Clustering, muling ipinatupad sa 2 barangay sa Koronadal na isinailalim sa MECQ
KORONADAL CITY - Muling ipinatupad ng Koronadal local government unit (LGU) ang barangay clustering.
Ngunit nilinaw ni City Legal Officer Atty. Joy Sollesta na magiging applicable lamang ang naturang implementasyon sa Brgy. GPS at Brgy. Sta Cruz na isinailalim sa modified enhanced community quarantine, batay sa inilabas na executive order no. 16-A ni Mayor Eliordo Ogena.
Ibig sabihin, maaaring lumabas ang mga taga Brgy. Sta Cruz na nasa red cluster sa mga araw ng Lunes at Huwebes, habang sa mga araw ng Miyerkules at Sabado maaaring lumabas ang mga residente ng Brgy GPS na nasa yellow cluster.
Dagdag ni Sollesta, maaaring lumabas ang mga residente upang bumili ng kanilang mga pangangailangan, ngunit magiging sarado ang ilang non-essential establishments katulad ng mga barbershop, beauty salon at iba pa.
Iginiit rin nito na hindi pa panahon na magdeklara ng lockdown sa buong lungsod kung halos 70% ng lugar ay hindi naman apektado.
Nabatid na magtatagal ang naturang quarantine classification hanggang sa Mayo 14, 2021.