa dating pinagkukutaan ng mga komunistang NPA habang nagsasagawa ng operasyon sa Sitio Kuden, Barangay Batang Baglas, Palimbang, Sultan Kudarat pasado alas onse ng umaga nitong Sabado.

Sa naantalang report ng AFP Western Mindanao Command, ang mga narekober na armas ay kinabibilangan ng dalawang M16 rifles, isang improvised M79 at isang Cal .22 rifle.

Nabatid na ang naturang kampo ay mayroong mahigit kumulang isang daang bunkers na gawa sa indigenous materials; foxholes, classrooms/multi-purpose structures na may mga upuan at improvised balckboard; obstacle courses; mga dokumento at tourniquet.

Naniniwala naman si 37th IB commander Ltc. Roberto Go Jr. na matapos nilang mapasok ang kampo ng mga Komunistan noong October 24 ay mayroon pa rin umanong natirang mga armas na nakatago sa lugar.

Pinuri naman ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang patuloy na tagumpay ng Regional Task Force to End Local Armed Conflict laban sa mga Komunistang grupo sa South Central Mindanao.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, nilinaw ng Cagayan de Oro city PNP at Maramag, Bukidnon PNP na hindi dinukot at gawa-gawa lamang ng 17 anyos na mag-aaral ang senaryong umano ay sapilitan itong ipinasakay sa pribadong sasakyan mula sa labas ng paaralan sa Maramag, Bukidnon at dinala sa Cagayan de Oro City.

Sinabi ni Maramag Police Station commander Police Maj Gil Agpaoa na maraming ‘inconsistencies’ sa mga pahayag ni Kyle Brent Asedilla na taga- Kitaotao, Bukidnon kaugnay sa unang napaulat na dinukot siya ng ilang mga lalaki mula sa Philippine Community College.

Tuluyan ng isinara ng PNP ang imbestigasyon at nilinaw na walang kidnapping na nangyari.

Sinabi ni Agpaoa na sumama lamang pala sa mga barkada si Asedilla papunta sa Cagayan de Oro City taliwas sa mga naglabasan na mga ulat na nakatakas ito mula sa kanyang mga abductor.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

 

Bumili ang PNP ng tatlong bilyong pisong halaga ng mga bagong kagamitan para sa pagpapaigting ng kanilang operasyon.

Personal na sinaksihan ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang blessing sa mga police equipment sa PNP Grandstand sa Camp Crame, Quezon City kahapon.

Nagmula aniya ang pondo nito sa Capability Enhancement Program 2012-2016, 2018, at 2019; Regular Agency Fund 2018; Presidential Contingency Fund at APEC 2015.

Ayon naman kay Gamboa, magagamit ang mga bagong police equipment para sa pagpapaigting ng firepower, mobility at tactical capabilities ng kanilang hanay.

Sa iba pang balita, nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang utos mula kay Pangulong Duterte na suspindihin ang rice importation ng bansa.

Unan kasing napaulat na sinabi umano ng pangulo na hihinto na ang bansa sa pag-aangkat ng bigas dahil sa epekto nito sa mga lokal na magsasaka na labis nang nalulugi.

Matatandaang kamakialan lamang, inulat ng United States Department of Agriculture-Foreign Agriculture Service, naungusan na ng Pilipinas ang China bilang pinakamalaking rice importer sa buong mundo.

 

-00-

Sa kabilang dako naman, aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang magkaroon ng Malasakit Centets ang lahat ng ospital na pinapatakbo ng Department of Health na magtatag ng Malasakit Centers.

Pumasa ang House Bill 5477 sa botong 185 na yes, 1 na no at 7 na abstain.

Sa ilalim ng panukala, ang Malasakit program ay pamamahalaan ng DOH.

Ang Malasakit Center ang nagsisilbing one-stop shop para sa mga mahihihirap na pasyenteng nais humingi ng tulong medikal at pinansyal mula sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno.

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

Cotabato Light says its payment and customer service office open today

COTABATO CITY - The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) has announced that its Collection and Customer Service office located at Al...

Mag-asawa sa Koronadal City, pinagsasaksak at napatay, suspek nahuli

KORONADAL CITY - Patay na nang datnan ng "drier caretaker" ang mag-asawang matatanda sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Magsaysay, Koronadal...

6-member drug dealing gang surrender in Radjah Buayan

MAGUINDANAO --- Six drug dealers pledged to reform for good over the Qur’an Monday, three days after authorities shot dead two heavily-armed...