Ginang sa Makilala, patay matapos kumain ng palaka; rape suspect sa SNA, patay nang manlaban sa PNP
MAKILALA, North Cotabato - Wala pang isang oras, binawian na ng buhay ang isang ginang na pinaniniwalaang nalason sa kinaing palaka sa Barangay Malasila.
Kinilala ang biktima na si Marilyn "Letlet" Emba Vehemente, 41 taong gulang.
Ayon sa pinsan nitong si Janice Ipsagel, namanhid ang bibig, sumakit ang tiyan at nagsuka ng itim si Marilyn matapos kainin ang nahuling palaka sa ilog na kung tawagin ay “kamprag” o American Frog.
Isinugod pa ang ginang sa ospital pero ilang minuto lang nasawi ito.
Ayon sa Doctor nito, may likidong bahagi ng katawan ng palaka na posibleng nagtataglay ng lason na maaaring dahilan ng pagkalason ng biktima.
Samantala, sa Sen. Ninoy Aquino, patay nang manlaban sa mga pulis ang isang rape suspect sa hot pursuit operation ng PNP kahapon sa Sitio Menpanga, Barangay Kuden.
Sinabi sa DXMS Radyo Bida ni Senator Ninoy Aquino town police chief Capt Mingfie Santillan na aarestuhin sana ng mga pulis si Rolando Baylon Sr., na taga Barangay Kuden.
Si Baylon ang itinuturong nag-gahasa at pumapatay sa isang 3-taong gulang na batang babae sa nasabing Manobo IP Community.
Ayon kay Capt. Santillana, Sept. 26 ng gabi, matutulog na sana ang mag-ina nang pasukin sila ng suspek sa kanilang tahanan.
Ang 27-anyos na ina ang target sana ng suspek pero ito’y nanlaban gamit ang bolo at hihingi na sana ng saklolo. Pero, nagbanta ang suspect na patayin silang lahat kung magsusumbong sa pulis ang ina na si Lea Manguda.
Kasama ng ina ang apat niyang mga anak nang maganap ang pag-atake. Pero tinangay ng suspect ang isang 3-taong gulang na bata, pinagsamantalahan at pinatay.
Nang matunton ng mga police, nanlaban ang suspect kayat siya ay napatay ng mga pulis.