Friday Dec, 13 2019 04:41:45 PM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 21, 2019)

NDBC BALITA • 10:30 AM Thu Nov 21, 2019
232
By: 
NDBC NCA

NDBC BIDA BALITA 7 A.M.

HEADLINES:

1. 50 sachets ng shabu, nasamsam ng mga otoridad matapos lusubin ang bahay ng isang sundalo sa Midsayap, North Cotabato.

2. DALAWANG mga alkalde sa South Cotabato na nasa narcolist ni Pangulong Duterte,  patuloy umanong mino-monitor ng PDEA 12.

3. MIEMBRO ng NPA na pumaslang sa isang sundalo sa Magpet, North Cotabato, muling sumuko pero nagpakamatay sa loob ng bilangguan ng Magpet PNP

4. MGA PINOY, mas may tiwala pa rin umano sa US kaysa China, ayon sa SWS survey.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

NILUSOB ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12, PNP Special Action Force at Midsayap PNP ang bahay ng isang dating sundalo sa Midsayap, North Cotabato pasado alas tres ng madaling araw kanina.

Sinabi ni Midsayap PNP chief police Lt. Col. John Calinga na pinasok nila ang bahay ng suspek na si Mark Macasarte, 34 years old na taga Barangay Bual Norte, Midsayap.

Nakuha mula sa suspek ang 50 sachets ng shabu, granada, tatlong magazines ng M-16 rifle, isang 9mm pistol at mga bala nito.

Ayon kay Calinga, ang nadakip na suspek na si Macasarte ay isang dating sundalo na natanggal sa tungkulin matapos masangkot sa iligal na droga.

Dati na rin aniya itong nakulong dahil sa droga.

Nabatid na matagal na isinailalim sa surveillance ang suspek bago inilunsad ng mga otoridad ang raid sa bahay nito.

 

-0-

 

NASA 44 loose firearms ang isinuko ng lokal na pamahalaan ng Bayang, Lanao del Sur at mga karatig bayan sa Army’s 55th Infantry Battalion.

Sa report ng Western Mindanao Command, ang mga isinukong armas ay kinabibilangan ng 27 caliber .45 pistols, isang garand rifle, isang M653 bushmaster, dalawang M-79, dalawang M-203, dalawang homemade uzi, limang Caliber 38 revolver, isang 9mm pistol, isang M16 rifle at isang 50 caliber sniper rifle.

Sinabi ni Bayang Mayor Aslani Balt na ang naturang mga armas na isinuko ng kanilang kanilang mga residente ay patunay aniya ng suporta nila sa kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms.

Samantala, hinikayat naman ni Army’s 55th IB commander Lt. Col. Ian Ignes ang mga mamamayan na laging makikipagtulungan sa mga otoridad at suportahan ang kanilang mga programa para sa kapayapaan at seguridad.

 

-0-

 

 

NATAGPUAN na ang mga bangkay ng dalawa kataong magkasunod na nalunod sa Rio Grande de Mindanao.

Unang natagpuan ang bangkay ni ENGGA ANGELINA ZAIRON, 45 anyos ng Purok Mangungan, Barangay Bagua Dos, Cotabato city.

Pasado alas dyes ng umaga kahapon nang makita ng mga residente ang bangkay ni Zairon na palutang lutang sa ilog na bahagi ng Purok Rajamuda, Mother Barangay Bagua.

Huling nakitang buhay si Zairon kamakalawa ng tanghali na naliligo umano sa nabanggit na ilog hanggang sa hindi na ito naka-uwi sa kanila matapos umanong malunod.

SAMANTALA, natagpuan na rin kahapon ang bangkay ni KHALIL KING CABELO ALVIOS, 36 years old, may asawa, at taga Phase 1 PC Hill, ng lungsod.

Huli umanong nakitang namimingwit umano si Alvios sa Tarbong River sa United Urban Poor, San Pablo Village, Barangay Rosary 11 ng lungsod pasado alas dos ng hapon kamakalawa.

Aksidente umano nitong nabitiwan ang kanyang bingwit kaya tumalon ito sa ilog para kunin ito.

Ngunit hindi na naka-ahon pa mula sa ilog si Alvios na tinangay ng malakas na agos ng tubig hanggang sa tuluyang malunod.

 

-0-

 

BIBIGYAN na ng Internal Revenue Allotment o IRA ang mga Non-IRA municipality na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinabi ni BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo na magdedepende sa land area ng 12 mga bayan sa BARMM ang ibibigay na pondo sa mga ito.

Ayon kay Sinarimbo, ang land area certification ng mga tinutukoy na bayan ang magiging basehan ng BARMM Ministry of Finance, Budget and Management sa ipagkakaloob na IRA sa mga ito.

Nabatid na nagpatawag na ng pagpupulong si BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ibrahim sa mga alkalde ng 11 Non-IRA municipalities kasama ang Ministry of Environment Natural Resources and Energy upang pag-usapan ang gagawing pag-isyu ng certification ng Land Area.

Sa ngayon ay naipadala na sa BARMM Ministry of Finance, Budget and Management ang mga kinakailangan dokumento at inaasahang sa susunod na taon ay mabibigyan na ng IRA ang mga dating Non-IRA municipalities ng BARMM na kinabibilangan ng Shariff Saidona Mustapha, Datu Hofer,

Datu Salibo, Datu Anggal Midtimbang, Datu Blah Sinsuat,

Mangudadatu, Pandag, at Northern Kabuntalan, sa Maguindanao at Akbar, Al-Barka, Hadji Muhtamad, at Mohammad Ajul sa Basilan.

 

-0-

 

KINORONAHAN bilang Binibining Midsayap ngayong taon si Ghail Tapang Sigua na kandidata ng Liga ng mga Barangay.

Nag-uwi rin ng minor at special awards si Sigua.

Samantala, ngayong gabi ay gaganapin naman ang kauna unahang Search for Mutya ng Kehelawan na lalahukan ng mga nagagandahang babaeng katutubo sa bayan.

Ito ay bahagi pa rin ng pagdiriwang ng 83rd Founding Anniversary ng Midsayap kasabay ng kanilang Sinugba festival.

Gaganapin din ngayong araw sa bayan ang Pisya sa Banwa para sa mga senior citizen at persons with disabilities.

 

-0-

 

Monitoring sa dalawang mga alkalde sa lalawigan na nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte tiniyak ng regional director ng PDEA 12

Nagsasagwa ng tuloy-tuloy na monitoring at validation ang Philippine Drug Enforcement Agency 12 sa dalawang mga alkalde sa South Cotabato na nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ipinahayag ni PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan. Pero nilinaw ni Duquiatan na wala silang kakayahan para tanggalin sa narcolist ang dalawang mga alkalde. Ayon kay Duquiatan tanging tungkulin lamang nila ang magsumite ng validation report sa national headquarters ng PDEA. Sinabi ni Duquiatan na recommendatory lamang ang papel ng PDEA sa nasabing usapin. 

Samantala, ipinahayag naman ni Department of the Interior and Local Government o DILG South Cotabato Provincial Director Atty. Rochell Sero, na wala rin sa kanilang mga kamay ang pagtanggal sa narcolist sa dalawang punong ehekutibo. Nilinaw ni Sero na tungkulin lamang ng DILG ang pagtiyak na ginagawa ng mga local government units ang kanilang trabaho na pagsawata sa iligal na droga.

 

-0-

 

Community volunteers sa SOCCSKSARGEN, pinarangalan sa “Bayani Ka” Awards ng DSWD 12

Ginawaran ng parangal sa 2019 Bayani Ka! Awards ng Department of Social Welfare and Development ang mga natatanging community volunteer sa region 12.

Kaugnay nito, pinarangalan sa Best Improved Local Governance Category ang Barangay Sub-project Management Committee ng Kaltuad, Glan, Sarangani Province. Habang ang Best Sustained Community Group ay iginawad naman sa Keytodac Water System Association ng Lebak.

Kabilang din sa mga pinarangalan ang Blanga Water System Association sa Barangay Nalilidan, Lebak, na awardee sa Best Community Volunteer for Indigenous Peoples Welfare Category. Ang parangal para sa Best in Promotion of Just Peace Category ay nakuha ng Dawing-Kandang Claimants Organization ng Barangay Bai Saripinang, sa Bagumbayan .

Para sa Gender and Development Category, pinarangalan naman ang Masisipag na Kababaihan ng Purok Rang-ay Association ng Barangay Palumbe, Lambayong. Ang mga ito ay pawang nasa lalawigan ng Sultan Kudarat. Ayon kay DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo ang pagpaparangal ay bilang pasasalamat na rin ng ahensya sa tulong ng kanilang mga volunteer.

Lahat ng mga awardee ayon kay Espejo ay tumanggap ng tig ten thousand pesos incentive. Layun ng awarding ceremony na isinagawa sa Koronadal City na kilalanin ang mga hindi matatawarang nagawa ng mga community volunteer at mga katuwang na local government units sa pagsugpo sa kahirapan.

 

-0-

 

Opertions and Legal Servicies Division Head ng SSS may paalala sa mga employer kasunod ng pagaresto sa tatlo katao dahil sa kabiguan na mag-remitt ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado sa General Santos City

Tumalima sa Social Security Law partikular na sa pag-remitt ng Social Security System Contributions ng kanilang mga empleyado para hindi makasuhan. Ito ang paalala ni SSS Operations and Legal Services Division Head Atty. Renato Cuisia sa mga employer sa Soccksargen.

Ipinahayag ito ni Cuisia kasunod ng pagaresto ng mga police sa tatlong mga employer sa General Santos City na hindi umano nag-remitt ng SSS Contribution ng kanilang mga mangagawa. Ang tatlong mga inaresto ay mayari ng isang Enterprise business, Auto at Architectural Glass supply, at Salon.

Bagamat tumanging idetalye ang kaso sa mga suspek, sinabi ni Cuisia na ang pag-aresto sa mga ito ay resulta ng serye ng validation at imbestigasyon ng mga SSS personnel. Ang mga suspek ay nakakulong ngayon sa lock up cell ng Gensan Police Station 1.

Binigyan diin ni Cuisia na responsibildad ng mga employer na I-remitt ang SSS contibution na kinaltas sa sahod ng kanilang mga empleyado. Ipinahayag din nito na bago kinasuhan, binigyan pa nila ng pagkakataon ang mga inarestong employer na ayusin ang ginawang paglabag sa pamamagitan ng “contribution penalty condonation program.”

Kinumpirma ni Cuisia na abot na sa pitumput walong mga employer ang kanilang inimbistigahan at sinampahan ng ibat ibang kaso sa Gensan simula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.

 

-0-

 

Random drug testing sa mga college students isinusulong ng gobernador ng South Cotabato

Isasailalim sa random drug testing ang mga estudyante sa kolehiyo sa South Cotabato kasabay ng pagpapatupad ng free education sa lalawigan sa susunod na school year.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., ito ang nakapagkasunduan sa pagpupulong nila ng mga presidente ng mga Unibersidad, kolehiyo at iba pang Higher Education Institutions o HEIs sa lalawigan. Ipinahayag ni Tamayo na dahil sa libreng edukasyon, oobligahin ang mga magulang na lumagda ng kasunduan para isailalim sa random drug testing ang kanilang mga anak.

Layon nito ayon sa gobenador na masawata ang problema sa iligal na droga lalong lalo na sa mga kabataan.

Ayon kay Tamayo ang mga estudyante na magpositibo sa illegal drugs ay isasailalim sa moral recovery. Binigyan diin ni Tamayo na napatunayan na noon sa bayan ng Tupi na epektibo sa pagsugpo sa iligal na droga sa mga estudyante ang random drug testing.

Ayon kay Tamayo labinwalo sa tatlumput walong mga high school students na isinailalim sa drug testing sa Tupi ang ang nagpositibo sa iligal na droga noong school year 2013-2014. Ngunit wala nang nagpositibo sa illegal drugs sa mga estudyante sa nasabing bayan noong 2016. Sinabi ni Tamayo na ito ay resulta ng tuloy tuloy na random drug testing sa mga high school students sa nasabing bayan. NDBC

 

-0-

 

Kampanya kontra droga at krimen prayoridad ng bagong provincial director ng PNP South Cotabato

Tututukan ng bagong Provincial Director ng South Cotabato PNP na si Police Colonel Jimuel Siason ang pagpapaigting ng kampanya laban sa krimen at iligal na droga sa lalawigan.

Ito ang binigyan diin ni Siason sa turn over of command ng PNP South Cotabato na isinagawa sa South Cotabato Gym kahapon. Kaugnay nito, ipinahayag ni Siason na para sa ikatatagumpay ng nasabing mga programa kailangan ding isailalim sa review ang lahat ng mga proyekto ng South Cotabato PNP.

Ayon kay Siason dapat ding mapaigting pa ng PNP ang pakikipagtulungan sa publiko at mga ahensya ng pamahalaan. Tiniyak din ni Siason ang pagpapatuloy ng cleansing sa hanay ng pulisiya. Ngunit nilinaw din nito na kung may balasahan man sa hanay ng PNP, nakapende pa rin ito sa kasakuluyang kalagayan ng South Cotabato.

Ipinahayag ni Siason na bilang isang taga Koronadal City, mas malaking hamon para sa kanya ang pagsisilbi sa mga mamamayan ng South Cotabato. Nangako din ito na gagawin ang lahat para mapantayan kungdi man malagpasan ang nagawa ng kanyang pinalitan na si Police Col. Joel Limson. Si Limson ay itinalaga naman sa PNP 12 Regional Headquarters sa General Santos.

 

-0-

 

Graduate ng Makilala Institute of Science and Technology, top 8 sa katatapos na Licensure Examination for Agriculturist

Malaking karangalan ang naiuwi ng isang graduate ng Makilala Institute of Science and Technology o MIST matapos na makuha ng isa sa kanilang graduate ang top 8 sa nasabing exam.

Ito ay sa katauhan ni Sander Oreiro Domingo na nakakuha ng 87.33% na naglagay sa kanya sa pamwalong pwesto sa nasbaing examination. Bukod kay Dominggo, pumasa din sina Jason Clint Bayhonan at Rhea Jean Pitogo na graduate ng MIST.

Nito lamang November 19, ay inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta ng exam kung saan 5,538 ang mga nakapasa mula sa 13,492 na kumuha ng exam na isinagawa sa Manila, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Pagadian, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.

Nabatid na ang MIST ay nakakuha ng 100% passing rate matapos na pasado lahat na mga kumuha ng exam. Samantala pang siyam naman na pwesto si Jammy Solis Francisco na graduate naman ng University of Southern Mindanao Kabacan Main Campus na nakakuha ng 87.67%.

 

-0-

 

Dalawang mga miyembro ng New Peoples’ Army o NPA na sumuko sa militar na nag-ooperate sa ilang bahagi ng North Cotabato, nakabenipisyo na sa programa ng gobyerno

Nabigyan na ng tulong mula sa pamahalaan ang dalawang full time NPA members ng Guerilla Front 53, Southern Mindanao Regional Committee na nag-ooperate sa bahagi ng Cotabato province, particular sa bayan ng Presiden Roxas, Matalam, Magpet at Arakan, North Cotabato.

Sina alyas Bert at alyas Lenlen ay sumuko sa miyembro ng 7th Infantry Battalion na lumapit sa militar habang nasa relief operation para sa mga nabiktima ng lindol.

Ayon sa kanila, sumuko sila sa gobyerno matapos malaman na una ng sumuko ang kanilang kasamahan at ngayo’y nakapamuhay na ng matiwasay.

Anya, walang patutunguhan ang pinaglalaban ng mga NPA at hindi sila sumasang-ayon sa mga ginagawa ng mga dati nyang kasama, katulad ng pananakot at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan. Kahit na maingay sa propaganda sa media ang mga NPA, ang tuloy-tuloy na pagsuko sa pamahalaan ng kanilang mga kasapi ay nagpapakita ng demoralisasyon sa kanilang hanay.

Nahihirapan na din anya sila sa kamay ni kumander Joel ng Guerilla Front 53 dahilan para magdesisyon na magbalik- loob sa pamahalaan, dala sa kanilang pagsuko ang dalawang caliber 375 revolver. Sa ngayon ay nabigyan na sila ng tulong ng pamahalaan at sinisiguro ng militar ang kanilang kaligtasan. Pinoproseso na rin ngayon ng mga miyembro ng 7th Infantry battalion ang iba pang benipisyo na maaring makuha ng mga sumukong NPA member tulad ng E- CLIP program ng DILG. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Miyembro ng NPA na pumaslang sa isang sundalo sa Magpet, North Cotabato, muling sumuko pero nagpakamatay sa loob ng custodial facility ng Magpet PNP Wala ng buhay ng madatnan ng mga otoridad ang dating NPA member sa loob ng custodial facility ng Magpet PNP alas 5:40 ng umaga kahapon.

Kinilala ni Magpet PNP Chief Police Captain Rolando Dillera Jr., ang namatay na si Noel Delgado alyas Mark Delgado at alyas Tonton, 19-anyos, single at residente ng Brgy Camutan, Antipas, North Cotabato.

Si Delgado ay sumuko nitong Martes ng hapon kay Brgy Balite Chairman Edgar Hantoc kung saan nabatid na tumakas ito noong Nobyembre a-dyes matapos nitong paslangin ang sundalong si PVT Randy Castor ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Magpet habang sugatan din noon ang isa pa nitong kasamahan. Ang dalawang sundalo ang nagsilbi nitong escort habang ito ay nagpapatuloy ng kanyang kursong technical-vocational sa TESDA.

Matatandaang sabay ring itinakbo ni Delgado ang issued firearms ng dalawang sundalo. Pero kasabay naman ng kanyang pagsuko kamakalawa ay ang pagbabalik din ng mga kinuha nitong mga kalibre 45 pistola ng dalawa at maging kaniyang sariling 45-caliber.

Dagdag pa sa ulat na ayon sa nakatalagang duty custodial officer ng Magpet PNP, alas kwatro ng madaling araw ay nakita pa nilang nakahiga si Delgado sa loob pero nang muli nitong tingnan alas 5:40 umaga kahapon ay wala na itong buhay matapos magpakamatay. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

DSWD 12, nilinaw na makakatanggap pa rin ng tulong ang mga home-based evacuees sa North Cotabato

Muling iginit ng pamunuan ng DSWD 12 na makakatanngap pa rin ng tulong ang mga home based evacuees o mga pamilyang apektado ng lindol na wala sa mga evacuation centers sa lalawigan ng North Cotabato.

Ito matapos marami na ang natatanggap na reklamo ang Radyo BIDA dahil wala umanong natatanggap na tulong ang mga home based evacuees na mula sa bayan ng Makilala at Kidapawan City.

Ayon kay DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo, kailangan lamang anya ng lahat ng mga apektadong pamilya na lumapit sa kani-kanilang Local Social Welfare Development office sa bawat lugar upang maka- avail sa mga ibinigay na tulong ng ahensya na green card.

Ito ay isang family access card na ipinipresinta kapag kukuha ng tulong kung saan namimigay sila ng pagkain, gamit at cash na abot sa 3,000 pesos. Nilinaw ng opisyal, ang pamamahagi nila ng tulong ay nakabase lamang sa datus na ibinibigay ng local officials ng bwat lugar sa probinsya. VC- DSWD 12 Si DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

WALA UMANONG epekto sa inflation ang pagpapasuspinde ni Pangulong Duterte sa rice importation, ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Governor Benjamin Diokno.

Sinabi ni Diokno na maraming imports ang darating pa lamang at dahil panahon ng ani ay maaaring bumaba pa ang presyo ng bigas.

Wala naman na anyang magagawa pa ang gobyerno na ipatigil ang rice tariffication dahil isa na itong batas.

Tiwala rin ang BSP governor na magkakaroon ng magandang Pasko ang mga Pinoy dahil batay sa mga pagtaya, mananatiling mababa ang presyo ng langis.

Sa iba pang balita, lumiit pa ang tiwala ng mga Pinoy sa China batay sa 3rd Quarter survey ng Social Weather Stations o SWS.

Batay sa September 2019 survey, bumulusok sa negative 33 ang net trust ng mga Pinoy sa China na nasa kategoryang “bad”.

Ito na ang pinakamababang net trust sa China mula din sa “bad” o  negative 35 noong June 2018.

“Excellent” naman o positive 72 ang net trust ng mga Pinoy sa United States na  halos walang kaibahan sa positive 73 noong June 2019.

 

-0-

Sa kabilang dako pa, tiniyak ni Pangulong Duterte sa Department of National Defense o DND na matatapos ang implementasyon ng modernization programs para sa militar bago matapos ang kanyang termino.

Ayon sa pangulo, malaki ang papel ng DND sa pag-unlad ng bansa dahil sa pagsiguro sa kaligtasan ng publiko at pagprotekta sa soberanya ng bansa.

Samantala, nagbigay naman ng ultimatum si Pangulong Duterte sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tapusin o desisyunan ang lahat ng kanilang transaksyon hanggang sa December 15.

Ayon sa pangulo, ang mabagal na pagproseso sa mga dokumento ay maaaring pinag-uugatan pa rin ng korapsyon.

Ayon kay Duterte, kung walang balak ang mga taga-gobyerno na pabilisin ang sistema, lumayas na ang mga ito at magpapalit na sa pwesto.

 

BARMM holds 1st food security summit

COTABATO CITY — The Bangsomoro Government's Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) spearheaded the conduct of the first ‘...

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...