Saturday Jul, 02 2022 06:13:40 AM

NDBC BIDA BALITA (5.22.19)

NDBC BALITA • 22:00 PM Wed May 22, 2019
967
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 22, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

1. Proposed Transitional Plan, pormal ng nai-turnover sa pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

2. TATLO KATAO, kabilang ang dalawang mga estudyante, sugatan sa pamamaril sa loob ng internet café sa Carmen, North Cotabato

3. DALAWA KATAO, patay naman sa mga vehicular crash sa Polomolok at Sto. Nino, South Cotabato

4. PAGBITIW ni Sen. Kiko Pangilinan bilang pangulo ng Liberal Party, pinuri ng Malacañang.

0-0

PORMAL NANG nai-turnover ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP sa pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, partikular sa GPH-MILF implementing panels, ang proposed transitional plan.

Sinabi ni BARMM Assistant Executive Secretary Abdullah Kusain na mismong si OPPAP Secretary Carlito Galvez Jr. ang nag-abot kay BARMM Interim Chief Minister Al-Hadj Murad Ebrahim ng nasabing dokumento.

Ayon kay Kusain, mahalaga ang nasabing plano dahil dito nakapaloob ang lahat ng mga programa sa loob ng tatlong taong transition period ng Bangsamoro government bago ang 2022 elections.

Nabatid na sasalain naman ng mga miembro ng Technical Working Group na binuo mula sa iba’t ibang ministries ang naturang plano bago ipasa sa Bangsamoro Transition Authority o BTA.

0--0-

BAGSAK ang performance ng karamihan sa mga Municipal at Provincial Anti-Drug Abuse Councils sa isinagawang deliberation and audit ng Ministry of the Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinabi ni MILG-BARMM minister Atty. Naguib Sinarimbo na base sa kanilang isinagawang pagsusuri, marami sa mga local government unit ng BARMM ay walang aktibong MADAC at PADAC.

Kaya naman ayon kay Sinarimbo, ngayong may mga bagong uupong LGU official ay tututukan nila ang mga programa ng bawat LGU laban sa iligal na droga at titiyaking may ilalaang pondo ang mga ito para sa kampanyang isinusulong ni P. Duterte.

Dagdag pa ni Sinarimbo, tututukan din ng kanyang ahensya ang mga LGU official na nasa Narcolist ng pangulo.

-0-

WALANG MALAY na isinugod sa ospital ang isang lalaking nakuryente habang nasa loob ng isang department store sa SK Pendatun Avenue Extension, sa Cotabato City.

Nakilala ang biktima na si PRINCE KALI, 24 years old,may asawa, at taga RS Buan, Barangay Poblacion Uno ng lungsod.

Pasado alas singko ng hapon habang nasa loob umano ng naturang establisemento ang biktima nang mahawakan nito ang isang live wire at siya ay nakuryente at tumilapon.

Samantala, isinugod din sa pagamutan ang isang pedicab driver at pasahero nito matapos silang masagi ng motorsiklo sa Macapagal Street ng syudad.

Nagtamo ng mga galos at sugat sina MUSTAPHA DIOCOLANO, 48 years old ng Barangay Tamontaka Uno at pasahero nitong di na kinilala sa ulat.

Pasado alas dose ng tanghali kahapon habang ihahatid sana ni Diocolano ang kanyang pasahero nang makasalubong nila ang humaharurot na motorsiklo na di niya na naiwasan kaya sila nabangga nito.

Tumilapon si Diocolano at pasahero nito matapos na bumaliktad ang kanilang sinasakyang pedicab.

Tumakas naman ang driver ng motorsiklo sa halip na sumaklolo sa dalawa.

-0-

APAT na mga kabataan ang inaresto ng mga otoridad sa Cotabato city dahil sa pagkakasangkot nito sa drag racing sa Sinsuat Avenue at Jose Lim Street, Cotabato city

Dinala sa Police Station 1 ng Ronda Patrol ang apat na mga binatilyong suspek na sadyang di kinilala sa report matapos maaktuhang nagda drug race pasado alas dose ng madaling araw kahapon.

Bukod sa pagdakip sa apat, kinumpiska rin ang kanilang mga motorsiklo at tatlong mga open pipe.

Lumabag din sa curfew hour na umiiral sa lungsod ang mga suspek kaya’t pansamantalang dinitine sa Police Station 1 hanggang sa kunin ng kanilang mga magulang.
Kaugnay nito, ipinag utos naman ni city mayor Cynthia Guiani sa mga barangay official na paigtingin pa ang implementasyon ng ordinansang nagbabawal sa open pipe motorcycle at ang pag-oorganisa o pagsali sa Drag Race.

Nabatid na mismong si mayor Guiani ang nangunguna sa pagsita at pagsasagawa ng surprise inspection sa mga pangunahin lansangan ng syudad tuwing gabi.

-0-

HALOS dalawang milyong mga kabataan umano sa Mindanao, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang apektado ng kaguluhan sa iba’t ibang mga lalawigan.

Ito ay batay sa pagtaya ng Save the Children Philippines.

Kaya naman sa centenary commemoration ng naturang Non-Government Organization o NGO na may temang Stop the War On Children ay muling iginigiit ng grupo ang mga karapatan ng mga kabataang makapag-aral, maglaro at magkaroon ng masaya at maayos na pamumuhay.

Kaugnay nito ay mayroong mga volunteer child-teacher at counselor ang Save the Children na nagtuturo at mga gumagabay sa kanilang mga kapwa kabataan.

Itinuturo ng naturang mga kabataan sa kanilang kapwa bata ang tungkol sa disaster-preparedness, proper hygiene at ang kanilang mga karapatan bilang bata.

Sinabi ni Save the Children Program manager Vivien Grace Martin na hanggang ngayon ay marami pa rin sa mga kabataan sa BARMM at maging sa region 12 ang walang access sa edukasyon, maayos na pagkain at desenteng matitirahan.

Kaya ayon kay Martin, patuloy silang nakikipag ugnayan sa mga concerned government agencies at iba pang NGOs para matugunan ang naturang problema.

-0-

Tatlo ka tao, kabilang ang dalawang estudyante, sugatan sa pamamaril sa loob ng internet café sa Carmen, North Cotabato

Ospital ang bagsak ng tatlong mga lalaki matapos na pagbabarilin ng di pa nakikilalang mga suspek sa Purok 4A, Poblacion Carmen, North Cotabato alas 7:15 kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga sugatang biktima na sina Jay-Jay Glory Henilo, 21 anyos , estudyante na taga Landasan, Maguindanao, Rasid Kasim Marot, 21 years old na residente ng barangay Kitulaan Carmen at Mohammad Abdul Balayanan, 18 anyos, estudyante at nakatira sa Purok 4A barangay Poblacion.

Ayon sa inisyal na ulat ng Carmen PNP, dalawang mga suspek umano na lulan ng kulay itim na scooter motorcycle ang bumaril sa tatlong biktima habang nasa loob ng Glory’s internet café.

Ayon sa mga nakasaksi, unang pinaputukan ng backrider na suspek si Henilo at ang dalawang iba pa na mabilis ding tumakas matapos ang krimen.

Narekober sa crime scene ang pitong mga basyo ng caliber 45 na pistola agad namang isinumite sa provincial Crime laboratory para sa dagdag na eksaminasyon.

Personal na alitan naman ang isa sa mga tinututukang anggulo ng mga pulis sa pamamaril. NDBC BIDA BALITA

-0-
Tubong Kidapawan City, number 5 sa MABALASIK Class 2019 ng Philippine Military Academy

Isang taga North Cotabato ang napabilang sa Top 10 ng Philippine Military Academy MABALASIK Class of 2019.

Si Aldren Maambong Altamero, 24 anyos na taga barangay Balabag Kidapawan City ay isa ding dean’s lister sa University of Southern Mindanao Kidapawan City Campus. Siya ay nag-aral ng apat na taon at sumailalim sa pagsasanay sa Phipilippine Military Academy sa Baguio City.

Si Altamero na bunso sa tatlong magkakapatid ay kasalukuyang naninirahan sa Kidapawan City, wala na ang kanyang ama at nakauwi na rin sa lungsod ang ina nito mula sa ibang bansa.

Siya ay nakatakdang umuwi sa Kidapawan City pagkatapos ng Commencement Exercises ng PMA sa May 26, 2019.

Bukod sa matalino ay kilala din siya bilang isang matulungin dahil nagpapadala din umano ito mula sa kanyang allowances sa kanyang mga kamag-anak habang nag-aaral sa Maynila.

Si Altamero ay nakatakdang pumasok bilang 2nd Lieutenant sa Philippine Air Force. Ang tagumpay ni Altamero ay nagpapakita ng angking galing at talino ng mga taga Kidapawan City. NDBC BIDA BALITA

-0-

Ipinaliwanag kahapon ni Kidapawan City election officer Josephine Macapas ang dahilan kung bakit naantala ang pagbibigay ng honorarium ng mga gurong nagsilbing Electoral Board sa May 13, elections.

Sinabi ni Macapas, marami anyang pinalitan sa kanilang payroll dahil may ilang mga gurong umatras at iba ang nagsilbi na nasa kanilang unang listahan.

Matagal ding natapos ang canvassing sa lungsod at pagkaumaga naman ay gumawa agad sila ng report at mga election returns para i-transmit sa Comelc office sa Maynila.

Pero nilinaw ng opisyal na handa naman ang pera at sinisigurong mabibigyan ang lahat. Matapos ding makatanggap ng ulat ang Radyo- Bida na may ilang mga electoral board pa rin ang hindi nakatanggap ng kanilang honorarium.

Pero panawagan ni Macapas sa mga guro na hindi pa nakatanggap ay maaring pumunta sa Convention hall sa harap lamang ng Comelec office.

-0-

“People have spoken” —

Ito ang naging sagot ni Incumbent Mayor Pip Limbungan, ang mayor-elect sa bayan ng Tulunan, North Cotabato, matapos na muling namayagpag sa katatapos lamang na halalan.

Sinabi ni Limbungan sa Radyo Bida na dahil sa maayos na paglilingkod nito sa bayan, kaya muli itong naihalal sa pwesto laban sa katunaggali nitong si Incumbent Vice-Mayor Lani Candolada.

Una nang sinabi ni Candolada na maaaring sa pamimili ng boto kaya naging malayo ang lamang ni Limbungan sa kaniya.

Matatandaang sa isinagawang pre-election protest ng partido ni Candolada, ay kinukwestyon ng mga supporters nito kung bakit malayo ang agwat ng kanilang boto at ni isang konsehal ay walang nakapasok mula sa PDP-Laban.

Sa panig naman ni Limbungan, ang mga tao na umano nag desisyun na ibalik ito sa pwesto dahil na rin sa paghahatid nito ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan. Ito ay dahil patuloy nitong inihahatid ang mga pangunahing serbisyo sa kanyang mga mamamayan.

Nabatid din na sa termino ni Limbungan ay mas nagkaroon ng konkretong mga daanan maging sa mga liblib na bahagi ng bayan.

Sanabi rin ni Candolada na tanggap na nito ang naging hatol ng taong-bayan at susuportahan naman ang mga bagong halal na mga lingkod-bayan. NDBC BIDA BALITA

0-0-

Arestado ang dalawa ka tao matapos na makuhanan ng di lisensyadong baril, bala at droga sa checkpoint operation ng Kabacan PNP alas 2:15 ng hapon kahapon.

Kinilala ang suspek na si Basser Makinsi Solaiman, 32 anyos at Taot Simbaga Salamat 19 anyos na kapwa nakatira sa Barangay Bualan, Kabacan North Cotabato.

Naharang ang mga suspek sa check point operation ng PNP sa Malanduage COMPAC ng nasabing bayan na may dalang caliber 45 pistol at nang kapkapan din ang isa sa mga suspek na si Salamat ay nakuha din ang isang plastic heat sealed sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu.

Nakapiit na ang dalawa sa lock up cell ng Kabacan PNP habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila. NDBC BIDA BALITA

-0-

Sampung mga kompanya at kooperatiba sa region 12 pinarangalan sa 2019 Productivity Olympics ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board

Tumanggap ng parangal sa 2019 Productivity Olympics Regional Awarding Ceremony ng Regional Tripatite WAges and Productivity Board sa Koronadal City ang sampung mga kompanya at kooperatiba sa region 12.

Anim sa mga pinarangalan ay mula sa South Cotabato. Ang mga ito ay ang Regina Hatchery Farm sa bayan ng Banga ,Galaxus Montessori at Paraiso Verde Resort sa Koronadal, BKR Food Products at Arowana Agriventures Inc. sa Polomolok at Centrala Alternative Medicine Producers Cooperative sa Surallah.

Pinarangalan din ang Southern Philippines Power Corporation sa Alabel, Sarangani; RJH Food Products at Kayamanan ni Juan sa General Santos City; at Dr. Alfred’s Essential Inc. Sa Kidapawan City.

Nanguna sa pamimigay ng plake sa mga ito sina National Wages and Productivity Commission o NWPC Executive Director Ma. Criselda Sy at DOLE 12 Regional Director Sisinio Cano.

Ayon kay Sy ang parangal na natanggap ng mga awardee ay patunay na nasa tamang landas ang mga ito tungo sa patuloy na productivity improvement.

Umaasa naman si Cano na matapos manalo sa regional level ay tatanghaling national champion ang mga pambato ng region 12.

Ang National Productivity Olympics na ginagawa kada dalawang taon ay may layong parangalan ang mga kompanya at kooperatiba na may pinakamagandang productivity improvement program.

-0-

Magiging wait and see muna ang status ng employment ng mahigit 1,300 na mga job order na kawani ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Paliwanag ni Provincial Human Resource Officer Alex Basco, ang renewal kasi ng kontrata ng nasabing mga kawani ay nakadepende pa sa susunod na administrasyon.

Ayon kay Basco, ito ay paguusapan pa ng transition team ng lalawigan.

Ito ay upang malaman kung ano ang magiging prayoridad ng administrasyon incoming South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr.

Sinabi ni Basco na matatapos na kasi ang anim na buwang kontrata ng mga job order employee ng provincial government sa June 30.

Ang pagbuo ng transition team ng mga local government unit bilang paghahanda sa bagong administrasyon ay mandato ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

0-0-

Dalawa katao patay sa mga vehicular crash sa Polomolok at Sto. Nino, South Cotabato

Dead on arrival sa ospital ang isa katao matapos masangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Samuel Cadungon ang biktima na si Silvestre Barogo, Jr. 38 years old may asawa at nakatira sa Barangay Polonuling sa karatig bayan ng Tupi.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga pulis na ang biktimang si Barogo ay agad na binawian ng buhay sanhi ng matinding sugat sa ulo matapos matumba sa sinakyang motorsiklo.

Ito ay matapos mawalan ng kontrol sa pagmamaneho matapos mabangga ang bato sa gitna ng highway habang papauwi mula sa Barangay Poblacion, Polomolok.

Samantala sa bayan naman ng Sto. Nino, patay din ang isang di pa kilalang biktima matapos mabiktima ng hit and run.

Lumabas sa imbestigasyon ng Sto. Nino PNP na pinamumunuan ni Police Capt. Sherwin Panaguiton na ang biktimang nakasuot ng short pants at puting T-shirt ay natumba sa national highway sa Barangay San Vicente, Sto. Nino, South Cotabato.

Ito ay matapos ma hit and run habang minaneho ang isang Kawasaki Rouser motorcycle na may license plate MA 18931.

Sinabi ni Panaguiton na maliban sa matinding pinsala sa mukha wala ring license plate ang motorsiklo ng biktima kaya hirap silang matukoy ito. Hindi pa batid ng mga pulis anong sasakyan ang nakabangga sa biktima sa vehicular crash na naganap alas dose y medya ng madaling araw kahapon.

-0-

Mahigit 500 pawikan hatchlings, pinakawalan ng mga opisyal ng DENR at CENRO sa Maasim, Sarangani province

Nakabalik na sa kanilang natural habitat sa barangay Salomasal,Maasim, Sarangani Province ang mahigit 500 pawikan hatchlings.

Ang mga baby sea turtles ay pinakawalan ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa pangunguna ni Regional Director Nilo Tamoria.

Kasama nito ang mga kinatawan ng Community Environment and Natural Resources Office ng Kiamba at karatig bayan ng Maasim. Ang mga pinakawalang sea turtles ay mula sa Pawikan Maasim Hatchery at pinakamarami simula nang itatag ito noong 2015.

Sinabi ni Tamoria na hapon nila ini-release ang nasabing mga pawikan para magkaroon ng mas malaking tsansa ng survival.

Ayon kay Tamoria, maliban sa mga malalaking lamang dagat na maaring kumain sa mga ito, malaking banta rin sa mga pinakawalang pawikan ang polusyon at mga basura tulad ng plastic mula mismo sa mga tao.

Kaya panawagan ni Tamoria sa mga mamamayan malapit sa baybayin ng Sarangani Bay, tumulong sa pangangalaga sa mga likas yaman nito.

0-0-

Mga mahihirap at marginalized sector makikinabang sa ipinaigting na programang pangkabuhayan ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato

Naglaan ng paunang P4.3 million pesos para sa pagpapatupad ng enhance livelihood para sa mga mahihirap at marginalized sector ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Ayon kay Holdings Opportunities for Productive Enterprenureship o Hope Program Coordinator Earl Madres, unang makikinabang sa programa ang limang mga community association sa lalawigan.

Ang mga ito ay mabibigyan ng kabuuang inisyal na puhunan na P1.2 million.

Ayon kay Madres naghahanap pa sila ng lima pang mga kooperatiba na maaring i-enroll sa Hope program para sa second semester ng 2019. Sinabi ni Madres na tumatanggap pa sila ng appalication at project proposal ng mga community association na mayroon 15 hanggang 30 myembro.

Ang mga ito ay maaring makapag-loan ng hanggang P300,000 o P10,000 kada myembro. Ayon kay Madres 50 percent sa loan ay ibibigay sa pamamagitan ng cash at 50 percent naman ang mga input materials o produkto.

Maari ring mag-apply sa programa ang mga indibidwal na nasa 18 years old pataas at nasa below poverty threshold.

Binigyan naman ng dalawang taon ng pamahalaang panlalawigan na makabayad sa loan na walang interes ang mga benepisyaryo.

Ang Hope Program ang ipinampalit ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato sa Self-Employment Assistance-Kaunlaran o SEA-K Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

5 arrested, drug den dismantled in Cotabato City anti-drug ops

COTABATO CITY - NAARESTO ANG LIMA KATAO sa buy bust operation ng mga otoridad sa Purok, Silangan, Datu Balabaran Mother Barangay, Cotabato City...

Active cop wanted for carnapping falls in Cotabato City

MANILA – Members of the anti-scalawag unit of the Philippine National Police (PNP) have arrested an active police officer wanted for carnapping...

BARMM CIDG agents arrest vice mayoral aspirant, seize guns

COTABATO CITY  – A defeated vice mayoral candidate in Maguindanao was arrested and seized high- powered firearms during law enforcement...

Villager dead, 2 hurt in North Cotabato gun attack

COTABATO CITY --- A villager was killed while two others were seriously wounded when suspected members of a local terrorist group shot with assault...

Job opportunities at Cotabato City power firm

The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) is looking for business process specialist and distribution network technician.