Friday Apr, 12 2024 09:37:18 PM

NDBC BIDA BALITA (12.16.19)

NDBC BALITA • 09:15 AM Mon Dec 16, 2019
1
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

DECEMBER 16, 2019 (MON)
7:00 AM

HEADLINES:

1. KLASE sa lahat ng antas sa Cotabato city at sa iba pang mga karatig na lugar sa South-Central Mindanao, suspendido kasunod ng malakas na lindol kahapon.

2. Retired PNP personnel, patay habang isa pa sugatan sa pananambang sa Pikit, North Cotabato kahapon

3. Zero firecracker-related injury, target ng DOH ngayong Holiday season sa region 12

4. Lalaking lasing sa Cotabato City, nang-agaw ng baril ng police, bagsak sa bilangguan 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

SINUSPINDE ng lokal na pamahalaan ng Cotabato city ang pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan sa lungsod kasunod ng naramdamang malakas na lindol kahapon.

Sinabi ni city mayor Cynthia Guiani na inatasan niya na ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at ang mga Barangay Official na magsagawa ng inspection sa mga school building upang matiyak na ligtas pa itong gamitin ng mga mag-aaral at guro.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, dakong alas-2:11 ng hapon ng maramdaman ang magnitude 6.9 na lindol na tectonic ang origin at ang epicenter ay namataan sa 9 kilometers Northwest ng Matanao, Davao del Sur at may lalim na 30 kilometers.

Nakapagtala ng Intensity 7 sa Matanao at Magsaysay, Davao del Sur; Intensity 6 naman sa Kidapawan City, General Santos City, Bansalan, Davao del Sur, Alabel at Malapatan, Sarangani at Koronadal City; Intensity 5 naman sa Tulunan at Matalam,  North Cotabato; Cotabato City; Davao City; Glan, Sarangani; habang Intensity 3 sa Kalilangan, Talakag at Dangcagan, Bukidnon.

Intensity 2 naman ang naramdaman sa Impasugong, Bukidnon; Cagayan de Oro City; Dipolog City at  Intensity 1 sa Zamboanga del Sur.

 

-0-

 

Samantala, apat katao naman ang nasawi habang nasa 50 ang iniulat na nasugatan matapos ang malakas na pagyanig.

Kabilang sa nasawi ang isang anim na taong gulang na batang babae na nadaganan ang ulo matapos gumuho ang pader ng kanilang bahay sa Matanao, Davao del Sur.

Habang tatlo katao pa ang patay nang gumuho ang tatlong palapag na Southern trade grocery store sa Padada, Davao del Sur.

Ayon kay Davao del Sur Gov. Douglas Cagas, hindi pa nila madetermina kung mayroon pang mga taong na-trap sa nasabing building.

Sa ngayon ay hindi pa nila ma-assess ang lawak ng damage sa kanilang lugar, bagaman aniya at may mga ulat na nasirang mga tulay, mga building at mga eskwelahan.

Nagdeklara na rin si Cagas na walang pasok sa mga paaralan sa kanilang lugar matapos ang malakas na lindol, dahil sunud-sunod pa rin ang malalakas na aftershocks ang nararamdaman doon.

 

-0-

 

Sa kaugnay na balita, sinundan pa ng mga pagyanig ang Matanao, Davao del Sur matapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol.

Yumanig ang magnitude 3.5 na lindol bandang alas dos y medya ng ng hapon na may lalim na tatlong kilometro.

Dahil dito, naitala ang intensity 3 sa Kidapawan City habang instrumental intensity 3 naman sa kaparehong lugar.

Makalipas ang ilang minuto, sunod na tumama ang magnitude 5.2 na lindol bandang alas tres ng hapon na may lalim na isang kilometro.

Bunsod nito, naramdaman ang mga sumusunod na instrumental Intensity 2 sa Gingoog City, Misamis Oriental; Intensity 1 sa Cagayan de Oro City at kapwa tectonic ang pinagmulan ng dalawang mga pagyanig.

 

-0-

 

TINIYAK naman ng Department of Public Works and Highways o DPWH na maaaring daanan ng mga motorista ang mga tulay at kalsada sa Region 12.

Ito ay makaraang yumanig ang magnitude 6.9 na lindol sa Matanao, Davao del Sur.

Sa abiso ng DPWH 12, ligtas daanan ang mga tulay sa Soccsksargen.

Patuloy pa rin naman anila ang isinasagawang inspeksyon at pagtutok sa mga imprastraktura sa mga lugar na apektado ng lindol.

Samantala, tiniyak naman ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na normal pa rin ang kanilang power transmission services.

Ito ay matapos tumama ang malakas na lindol kahapon.

Sinabi ng NGCP na walang napaulat na nasira sa kanilang transmission facilities sa Davao del Sur at mga karating-bayan kung saan naramdaman ang pagyanig.

Dahil dito, nananatiling intact ang Mindanao Grid.

 

-0-

 

Operation and Warning Division Chief ng South Cotabato may paalala sa publiko kasunod ng malakas napagyanig kahapon.

Huwag magpanic at manatiling kalmado para iwas injury.

Ito ang paalala sa mga mamamayan ni South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRM Operations and Warning Division Chief Rolly Doanne Aquino. Kasunod ito ng intensity 5.3 na lindog na naranasan sa lalawigan kahapon.

Ayon kay Aquino marami pa rin kasing mga mamamayan ang isinugod kahapon sa South Cotabato Provincial Hospital kasunod ng malakas na lindol.

Sinabi ni Aquino karamihan sa mga ito ay mga trabahante at mga shopper ng mga mall sa Koronadal City na na nakaranas ng hyperventilation matapos magka-panic attack. Dahil sa mga pagyanig nagsibabaan naman ang mga pasyente sa South Cotabato Provincial Hospital.

Kwento pa ng watcher na si Jenny Arca, dahil sa lakas ng lindog nagsitumbahan ang mga oxygen tank na nagdulot naman ng takot sa mga pasyente. Sinabi ni Arca na sa kabila ng takot, kalamado namang nakababa ng ospital angmga pasyente. Ang mga bumabang pasyente ay nanatili muna sa tent na iniligay ng management sa tapat ng ospital.

Maliban sa provincial hospital, inilikas din sa mas ligtas na lugar ang mga pasyente sa mga pribadong ospital sa Koronadal City. Kaugnay nito, inutos naman ni Koronadal Mayor Eliordo Ogena ang kanselasyon ng klase sa lahat ng antas sa lungsod ngayong araw. Ininutos din ng alkalde sa mga city building officials na maginspeksyon sa mga gusali at magsumite ng report sa loob ng biente kwatro oras.

 

-0-

 

NASA MALUBHANG KONDISYON ngayon ang isang Ginang matapos siyang tamaan ng ligaw na bala sa Mamasapano, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Muslimah Panalangin, nasa hustong gulang.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, kasabay ng malakas na lindol pasado alas dos ng hapon kahapon ay narinig din ang mga putok ng baril sa kanilang lugar dahilan upang tamaan ng ligaw na bala si Panalangin habang ikinukobli ang mga anak sa sulok ng kanilang bahay.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo na tumagos sa kanyang batok ang biktima dahilan upang agad siyang isugod sa pagamutan at ngayon ay patuloy na sinasalba ng mga doktor.

 

-0-

 

 

 

NAHAHARAP ngayon sa 4 counts of Direct Assault ang isang lalaki matapos siyang mang agaw ng baril at nanakit pa ng mga pulis sa loob ng Police Station 1 pasado ala una ng madaling araw kahapon.

Kinilala ang suspek na si Domingo Miniaw Patpat, 35 anyos, single at taga Spring Site, Barangay Bagua Tres, Cotabato City.

Sa report ng pulisya, lasing si Patpat nang mag-amok ito at pinagsusuntok ang mga umaawat sa kanyang mga pulis na sina Police Corporals Gil Alia Almano at Karl Alexander Osoteo at Patrolmen Alvin Glen Castro at Pat. Fyke Logginz Pacete.

Nabatid na inaresto ng PNP -LGU Ronda team ang suspek dahil sa paglabag sa discipline hour at lango pa sa alak.

Pagdating sa presinto ay bigla na lamang nag-amok ang suspek na nang-agaw pa ng baril mula kay Patrolman Castro pero agad namang nabawi ng pulis ang kanyang baril at inilayo ito sa suspek

Kalaboso na ngayon si Patpat na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ngayong araw.

 

-0-

 

ITINALAGA ni Pangulong Duterte si Moro National Liberation Front o MNLF Founding-Chair Nur Misuari bilang Special Economic Envoy on Islamic Affairs to the Organization of Islamic Cooperation o OIC.

Sa abiso ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP, inanunsyo ng Pangulo ang appointment ni Misuari sa Davao City nitong Biernes.

Nagpulong kasi ang Punong Ehekutibo at si Misuari kasama ang mga miyembro ng government peace panel at Peace Coordinating Committee ukol sa nalalabing commitments sa Tripartite Review Process ng 1996 Final Peace Agreement.

Ayon sa pangulo, makakatulong si Misuari na humaba pa ang maayos na ugnayan ng bansa sa mga lider ng Islamic countries.

Karamihan kasi aniya sa mga lider ng OIC ay kaibigan ni Misuari at malaki ang respeto sa kanya ng mga ito.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Misuari ang posisyong ibinigay sa kanya ng Pangulo.

Nagpasalamat naman si P. Duterte sa MNLF founder dahil sa suporta nito sa kanyang administrasyon.

 

-0-

 

Pasok sa lahat ng antas ng ilang mga paaralan sa North Cotabato, kanselado ngayong araw dahil sa lindol

Kanselado na ang pasok sa lahat ng antas kapwa pampubliko at pribadong paaralan sa Kidapawan City, Mlang at Makilala sa North Cotabato ngayong araw matapos ang Magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Davao Del Sur alas 2:11 ng hapon kahapon.

Ayon kay Kidapawan City Schools Division Superintendent Romelito Flores, may iilan pa kasing mga paaralan sa lungsod na wala pa ang Christmas break hanggang ngayong linggo.

Ipapasuri pa ng lokal na pamahalaan ang mga paaralan kung nagkaroon ng bitak para na rin sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni City Mayor Joseph Evangelista na kanselado rin ang trabaho ng mga government employee sa City LGU ngayong araw upang matiyak rin ang kaligtasan ng mga empleyado.

Samantala, wala ding pasok sa trabaho ngayong araw ang mga manggagawa ng Provincial Capitol, Amas Kidapawan City,

Sa isang malaking mall sa lungsod, nagsilabasan ang lahat ng mga mamimili at empleyado matapos maramdaman ang malakas na lindol kung saan naitala ang Intensity VI sa Kidapawan habang intensity V naman sa Tulunan at Matalam sa North Cotabato.

Nabatid na unti-unti nang bumabalik ang mga residente sa kani-kanilang lugar dahil mahihina na ang mga nararamdang aftershocks matapos maitala din ang tatlong malalakas na lindol na tumama sa North Cotabato noong Oktubre.

Ayon naman kay CDRRM and Public safety head Psalmer Bernalte, may iilang mga residente na natrap sa Barangay Balabag Kidapawan City matapos ang landslide sa lugar. Pero agad silang nakapagresponde at nailigtas ang mga residente sa nasabing lugar.

 

-0-

 

Babaeng motorista, patay matapos masangkot sa vehicular crash sa Kidapawan City

Dead on arrival sa isang pagamutan ang isang babaeng motorista matapos na mabundol sa isang government vehicle sa Barangay Manongol, Kidapawan City alas 3:00 ng hapon kahapon.

Ayon sa report, nakilala ang nasawi na si Irene Joy Paña, 30 years old, isang security guard na residente ng Barangay Luvimin ng lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP Traffic section, binabaybay ng motorista ang daan pero nang pagsapit sa lugar ay nag-overtake ito sa isa pang sasakyan dahilan para mabundol sa kasalubong na government vehicle na minamaneho ni Maximo Renoblas, 45 years old, empleyado ng City Social Welfare Development.

Dagdag pa sa ulat, galing umano sa isang relief operation ang sasakyan na minamaneho ni Renoblas. Samantala, sa ospital naman binawian ng buhay ang drayber ng 10 wheeler truck matapos na bumangga sa kasunod na dump truck na lulan ng buhangin sa National Highway, Kidapawan City pasado alas 2:00 ng hapon nitong sabado.

Nakilala ang nasawi na si Kristoffer Henry Lotilla, 39 anyos, may asawa at residente ng Barangay Poblacion, Libungan North Cotabato.

Sinasabing galing sa bayan ng Libungan ang ten wheeler truck at patungong Davao City pero nang pagsapit sa lugar sa tapat mismo ng isang malaking mall sa lungsod ay bumangga ito sa likurang bahagi ng dump truck. Pahirapan naman ang mga rescuer sa pagkuha sa drayber matapos itong maipit sa minamanehong sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP traffic section sa nasabing mga aksidente sa daan.

 

-0-

 

Zero firecracker related injury target ng DOH ngayong Holiday season sa region 12

Pinaigting ng Department of Health 12 ang kanilang kampanya laban sa mga paputok para matiyak ang zero firecracker related injury ngayong holiday season. Ito ay ayon kay DOH 12 Violence and Injury Prevention Program Coordinator Mohammad Zein Kali.

Ayon kay Kali para maisulong ang injury-free na pasko at bagong taon, nakikipagugnayan ang DOH 12 sa mga local government units. Sinabi ni Kali na target ng ahensya ang zero fire cracker injury o kahit mapapababa man lang ang mga biktima ng mga paputok ngayong taon.

Sinimulan ng mga LGU sa region 12 ang “scare tactic” sa kampanya kontra mga paputok noong nakaraang buwan. Ito ay sa pamamagitan ng paglalagay sa mga matataong lugar ng mga tarpuline na nagpapakita ng mga sugatan sanhi ng mga paputok.

Nanawagan din si Kali sa mga mamamayan na para iwas fire cracker related injury, makisaya na lamang sa mga community fireworks display.

Matatandaan na ang DOH 12 ay nakapagtala ng 27 kaso ng firecracker related injuries mula December 2018 hanggang January 5 nitong taon.

Pinakarami na dalawampu sa mga ito ay nasa South Cotabato, tatlo sa lalawigan ng Sultan Kudarat at dalawa sa General Santos City.

Karamihan sa mga sugatan ay pawang mga bata. Ipinahayag ni Cali na nakikipag ugnayan na rin ang DOH sa Police Regional Office 12 , militar at iba pang law enforcement agency. Layon nito na masunod ang polisya ng pamahalaan sa pagbebenta ng mga paputok sa kanilang mga areas of responsibility.

 

-0-

 

Regional Director ng PNP 12 nagpaliwanag kung bakit walang muzzle taping ng mga armas ng mga pulis sa Pasko at Bagong Taon

Tiwala si Police Regional Office 12 Director Brigadier General Alfred Corpuz sa pagiging responsable ng mga police personnel na gamitin sa tama ang kanilang mga armas.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Corpuz walang muzzle taping sa baril ng mga pulis sa rehiyon sa Pasko at Bagong taon. Sinabi ni Corpuz na walang naitalang indiscriminate firing na kinasangkutan ng mga pulis sa rehiyon ang PNP 12 noong nakaraang taon.

Ipinahayag din ng nasabing police official na wala rin silang natanggap na bagong direktiba mula sa kanilang national headquarters. Gayunpaman ayon kay Corpuz, paiigtingin nila ang kanilang monitoring para matiyak na walang pulis na magpapaputok ng armas sa Pasko at Bagong taon.

Sinabi ni Corpuz na maaring ma-dismiss ang sinumang pulis na mapatunayang sangkot sa indiscriminate firing. Ayon kay Corpuz iniutos nito sa mga police chief sa rehiyon na palaging ipaalala sa kanilang mga personnel na maging responsable sa pagamit ng kanilang armas ngayong Holiday Season.

 

-0-

 

Bahay pagasa para sa mga Children in conflict with the law ipatatayo ng provincial government ng South Cotabato

Magpapatayo ng Provincial Bahay Pagasa ang lalawigan ng South Cotabato. Ito ay ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Haidie Agustin.

Ayon kay Agustin isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang 15 million pesos na pondo para sa nasabing proyekto. Inaasahan na ito ay maipatatayo sa Barangay Paraiso sa Koronadal City sa susunod na taon.

Ayon kay Agustin ang Bahay Pagasa ay paglalagayan sa mga Children in Conlict of the Law o mga kinasuhang menor de edad. Magsisilbi itong tirahan sa mga CICL na sasailalim sa rehabilitasyon bago pabalikin sa kanilang mga komunidad.

Ang Bahay pagasa ay isa sa mga batayan sa pagbibigay ng Seal of Good Local Governance ng Department of the Interior and Local Government o DILG. Matatandaan na sa region 12 unang nagbukas ng Bahay Pagasa para sa mga CICL ang Koronadal City noong March 2018.

 

-0-

 

Unang araw ng Simbang gabi dinagsa ng mga mananampalatayang katoliko sa Koronadal City

Napuno ng mga mga mamamayan na nagsimba sa unang araw ng Simbang gabi kanina ang Christ the King Cathedral sa Koronadal City..

Kung marami ang dumalo sa alas tres ng madaling araw na unang misa, halos doble naman ang mga taong nakinig sa misa sa alas kwatro y medya na Second Mass ni Diocese of Marbel Bishop Cerilo Allan Casicas. Kaugnay nito pinaalala ni Bishop Casicas sa mga mananampalataya na kilalanin ang mga sarili at paghandaan ang pagdating na Hesus na pangunahing dahilan kung bakit may Pasko. 

Sa pangunguna ni Bishop Casicas naglaan din ng panalangin para sa mga biktima ng lindol kahapon sa ibat’ ibang bahagi ng Mindanao ang nagsimbang mga mamamayan. Marami sa mga nagsimba na hindi na nakapasok ay nakinig na lamang ng misa labas ng simbahan.

Kapansin pansin din ang pagdagdag na police visibility sa paligid ng simbahan. Tulad noong mga nakaraang taon naghandog din ng libreng kape at pandesal para sa mga nagsimba ang iba’t ibang grupo sa Koronadal City.

 

-0-

 

DA magdadagdag ng pondo para sa upland farming project nito sa Sarangani Province

Katuparan sa pangako ng Department of Agriculture na pagsulong sa upland farming ang dagdag na pondo na ilalaan ng ahensya sa lalawigan ng Sarangani simula sa susunod na taon.

Ito ay ayon kay Sarangani Governor Steve Chiongbian Solon. Ang ahensya ay nakapaglaan na ng mahigit 150 million pesos para sa pagpapatupad ng Special Area for Agricultural Development o SAAD program sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Solon sinabi ni SAAD National Program Director Myer Mula na hanga si DA Secretary William Dar sa pagpapatupad ng SAAD program sa Sarangani sa nakalipas na tatlong taon.

Ito ang dahilan kung bakit maglalaan ng pondo ang ahensya para matiyak ang pagpapatupad nito kahit na magtapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang SAAD program ay napakinabangan ng 65 na mga upland barangay sa Sarangani.

Pangunahing produkto ng mga ito ang mga gulay, upland rice at mais. Ang mga magsasakang benepisyaryo ng programa ay mabibigyan ng binhi, abono, technical assistance, at tulong pangkabuhayan.

Ayon kay Solon, dahil sa dagdag na pondo, marami pang mga magsasaka lalong lalo na sa mga indigenous peoples. community ang makikinabang sa SAAD program sa Sarangani.

 

-0-

 

 

SACLEO: PRO-12 arrests 71 wanted persons, seizes P1.5-M shabu

KORONADAL CITY – Seventy-one wanted persons with warrants of arrest issued by various local courts were arrested during the daylong Simultaneous...

Supporters of DavNor Gov. Jubahib blocked capitol

DAVAO CITY - Supporters of Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib continued barricading the gate of the provincial capitol against the police who handed...

Lalaki, naaresto ng PNP sa paglabag sa election gun ban sa Pigcawayan, North Cotabato

COTABATO CITY - Inaresto ng PNP ang isang 25-anyos na lalaki matapos lumabag sa ipinatutupad na Comelec gun ban sa Castor Street, Brgy. Poblacion 2,...

PDEA-12 agents seize P178K worth of MJ-flavored vapes in GenSan

KOROANDAL CITY - Fifty-one vape cartridges containing suspected marijuana oil were confiscated from three drug personalities in a buy-bust operation...

Cotelco announces scheduled power service interruption

KIDAPAWAN CITY - The Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) today announced the scheduled power interruption on Friday, April 12, affecting this...