Saturday Dec, 10 2022 02:50:49 AM

NDBC BIDA BALITA (5.18.19)

NDBC BALITA • 14:30 PM Sat May 18, 2019
1,068
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 18, 2019 (SAT)
7:00 AM

HEADLINES:

1. Dalawang kawani ng DENR at tricycle driver sugatan sa pamamaril sa Koronadal City

2. Gamit pang giyera, nakumpiska ng Army sa Talitay, Maguindanao

3. Sundalong Muslim patay nang barilin matapos ang midday prayer sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao

3. ANIM katao, arestado sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation sa North at South Cotabato.

4. DENR employees, driver sugatan sa pamamaril ng riding tandem sa Koronadal City

-0-

Tatlo katao, kabilang ang dalawang kawani ng DENR 12 sugatan sa pamamaril ng riding tandem sa Koronadal City

Kinilala ng Koronadal City PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col Rey Egos ang mga biktima na sina Hazna Potri Sabdulla at Bai Mariam Sabdullah, kapuwa ng DENR-12 regional office na pawang nakatira sa Purok Clemente, Barangay Zone 4, Koronadal City.

Ang mga biktima ay binaril ng dalawang mga suspek na nakasakay sa Honda XRM motorcycle na walang license plate.

Ito ay alas 6:30 kagabi matapos harangan ang sinakyan nilang pampasaherong tricycle di kalayuan sa tinutuluyan nilang bahay.

Ang biktimang si Hazna ay tinamaan ng bala ng baril sa kaliwang mukha, sa kaliwang leeg at kamay. Habang si Bai Mariam ay sugatan naman sa likod.

Sila ay dinala sa Dr. Arturo Pingoy Hospital Ang driver ng sinakyang nilang tricycle na may Motorized Transport Operators Permit o MTOP number 0598 na si Kenneth Lozada ay tinamaan ng bala sa kanyang pelvis at isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang limang basyo ng 45 pistol.

Hindi pa batid ng mga pulis kung sino ang riding tandem na mga suspek at ano ang motibo ng mga ito sa pagbaril sa mga biktima.

-0-

NORMAL NA ang sitwasyon sa Talitay, Maguindanao matapos ang ilang araw ding clearing operation na inilusad ng militar sa bayan.

Tumigil na kasi ang bangayan ng dalawang magkalabang politiko sa matapos na magbabala si Army’s 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Cirilito Sobejana na makikialam na ang mga sundalo kapag hindi pa tumigil ang dalawang grupo.

Napag-alaman na sa isinagawang clearing operations ay nasa 20 mga high-powered firearms ang kanilang nakuha na kinabibilangan ng dalawang Thompson units; dalawang RPG launcher; isang 60mm mortar, apat na M-203 grenade launchers; caliber 50 sniper rifle; limang M-16 rifles; apat na M-653 caliber carbines; tatlong garand rifles; isang shotgun; isang carbine at isang KG-9 automatic rifle.

Nakuha rin ng mga sundalo ang 85 pirasong 40mm mortar, 16 na RPG, 11 mga 81mm mortar, 14 na mga 60mm mortar, apat na hand grenades, at nasa higit tatlong libong mga bala.

Samantala, binigyang-diin ni Sobejana na sa ngayon ay naka-alerto pa rin ang militar sa Central Mindanao bagaman at tapos na ang halalan.

-0-

SUGATAN ang mag-inang pawang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources o DENR matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok Clemente, Barangay Zone 4, Koronadal City.

Kinilala ang mga biktima na sina Bai Mariam Sabdullah, 60-anyos, Chief Administrator ng DENR at anak nitong si Hazna Potri Sabdullah, 30 anyos na admin officer naman ng naturang ahensya.

Sugatan din sa insidente ang tricycle driver na si Kenneth Lozada, 27-anyos na taga Barangay San Isidro, Koronadal City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Koronadal City PNP, sakay ng tricycle na minamaneho ni Lozada ang mag-ina nang bigla silang harangin ng riding tandem suspects at pinagbabaril.

Inaalam pa ngayon ng mga otoridad ang motibo sa naturang pamamaril.

0-0-

DEAD on arrival sa ospital sa Cotabato city ang isang sundalong miyembro ng Army’s 38th Infantry Battalion matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Daywan, Brgy. Tanuel, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao pasado alas dose ng tanghali kahapon.

Kinilala ang biktima na si Staff Sergeant Miranda Lumbatan, 45 years old, may asawa at taga Talitay, Maguindanao. Sinabi ni DOS PNP Chief Police Lt. Col. Sabri Lakibul na galing ng Mosque ang biktima at pabalik na sana sa kanilang detachment sa Sitio Daywan nang siya ay mabaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at balikat ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Samantala, naniniwala naman ang Army’s 6th Infantry Division na mga miembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang pumaslang sa sundalo.

Sa panig naman ng BIFF, hindi pa makapagbigay ng kumpirmasyon ang kanilang tagapagsalita na si Abu Misry Mama dahil hinihintay pa nila aniya ang report ng kanilang mga kasamahan sa field.

-0-

ABOT sa 27 milyong mga estudyante sa elementary at high school ang inaasahan ng Department of Education o DepEd na papasok ngayong school year.

Pero sabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali, maari pang tumaas ang bilang na ito gaya nung mga nakalipas na taon.

Kaya naman hinimok ni Umali ang publiko na makibahagi sa pagsisimula ng Brigada Eskwela sa linggo. Imbitado sa Brigada Eskwela ang mga magulang, pribadong stakeholders at iba pang mga organisasyon para makiisa sa aktibidad simula May 20 hanggang 25.

Nilalayon nito na matiyak ang malinis na paaralan bago ang pasukan sa June 3 para maging ligtas ang pananatili ng mga bata.

Kasabay nito ang pagsasaayos ng ilang pasilidad at pagpipinta ng mga luma nang gamit. Ngunit nilinaw ni Umali na isinasagawa ang aktibidad na may pagkukusa at hindi ito isa sa mga requirement para sa enrolment.

-0-

Limang High Value Target inaresto ng mga kasapi ng PDEA 12 sa sinalakay nilang drug den sa Koronadal City

Nagresulta sa pagkakaaresto ng lima katao ang pagsakalay ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 sa isang drug den sa Pantua Village , Barangay Zone 3,Koronadal City. Kinilala ni PDEA 12 Information Officer Kath Abad ang isa sa mga suspek na si Hilda Lano alias IDANG 45 years old nakatira sa nasabing lugar.

Ayon kay Abad inaresto si Lano matapos umanong magbenta ng isang pakete ng suspected shabu sa nagbalatkayong PDEA agent. Arestado din ang live-in partner ni Lano na si Reynaldo Belleza alias BOYAKS 58 years old, mayari ng bahay na ginawang drug den.

Kasama din sa mga naaresto ang mga driver na sina Ryan Lano,37 years old; at Raul Lano 60 years old pawang mga nakatira din sa Pantua Village. Hindi rin nakatakas sa mga otoridad ang kasama nilang bodyguard at 37 years old na si Marvin Jon Natar.

Ayon kay Abad ang mga inaresto ay pawang mga nasa high value target ng PDEA 12. Kasama ng mga kasapi ng PDEA 12 na humuli sa mga suspek ang mga personnel ng Drug Enforcement Unit ng South Cotabato at Koronadal City PNP.

Ayon kay Abad ang mga suspek na nakaditine ngayon sa kanilang detention facility sa General Santos City ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

0-

Tampakan National High School, sa Tampakan South Cotabato wagi sa 2019 National Brigada Eskwela Jingle Writing Competition

Nakuha ng kantang “Bayanihan” na entry ng mga estudyante ng Tampakan National High School sa Tampakan, South Cotabato ang First Prize sa 2019 National Brigada Eskwela Jingle Writing Competition.

Ito ayon kay Deped 12 Regional Director Allan Farnazo. Ang nasabing jingle na nagpahayag na may kasiyahan sa pagkakaisa ay nilikha ni Nikki Tiffany Mar at inawit ni Mise En Place.

Tumangap ng trophy para sa TNHS sa awarding sa Alfonso Cavite si Farnazo, bilang kabahagi ng paglunsad ng Brigada Eskwela.

Isinusulong ng Brigada Eskwela o School Maintenance Week ang bolontarismo sa mga pampublikong eskwelahan sa bansa. Layunin din nito na malinis at maayos ang mga pasilidad sa eskwelahan bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa June 3.

Gagawin naman ng Deped ang Regional launching ng Brigada Eskwela sa Tacurong City, Sultan Kudarat sa Lunes. Layunin nito na matulungan ang mga eskwelahan sa syudad na labis na sinalanta ng buhawi noong nakaraang buwan.

-0-

Bumotong mga mamamayan sa SOCCKSARGEN tumaas sa May 13 local at national elections, ayon sa Comelec 12 Assistant Regional Director

Nakaboto sa katatapos lang na May 13 local at national midterm elections ang mahigit 74 percent na mga botante sa SOCCKSARGEN.

Ayon kay Comelec 12 Assistant Regional Director Atty. Jose Villanueva, ito ay mas mataas sa inaasahan nilang 65 hanggang 70 percent. Ipinahayag ni Villanueva na mahigit 1.8 million sa may 2.4 million na mga registered voters sa region 12 ang nakaboto noong Lunes.

Ayon kay Villanueva ang magandang turn-out na ito ng mga botante ay patunay ng pagnanais ng mga mamamayan na pumili ng kanilang mga lider.

Ipinahayag din ng nasabing Comelec official na naging matagumpay pa rin sa pangkahalatahan ang Eleksyon sa SOCCKSARGEN Ito ay sa kabila ng mga pumilyang vote counting machine o VCM at secure digital o SD cards.

Sinabi ni Villanueva na nabilang ang boto sa lahat ng mga presinto at walang failure of election sa rehiyon. Dinagdag din nito na sa ngayon ay nagsasagawa pa ng data gathering sa mga pumalpak na VCM at SD Cards ang Comelec 12.

Ayon kay Villanueva ito ay kanilang ire-report sa management committee meeting ng Comelec sa susunod na buwan. Matatandaan na naging dahilan ng pagkaantala ng transmission ng resulta ng Eleksyon sa ilang bahagi ng South Cotabato ang mga nag mal-function na VCM at defective o sirang SD Cards.

-0-

Lahat na LGU sa South Cotabato kabilang sa 50 Seal of Child Friendly Local Governance Awardees ng Council for the Welfare of Children sa region 12.

Pasok sa limampung mga Seal of Child Friendly Local Governance Awardees sa rehiyon dose ang lahat na bayan at syudad sa South Cotabato.

Ito ay batay naman sa taunang Child Friendly Local Governance Audit o CFLGA ng Council for the Welfare of Children. Base sa datus ng CFLGA nanguna sa mga bayan na ito ang Polomolok na mayroong 98 percent rating.

Nasa 8th place ang bayan ng Tupi, 10th place ang Surallah, 27th Place ang Tampakan, 28th place ang T’boli, 30th place ang Lake Sebu, 34th place ang General Santos City, 40th place ang Koronadal City, 43rd Place ang Sto. Nino, 44th Place ang Tantangan, 47th Place ang Banga, at 50th Place ang Norala.

Naging basehan naman sa pagbibigay ng parangal ang pagbaba ng kaso ng pagkamatay ng mga kabataan, completion ng elementary schooling, kawalan o pagbaba ng mga kaso ng Child Labor, kaligtasan ng mga bata sa mga komunidad at eskwelahan.

Tiningnan din ang Philhealth accreditation ng mga rural health unit para sa Maternal Care Services and Primary Care ng mga ito. Ayon sa Council for the Welfare of Children dapat ding may ordinansa ang mga awardee ng Violence Against Women and Children o VAWC Desks sa mga barangay.

Ang CFLGA ay mandato ng Department of the Interior and Local Government. Layun nito na malaman ang mga programa ng mga lokal na pamahalaan para sa proteksyon ng mga kabataan bilang suporta na rin sa United Nations Convention on the Rights of Children.

Ang inter-agency monitoring TAsk Force nito ay kinabibilangan ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, Deped at DILG.

0-0-

Bilang pagbibigay-pugay sa mga magsasaka’t mangingisda, pinangunahan ng Department of Agriculture XII ang selebrasyo ng Farmers and Fisherfolk’s Month na may temang, "Magsasaka't Mangigisdang Pilipino, Saludo ang Buong Bansa sa Sipag, Tibay at Lakas Ninyo" sa Koronadal City.

Daan-daang mga magsasaka’t mangingisda galing sa iba’t ibang panig ng rehiyon ang nagtipon-tipon sa DA XII regional office upang makilahok sa nasabing aktibidad.

Ayon kay Regional Executive Director Milagros Casis, ang selebrasyong ito ay isang paraan ng pagpapakita ng kahalagahan sa mga magsasaka’t mangingisda bilang food producers.

Kung hindi dahil sa kanilang sakripisyo, paliwanag ni Casis na hindi makakamit ng bansa ang layunin nitong magkaroon ng sapat at abot-kayang pagkain para sa bawat mamamayang Pilipino.

Ipinangako rin niya na patuloy na magbibigay ng tulong ang DA sa mga magsasaka tulad ng farm inputs, mga makinaryang pansakahan, at pagsasagawa ng mga pagsasanay.

Kabahagi ng selebrasyon ang pamimigay ng DA ng palay seeds, fertlizer, knapsasack sprayer at gardening toos sa mga maswerteng magsasaka.

-0-

Higit 40 bahay, libreng napailawan ng Cotabato Electric Cooperative

Abot sa 45 pamilya ang libreng napailawan ng Cotabato Electric Cooperative sa dalawang mga barangay ng Magpet, Cotabato, kahapon.

Ang programa ay ipinatupad sa ilalim ng ‘Balik-Ayuda’ program ng COTELCO na layung maabutan ng tuwa ang mga pamilyang labis na nangangailangan ng kalinga.

Mismong si Cotelco GM Engr. Godofredo Homez ang nanguna sa Switch-on Ceremony na dinaluhan ng mga benepisaryo. Ayon kay Homez, malaking tulong ang programa upang mapaangat ang estado ng kanilang kabuhayan at mahubog ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Ang ‘Balik-Ayuda’ ay bahagi ng Community Extension program ng COTELCO kasabay narin ng kanilang ika-47 na Anibersaryo, kamakalawa.

0-0-

Hindi na nakapalag pa sa PNP ang isang drug suspek sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Purok 1 barangay Lika, Mlang North Cotabato.

Kinilala ng Mlang PNP ang naaresto na si Rodel Pedragosa Vito, 40 anyos, may asawa, isang laborer at nakatira sa nabanggit na barangay.

Isinagawa ang search warrant operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA12 at ng Mlang PNP alas 4 ng madaling araw kahapon. Nakuha sa kanya ang isang plastic heat sealed sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Nakapiit na si Vito sa lock up cell ng M’lang PNP matapos isagawa ang police booking procedure.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive dangerous drugs Act of 2002 habang inantay na masampahan ng karampatang kaso sa korte.

-0-

Nananawagan ngayon ang pamunuan ng City Planning and Development Office sa mga Overseas Filipino Workers na taga Kidapawan City na magsumite na ng registration forms sa tanggapan.

Ayon kay Planning and Development Officer Divina Fuentes, hanggang sa May 31 na lamang ang kanilang ibinigay na palugit sa pagsumite ng registration forms sa lahat na mga nag-apply ng OFW Village.

Upang may panahon pa silang e-validate ang mga application forms at makapaglabas agad ng listahan sa mga nagqualify na mga benepisyaryo.

Nilinaw ni Fuentes na prayoridad ng nasabing proyekto ay ang mga OFW na kumikita lamag ng hindi lalagpas sa 30,000 at walang kakayahang bumili ng bahay at lupa.

Samantala, aabot naman sa 320 na mga OFW’s ang una ng nakabenepisyo sa proyekto na itatayo sa limang ektaryang lupain na matatagpuan sa Purok Manga, Barangay Kalaisan.

Habang nilinaw naman ng opisyal na wala silang sinisingil na P75 na para umano sa registration fee at P350 na reservation fee, dahil ito ay libre na ibinigay ng tanggapan. NDBC BIDA BALITA

-0-

Mahigit 100 na mag-aaral ng nasunog na paaralan sa Kidapawan City, nakatanggap ng mga upuan at aklat kahapon

Kasabay ng kick off program ng brigada eskwela 2019 sa Kidapawan City kahapon ay nabigyan ng mga upuan at mga aklat ang mga mag-aaral ng New Bohol, Elementary School.

Abot sa 180 na mga mag-aaral ng nasabing paaralan ang makikinabang sa mga upuan at aklat na galing pa sa ibat-ibang paaralan ng lungsod.

Pinangunahan din kahapon ni Kidapawan City Schools Division Superintendent Romelito Flores ang aktibidad kahapon na dinaluhan ng mga guro na mula sa Kidapawan City.

Bukod sa mga upuan at aklat na magagamit ng mga estudyante ngayong pasukan, nakalikom din ng abot sa 73 Thousand ang mga guro sa isinagawang color run for a cost na mula din sa lahat ng mga guro at sa mga donasyon.

Ang halaga ay tulong para sa pagsasaayos ng una ng nasunog na paaralan at pagpapatayo ng comfort room para sa mga kabataan.

Nag-ambag din ang mga guro ng abot sa 14 thousand pesos para naman sa water fountain at aasahan namang magbubukas ang limang temporay learning centers bago pasukan.

Samantala, patuloy naman ang panawagan ni Flores sa lahat ng stakeholders sa pagbubukas ng brigada eskwela ngayong Mayo-20.

Umaasa ang kanilang pamunuan na lalo pang mapagtibay ang pagkakaisa ng bawat isa sa layuning maihanda ang paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong hunyo.

0-0-

Tinupok ng apoy ang isang bahay sa Purok 1A, barangay Sibsib, Tulunan, North Cotabato alas 11:45 ng umaga kahapon.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection Tulunan ang bahay ay pag-aari ng pamilyang Pacardo. Agad namang nakapagresponde ang BFP upang apulahin ang apoy pero mabilis na tinupok ang bahay dahil gawa ito sa light materials.

Kabilang din sa nasunog ang motorsiklo na nasa loob ng nasabing bahay, dalawang hand tractor engine, handtiller transmission at mga gamit sa loob.

Umabot sa 40 minuto bago ideneklarang fire out at abot din sa 200,000 ang iniwang danyos.

Wala namang napaulat na nadamay na mga bahay o nasugatan sa nangyaring sunog. Nagpa-abot na din ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Tulunan sa pamilya ng nasunugan.

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...