Thursday May, 26 2022 12:53:37 PM

NDBC BIDA BALITA (3.6.19)

NDBC BALITA • 11:15 AM Wed Mar 6, 2019
1,053
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MARCH 06, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

1. Executive order para sa implementasyon ng decommissioning of arms ng MILF, pirmado na ni P. Duterte.

2. Apat katao kabilang ang isang buntis, patay sa nangyaring sunog sa Arakan, North Cotabato

3. DALAWA, patay naman sa vehicular crash sa Isulan, Sultan Kudarat

-0-

Apat ang nasawi kabilang na ang isang buntis sa nangyaring sunog sa Sitio Little Baguio, Barangay Meocan, Arakan, North Cotabato.

Sa panayam ng Radyo-Bida kay Arakan BFP SFO2 Ronald Valle, nangyari ang sunog sa bahay ni Ronie Monteser, 44-anyos, dakong ala-1:45 ng madaling araw kanina habang natutulog ang mga biktima.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ronie Monteser,44 years old ang anak nitong buntis na si Mary Jean, 19 at ang ka-live-in na si Rainheart Carugda at ang isang taong gulang na bata.

Dalawang palapag ang nasunog na bahay na sinasabing lumang bahay na kaya mabilis na natupok ng apoy. Mahimbing na natutulog ang apat kaya di nila namalayan na nasusunog na ang kanilang tahanan at may motorsiklo din sa loob ng kanilang bahay dahilan din na mabilis na matupok ng apoy.

Malaki na ang apoy nang mapansin ng mga kapitbahay kaya di na ito naagapan pa. Nasa 60 thousand naman ang iniwang danyos ng nasabing sunog.

Samantala, apat na magkakahiwalay na sunog din ang naitala sa bayan ng Kabacan.

Kabilang na dito ang isang canteen sa loob ng University of Southern Mindanao compound alas 9 kagabi, isang Botika sa National Highway, partikular sa Rizal St., na 386 pharmacy na pag-aari ni Jhong Raagas. Ayon kay Raagas, posibleng dahil sa patay sindi na kuryente ang dahilan ng nasabing sunog.

Abot naman sa 3Million ang iniwang danyos ng nasunog na pharmacy.

-0-

PIRMADO NA ni Pangulong Duterte ang executive order para sa implementasyon ng annex on the normalization sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ginawa ng pangulo ang pag-apruba sa cabinet meeting kamakalawa ng gabi matapos ang pagpresenta ng proposal ni Presidential Adviser on the Peace, Reconciliation and Unification Sec. Carlito Galvez Jr.

Sa ilalim ng EO ay sisimulan na ng MILF ang decommissioning of arms sa gobyerno.

Ilalatag na rin ang mga hakbang para tuluyang masawata ang mga private armed group sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Nakasaad din sa executive order ang pagpapaigting sa rehabilitasyon, reconstruction at development ng Bangsamoro region. Sinabi ni Panelo na laman ng mga naunang kasunduan ang mga nakatakda sa EO na bahagi ng pagpapalakas sa BARMM.

-0-

PINAYUHAN naman ng Moro National Liberation Front o MNLF ang gobyerno na palakasin pa ang kampanya para sa federal government draft habang naglilibot sa mga lugar sa bansa.

Ginawa ni MNLF spokesperson Atty. Emmanuel Fontanilla ang pahayag dahil napapansin umano nila na halos hindi umuusad ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang maipaunawa sa taumbayan kung ano ang ibig sabihin ng pederalismo.

Iminungkahi ni Fontanilla sa Malacañang na dapat magkaroon ng malawakang kampanya gamit ang media materials na mababasa ng mga tao ukol sa usapin.

Aminado naman si Fontanilla na maging siya ay walang nababasang mga reading material, napapanood sa TV o naririnig sa radyo kaugnay sa isinusulong ni Pangulong Duterte na sistemang pederalismo.

Magugunitang mismong si MNLF founder Nur Misuari ang isa sa mga tagasuporta ni Duterte pagdating sa usaping pagbabago ng konstitusyon tungo sa pederalismo na tiyak na makikinabang ang buong bansa partikular ang Mindanao.

-0-

PORMAL NG SINIMULAN ang limang araw na Gamutan Pangkalahatan Alay sa Bangsamoro "YES" to Kalusugan ng Integrated Provincial Health Office o IPHO-Maguindanao.

Tampok sa libreng serbisyo na ginaganap ngayon sa Maguindanao Provincial Hospital ang libreng operasyon sa Hernia o Loslos, Abdominal Mass, Breast Mass, Cyst o Bukol sa katawan, operasyon sa Goiter, Cleft Lip & Palate o Sungi, Head and Neck Mass, Tumor sa Matres, Bali sa Buto, Ligation, Vasectomy, Cataract, Bunot ng Ngipin o Dental services, Mass Blood Glucose Determination, Eye Exam and Surgery for Ptyregium and Cancer Screening, libreng Papsmear, DRE, VIA, Laboratory Services, X-ray at Ultrasound, General consultation & Screening at Blood Letting.

Ayon kay Maguindanao Provincial Hospital chief Dr. Tahir Sulaik, tinatayang nasa dalawang libong mga pasyente ang nakapila sa kanila at pagsisikapan nila itong pagsilbihan katuwang ang mga doktor na mula sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City, Cotabato City, Isulan at Tacurong City.

Samantala, kasabay naman ng opening kahapon ang Inagurasyon ng bagong Out-Patient Department building, at construction ng bagong Mosque sa naturang ospital.
Pinangunahan din ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang pamimigay ng daan-daang wheel chairs sa mga pasyente.

-0-

HINULI ng mga otoridad ang isang ginang na wanted umano sa kasong pagnanakaw sa Cotabato city.

Isinilbi ng mga pulis ang warrant of arrest sa suspek na si ROLYTA CLAVECILLA NEGRETE, 50 years old, may asawa at residente ng Purok Mahigumaon, Roales Street, Mother Barangay Rosary Heights.

Pasado alas singko ng hapon kamakalawa nang puntahan ng mga otoridad sa kanilang tahanan si NEGRETE at maayos namang sumuko ang suspek matapos na isilbe sa kanya ang arrest warrant para sa kasong 3 counts of Qualified theft na inilabas ni RTC Branch 27 Judge Kassan Abdulrakman.

Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang nasabing suspek habang hinihintay na makapag piyansa ito.

-0-

Bangkay ng di kilalang lalaki, natagpuan sa isang barangay ng Datu Montawal, Maguindanao

Hanggang sa ngayon ay wala paring pagkakakinlanlan ang isang lalaki na natagpuang patay sa barangay Bulit, Datu Montawal Maguindanao.

Natagpuan ng mga residente ang bangkay ng biktima 8:30 ng umaga nitong lunes. Ang biktima ay nakasuot ng cargo pants,walang suot pantaas at nasa 35 to 40 years old. Ayon sa ulat ng Datu Montawal PNP, nakatali ng lubid ang dalawang kamay ng biktima at tadtad ng tama ng baril.

Nagtamo ang biktima ng labinsiyam na sugat mula sa tama ng caliber 45 pistol base na rin sa mga ebedensyang narekober sa crime scene.

Sa ngayon, ang bangkay ng biktima ay nasa isang punerarya sa bayan ng Kabacan, North Cotabato. Blangko parin ang PNP sa motibo ng mga responsable sa nasabing pamamaril.

-0-
TMU Personnel, patay sa panibagong kaso ng pamamaril sa Kidapawan City

Patay ang isang TMU Personnel matapos na pagbabarilin ng riding tandem suspek sa National Highway barangay Lanao Kidapawan City.

Nakilala ang biktima na si Jeffrey Atud, 31 anyos at nakatira sa Villamarso St. Kidapawan City. Nangyari ang pamamaril alas 9:55 ng umaga kahapon.

Sa panayam ng Radyo Bida kay Kidapawan City PNP Chief, Police Lt. Col. Ramel Hojilla, sinabi nitong nakisilong lang ang biktima malapit sa isang STL booth sa lugar nang pagbabarilin ng di pa kilalang suspek.

Nagtamo ng sugat mula sa tama ng bala ang biktima sa kanyang ulo na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Dagdag pa ni Hojilla, personal grudge ang kanilang nakikitang motibo sa pagbaril at pagpatay sa nasabing TMU personnel. Batay sa datus ng PNP, ito na ang pang-anim na kaso ng pamamaril sa Kidapawan City mula sa buwan ng Enero.

Sinabi ni Hojilla ang kaso ng pamamaril sa lungsod ay isolated cases lamang at patuloy naman ang kanilang ginagawang target-hardening measure. NDBC BIDA BALITA

-0-

24 na mga barangay sa Kidapawan City, apekatado ng tag-init- ayon sa City Agriculturist

Abot na sa 24 na mga barangay sa Kidapawan City ang lubhang naapektuhan ng tag-tuyot sa lungsod. Sinabi ni Acting City Agriculturist Marisa Aton, batay sa kanilang iniyal na datus nasa 800 hectares na ang kabuuang ektarya ng mga magsasaka at 700 to 800 farmers naman ang apektado ng tag-init.

Sa nasabing bilang, posibleng pa itong madagdagan dahil sa patuloy na tag-init sa lungsod. Ang mga pananim na lubhang apekatado ay ang palay, mais, saging at maging ang mga pananim na gulay.

Abot na din sa 49miilion ang halaga ng mga pananim na nasira dahil nararanasang El-Niño phenomenon. Dagdagpa ni Aton, base sa kanilang datus mataas ang bilang ng mga napinsalang pananim ngayon kumpara noong mga nakaraang taon.

Sa ngayon, patuloy naman ang kanilang monitoring sa mga barangay kung sasailalim na ang lungsod sa state of calamity. NDBC BIDA BALITA

-0-
Mga pulis na nasugatan sa pagsisilbi ng searh warrant laban sa isang gun for hire sa Antipas, North Cotabato, ginawaran ng medalya ng sugatang Magiting

Personal na iginawad ni Regional Director Police Brigadier General Eliseo Tam Rasco sa tatlong mga pulis na nasugatan sa pagsisilbi ng search warrant sa Antipas North Cotabato.

Nakatanggap ng Medalya ng sugatang Magiting na Pulis sina Antipas PNP Chief Police Captain Bernard Abarquez, Police Senior Master Sergeant Albert Tubang at Pat Ubert Colago sa isinagawang seremonya sa Cotabato Provincial Capitol, Amas Kidapawan City.

Ang tatlong mga pulis ay nasugatan matapos ang kanilang operasyon dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 laban kay Edwin Denosapal nitong nakaraang buwan.

Habang isa naman sa kanilang kasamahan ang binawian ng buhay na kinilalang si Pssgt. Nero Antonio Osorio. Nagkaroon din ng open forum ang mga hepe na mula sa ibat-ibang bayan sa North Cotabato.

Kakulangan ng mga personahe at ang unserviceable patrol vehicles ang isa sa mga isyung ipinaabot ng mga ito.

-0-

Preparedness plan sa El Nino Phenomenon inilatag na ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani

Ipinatutupad na ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ang kanilang inter-agency El Nino preparnedness plan na binalangkas noong nakaraang buwan.

Ayon kay Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rene Punzalan, tinututukan nila o ang posibleng pagdeklara ng State of Calamity.

Ito ay kapag lumalala pa ang epekto ng tagtuyot sa lalawigan tulad noong 2016.

Sinabi ni Punzalan na kung pagbabatayan ang advisory ng PAGASA, direktang matatamaan ng El Nino ang Western part ng Mindanao.

Dinagdag ni Punzalan na bagamat hindi kalakip sa mga lugar na maaring tamaan ng matinding tagtuyot ang Sarangani,mararamdan pa rin ang masamang epekto nito sa ilang bahagi ng lalawigan.

Ang Sarangani at Gensan ay nakararanas na ng below normal na pagulan sa nakalipas na tatlong linggo. Gayunpaman ayon kay Punzalan, wala pa silang natangap na report na kasiraan ng dry spell sa mga pananim sa Sarangani.

Ipinahayag ni Punzalan na nagsasagawa rin ngayon ng monitoring sa mga pananim ng Sarangani ang kanilang provincial agriculture office.

Dinagdag din ni Punzalan na bumili ang pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ng sampung water pump para sa patubig ng mga sakahan na maaring maapektuhan ng El Nino Phenomenon.

-0-

DENR 12 Regional Director nanawagan sa mga mamamayan na tumulong sa pangangalaga ng mga marine resources ng rehiyon

Tumulong sa proteksyon ng mga yamang dagat. Ito ang hiling ni Department of Environment and Natural Resources o DENR 12 Regional Director Nilo Tamoria sa mga mamamayan ng SOCCKSARGEN.

Sinabi ni Tamoria na mayaman ang marine ecosystem ng region 12. Dinagdag nito na matatagpuan sa Sarangani Bay ang ibat ibang marine resources tulad ng whale sharks, marine turtles, dugong at maging ang mga migratory birds.

Gayunpaman ayon kay Tamoria, itinturing itong biodiversity hotspot. Patunay naman dito ayon kay DENR 12 Protected Area Superintendent Joy Ologuin, ang naitalang insidente ng widlife trafficking sa General Santos City port.

Kaugnay nito, umapela si Ologuin sa mga local government officials at Wildlife Enforcement Officers na maging vigilante. Sinabi ni Tamoria na kailangan ng DENR na paigtingin sa mga komunidad ang pagtuturo ng pangangalaga sa mga marin resources.

Layon nito ayon kay Tamoria na hikayatin ang mas maraming mamamayan na tumulong sa pangangalaga ng mga yamang dagat ng region 12

-0-

City sports office ng Koronadal City tumatanggap na ng mga estudyante sa kanilang 9th Summer Training Festival

Sinimulan na ng City Sports Office ang enrollment para sa 9th PBM Summer Training Festival ng lokal na pamahalaan sa Koronadal City.

Ito ang ipinahayag ni Koronadal City Sports Coordinator Tony Aguilar. Ayon kay Aguilar maari lamang magaral sa dalawang event on first come first serve basis ang mga magpapatala.

Ipinahayag ni Aguilar na iaalok sa summer training festival ang 42 event. Kalakip sa mga ito ay iba’t ibang isports, music, dance, at journalism na bukas rin sa mga interesadong mamamayan mula sa karatig lugar ng Koronadal.

Ayon kay Aguilar bukas ang summer training festival sa lahat pero kailangan ang permiso ng mga magulang o guardian sa mga nais mag enroll na nasa 17 years old pababa. Sisimulan ang 9th Summer Training Festival ng Koronadal sa March 30.

Binigyan diin ni Aguilar na para mabigyan ng certificate at makadalo sa graduation dapat ay umabot sa 70 percent ang attendance ng isang participant sa nasabing aktibidad.

-0-

Dalawa patay sa vehicular crash sa Isulan, Sultan Kudarat

Kinilala ng Isulan PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col Junie Buenacusa ang biktima na unang nasawi na si Rodrigo Combatir, 29 years old at nakatira sa Purok San Vicente, Barangay Poblacion, Sto. Nino, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na nakasabay ng biktimang si Combatir sa national highway, Barangay Kulambog, Isulan ang nagkakarera at nag-exhibition na grupo ng mga motorcycle rider.

Ito ay matapos ihatid sa trabaho sa Isulan ang kanyang nagtatrabahong misis. Sumemplang umano sa highway ang motorsiklo ng isa sa mga rider na tumama naman sa tricycle na minameneho ni Combatir.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga nawalan ng kontrol sa minemanehong tricyle si Combatir at tumilapon sa highway.

Ang biktimang si Combatir na nagtamo ng matinding mga sugat ay agad na binawian ng buhay.

Ang nag-exhibition umanong driver ng motorsiklong nakabangga sa kanya ay binawian ng buhay habang ginagamot sa isang ospital.

Kinilala naman itong si Pairudin Makong, 20 years old at nakatira sa Lumabao Gen SK. Pendaton, Maguindanao.

0-0

Cargo truck ng DA natanggap na ng limang Cassava Project Cooperative sa South Cotabato

May magagamit nang cargo truck para sa paghahakot ng kanilang mga produkto ang limang kooperatiba ng Cassava Project ng Philippine Rural Development Program o PRDP sa South Cotabato.

Sa pormal na paglagda ng kasunduan, nagpasalamat naman sa Department of Agriculture na tatapagpatupad ng PRDP ang mga opisyal ng mga benipisyaryong kooperatiba.

Ayon kay Polomolok, South Cotabato Polo Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative Chairman Raul Gerada, ang pagtanggap ng sasakyan mula sa ahensya ay tugon sa matagal na nilang hinihintay.

Matatandaan na bilang counterpart sa nasabing cargo truck nagbigay ng tseke sa mga opisyal ng limang kooperatiba ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Maliban sa Polo Samahayang Nayong MPC, nabigyan din tig 7.5 million pesos na truck ng DA ang Topland MPC sa Koronadal City, San Jose MPC, ARB MPC, at Self-Reliant MPC.

UPDATE: Fire hits Cotabato City's PC hill residential area

COTABATO CITY - SUMIKLAB ANG SUNOG sa PC hill Cotabato City na tumupok sa ilang mga tahanan na nasa likod ng Cotabato City Naitonal High School annex...

Bus conductor slain, driver hurt in NoCot gun attack

KABACAN, North Cotabato – An unidentified gunman shot dead Wednesday a bus conductor of Rural Tours inside what supposed to be a police well-...

PNP: Lanao Sur special polls “peaceful, orderly, quiet”

COTABATO CITY – Police said the special elections in 12 villages in Lanao del Sur have been going on smoothly without any hindrances. Lt. Colonel...

MILG-BARMM continues projects to capacitate LGUs

COTABATO CITY – Minister Naguib Sinarimbo of the Ministry of the Interior and Local Government in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao...

Duterte hopes monkeypox less fatal than Covid-19

MANILA – President Rodrigo R. Duterte on Monday expressed hope that the monkeypox outbreak being reported mostly in Europe would not be as fatal...