Monday Jul, 04 2022 01:56:41 PM

NDBC BIDA BALITA (5.8.19)

NDBC BALITA • 22:15 PM Wed May 8, 2019
1,032
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 08, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

1. LOLA, kritikal matapos na aksidenteng madaganan ng kanyang higaan sa Cotabato city.

2. DALAWA KATAO, patay nang sumabog ang gulong ng 10-wheeler truck sa Banga, South Cotabato.

3. Mahigit dalawang libong mga pulis at sundalo, ipakakalat sa North Cotabato sa darating na midterm elections.

4. Dalawang barangay kapitan ng Tulunan, North Cotabato, nahulihan ng bigas, pera at campaign materials ng mag-aamang Talinio

0-0-

KRITIKAL ang kondisyon ngayon ng 66 na taong gulang na lola matapos na aksidente siyang madaganan ng kanyang higaan sa Barangay Poblacion 6, Cotabato city.

Kwento ng anak ni lola FELOMENA NACARIO, bandang ala sais ng umaga kahapon nang aksidenteng matumba ang mabigat na kama na isinandal nila sa pader sa loob ng kwarto.

Nagkataon namang nasa loob noon si lola Felomena kaya’t nadaganan ito. Duguan at walang malay na isinugod sa ospital si lola Felomena na nagtamo ng malaking sugat sa kanyang ulo

SAMANTALA, isa namang binatilyo ang itinakbo rin sa ospital makaraang hampasin umano ito ng naka-away sa kanilang lugar sa Talitay, Maguindanao. Sadyang di kinilala ang biktima dahil ito ay kinse anyos lang at isang estudyante.

Nabatid na pasado alas nuebe kagabi habang nagpapahinga sa loob ng kanilang bahay ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Lorenz at bigla na lamang hinampas ng matigas na bagay ang biktima.

Nagtamo ito ng malaking sugat sa ulo kaya’t patuloy siyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

-0-

NAKUHANAN ng 400 libong pisong halaga ng iligal na droga ang isang magsasaka sa ikinasang buy-bust operation sa Isulan, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Nakuha sa 19-anyos na suspek ang anim na sachets ng hinihinalang shabu at P500 na marked money.

Ayon kay Regional Police Drug Enforcement Unit 12 Chief, Police Major Lorenzo Henares, lumitaw ang pangalan ng suspek matapos siyang isuplong ng isa ring drug pusher na una na nilang nadakip.

Hinala ni Henares, mula sa Maguindanao ang supply ng shabu ng suspek dahil residente ito ng Talayan, Maguindanao.

Sadyang hindi kinilala ang nadakip na suspek para hindi mabulilyaso ang iba pang operasyong ikakasa ng mga otoridad laban sa iba pang mga kasamahan nito.

-0-

Tatlong malalakas na uri ng bomba ang narekober ng mga sundalo sa loob ng isang kubo sa Sitio Kabanalian, Barangay Ilian, Esperanza, Sultan Kudarat.

Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division Spokesperson Major Arvin Encinas na tumanggap kasi ng impormasyon ang 2nd Mechanized Infantry Battalion mula sa mga sibilyan sa lugar hinggil sa naturang mga iniwang bomba.

Agad namang nagresponde ang tropa ng 21st Mechanized Company, 2nd Mechanized Infantry Battalion at nadiskubre sa lugar ang tatlong Anti-Personnel Mines na may bigat na 29 kilos kada isa.

Kasunod nito ay mabilis ding na difuse ng Army’s Explosive Ordnance Disposal Team ang nakuhang mga bomba.

Samantala, naniniwala sina 2nd Mechanized Infantry Battalion commander Lt. Col. Alvin Iyog at 1st Mechanized Infantry Brigade Commander Col. Efren Baluyot na pag-aari ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang naturang mga bomba.

Posible umanong iniwan BIFF ang naturang mga bomba sa kubo dahil hindi malusutan ng mga ito ang mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga sundalo at pulis.

Kaugnay nito ay nagpasalamat naman si Army’s 6th ID Commander, Major General Cirilito Sobejana sa mga sibilyan na nakikipagtulungan sa mga sundalo at pulis para matiyak ang kaligtasan ng lahat at katahimikan sa kanilang lugar.

-0-

DAAN-DAANG mga residente mula sa mga barangay ng Dalgan, Kalbungan at Buliok sa Pagalungan, Maguindanao ang nagsilikas matapos na mamamataan sa kanilang lugar ang presensya ng armadong grupo.

Agad namang nagpatawag ng Municipal Peace and Order meeting si Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod para matugunan ang naturang problema at upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.

Nabatid na mga miembro umano ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang naturang armadong grupo na pumasok sa lugar nang walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan.

Kasunod nito ay umapela si Mamasabulod sa liderato ng MILF na hayaan ang kanilang mga kababayan na malayang makapili ng mga ihahalal na opisyal ng bayan at wag takutin ang mga residente.

Samantala, sa panig ng MILF, nilinaw nito na may koordinasyon sa GPH-CCCH, militar at pulisya ang kanilang pagpasok sa Pagalungan bilang bahagi ng Peacekeeping Force upang maiwasang sumiklab ang gulo sa pagitan ng mga naglalabang mga pamilya sa lugar.

Pinayuhan din ng MILF ang mga sibilyan na magsibalik na sa kanilang mga tahanan dahil hindi naman umano sila naroon sa lugar para manggulo.

-0-

UMALMA si Deputy Speaker Munir Arbison sa ginagawa umanong pag-antala ng Supreme Court sa petisyon hinggil sa kinukwestyong voting centers sa Sulu.

Ayon kay Arbison, nagkaroon ng pagsasaayos ng mga voting centers ang Commission on Elections o Comelec sa polling centers na disadvantageous sa mga botante.
Kabilang anya rito ang island barangay ng Capual na mayroong tatlong libong registered voters pero ang kanilang presinto ay nasa mainland na mahigit tatlong kilometro ang layo mula sa pantalan.

Sinabi ni Arbison na dapat na itong tugunan ng SC dahil maaaring mamanipula ng mga lokal na opisyal ang voting centers.

Nagkaroon anya ng correction ang Comelec pero ito ay ipinahinto ng Supreme Court dahil sa petisyon ni dating Comelec chair Sixto Brillantes Jr. na abogado ni dating Sulu Governor Abdul Sakur Tan.

Lumalabas din anya na sa ilalim ng pamumumo ni Brillantes sa Comelec ang nangyaring “erroneous clustering” ng mga presinto na kahilingan noon ng mga Tan.

-0-

Abot sa 2,418 na mga pulis at militar ang ipapakalat sa buong probinsya ng North Cotabato sa nalalapit na halalan ngayong Mayo a-trese.

Sa isinagawang send-off ceremony kahapon ng umaga, napag-alamang mahigit isang libong mga pulis ang magmumula sa Police Regional Office 12, Regional Mobile Force Battalion, Regional Special Training Unit, Cotabato Mobile Force Company at Provincial Head Quarters.

Samantala, mahigit isang libo rin ang manggagaling sa pwersa ng Armed of Forces of the Philippines o AFP. Samantala, ayon sa Cotabato Police Provincial Office, dumaan sa matinding training ang mga pulis na posibleng gagawing Electoral Board ng COMELEC kung sakaling kakailanganin man.

Kasabay ng send-off ceremony, muli ring idiniin ni Provincial Director Colonel Maximo Layugan sa mga pulis na manatiling neutral at apolitical. Maliban dito, aasahan din ang kapayapaan at seguridad habang isinasagawa ang halalan. NDBC BIDA BALITA

-0-

Kulungan ang bagsak ng isang drug suspek sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Sitio Malabuaya barangay Kayaga Kabacan Cotabato.

Ang buy bust operation ay isinagawa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency alas 3:15 ng hapon, kamakalawa. Kinilala ang nadakip na si Datu Udtog Padi Maubin, 35 anyos, may asawa at nakatira sa nabanggit na barangay.

Nakuha sa suspek ang isang plastic heat sealed sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu at 5hundred peso bill na siyang ginamit bilang marked money at produkto din ng buy-bust.

Nang kapkapan ito ay narekober din ang dalawa pang mga pakete ng suspected shabu kay Maubin. Sa ngayon, nakapiit na sa lock up cell ng Kabacan Municipal Police office ang suspek at naghihintay na sampahan ng kaukulang kaso sa korte. NDBC BIDA BALITA

-0-

Dead on arrival sa ospital ang lalaking drayber sa vehicular crash sa Purok 5, barangay Sangat, Mlang North Cotabato alas 7:30 ng gabi nitong lunes.

Kinilala ang nasawi na si Ian Lingal, nasa hustong gulang na taga Purok 4, Sangat Mlang.

Habang sugatan naman sina Jonalyn Almariego, 35 anyos, guro, Kian 6 years old at Gabriel na isang taong gulang na lahat nakatira sa nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat ng Mlang PNP, binabaybay ng Rusi Motorcycle ang national highway na minamaneho ng nasawing si Lingal habang angkas naman ang tatlong mga nasugatan.

Pagsapit nito sa intersection, ay bumangga ito sa parating na isa pang motorsiklo na minamaneho ng sugatang si Jolevick Tabaque, 23 anyos, kasama ang dalawang angkas na sina Ma. Vianney Tahad , 19 anyos at Jayson Espino, 16 na parehong residente ng Purok 5,baranagay Lika na hindi naman lubhang nasugatan.

Agad na isinugod ang mga nasugatan sa aksidente pero ideneklarang patay ng mga doctor ang drayber na Lingal habang patuloy namang ginagamot ang iba pa. NDBC BIDA BALITA

-0-

Isang kulay berde na multicab na pag-aari ng provincial government na may lulang mga bigas, gasolina, pera at umano’y mga sample ballot ang naharang sa national highway ng New Rizal, Mlang, North Cotabato alas-3:00 kahapon ng hapon.

Sakay ng nasabing sasakyan sina Alfredo Losbañez punong barangay ng G. Baynosa at Richard Pandacan, kapitan ng New Caridad sa bayan ng Tulunan.

Sa kanyang facebook account, ipinakita ni Board Member Socrates Piñol, tumatakbong bise gobernador ng lalawigan ang laman ng multicab na may anim na container ng gasolina na abot sa 135-litro, 14 na sakong bigas, dalawang brown envelop na may cash money at mga election paraphernalia gaya ng sample ballots, posters at mga sticker na may mukha nina Carmen Mayor Roger Talino at Gov. Lala Talino-Mendoza, pawang tumakbo bilang gobernador at bise-gobernador ng lalawigan.

Mismong si Piñol ang humabol at humarang sa nasabing sasakyan at agad na inireport sa pulisya. Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang dalawang mga kapitan ng nasbaing barangay.

Samantala, sa opisyal namang pahayag na inilabas ng provincial government, idenipensa nila na hindi umano ginamit ng probinsiya ang sasakyan para sa kampanya ng mga mag-amang Taliño.

Dala umano ng dalawang mga kapitan ang nasabing mga supplies para sa kanilang barangay ng harangin at tinakot ng opisyal.

Sa panig ni Atty. Bernice Piñol ang abogado ni Soc, posibleng mahaharap sa kasong criminal at administrabo ang dalawang mga kapitan makaraang makitaan ng election paraphernalia habang inihahanda naman ng provincial government ang kasong ihahabla kay Piñol sa illegal nitong pagharang sa dalawa.

Giit ni PInol, police ang pumigil sa mga barangay official na may dalang kahina-hinalang sako ng bigas at campaign materials ng mag-amang Talinio.

Ipinaalam lang ng mga police kay PInol ang pangyayari kaya niya ito ginawang ng report sa social media.

-0-

Iimbestigahan ng ng Commission on Highed Education o CHED ang biglaang pagtaas umano ng tuition fee ng ilang mga tertiary schools sa rehiyon para makuha ang malaking bahaging pondo para sa Unified Student Financial Assisstance System for Tertiary Education o UNIFAST.

Ayon kay Commission on Higher Education o CHED Regional Director Ronaldo Levita, ito ay isang pagkakamali na dapat maitama.

Sinabi ni Levita na sa ngayon 20 pa lamang sa 75 mga tertiary schools sa rehiyon ang nakapagsumite na ng kanilang liquidation report sa CHED region 12. Umaasa si Levita na ito ay makukumpleto na ngayong linggo para kanilang mapagaralan.

Kinumpirma din ni Levita na ang apat na mga kolehiyo sa Koronadal City ay tumalima sa 72 hours nilang palugit na ibigay ng buo sa mga benisyaryo ng UNIFAST ang pondong inilaan sa kanila.

Habang ang isa ay kasalukyan pang nireresolba ang computation sa tuition fee.

Ang bawat benepisyaryo ng UNIFAST ay makatatanggap ng tig P30,000 na financial assisstance mula sa pamahalaan kada semester.

Bahagi ng nasabing halaga na sobra sa tuition fee ay dapat maibalik ng buo ng mga eskwelahan sa mga benepisyaryo. Ipinahayag naman ni Levita na nakikipag ugnayan na sa CHED ang mga eskwelahan na hindi pa nakapagsumite ng kanilang liquidation report.

Naglaan ang pamahalaan ng mahigit P900 million pesos para sa pagpapatupad ng UNIFAST sa region 12.

0-0

Food House and Pasalubong Center ng DOLE 12 napakinabangan ng Grupo ng mga vendor sa Tacurong city, Sultan Kudarat

Mayroon nang Food House and Pasalubong Center ang 42 mga myembro ng Tacurong Terminal Vendors Association o TATVA sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Inilunsad ito kasabay ng ika anim na taong anibersaryo ng grupo sa layong magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga ito.

Ayon kay DOLE 12 Assistant Regional Director Arlene Bisnon, ang bawat myembro ng grupo ay nabigyan ng tig 2,000 pesos na dagdag puhunan ng ahensya. Ipinahayag naman ni TATVA Treasurer Julie Julve na dahil sa kanilang kita nakakapagbayad na sila ngayon ng Social Security protection benefits.

Ayon kay Julve nagsisimula na rin sila ngayong magkaroon ng scholarship sa kanilang mga anak at plano ring matulungang magkabahay ang kanilang mga myembro.

Kaugnay nito ipinahayag naman ni Tacurong Mayor Lina Montilla na naniniwala siya sa determinasyon ng mga myembro ng TATVA kaya patuloy din ang tulong sa mga ito ng lokal na pamahalaan.

Ang nasabing kooperatiba ay benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program o DILEEP. Layunin ng programa na mabigyan ng dagdag na mapagkakakitaan ang mga nasa informal sector o marginalized self employed na walang sapat na kita. NDBC

0-0-

Deped 12 tuloy pa rin ang pagpapabuti ng performance ng mga atleta ng rehiyon sa kabila ng mas mataas na ranking nito sa katatapos lang na Palarong Pambansa

Hindi titigil ang Department of Education o Deped sa pagpapabuti ng ng peformance ng mga atleta ng region 12 sa Palarong Pambansa.

Ito ang ipinahayag ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo matapos makuha ng rehiyon ang rank number 4 na target nila sa 2019 Palarong Pambansa sa Davao City. Mas mataas ito sa rank 7 ng rehiyon noong 2018. Matatandaan na ang region 12 ay humakot ng 26 golds, 43 silver at 40 bronze medal sa nasabing Palaro.

Nagbigay ng 15 pinakamaraming Gold Medals sa region 12 ang mga arnis player ng Tacurong City, Sultan Kudarat. Ayon kay Farnazo, magiging batayan sa pagpapabuti ng Deped sa performance ng mga atleta at maging mga coache ang kanilang mga natutunan sa katatapos lang na Palarong Pambansa. Kinumpirma din ni Farnazo na bago pa man umuwi, ibinigay na rin ng Deped ang insentibo ng mga atleta at coach na nakakuha ng medalya sa 2019 Palarong Pambansa.

Matatandaan na bilang motivation sa mga atleta nito ang Deped 12 ay naglaan ng 20 thousand pesos na isentibo para sa mga Palaro player na nakakuha ng gold medal, P5,000 thosuand ang silver at P3,000 ang bronze.

Pinasalamatan din ni Farnazo ang lahat ng mga tumulong para magtagumpay sa Palarong Pambansa ang mga atleta ng region 12.

0-0-

Magbibigay ng mga farm inputs na angkop sa lupain ng mga magsasaka para sa mas mataas na produksyon ang Department of Agriculture bilang kabahagi ng mga pagbabao sa kanilang bidding process.

Inatasan na ni DA Secretary Manny Pinol ang Bids and Awards Committee ng DA sa buong bansa na ikonsidera sa bidding process ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan nito ayon kay Pinol ay nakasisiguro na makatatanggap ng mga farm inputs ang mga magsasaka na angkop sa bawat rehiyon.

Ipinahayag ito ng kalihim kaugnay sa Farmers and Fisherfolk Month Celebration na pinangungunahan ng DA ngayong Mayo.

Ayon kay Pinol ito ang tugon ng ahensya sa reklamo ng mga magsasaka na kadalasan ay substandard o hindi angkop sa kanilang lugar ang tulong na tatanggap mula sa pamahalaan.

Igniit ni Pinol na dahil sa kanilang malawak na karanasan sa pagsasaka mas may alam ng mga magsasaka kung anong seeds ang kanilang itanim.

Nilinaw ni Pinol na saklaw lamang ng pagbabago sa bidding process ang mga seeds kaya wala itong lalabaging batas.

3 teens drowned in Lebak, Sultan Kudarat

COTABATO CITY  - Three teenagers were drowned and two elders survived while swimming at a beach resort in Lebak, Sultan Kudarat on Sunday...

P74K worth shabu seized from Tampakan drug ring

KORONADAL CITY - Anti-narcotics agents seized P74,000 worth of shabu from two drug den operators and three accomplices entrapped in Tampakan,...

Dating sundalo na wanted sa Lebak, naaresto ng PNP

LEBAK, Sultan Kudarat  - Naaresto ang isang wanted person na may kasong concubinage kahapon ng umaga, Hulyo 3,2022 sa Purok Langka, Brgy....

3 `serial' armed robbers in GenSan busted

GENERAL SANTOS CITY --- Three suspects in recent armed robberies here got busted as they motored through a checkpoint after divesting someone of...

Comelec urges barangay, SK voters to register starting Monday

MANILA – The Commission on Elections (Comelec) on Saturday reminded Filipinos eligible to vote in the Barangay and Sangguniang Kabataan (SK)...