Thursday May, 26 2022 02:16:19 PM

NDBC BIDA BALITA (2.27.19)

NDBC BALITA • 11:45 AM Wed Feb 27, 2019
1,175
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST FEBRUARY 27, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

1. BANGSAMORO TRANSITION AUTHORITY o BTA, pormal ng nag-takeover sa pamamahala ng bagong BARMM.

2. PNP 12, itinanggi ang ulat na may mga nakapasok na foreign terrorist sa rehiyon.

3. DRIVER, patay matapos mahulog sa bangin ang minamanehong motorsiklo sa T’boli, South Cotabato

4. Mga namatay dahil sa tigdas sa buong bansa, patuloy na tumataas

-0-

PORMAL ng nanungkulan ang mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority o BTA sa bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na humalili sa ARMM sang-ayon sa nakasaad sa Bangsamoro Organic Law o BOL.

Isinagawa ang simpleng turnover ceremony kahapon sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City. Sina Moro Islamic Liberation Front o MILF Chairman Murad Ibrahim at outgoing ARMM Gov. Mujiv Hataman ang nanguna sa nasabing aktibidad.

Si Murad ang tatayong pinuno ng BTA habang miyembro naman ng lupon si Hataman na nagdesisyong mag-resign na lamang para bigyang daan ang BARMM. Si Hataman ay tumatakbong gobernador sa Basilan.

Samantala, ilan sa mga itinalagang opisyal ng binuong BTA ay sina: Engr. Edward Guerra, Minister of Budget and Finance; Dr. Zafrullah Dipatuan, Minister of Health at Atty. Naguib Sinarimbo, Minister of Interior and Local Governance.

Nabigyan rin ng posisyon sa BTA sina Atty. Raisa Jajurie, Minister of Social Service; Melanio Ulama, Minister of Indigenous Affairs; Mohagher Iqbal na dating MILF spokesman bilang Minister of Education; Mohammad Yacob, Minister of Fisheries and Agriculture; Abdulraof Macacua, Minister of Environment; Murad Ebrahim, Minister of Public Works and Highways at Hussein Munoz, Minister of Public Order and Safety. Sa kanyang panig ay pinasalamatan ni Murad si Hataman sa maayos na transition of leadership.

Nanawagan din si Ibrahim sa mga tutol sa BARMM na sumuporta na lamang sa halip na bumatikos para sa kaayusan at kinabukasan ng Bangsamoro. Samantala, nagpasalamat naman si Hataman sa lahat ng kanyang mga nakasama sa pamamalakad sa ARMM at sa mga nakatuwang sa pagpapatupad ng pagbabago sa rehiyon.

-0-

NAGPULONG KAGABI sina Pangulong Duterte at Moro National Liberation Front o MNLF founding-chairman Nur Misuari sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na tumagal ng labing limang minuto ang pag uusap ng dalawa.

Humingi ng paumanhin ang pangulo kay Misuari dahil hindi pa naipatutupad ang pangakong pederalismo. Saludo aniya ang pangulo sa haba ng pasensya ni Misuari.

Pinapaboran kasi ni Misuari ang pederalismo kaysa sa Bangsamoro Organic Law o BOL na lilikha sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Hindi aniya natalakay kagabi ang Bangsamoro Transition Authority at lalong hindi umano umalma si Misuari sa kakaunting bilang ng MNLF na magiging kinatawan nila sa BTA.

Taliwas ito sa naunang reklamo ng pamunuan ng MNLF na limang puwesto lamang ang nailaan sa kanila habang malaking bahagi ang napunta sa Moro Islamic Liberation Front.

Hindi naman matukoy ni Panelo kung kailan masusundan ang pagpupulong ng dalawa.

Ipinaliwanag rin ng kalihim na pinayagan na rin ng korte si Misuari na makalabas ng bansa ngunit kailangan niyang magbigay ng 920 thousand pesos na travel bond.

Si Misuari ay mayroong warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon kaugnay ng Zamboanga siege noong 2013 at nahaharap rin sa two counts ng graft at malversation of public funds dahil sa maanomalyang pagbili ng education materials noong siya pa ang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 2000 at 2001.

Matatandaang humihirit si Misuari sa Sandiganbayan na payagang makalabas ng bansa para paunlakan ang imbitasyon ng Organization of Islamic Cooperation na makadalo sa 48th Session ng Council of Foreign Ministers sa Abu Dhabi sa March 1 at 2 at 14th Session ng Parliamentary Union of the OIC sa Morocco sa March 13 at 14.

Balak ni Misuari na umalis ng bansa ngayong araw, February 27 at babalik naman sa March 20.

-0-

DUGUAN at walang malay nang isugod sa ospital ang dalawang taong gulang na batang babae na taga Brgy. Nituan, Parang, Maguindanao.

Ayon sa Lolo Basit, masaya umanong naglalaro ang kanyang apong si ALAISA AGUILAR pasado alas syete ng umaga kahapon nang aksidenteng mahulog ang isang drum na may lamang krudo mula sa ibabaw ng nakaparadang multicab at nabagsakan ang bata.

Nadaganan ng drum ang bata dahilan para magtamo ito ng malaking sugat sa ulo at mawalan ng malay. Sinisikap pa rin ngayon ng mga doctor na maisalba ang buhay ng bata.

-0-

ARESTADO ang dalawang mga suspected snatchers matapos silang maharang ng mga barangay tanod ng Mother Barangay Poblacion at Barangay Poblacion 5, Cotabato city.

Kinilala ang isa sa mga nadakip na suspek na si YUSOF ZACARIA, 20 years old taga Purok Kalsada, Brgy. Tambak, Sultan Kudarat, Maguindanao. Sadya namang hindi kinilala ang kasamahan nito na isa pang menor di edad at residente naman ng Don E. Sero Street ng lungsod.

Nahuli ang mga suspek matapos na mambiktima ng isang Cashier sa isang establisyemento na nakilalang si LAILA SAID KASAN, 23. Naglalakad lamang umano ang biktima at pauwi na sana pasado alas nuebe kagabi nang biglang hablutin ng mga suspek ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng mga mahahalagang dokumento, cellphones at cash.

Mabilis namang nakapagsaklolo ang mga barangay tanod matapos na marinig ang sigaw ng biktima. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang mga pulis at kinostodiya ang mga naarestong suspek.

Kaugnay nito ay nananawagan naman si Police Station 1 Chief, Police Sr. Insp. LEONARDO ENGGAY sa mga nabiktima ng snatching na magtungo sa kanilang himpilan upang kilalanin at sampahan ng kaso ang mga suspek.

0-0

IPINABIBILANGGO ng Sandiganbayan ang mag-asawang dating mga opisyal ng Sulu matapos hatulang guilty sa kasong may kinalaman sa maling deklarasyon ng kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.

Batay sa desisyon ng Sandiganbayan 2nd Division nitong February 12, may sapat na basehan ang anti-graft court para hatulan sina dating Bangungui Mayor Abdulwahid Omar Sahidulla at asawa nitong si dating Vice Gov. Nur-Ana Indanan Sahidulla sa kanilang kasong perjury at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Pinagbabayad din ang ang mag-asawa ng tig-limang libong pisong multa. Nag-ugat ang kaso ng mga dating Sulu official sa pagkabigo ng mga ito na isali sa kanilang SALN noong 2009 ang dalawang mga sasakyan at bahagi ng lupain na kanilang pag-aari sa Zamboanga City.

Nabatid na inamin na rin ng dalawa ang pagkakasalang kanilang nagawa sa batas.

-0-

Kidapawan City, pasok sa top ten champions for health governance award 2019

Number 8 Finalist ng Kaya Natin champions for Health Governance awards ang Kidapawan City ngayong taong 2019.

Isang pagkilala sa mga natatanging Local Government Unit sa buong bansa na namahala at nakapagbigay ng maayos na serbisyo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng epektibong health programs.

Alinsunod narin ito sa United Nations Sustainable Development Goals at ng mga programa ng Department of Health na naglalayung mabigyan ng sapat na serbisyong pangkalususugan ang lahat ng mga Pilipino.

Ito ay iginagawad ng Kaya Natin Movement for Good Governance and Ethical Leadership Jesse Robrero Foundation at ng Merck Sharpe and Dohme-MSD Pharmaceutical Company Philippines.

Kinilala ng Kaya Natin, MSD at Jesse Robredo Foundation ang Kidapawan City sa pagpapatupad ng health services sa pamamaraan kagaya ng mga sumusunod: local leadership, transparency, effectiveness, innovativeness, health resources management, and community engagement in health. Una ng pumasa sa inisyal na screening ang Kidapawan City para sa nabanggit na gawad.

Bago mapipili bilang Champions for Health Governance 2019, dadaan muna sa pangalawang screening ng Kaya Natin at mga partners nito ang mga health programs ng City Government ano mang petsa sa pagitan ng March 1- April 14, 2019. NDBC BIDA BALITA

-0-

Pagpasok ng mga karneng baboy sa Kidapawan City na galing sa ibang lugar, hindi maaring ipahinto - ayon sa alkalde ng lungsod

Ito ang inihayag ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa naging panayam ng Radyo-Bida. Una ng inireklamo ng mga backyard hog raisers na taga Kidapawan City na nalulugi na ang kanilang negosyo dahil sa pagpasok ng mga murang karne ng baboy na mula sa General Santos City.

Sinabi ni Evangelista, hindi nito maaring mapahinto ang mga nagpapautang ng karne ng baboy mula sa iilang lugar sa South Cotabato dahil bukas ang lungsod sa ibang mga negosyante. Pero paglilinaw ng alkade, gagawan nila ito ng intervention at bukas din anya ang opisina ng City Government para sa kung anong aksyon maibibigay ng tanggapan.

Umiikot naman ang price monitoring council sa Mega market ng lungsod. Ang mga karneng baboy na mula sa Gensan ay mababa ang presyo at mas malaking pakinabang sa mga konsumers pero pasanin sa mga hog raiser na taga Kidapawan City.

Dagdag pa ni Evangelista, sapat ang supply ng karne ngayon sa Mega Market, maging ang karne ng manok. NDBC BIDA BALITA

-0-

Pinabulaanan ni Police Regional office 12 spokesperson Police Supt Aldrin Gonzales ang ulat na may naka pasok na mga foreign terrorist sa region 12.

Sinabi ni Gonzales, walang inilabas na statement ang PRO-12 BILANG KOMPIRMASYON sa nasabing ulat. Pero paglilinaw ng opsiyal, may indikasyon na may sympathizers diumano ang grupo bunga ng narekober na ISIS flag sa isinagawang operasyon ng PNP sa South Cotabato at Saranggani Province .

Samantala, sinabi ni Gonzales na handa ang PNP Region 12 sa banta ng pagpasok ng mga terorista sa rehiyon.

Nagpapatupad na rin ng security measures gaya ng pagpapa igting ng intelligence monitoring at pagsasagawa ng mga checkpoint operations sa buong lugar na sakop ng rehiyon sa pakikipagtulungan ng AFP.

Samantala, hindi kumpiramdo ang ulat sa diumanoy recruitment activity ng mga ISIS sympathizers sa mga kabataan sa North Cotabato. NDBC BIDA BALITA

-0-0
Tricycle drayber, patay sa panibagong insidente ng pamamaril sa Kidapawan City

Patay ang isang tricycle drayber matapos na pagbabarilin ng di pa kilalang gunman habang nagmamaneho ng kanyang tricycle sa harap ng isang tindahan sa Apo Sandawa Homes-Phase 1, Barangay Poblacion, Kidapawan City, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang biktima na si Carlo Dulay Engay, 35-anyos at nakatira sa barangay Singao ng nasabing lungsod.

Sa panayam ng Radyo-Bida kay Kidapawan City PNP Chief, Police Supt. Ramel Hojilla, alas-12:20 ng tanghali habang namamasada ang biktima at magpapasakay na sana ng pasahero nang bigla na lamang itong barilin ng suspek na lulan ng motorsiklo.

Malapitang binaril ang biktima sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sinabi ni Hojilla, tatlo ang kanilang sinusundang anggulo sa nasabing pamamaril base sa sinasabi ng kakilala ng biktima una ay ang Love Triangle, Personal Grudge at pagkasangkot nito sa pag gamit ng marijuana VC- Hojilla Si Kidapawan City PNP Chief, Police Supt Ramel Hojilla.

Ito na ang ikalimang kaso ng pamamaril sa lungsod simula nitong buwan ng Enero at tatlo lang anya dito ang residente ng Kidapawan City. Patuloy ang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa insidente.

-0-

DTI South Cotabato Provincial Director pinaalalahanan ang mga commercial establishment sa lalawigan na maglagay ng Consumer Welfare Desk

Maglagay ng Consumer Welfare Desk sa kanilang mga establisemento. Ito ang paalala ni Department of Trade and Industry o DTI South Cotabato Provincial Director Flora Gabunales sa mga negosyante sa lalawigan.

Layunin nito ayon kay Gabunales na maresolba sa lebel pa lamang ng mga establisemento ang reklamo ng mga mamimili. Sa pamamagitan nito ayon kay Gabunales ay hindi na gumastos pa at gumugol ng mahabang oras para sa kanilang complain ang puliko.

Ayon kay Gabunales ang mga front liners o mga kawani ng mga establisemento na nakatalawaga sa consumer welfare desk ay sinasanay din ng DTI.

Itinuturo sa mga ito kung paano tanggapin at resolbahin ang reklamo ng kanilang mga customer at di na umabot pa sa DTI. Ayon kay Gabunales, kalimitang inireklamo ng mga mamimili ang warranty at defect sa mga biniling produkto.

Pero nilinaw ni Gabunales na hindi lahat ng mga inirereklamo ng mga mamimili ay maaring pagbigyan ng mga establisemento o resolbahin ng DTI.

-0-

Breastfeeding kontra Tigdas pinaiigting ng provincial health office ng South Cotabato

Pinalakas pa ng provincial health office ng South Cotabato ang kanilang kampanya para sa breast feeding. Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng tigdas sa lalawigan.

Ayon kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Alah Baby Vingno, mahalaga ang breastfeeding sa mga sanggol lalong lalo na ang hindi pa nababakunahan. Sa pamamagitan kasi nito ayon kay Vingo ay natitiyak ang pagkakaroon ng sapat na nutrients mula sa gatas ng ina ng mga sanggol .

Ayon kay Vingno ang colostrum o unang gatas ng ina ay mayroon antibodies na napro-protekta sa mga bagong silang laban sa mga karamdaman.

Pero nilinaw ni Vingno na para mas maproteksyunan pa ang kanilang mga sanggol dapat ay natitiyak din na protektado ang mga ina at may sapat na antibodies. Kaya ayon kay Vingno mahalaga din sa mga buntis ang regular na pagpapa check-up.

Matatandaan sa tala ng provincial health office mula Enero hanggang Pebrero 14 na umabot na sa 53 ang kaso ng tigdas sa South Cotabato.

Ito ay mas mataas ng may 43 percent kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Naghahanda na rin para sa catch-up measles vaccination ang mga personnel ng provincial health office ng South Cotabato.

-0-

Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng South Cotabato may payo sa publiko para iwas sunog sa Fire Prevention Month

Magingat para hindi mabiktima ng sunog ngayong papalapit na ang Fire Prevention Month.

Ito ang paalala sa publiko ni South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management o PDRRM Officer Mila Lorca.

Ayon kay Lorca, madalas kasing dumadami ang mga insidente ng sunog tuwing Marso kung kelan ipinagdiriwang ang Fire Prevention Month.

Payo ni Lorca sa mga mamamayan, huwag hayaang maglaro ng posporo ang mga bata na maaring pagmulan ng sunog. Ayon kay Lorca dapat ding itago ng mabuti ang mga bagay na maaring maging sanhi ng sunog tulad ng mga kandila.

Ang mga ito ayon kay Lorca ay kabilang sa one minute prevention na dapat gawin ng bawat mamamayan para iwas sunog. Dinadag din ni Lorca na magpupulong din ang mga kasapi ng PDRRMO para pagusapan ang mga interbensyon sa pinangangambahang El Nino Phenomenon at tumataas na kaso ng Tigdas sa South Cotabato.

-0-

Driver patay nang mahulog sa bangin ang minamanehong motorsiklo sa T’boli, South Cotabato

Kinilala ng Tboli PNP na pinamumunuan ni OIC Police Major Bernie Faldas ang nasawing biktima na si Carlito Ora Til,nasa hustong edad at nakatira sa Barangay Tubeng, Tupi, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na ang motorsiklong minamaneho ni Til ay nag-overshoot at bumangga sa isang puno bago tuluyang nahulog sa bangin. Ito ay matapos mawalan ng kontrol sa nasabing motorsiklo pagdating sa pababa at palikong bahagi ng daan sa barangay Lamsalome, Tboli.

Ang biktimang si Til ay papapunta sana sa Barangay Lambukay, Banga mula Tubeng, Tupi nang maganap ang vehicular crash. Siya ay idineklarang dead on arrival sa isang pribadong ospital sa T’boli sanhi ng natamong matinding mga sugat.

Nakaligtas naman sa vehicular crash ang angkas nitong trese anyos at Grade 8 student ng Tupi National High School na si Carl Josh Til.

-0-

Tulong sa mga magsasaka na maapektuhan ng El Nino, Phenomenon, tiniyak ni DA Secretary Pinol

Makatataggap ng tulong mula sa Department of Agriculture o DA ang mga magsasaka na maaring maapektuhan ng El Nino Phenomenon ngayong taon. Ayon kay Department of Agriculture Secretary Manny Pinol ito ay sa pamamagitan ng agarang pagbibigay ng Crop Insurance Payments at Survival and Recovery o SURE loans sa mga ito.

Ipinahayag ng kalihim na nakadepende pa rin sa report ng mga field Workes ng DA at El Nino Task Force na inorganisa noong nakaraang taon ang magiging intebensyon ng ahensya.

Ayon kay Pinol magiging gabay ng DA sa pagbibigay ng tulong ang mapa ng PAGASA sa mga lugar na maaring maapektuhan ng mahabang tagtuyot. Saklaw ng Crop Insurance ang 100 percent na kasiraan sa mga pananim na dulot ng El Nino.

Habang ang mga apektadong magsasaka ay maaring umutang ng hanggang P25,000 sa pamamagitan ng SURE. Ito ay maaring bayaran sa loob ng tatlong taon ng walang interest at collateral. Payo naman ni Pinol sa mga magsasaka na nais makinabang sa nasabing mga programa, makipagugnayan sa pinakamalapit na regional office ng DA.

-0-

NATIONAL NEWS………………….

Umabot na sa 203 ang bilang ng mga namatay sa tigdas mula noong Enero ng taong ito.

Base sa huling datos ng Department of Health, sa buong bansa ay nasa 12 thousand, 700 na ang kaso ng tigdas mula unang buwan ng 2019 hanggang February 23.

Ito ay sadyang mataas kumpara sa mahigit 2,400 na kaso lamang na naitala noong 2017.

Ayon sa DOH, mahigit kalahati ng mga namatay ay mga batang limang taong gulang pababa.

Bomb explodes inside travelling Yellow Bus in Koronadal

KORONADAL CITY - A suspected improvosed bomb went off inside a moving Yellow Bus along Gen San Drive, this city, particular in front of KCC Mall....

UPDATE: Fire hits Cotabato City's PC hill residential area

COTABATO CITY - SUMIKLAB ANG SUNOG sa PC hill Cotabato City na tumupok sa ilang mga tahanan na nasa likod ng Cotabato City Naitonal High School annex...

Bus conductor slain, driver hurt in NoCot gun attack

KABACAN, North Cotabato – An unidentified gunman shot dead Wednesday a bus conductor of Rural Tours inside what supposed to be a police well-...

PNP: Lanao Sur special polls “peaceful, orderly, quiet”

COTABATO CITY – Police said the special elections in 12 villages in Lanao del Sur have been going on smoothly without any hindrances. Lt. Colonel...

MILG-BARMM continues projects to capacitate LGUs

COTABATO CITY – Minister Naguib Sinarimbo of the Ministry of the Interior and Local Government in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao...