Saturday Dec, 10 2022 03:49:06 AM

NDBC BIDA BALITA (5.17.19)

NDBC BALITA • 14:30 PM Fri May 17, 2019
1,086
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST May 17, 2019 (FRI)
7:00 AM

HEADLINES:

1. MGA NASA LIKOD ng pagpapasabog sa Cotabato city at Datu Odin Sinsuat noong nakalipas na halalan, tuloy na ng PNP at AFP.

2. ADVANCE SHADING NG ARMADONG GRUPONG sa ilang mga balota sa President, Roxas, North Cotabato noong halalan, pinabulaanan ng PNP.

3. BATA, patay matapos tamaan ng bala na para sana sa kanyang ama sa Lake Sebu, South Cotabato.

4. Tree planting sa farmers day, isusulong ng DA-12

-0-

TINUKOY NG PNP na ang break away group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF ang nasa likod ng mga serye ng pagsabog sa Central Mindanao noong araw ng halalan.

Sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Bernard Banac na sa ngayon ay patuloy ang kanilang mga ginagawang imbestigasyon.

Sa panig naman ng military, sinabi ni Army’s 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Cirilito Sobejana na hindi mga BIFF ang nasa likod ng mga serye ng pagsabog kundi mga private armed groups ng ilang mga politiko.

Layon lamang aniya ng mga ito na takutin ang mga botante. Samantala, nabatid na umaabot sa 32 mga insidente ng karahasan naitala ng PNP BARMM sa buong rehiyon bago at pagkatapos ng halalan.

Kabilang na rito ang mga nangyaring pagsabog sa Cotabato City at Datu Odin Sinsuat. May mga insidente rin ng pananaga sa Parang, Maguindanao kung saan sugatan ang municipal administrator ng bayan na si Usman Ibay III kapatid ni incumbent Mayor Ibrahim Ibay.

Sugatan din ang siyam katao matapos na pagbabarilin ng umano ay supporter ng isang kandidato habang sa Datu Abdullah Sangki naman ay pinagsusuntok ang isang election lawyer na si Atty. Jorge Cordero matapos na sitahin ang isang barangay official na nasa polling center.

Sumiklab din ang labanan sa pagitan ng isang talunang kandidato at nanalong kandidato sa Talitay. May nangyari ding pagsabog sa Lanao del Sur habang sinunog naman ang mga sasakyan sa Sulu.

Sa kabila nito, sinabi ni PNP-BARMM Director Police Brig. General Graciano Mijares na maituturing pa ring payapa sa pangkalahatan ang nangyaring botohan.

-0-

NAGING EMOSYUNAL si Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu sa kanyang proklamasyon kahapon bilang nanalong kongresista ng ikalawang distrito ng Maguindanao.

Sinabi ni Mangudadatu na bagaman at natutuwa siya sa pagkapanalo ay nalulungkot din siya sa pagkatalo ng kanyang kapatid na si Mangudadatu mayor Freddie Mangudadatu na tumakbo sa pagka-gubernador ng lalawigan nung nakalipas na halalan.

Pero ayon kay Mangudadatu, mas nakalulungkot pa ang nangyari sa kanilang pamilya na tila nagkaroon ng hidwaan ng dahil sa politika.

Ang tinutukoy ng gubernador ay yung mga masasakit na salitang nabitiwan ng kanilang kampo at ng mga kamag-anak sa kampo naman ni governor-elect Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.

Gayunman, umaasa si Mangudadatu na magkaka-ayos din ang kanilang pamilya at hihilumin din ng panahon ang anumang di nila pagkaka-unawaan.

-0-

Samantala, tiniyak naman ng congressman-elect na makikipagtulungan siya sa bagong pamunuan ng Maguindanao provincial government.

Giit ni Mangudadatu, sa loob na siyam na taon ay nabago na at umunlad ang lalawigan kaya’t gagawin niya ang lahat para mapanatili ang kaayusan ang kaunlaran ng probinsiya.

Sa kabilang dako naman, hihilingin daw ni Maguindanao 2nd District Congressman-elect Toto Mangudadatu na mabigyan ng isang taong palugit ang gobyerno upang bigyan ng pagkakataong magbalik-loob sa pamahalaan ang mga miembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Naniniwala kasi ang gubernador na ito ang tanging paraan para tuluyang maputol ang kultura ng karahasan sa Maguindanao.

Tiwala rin si Mangudadatu sa kakayahan ng pamunuan ng bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na kausapin at kumbinsihin ang mga dati nilang kasamahan sa BIFF na magbagong-buhay.

Sunod na iprinoklama kahapon ng Provincial Board of Canvassers si Maguindanao Governor-Elect Bai Mariam Sangki-Mangudadatu at Vice Governor-Elect Datu Lester Sinsuat sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex.

-0-

ISANG RIFLE GRENADE at ilang drug paraphernalia ang natagpuan ng mga sundalo ng Army’s 90th Infantry Battalion at 61st Division Reconnaissance Company habang nagsasagawa ng clearing operation kahapon ng tanghali sa Brgy. Kilalan, Talitay, Maguindanao.

Sa report ng Army’s 6th Infanatry Division, natagpuan din ng mga sundalo sa lugar ang ilang empty shells ng high powered firearms, bandolier, camouflage uniforms, ICOM radio at mga bala ng Cal .50.

Sinabi ni Army’s 90th IB commander Lt. Col. Crizaldo Fernandez na nagawa nilang maitaboy ang mga armado palayo sa mataong lugar upang walang madamay na mga sibilyan.

Tiwala rin si Fernandez na tuluyan ng umatras ang naturang armadong grupo matapos na makuha ng mga sundalo ang ilan sa kanilang mga armas at mga bala. Tiniyak naman ng opisyal na patuloy nilang tutugisin ang naturang grupo na banta sa seguridad ng buong lalawigan.

-0-

ARESTADO sa Alamada, North Cotabato ang pampitong Wanted Person sa bayan ng Banisilan.

Sa report ng Alamada PNP, nakilala ang suspek na si RONILO QUIBETE, 33 years old, may asawa, magsasaka at residente ng Sitio Tambo, Barangay Guiling, Alamada.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, nadakip si Quibete ng pinagsanib na pwersa ng Alamada at Banisilan PNP pasado alas sais ng umaga kahapon.

Nabatid na nahaharap sa kasong FRUSTRATED MURDER si Quibete at may warrant of arrest na inilabas ni Judge Lily Lydia Laquindanum ng RTC 12 - Branch 24 noon pang June 14, 2013, sa Midsayap.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa Banisilan PNP lockup cell.

-0-0-

IIMBESTIGAHAN ng Commission on Elections o COMELEC ang umano’y naganap na pre-shading ng mga balota sa Lanao del Sur.

Ito ay base naman sa kumakalat ngayong video sa social media kaugnay ng naturang uri ng pandaraya noong nakaraang eleksyon.

Sa naturang video makikitang isa-isang minamarkahan ng 'di pa kilalang indibidwal ang maraming mga balota. Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, hihingin nila ang tulong ng pamunuan ng Facebook at ng forensic analysis para makasigurong hindi fake ang naturang video.

Ikinabahala ng marami ang nilalaman ng video na maaaring dumungis daw sa kredibilidad ng 2019 midterm elections.

Sabi ni Jimenez, napanood na raw niya ang video kaya't nagsisimula na silang mag imbestiga. Gayunpaman, kakaunti lang daw ang impormasyon na kayang mahinuha mula sa video.

Kaugnay nito ay hinimok naman ni Jimenez ang sinumang may impormasyon tungkol sa video na maghain ng reklamo.

Sa ngayon ay wala pang detalye ang COMELEC kung saan partikular na lugar sa Lanao del Sur nangyari ang sinasabing dayaan at kung sino ang responsable dito.

-0-

Dead on the spot ang isang magsasaka matapos na pagbabarilin ng kapwa magsasaka sa Sitio Silangan, Malapag Carmen North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Esmail Namla Kalis alyas teng, 45 anyos habang ang suspek ay kinilalang si Anok Lubalang, 30 anyos at nakatira sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat ng Carmen PNP, pasado ala 8:30 ng umaga nitong miyerkules pinagbabaril ng suspek ang biktima habang papunta ng kanyang sakahan. Nagtamo si Kalis ng sugat mula sa tama bala sa kanyang dibdib at sa ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Habang mabilis namang tumakas ang suspek patungong liblib na lugar ng bayan matapos gawin ang krimen. Isa naman ang personal na alitan sa mga sinusundang anggulo ng mga pulis hinggil sa nasaabing pamamaril. Patuloy ang mas malalimang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. NDBC BIDA BALITA

-0-
Kick-off program ng brigada Eskwela sa Kidapawan City, isasagawa ngayong araw

Isasagawa ngayong araw ang kick-off program ng brigada Eskwela 2019 sa Kidapawan City Division.

Sinabi ni Schools Division Superintendent Romelito Flores, alas 5:00 ng umaga kanina ay nagsagawa ang mga guro at opisyales ng DEPED Kidapawan ng Fun run bilang bahagi narin ng kanilang aktibidad ngayong araw.

Tema ng brigada Eskwela ngayong taon, “Matatag na bayan para sa maunlad na Paaralan” at ang programa ay gagawin sa New Bohol Elementary School alas 9 ng umaga ngayong araw.

Bukod sa mga guro ay katuwang din nila ang ibat-ibang stakeholders na ginagawa tao-taon at sisimulan sa Mayo 20 hanggang 25. Layunin nitong maging handa ang Paaralan at ang mag-aaral sa nalalapit na pasukan na magsisimula sa hunyo a-3

-0-

Naging mapayapa ang pagsimula hanggang sa matapos ang pagdaraos ng halalan sa Sitio Legpas, barangay Tuael North, Cotabato.

Ito ay ayon kay President Roxas PNP Chief Police Major Rolly Oranza sa naging panayam ng Radyo Bida.

Una ng nai-ulat bago ang halalalan sa nasabing sitio ang umano'y presensya ng armadong grupo na kinuha ang mga official ballots sa electoral board at ishinade.

Matapos din na personal na dumulog sa tanggapan ng President, Roxas PNP ang tatlong mga watchers ng isang kandidato sa bayan gabi bago isagawa ang eleksyon.

Nakausap na rin anya ng hepe ang mga gurong nagsilbing electoral board at maging ang PNP na nakastanby sa nasabing lugar bago at matapos ang eleksyon at hindi din anya kumpirmado ang ulat.

Sa ngayon inaalam pa din ng PNP maging ang tanggapan ng Comelec sa President Roxas kung ano ang motibo ng tatlong mga lalaking na nagreport na taliwas naman sa pahayag ng mga electoral board at pulisya. NDBC BIDA BALITA

-0-

Pormal nang binuksan ang Provincial office ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Kidapawan City, kamakalawa.

Sinabi ni PDEA Public Information Officer Kath Abad, ito ay batay na rin sa direktiba ng national headquarters na magpatayo ng provincial offices sa bawat probinsya sa buong bansa.

Dumalo din sa aktibidad ang mga PDEA agents, Kidapawan City PNP at mga opisyales ng City Government.

Layon nito na mailapit sa lahat ang serbisyo na hatid ng PDEA at mapalakas ang kampanya laban sa droga na kung saan maari ng makapagreport kung may mga illegal activities na nalalaman mula sa komunidad.

Ang pagkatatag ng PDEA office sa Kidapawan City ay bahagi na rin ng programa kontra iligal na droga at upang tuluyang mapuksa ang mga gumamit ng ipinagbawal na gamot sa lungsod.

Sa tulong na programa ng ibat-ibang sangay ng gobyerno nakikita naman anya nila na unti-unti na ang pagbaba ng mga gumagamit ng droga.

Napag-alaman ding marami ng programa para sa mga drug surenderee sa Kidapawan City gaya ng pagpapatayo ng rehabilation center at programang balik pangarap bilang bahagi sa tulong ng gobyerno sa dating gumagamit ng iligal na droga.

-0-

Tricyle driver nagpositibo sa illegal drugs sa randum drug testing ng mga myembro ng PDEA 12 sa mga driver ng pamublikong sasakyan sa Tacurong City

Kinumpiska ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 ang lisensya ng isang tricycle driver na nagpositibo sa iligal na droga na shabu sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Ayon kay PDEA 12 Information Officer Kath Abad, ito ay kanilang ibibigay sa Land Transportation Office o LTO. Ayon kay ABad ang LTO kasi ay ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng Anti Drink and Drunk Driving Act.

Dinagdag din ni Abad na ang nasabing driver ay kanila ring ibibigay sa City Health Office ng Tacurong LGU para sa screening at assessment.

Sinabi ni Abad na ang driver na nagpositibo sa iligal drugs ay kabilang sa mahigit 100 mga driver ng mga pampulikong sasakyan na isinailalim sa random drug test ng PDEA 12 sa Tacurong City Public Terminal kahapon.

Matatandaan na una nang nakapagsagawa ng random drug test sa mga pampublikong terminal ng General Santos City at Koronadal City ang PDEA 12.

Ayon kay Abad gagawin din nila ito sa iba pang mga terminal sa SOCCKSARGEN. Layunin nito ayon kay Abad na matiyak ang kaligtasan ng mga commuter lalong lalo na ang mga mananakay sa mga pampublikong sasakyan.

Tiniyak din ni Abad na tuloy pa rin ang maigiting na kampanya kontra iliggal na droga ng mga otoridad. Kaya payo nito sa mga lulong sa nasabing bisyo magbago na at itigil ang iligal na gawain.

-0-

Otso anyos patay nang aksidenteng mabaril ng suspek na target ang kanyang ama sa Lake Sebu, pedestrian patay din sa vehicluar crash sa Polomolok, South Cotabato

Kinilala ni Lake Sebu PNP OIC, Police Major Jardimont Sibal ang biktima na si Aiza Mindal otso anyos, nakatira sa Sitio Takbo, Barangay Lamfugon, Lake Sebu, South Cotabato.

Sinabi ni Sibal na target sana ng suspek na si Pal Lambuyo, 27 anyos, ang ama ng biktima na si York Mindal na nakaalitan nito.

Ayon kay Sibal nang makita ang nakatatandang Mindal sa loob ng kanyang bahay agad niya itong binaril gamit ang di pa matukoy na armas.

Ngunit sa kasamaang palad tinamaan ng bala ng baril ang batang biktima na agad na binawian ng buhay dahil sa malubhang tama ng bala sa katawan. Ayon kay Sibal nagpapatuloy pa ang pagtugis ng PNP sa tumakas na si Lambuyo.

Sa iba pang balita, patay din ang isang pedestrian matapos mabangga ng isang bus sa National Highway, Barangay Silway Otso, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col Samuel Cadungon ang biktima na si Elizabeth Palmera, 52 anyos at nakatira sa Malita, Davao Del Sur.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na si Palmera ay nabangga ng bus na pagaari ng Yellow Bus Line Incorporated nang bigla umanong tumawid sa highway.

Ang nasabing biktima ay idineklarang dead on arrival nang dalhin ng mga kasapi ng Rescue Team sa Polomolok Municipal Hospital.

Sanhi ito ng mga tinamong matinding sugat sa ulo at katawan. Ang bus na nakabangga kay Palmera at driver nitong si Jimson Gascon, 30 years old ay ikinustodya ng Polomolok PNP.

Ito ay habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa naganap na vehicular crash

-0-

Nagsumite ng petisyon sa Comelec South Cotabato si General Santos City Vice Mayor Shirlyn Banas- Nograles, na iproklama ito bilang nanalong kongresista sa unang distrito ng lalawigan.

Ito ay dahil meron pa silang pending petition sa Korte Suprema na kumukwestyon sa Comelec resolution na pagpaliban ng eleksyon sa nasabing government position sa Nobyembre.

Bunsod naman ito ng pagpapatupad ng kaapruba pa lamang na batas na nagtatag ng hiwalay na congressional district ng Gensan sa South Cotabato.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Acting South Cotabato Election Supervisor Atty. Duque Kadatuan na walang epekto sa canvassing of votes ang petisyon ni Banas.

Paliwanag ni Kadatuan hindi nila maaring pakialaman ang petisyonni Banas. Binigyan diin ni Kadatuan na una kasing lumabas ang Comelec resolution sa paghain ng petisyon sa korte .

Sa kabila ng pagbibigay ng abogado ni Banas ng kanilang petisyon sa provincial board of canvassers hindi pa rin nila iprinoklama ito.

Nabatid na si Banas na kumandidato bilang kongresista sa lone district ng Gensan ay nakakuha ng 194,929 votes sa May 13 local at national midterm elections. Ito ay mas mataas sa pinakamahigpit nitong katunggali na mayroon lamang 44,802 votes.

-0-

Kawani ng gobyerno na nagpaputok ng armas inaresto ng mga pulis sa Banga, South Cotabato

Inaresto ng mga pulis ang isang kawani ng pamahalaan matapos umanong iligal na magpaputok ng armas sa Banga, South Cotabato.

Kinilala ni Banga PNP OIC Police Captain Joseph Villanueva ang suspek na si Robert Manahan, 42 anyos at nakatira sa Barangay Lamba, Banga. Rumesponde ang mga pulis sa lugar matapos isumbong ng concerned citizen ang umanoy pagpapaputok ni Manahan ng baril sa harap ng kanyang bahay.

Nakumpiska ng mga pulis kay Manahan ang isang 45 pistol at mga basyo ng nasabing armas. Inihahanda na ng Banga PNP ang mga kasong illegal discharge of fire arms at illegal possession of firearms and ammunition laban kay Manahan.

-0-

Tree planting tampok sa regional na pagdiriwang ng DA 12 ng Farmers and Fisherfolks Month sa Koronadal City

Nagtamin ng mga puno sa regional center sa Barangay Carpenter Hill ang mga kawani ng Department of Agriculture o DA 12 kasama ang kanilang mga stakeholders.

Ayon kay DA 12 Regional Director Milagros Casis, ito ay bilang kabahagi ng regional observance ng Farmers and Fisherfolk Month ngayong Mayo.

Layunin nito na bigyan pugay ang mga magsasaka at mangingisda bilang pangunahing food producer sa bansa. Tampok din sa nasabing selebrasyon ang zumba exercise at misa para sa Santo ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador.

Ibinida rin ng mga agripenuers mula sa region 12 sa Farmers and Fisherfokks’ Fair 2019 sa DA XII Office lobby ang kanilang mga produkto.

Tema ng Farmers and Fisherfolks Celebration ngayong taon ang “Magsasaka’t Mangingisdang Pilipino, Saludo ang Buong Bansa sa Sipag, Tibay at Lakas Ninyo.”

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...