Monday Feb, 24 2020 03:59:41 AM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 25, 2019)

NDBC BALITA • 15:15 PM Mon Nov 25, 2019
294
By: 
NDBC NCA

NDBC BIDA BALITA ALAS 7

HEADLINES:

1. ROADSIDE BOMB, sumabog sa Shariff Aguak, Maguindanao; ilan pang mga bomba at kagamitang pandigma, na-recover ng militar sa lalawigan.

2. ANIM na mga hepe ng PNP sa North Cotabato, nakatakdang palitan dahil umano sa mababang performance.

3. MATATAAS NA OPISYAL sa REGION 12, pabor sa Martial Law extension sa Mindanao.

4. VP Robredo, sinibak na ni Pangulong Duterte bilang ICAD co-chair

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

ISANG roadside bomb ang sumabog kahapon sa Barangay Poblacion Dos, Shariff Aguak, Maguindanao.

Sinabi ni Shariff Aguak PNP Maj. Alexander Butuan na nangyari ang pagsabog ng isang improvised explosive device pasado alas dyes ng umaga kahapon habang dumaraan ang isang Toyota Hilux na may sakay na lima katao.

Ayon kay Butuan, ang sumabog na bomba ay inilagay sa isang Honda RS motorcycle na nakaparada sa tabing daan.

Maswerte naman at nakaligtas sa naturang pagsabog ang mga sakay ng dumaang pickup vehicle na kinilalang sina Jeanor Lintang, driver ng naturang sasakyan; at mga pasahero nitong sina Arsad Lintang, Jumer Mamasapano, Norudin Sansalunan at Johamirin Sansalunan.

Samantala, Narekober naman ng mga sundalo ng Army’s 57th Infantry Battalion ang isang Improvised Explosive Device at Homemade Grenade Launcher habang nagsasagawa ng Security Patrol sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao.

Ang IED at Grenade Launcher ay natagpuan malapit sa Barangay hall at inaalam pa ngayon ng mga otoridad kung anong grupo ang may-ari ng mga ito at kung ano ang binabalak ng mga ito.

Sa kabilang dako naman, narekober din ng mga sundalo ang ilang mga sangkap sa paggawa ng Bomba sa patuloy na Combat Clearing Operations ng mga ito sa Barangay Inaladan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Ang mga nakuhang IEDs ay gawa sa Jetmatic Pump na nilagyan ng pulbura at mga pako na ginamit bilang shrapnel habang ang isang IED naman ay inilagay sa Water container na may mga pulbura at shrapnel.

Tiwala ang militar ang mga narekober na IED at iba pang mga kagamitan pang giyera ay pag-aari ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF at Dawlah Islamiyah.

Kaugnay nito ay siniguro naman ni Army’s 6th ID at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Diosdado Carreon na mas pinalakas ang seguridad sa kanilang AOR at round the clock din ang ginagawang pagbabantay ng mga sundalo.

 

-0-

 

NANAWAGAN si Maguindanao 2nd District Cong. Toto Mangudadatu sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na huwag sumuko at huwag padadala sa mga pananakot at panunuhol.

Ito ang iginiit ni Mangudadatu sa kanyang mensahe sa 10th Commemoration ng Maguindanao Massacre nitong Sabado na ginanap sa massacre site, sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Inalala ng kongresista ang masaklap at karumal-dumal na sinapit ng mga biktima ng masaker, lalo na ng mga kababaihan, na sapat na dahilan aniya upang patuloy na lumaban para makamit ang hustisya.

Ayon pa kay Mangudadatu, bagaman at maglalabas na ng desisyon ang korte ngayong Disyembre, giit ni Mangudadatu na hindi pa rin tapos ang laban dahil maaari pang umapela ang mga akusado sa Court of Appeals.

Samantala, nangako naman si Presidential Communications Operations Office o PCOO Secretary Martin Andanar na gagawa ng aksyon ang administrasyong Duterte para mahinto na ang pag-atake sa mga mamamahayag.

Sinabi ni Andanar na pag-iibayuhin ng gobyerno at Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS ang pagtugon sa kanilang tungkulin para maiwasan ang marahas na pag-atake sa media.

 

-0-

 

Sa panig naman ni PTFoMS chief Usec. Joel Sy Egco, umaasa itong may mangyayaring “conviction” sa Maguindanao massace case.

Aniya, natapos na ang trial at tanging promulgation na lang ang hinihintay ng lahat.

Kung maalala, una nang inihayag ni Egco na magbibitiw sa tungkulin kung walang pamilya na principal suspects ang mahahatulang guilty.

Matatandaang nasa kabuuang 58 indibidwal kung saan 38 ang mga mamamahayag na sangkot sa Maguindanao massacre.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang Commission on Human Rights o CHR na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng Maguindanao massacre.

Ayon sa CHR, hindi pa rin kasi napapanagot ang mga responsable sa marahas na krimen.

 

Dagdag pa ng ahensya, hindi matatawaran ang isang dekadang paghihintay ng pamilya ng mga biktima.

 

Iginiit din ng ahensya na dapat palakasin ng gobyerno ang mga mekanismong nagbibigay proteksyon sa kaligtasan ng media.

 

-0-

 

Malubhang isinugod sa pagamutan ang isang lalaki matapos umanong tamaan ng ligaw na bala sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Alamada, North Cotabato.

Nakilala ang sugatang biktima na si NASTIE MAGARANG, nasa hustong gulang, at residente rin ng nabanggit na bayan.

Ayon sa kwento ng ama ng biktima, nagsagawa umano ng operasyon ang Alamada PNP sa kanilang lugar kamakalawa ng gabi para hanapin ang isang wanted person nang bigla na lamang silang makarinig ng putok ng baril at kasunod nun ay natumba ang duguang si MAGARANG na tinamaan na pala ng ligaw na bala sa dibdib.

Agad na isinugod sa pagamutan sa Cotabato city ang biktima na hanggang ngayon ay patuloy na nilalapatan ng lunas.

 

-0-

 

TAKOT na dumulog sa pulisya ang isang misis matapos umano syang tutukan ng patalim ng suspected holdaper at tinangay ang kanyang dalang malaking halaga ng pera.

Nakilala angh biktima na si Ginang JOHAIRA MUAMAD KAGUI, 27 anyos, taga Purok Palimba, Nayon Shariff, Barangay Rosary Heights 3, Cotabato City.

Base sa kwento ng biktima, alas tres ng hapon kamakalawa habang naglalakad siya sa tapat ng isang simbahan sa Barangay Rosary Heights 10 nang bigla syang nilapitan ng isang lalaki at nagdeklara ng hold up sabay tutok sa kanya ng kutsilyo.

Naglakad lamang umano ang suspek palayo sa biktima dala ang 80 thousand pesos na cash ng biktima at iba pang mahahalagang dokumento.

Hindi na nakasigaw at nakahingi ng saklolo ang biktima dahil sa nerbyos.

 

-0-

 

Department of Labor and Employment o DOLE 12, patuloy ang pagproseso ng Emergency Employment sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa lindol

Matapos na tumama ang lindol sa lalawigan ng North Cotabato maraming mga manggagawa mula sa probinsya ang nawalan ng trabaho matapos na huminto ang operasyon ng ilang mga establisiemento.

Ayon kay DOLE North Cotabato Provincial Manager Marjorie Latoja, 418 na mga empleyado sa Kidapawan City mula sa formal sector na nag-apply ng emergency employment sa DOLE ang naipadala na sa Regional office para sa fund- request at upang agad na makapagsimula ng trabaho sa loob ng sampung araw.

Mahigit sa 200 din na mga manggagawa ang magtatrabaho sa loob ng dalawampung araw sa pakikipagtulungan ng Kidapawan Water District para sa restoration naman water pipes.

Sa bayan naman ng Tulunan, 300 na mga apektadong empleyado ang makakabenipisyo sa programa ng DOLE 12 habang 138 workers naman ang mula sa Makilala, Cotabato.

Bukod sa mga nabanggit na bayan ay marami pang mga mangagagawa mula sa ibat-ibang lugar sa probinsya ang pinoproseso na ng ahensya na nag-apply ng emergency employment sa kanila upang mabigyan ng trabaho mula sa formal and informal sector at makakatanggap ng 311 na minimum wage na sahod. 

Samantala, magbibigay din ang DOLE ng long term na tulong sa mga empleyado tulad ng livelihood assistance. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Limang mga menor de edad, sugatan matapos na masangkot sa vehicular crash sa Makilala, North Cotabato

Nagpapagaling na sa pagamutan ang limang mga menor de edad na sakay ng motorsiklo matapos na matumba sa Barangay New Israel, Makilala North Cotabato 1:40 ng umaga kahapon.

Sa ulat ng Makilala PNP traffic section, binabaybay ng mga biktima ang daan sakay ng motor na minamaneho ng 14 anyos na estudyante at sakay ang dalawang edad 15, 12 at 8 years old na lalaki na parehong mga residente ng Calantas Subdivison, Poblacion, Makilala North Cotabato.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na binabaybay ng XRM motorcycle ang daan na minamaneho ng 14 anyos na drayber patungo sana sa Barangay Bulatukan.

Pero nang pagsapit sa lugar ay nawalan umano ng kontrol ang drayber hanggang sa natumba ito. Nagtamo ng ibat-ibang sugat sa katawan ang mga biktima na agad namang isinugod sa Makilala,Medical Especialist para sa agarang medikasyon. Samantala, nagpaalala naman ng PNP sa mga magulang na huwag hayaang magmaneho ang kanilang anak lalo na sa mga menor de edad. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Bureau of Fire Protection o BFP- Kidapawan, may paalala sa publiko kasabay ng mga naitalang sunod-sunod na insidente ng sunog sa lungsod

Muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection o BFP Kidapawan sa publiko na ugaliing i-unplug ang lahat ng mga de kuryenteng gamit kung hindi naman ginagamit upang maiwasan ang sunog. Ito matapos na maiulat ang sunod-sunod na insidente ng sunog sa Kidapawan City noong nakaraang araw.

Nito lamang biyernes ng madaling araw abot sa labindalawang mga business establishments ang naabo kabilang na ang mga bahay. Kinaumagahan, araw naman ng sabado hindi naman bababa sa sampung mga pamilya ang nawalan ng tahan kabilang din ang boarding house na pag-aari ng pamilyang Aranjuez.

Batay sa salaysay ng mga residente sa lugar, may nakita umano silang tao na naglilibot sa paligid gabi noong biyernes bago sumiklab ang malaking sunog.

Hanggang sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang BFP kung sinadya o ano ang pinagmulan ng apoy. Ito na ang ika-anim na insidente ng sunog sa lungsod ngayong buwan ng Nobyembre kung kaya’t patuloy na pinaalalahanan ang publiko na palaging wag iwang nakasaksak ang mga de- kuryenteng gamit sa bahay upang maiwasan ang sunog.

Samantala, namigay na ng paunang tulong ang Notredame Broadcasting Corporation o NDBC Kidapawan sa mga pamilyang apektado ng sunog tulad ng pagkain at kumot. Karamihan kasi sa kanila ay wala ng naisalba pang gamit dahil malaki naang apoy nang sila ay magising.

Pinayuhan din ang mga mamamayan na dapat may numero ng BFP upang agad na makapagresponde ang mga bombero sa lugar at hindi na kakalat pa ang apoy. Narito ang hotline number ng BFP Kidapawan 577- 1333. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Anim na mga hepe ng PNP sa North Cotabato, nakatakdang palitan sa pwesto dahil sa mababang performance ayon sa PRO-12

Mababang performance o Low Unit Performance Rating ang dahilan kung bakit nakatakdang palitan ang anim na mga hepe ng pulisya sa North Cotabato.

Ito ang kinumpirma mismo ni Police Regional Office o PRO12 Spokesperson Lt. Col. Lito Capellan sa Radyo Bida.

Ayon sa kanya, ang mababang assessment sa pagganap ng tungkulin ng anim na mga hepe ay batay sa resulta na isinagawa ng regional police sa parehong administrative at operational accomplishment ng mga ito.

Ang pag-relieve sa mga ito ay utos mismo ni PRO12 Regional Director PBGEN ALFRED CORPUS base na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng PNP national headquarters sa monitoring ng kanilang mga performance. Ang anim na mga hepe ay mula sa mga bayan ng Pigcawayan, Tulunan, Magpet, Antipas, Carmen at Kabacan, North Cotabato.

Samantala, ipinaliwanag naman ng PNP na kabilang sa rason kung bakit papalitan ang naturang mga hepe ay dahil sa re-alignment.

Dahil ang mga first class municipalities ay dapat hawak ng isang pulis na may ranggong POLICE LIEUTENANT COLONEL habang ang second class municipalities naman ay dapat hinahawakan ng hepe na may ranggong Police Major.

Nabatid na karamihan sa mga nasabing mga hepe ay under rank kaya ililipat ang mga ito sa mga istasyon kung saan akma ang kanilang mga ranggo.

Aasahan naman na anumang araw ngayon linggo ay magkakaroon na ng bagong station commanders ang nasabing mga bayan. Ito ay naka depende pa rin sa desisyon ng Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Office at ng mga local chief executive. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Lalaki, arestado sa nagpapatuloy na anti- illegal drug operation ng PNP sa Makilala, North Cotabato

Hindi na nakapalag pa ang isang 37 anyos na lalaki matapos ikasa ng mga pulis sa pangunguna ni Makilala PNP Chief Police Major Arniel Melocontones ang buy-bust operation sa Purok 16, Sitio San Isidro Barangay San Vicente, Makilala North Cotabato alas 6:22 kagabi.

Sa report ng Makilala Police, kinilala ang suspek na si Jonjon Semaña Dedal, may asawa, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar. Inaresto ang drug suspek matapos na kumagat sa katransakyong pulis na nakuhanan ng dalawang sachet ng iligal na droga habang nabawi din ang 1,000 peso bill na ginamit bilang marked money.

Nakatakdang sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kulong na ngayon si Dedal sa custodial facility ng Makilala PNP. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

NAGPAPATULOY PA rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Polomolok PNP hinggil sa nangyaring pagpaslang kay Barangay Poblacion, Polomolok Kagawad Vicente Yungco Jr.

Una nang naiulat na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem suspects ang biktima sa loob mismo ng sasakyang minamaneho nito sa Dahlia Street, ng nasabing barangay noong nakaraang November 13.

Ayon kay Polomolok Chief of Police Lieutenant Marvin Duadua, inaantay pa nilang makarekober ang pamilya ng biktima na kasalukuyan pang nagluluksa sa pagkamatay ng Barangay Kagawad para makunan ng pahayag ang mga ito at maisama sa datos na kanilang nakalap sa isinasagawang imbestigasyon.

Kinumpirma din ng opisyal meron na silang person of interest pero hindi pa nila ito matukoy dahil nakasuot ng helmet ang mga ito.

Maliban dito, ay hindi pa rin matukoy ng mga imbestigador ang totoong motibo sa pagpaslang kay Kagawad Yungco.

Pero ayon kay Duadua, tinitingnan rin nila nga anggulo nang may makaaway at masuntok na driver si Kagawad Yungco nang masangkot sa vehicular accident ang anak nito bago pa man naganap ang pamamaril.

 

-0-

 

TOP 2 Most Wanted sa Tantangan, South Cotabato, kalaboso sa Koronadal City.

Naaresto ng pinagsamang puwersa ng Tantangan PNP, Highway Patrol Group, Provincial Intelligence Division at Criminal Investigation and Detection Group ang number 2 most wanted person sa Tantangan.

Kinilala ang naarestong suspek na si Federico Cataluna, 50 anyos, isang magsasaka at residente ng Barangay New Ilo-Ilo, sa nasabing bayan.

Ayon kay Tantangan Chief of Police Capt. Romeo Albano, Jr., inihain nila ang warrant of arrest sa kasong rape laban kay Cataluna kamakalawa nang mamataan ito sa Koronadal City Public Market.

Ang nasabing warrant of arrest ay inilabas ni Judge Roberto Ayco noon pang taong 2012.

Nabatid na wala pang ibang record sa pulisya ang suspek maliban na lamang sa kasong rape na kinasangkutan nito.

 

-0-0-0-

 

 

 PAGSUNOD ng mga LGU sa lalawigan sa drug free workplace ni Pangulong Duterte , tiniyak ng Provincial Director ng DILG South Cotabato.

Mahigpit na ipinatutupad ng mga local government units sa South Cotabato ang drug free workplace.

Ito ay ayon kay Department of the Interior and Local Government o DILG South Cotabato Provincial Director Atty. Rochelle Sero.

Sa katunayan ayon kay Sero ipinag-utos ng executive order ng mga local chief executives sa South Cotabato ang pagtiyak na ligtas din sa droga maging ang mga eskwelahan sa lalawigan.

Ang pagpapatupad ng drug free workplace ay bilang pagsunod na rin ng mga lokal na pamahalaan sa Anti-illegal drug strategy ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sero, isinusulong din ng DILG ang pagbalangkas ng  ordinansa ng mga local government units sa South Cotabato na maisama din sa drug testing ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan.

Kasunod ito ng napagkasunduan na pagpapatupad ng random drug testing sa mga estudyante sa kolehiyo sa lalawigan simula sa susunod na school year.

Una nang idineklara na drug-free ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 ang mga bayan ng Tantangan at Surallah sa South Cotabato.

 

-0-0-0-

 

Yakap program para sa mga sumukong drug personality hiniling ng DSWD Assistant Secretary na maipatupad sa General Santos City.

Bumuo ng ordinansa para maipatupad ang Yakap Bayan Program ng Department of Social Welfare and Development  sa kanilang lugar.

Ito ang hiling ni DSWD Assistant Secretary Jose Antonio Hernandez sa mga myembro ng konseho sa General Santos City.

Ayon kay Hernandez, sa pamamagitan ng nasabing programa, ang DSWD ay mas makakatulong sa rehabilitasyon  at reintegration ng mga drug dependent.

Isinusulong ng Yakap Program ang pakikipagtulungan ng ahensya sa mga barangay at local officials.

Layunin nitong mapag-isa ang mga programa at resources ng pamahalaan upang matulungang magbagong buhay at maging responsableng lider sa kanilang mga komunidad ang mga sumukong drug personalities.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga local officials sa nakalipas na tatlong buwan.

Sa katunayan ayon kay Espejo sa tulong ng local government, ay nabuksan na ang drug rehabilitation facility sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Inihayag din ni Espejo na ang mga programa ng pamahalaan para sa mga sumukong drug personality ay itinuturo na rin na sa monthy family development sessions ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Maliban dito, pinoproseso na rin nila ang skills training para sa mga sumukong persons involved in drugs.

Nabatid na umabot na sa mahigit apat na libong mga drug personalities ang sumuko sa General Santos City mula nang ipatupad ng Duterte Administration ang mahigpit na kampanya kontra iligal na droga noong 2016.

 

-0-

NATIONAL ..........

Good news sa mga motorista!

Sinimulan nang i-rollback ang presyo ng mga produktong petrolyo nitong weekend.

Alas-4:00 ng hapon kahapon nang magpatupad ang Cleanfuel ng 20 sentimong tapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina habang sampung sentimo naman sa kada litro ng diesel.

Ganito rin ang rollback ng Shell at Petro Gazz sa diesel at gasolina epektibo alas-sais ng umaga ng bukas.

May tapyas din na sampung sentimo ang Shell sa kada litro ng kerosene o gaas.

Inaasahang mag-aanunsyo ngayong araw ng kanilang price adjustments ang iba pang kumpanya ng langis.

Ito na ang ika-siyam na linggong may rollback sa presyo ng diesel.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, sinibak na ni Pangulong Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs o ICAD.

Ito ang kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea 

Una rito, sinabi ng pangulo na wala siyang tiwala kay Robredo na hawakan ang classified information sa war on drugs.

Nakukulangan din ang pangulo sa performance ni Robredo dahil hanggang ngayon daw ay wala naman itong nailalatag na kokretong hakbang kung paano lalabanan ang problema sa iligal na droga.

November 6, tinanggap ni Robredo ang alok ni Pangulong Duterte na maging ICAD co-chair. Subalit makalipas ang dalawang linggo ay sinibak din siya ng Pangulo.

Sa kabilang dako, tumaas ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho para sa ikatlong quarter ng 2019.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, tumaas ang mga unemployed Filipinos sa 21.5 porsyento kumpara sa 20.7 porsyento noong Hunyo at 19.7 posyento noong Marso.

Ibig-sabihin, humigit kumulang sa sampung milyong mga Pinoy ang walang trabaho.

Sa nasabing bilang, 4.4 milyon ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho at 1.6 milyon naman ang first-time sa paghahanap ng trabaho.

NDMC basketball club keeps title as PRISAA-Soccsksargen champions

MIDSAYAP, North Cotabato - Notre Dame of Midsayap College (NDMC) basketball team, representing Cotabato province defeated STI-Koronadal,...

Court orders arrest of 18 behind ALAMCCO pyramid scheme 

GENERAL SANTOS CITY --- A court has ordered the arrest of 18 operators of a pyramiding money market scheme using the Alabel-Maasim Credit...

CBCP issues new precautionary measures against COVID-19 for Lent

The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines has released a liturgical guideline for the Lenten season as a precautionary measure to reduce...

NDBC BIDA BALITA (Feb. 22, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. DEPUTY PROVINCIAL PROSECUTOR, 2 iba pa, sugatan sa pananambang sa Cotabato...

Gov't operatives kill 2 followers of elusive drug dealer `Grasscutter'

MAGUINDANAO  --- Two henchmen of a bandit wanted for large-scale trafficking of shabu perished in an encounter with anti-narcotics agents in Datu...