Investment scam sa Mlang, pinai-imbestigahan ng mayor
MLANG, NORTH COTABATO – Hindi papayagan at hindi itotolerate ni Mlang Mayor Russel Abonado ang mga nangunanguna sa pange-enganyo ng mga tao na sumali sa mga investment scheme sa kanyang bayan.
Ito’y makaraang makarating sa kanyang tanggapan na taga Barangay Luz Village ang sinasabing utak ng Amara investment scheme at umano’y nakakulimbat ng malaking halaga ng pera.
Ayon sa alkalde, marami pa rin kasi ang nagbabakasakali at gusto ng instant money.
Agad din itong inaksyunan ng otoridad lalo na ang pamilyang ni Honnelyn Sarte na nakatanggap na ng mga pagbabanta sa buhay gayung wala naman silang kinalaman sa kalakaran ng kanilang kaanak.
Ang kanyang paulit-ulit na paalala sa mga mamamayan lalo na sa kanyang mga nasasakupan, siguraduhin na lehitimo ang kanilang pinasukan bago maglagak ng pera.