Monday Jul, 04 2022 01:41:45 PM

NDBC BIDA BALITA (7.25.19)

NDBC BALITA • 14:00 PM Thu Jul 25, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. ANAK ng pangunahing suspek sa Maguindanao massacre, nanumpa bilang bagong alkalde ng Datu Unsay, Maguindanao.

2. DENGUE CASES sa Kidapawan City, tumaas ngayong taon – ayon sa City Health Office

3. HIGIT 50 mga pamilya, inilikas dahil sa landslide sa Lutayan, Sultan Kudarat

4. Liguasan marsh, binobma ng military; 1 sibilyan patay, 2 sugatan

5. Pulis sa Gen.San, nangutong, huli sa entrapment operation 

 

-0-

 

 

ISANG 60 TAONG GULANG na ginang ang nasawi habang sugatan ang kanyang mister at apo matapos na tamaan ng bomba ang kanilang tahanan sa Barnagay Kabasalan, Pikit, North Cotabato mula sa eroplanong pandigma ng pamahalanaa.

Nakilala ang nasawi na si Misbah Masla.  Ang kanyang mister na si Ali at 10 toang gulang na apo, ay nasugatan nang tamaan ang kanilang bahay ng pampasabog.

Inilunsad ng AFP ang air at ground ground assaults matapos mamataan si BIFF leader Abu Toraife sa Sitio Butelin, Barangay Kabasalan, Pikit, North Cotabato.

Hindi malinaw sa report kung tinamaan si Toraife o mga tauha nito maliban sa napaulat na pagkasawi ng isang senior citizen.

Sinabi ni 602nd brigade commander Brig. Gen. Alfredo Rosario na ang opensiba ay inilunsad upang sirain ang bomb making facility ng BIFF sa naturang lugar.  Nagbabalak daw kasi na maglunsad ng bombing mission ang grupo.

Nagpapatuloy pa ang clearing operation sa Barnagay Kabasalan, Pikit. 

 

 

-0-

 

Biglang umangat sa pwesto at naging alkalde ng Datu Unsay, Maguindanao si Datu Andal “Datu Aguak” Ampatuan The Fifth.

Si Datu Aguak ay anak ni Datu Andal Ampatuan Jr. na pangunahing suspek sa Maguindanao Massacre.

Nanumpa kay Sen. Nancy Binay si Datu Aguak matapos bumaba sa pwesto ang alkalde at bise alkalde ng naturang bayan.

Ayon kay Ministry of the Interior and Local Government–Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Minister Atty. Naguib Sinarimbo, nagsumite ng resignation sina Mayor Fuentes Dukay at Vice Mayor Wanay Salibo Dukay kay Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu sa hindi pa malamang kadahilanan.

Dahil dito, batay aniya sa rule of a succession sa ilalim ng RA 7160 o Local Government Code, si Datu Aguak ang uupo bilang alkalde dahil siya ang 1st councilor sa bayan.

Ang second councilor naman na si Bai Janine Ampatuan Mamalapat ang uupong bagong bise alkalde.

 

-0-

 

 

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Junjun Galagar, 37 anyos, may asawa at taga barangay Awang ng naturang bayan.

Sa report ng DOS PNP, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at patungo sana sa bahay ng kanyang tiyahin sa Sitio Lomboy nang siya ay pagbabarilin ng riding tandem criminals gamit ang cal.45 pistol.

Dead on the spot ang biktima nang magtamo ng mga tama ng bala sa kanyang ulo at dibdib.

Personal grudge and nakikitang motibo ng mga otoridad sa naturang krimen.

Samantala, patuloy namang ginagamot ngayon sa ospital sa Cotabato city si TAHIR BOROBORO, nasa hustong gulang, at taga-Malabang, lanao Del Sur matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanilang bahay kamakalawa ng tanghali.

Mabilis umanong tumakas ang suspek sa di natukoy na direksyon matapos gawin ang krimen.

Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa naturang pamamaril at kung sino ang posibleng nasa likod nito.

 

-0-

 

DALAWANG mga miembro umano ng ekstremistang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang sumuko sa militar sa boundary ng North Cotabato at Maguindanao.

Ang dalawang mga rebelde pawang mga tauhan ni Kumander Karialan ng BIFF ay sumuko sa tropa ng Army’s 7th Infantry Battalion bitbit ang kanilang M14 rifle, Caliber .50 sniper rifle at mga bala.

Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division commander, Major General Diosdado Carreon na napagod na umano ang dalawa sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto na nilang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang pamilya.

Ayon kay Carreon, ang mga sumukong BIFF member ay makakatanggap ng tulong na pinansyal at livelihood assistance mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng E-clip program.

 

-0-

 

DUGUANG isinugod sa pagamutan ang mag asawang nabundol ng motorsiklo sa national highway na bahagi ng Brgy. Torres, Sultan Kudarat, Maguindanao pasado alas onse ng umaga kahapon.

Nakilala ang mga biktima na sina HASIM GANDAWALI, 28 anyos, magsasaka at misis nitong si SAMIRA, 26, pwang mga taga -Brgy. Nuyo, Buldon, Maguindanao.

Minamaneho umano ni Hasim ang kanyang motorsiklo angkas ang misis nito nang mahagip sila ng paparating na isa pang motorsiklo habang sila ay papasok sa isang vulcanizing shop.

Tumilapon ang mag-asawa dahil sa lakas ng pagkakabangga sa kanila.

Pinaka malubha ang kondisyon ni Samira na nabalian umano ng mga buto sa magkabilang binti.

Samantala, makalipas ang ilang oras ay isinugod naman sa ospital ang halos walang malay na batang babae matapos na mabagok ang ulo nito nang mabundol din ng motorsiklo sa national highway na sakop ng Brgy. Kuya, South Upi, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si EMERJOY EDUARDO, trese anyos.

Nabangga umano ang biktima ng isang motorsiklo habang ito ay nakikipaglaro sa mga kasamahan sa gilid ng kalsada.

 

-0-

 

Magsasagawa ng special elections ang Commission on Elections o Comelec para sa pagka-kongresista ng Lone District ng General Santos City.

Kaugnay nito, inilatag na ng ahensya ang ilang guidelines para sa isasagawang halalan sa October 26.

Maaaring magsumite ng certificate of candidacy o COC at certificate of nomination and acceptance o CONA ang mga kandidato simula August 26 hanggang August 28.

Bibigyan naman ng hanggang September 16 ang mga nais na maging substitute candidate.

Gagawian ang special elections dahil sa pagsasabatas ngayong taon ng re-apportioning o pagsasaayos ng ilang distrito sa bansa.

 

-0-

 

ILULUNSAD ngayong umaga ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang OK sa DepEd OPLAN Kalusugan.

Gaganapin ang launching ng naturang programa sa Pedro C. Dolores Elementary School, sa Upi, MAguindanao.

Inaasahang dadalo sa naturang aktibidad si DepEd Secretary Leonor Briones; BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim; Upi mayor Ramon Piang Sr.

At Maguindanao 2 Division Superintendent Bai Meriam Kawit.

Layon ng Oplan Kalusugan na matiyak na mabibigyan ng primary health at dental care ang mga estudyante para mailabas ang kanilang potensyal sa pag-aaral.

Maliban dito, tututukan din ng programa ang lahat ng DepEd school health personnel at mga estudyante na simulan ang mas malusog na kaugalian.

Makikipag-ugnayan din ang mga personnel at estudyante sa mga health provider at local government units para sa serbisyong pankalusugan.

 

-0-

 

Dengue cases sa Kidapawan City, tumaas ngayong taon – ayon sa City Health Office

Hinihikayat ngayon ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa kanilang kampanya kontra dengue sa Kidapawan City.

Batay sa pinakahuling ulat ng Kidapawan City health office nakapagtala na ng 452 dengue cases ang lungsod mula sa buwan ng enero hanggang hunyo ng taon.

Habang 72 na kaso lamang ang natala noong nakaraaang taon sa kaparehong panahon.

Ang nabanggit na bilang ay nagmula na rin sa mga records ng mga ospital sa lungasod na tumanggap ng pasyenteng may sakit na dengue.

Nabatid na ang Kidapawan City ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa buong North Cotabato batay sa pinakahuling datus ng Deaprtment of Health. Posibleng ang pagtaas ng kaso ng dengue ay bahagi ng tatlo o apat na taong ‘cycle’ kung saan naaabot ang dami ng nagkakasakit nito.

Samantala, hinihikayat ngayon ng mga otoridad na makipagtulungan sa kanilang kampanya kontra dengue at ugaliing malinis ang paligid na siyang madalas pinamumugaran ng mga lamok na may dalang sakit na dengue.

Maari ding makipag-ugnayan sa mga health center sa kada lugar kung makakaramdam ng sintomas ng sakit na degue. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Motorsiklo na nakaparada sa harap ng internet café, tinangay sa Kabacan, North Cotabato

Tinangay ng di pa kilalalang mga suspek ang motorsiklo ng isang lalaki na nakaparada lamang sa harap ng isang internet café sa USM avenue, Poblacion Kabacan Cotabato.

Kinilala ng Kabacan Police ang biktima na si Brayan taban Dacanay, 21 years old na taga Purok Tagumpay Barangay Aringgay ng bayan.

Personal na dumulog sa himpilan ng PNP ang biktima uapng e-report na nawawala ang kanyang Honda wave na motorsiklo alas 8:30 ng umaga kahapon particular sa harap ng Spongha Internet café. Pumasok sa establisyemento ang biktima at nang balikan niya ilang minuto ay wala na ito sa lugar kung saan niya ipinarada.

Naaalarma na rin ang mga mamamayan hinggil sa patuloy na pagtaas na kaso ng motorcycle theft sa bayan at maging sa iba pang lugar sa North Cotabato. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pagbabalik sa pamahalaan ang pangangasiwa ng tubig, nakikitang solusyon ng isang elected official sa Kidapawan City

Suportado ng isang konsehal sa Kidapawan City ang pagbuo ng gobyerno ng Department of Water sa bansa. Ayon kay Councilor Ruby Padilla Sison, bagaman suportado niya ang nasabing panukala pero nais niya ding maibalik sa pamahalaan ang pangangasiwa ng usapin sa tubig.

Ito ang nakikitang solusyon ng konsehal upang hindi na ma-privitize ang isang Government-owned and control corporation kagaya ng Metro Kidapawan Water District at walang subsidy mula sa lokal na pamahalaan.

Una ng kumalat sa social media ang alegasyon ng umano’y pagsasapribado ng MKWD na siya namang itinanggi ng ahensya.

Sinabi ni Councilor Sison, imbes na pumasok sa Public Private Partnership ang isang water supplier bakit hindi anya e-nationalize ang water industry at ibalik ang otoridad sa pamahalaan. 

Sa panig ni Sison, suportado niya ang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapabuti ang serbisyo ng tubig pero hindi sa patakan ng privatization ngunit sa Nationalization Policy. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

Magsasaka, sugatan sa pamamaril sa Pikit, North Cotabato

Nagpapagaling na ngayon sa pagamutan sa bayan ng Pikit, North Cotabato, ang isang magsasaka matapos pinagbabaril ng di pa kilalang mga suspek, pasado alas otso ng umaga kahapon sa harap ng isang eskwelahan sa Brgy Poblacion ng nasabing bayan.

Kinilala ni Pikit PNP Chief, Police Capt. Mautin Pangandigan ang biktima, na si Tong Maguindalat Akil, 35-anyos, may asawa na residente ng Brgy. Bulod, Pikit.

Ayon sa ulat ng PNP, sakay ang biktima sa kanyang Honda XRM 125 na motorsiklo nang biglang dumating ang mga di pa kilalang suspek at pinagbabaril si Akil.

Natamo ng biktima ang maraming tama ng baril sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan na agad namang naisugod sa ospital, habang agad namang tumakas ang mga suspek sa di pa malamang direksyon.

Narekober sa crime scene ang tatlong mga fired catridge cases ng kalibre 45 pistola na isusumite sa Provincial Crime Laboratory Office, para sa isasagawang Ballistic Examination Patuloy naman ngayon ang hot pursuit operation ng PNP sa posibleng pag-aresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo ng nasabing krimen. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

OPlan Kalusugan ng Deped, inilunsad sa General Santos City

Nanguna sa national kick off ng Oplan Kalusugan o OK sa DepEd Program para sa school year 2019-2020 sa General Santos City ang mga ng Deped Central Office. Layun ng programa na sinimulang ipatupad noong nakaraang taon na pagisahin ang mga Health Programs, polisiya, at iba pang aktibidad para maipatupad ng mas maayos sa mga eskwelahan.

Ayon kay Deped 12 Information Officer Antonio Maganto, tinututukan sa OK sa Deped Program ang limang mga pangunahing programang pangkalusugan.

Ang mga ito ay ang School-based Feeding Program, National Drug Education Program, Adolescent Reproductive Health Education, Water Sanitation and Hygiene in Schools at Medical, Dental and Nursing Services.

Ayon kay Maganto, inilakip naman ngayong taon bilang ikaanim na flagship program sa OK sa Deped ang School Mental Health Program.

Ito ay bilang pagtalima na rin sa Mental Health Act. Kaugnay nito, umapela si Deped Secretary Leonor Briones sa mga school officials na isulong ang mental health. Ito ay sa pamamagitan ng tulong ng mga kwalipikadong mental health professionals.

Binigyan diin ni Briones na isa sa mga batayan sa pagunlad ng isang lugar ang kalusugan at edukasyon ng sambayanan.

 

-0-

 

Mahigit 50 pamilya inilikas dahil sa landslide sa Lutayan, Sultan Kudarat Nagsisilbi ngayong evacuation center ng may 50 pamilya na apektado ng landslide sa Tananzang, Lutayan, Kudarat ang kanilang barangay Chapel.

Ito ay ayon kay Lutayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Alryan Limbo. Paliwanag ni Limbo, kailangan ang preemptive evacuation para masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa lugar. Kasunod ito ng paguho ng lupa kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Limbo, para hindi ma-trap sa landslide, agad na nagsagawa ng rescue operation sa Tananzang mga kasapi ng MDRRMO Lutayan. Sinabi ni Limbo na sa ngayon ay hindi pa tiyak kung kelan makakauwi ang mga bakwit.

Paliwanag ni Limbo kailangang pa ng LGU ma magsagawa ng assessment sa pagguho at humiling ng payo sa Environment and Management Bureau ng DENR. Dinagdag din nito na kailangan din nilang isailalim sa psych0-social intervention ang mga iniliks Ang mga bakwit ay nabigyan na ng paunang tulong na pagkain ng Lutayan LGU. Sa karatig barangay naman ng Blingkong, binaha ang may 20 pamilya. Ito ay matapos bumigay ang pampang ng sapa malapit sa Purok Riverside.

Maliban sa mga gamit hindi rin pinaligtas ng rumagasang tubig ang mga alagang hayop. Nagpadala na ng mga heavy equipment para maghukay sa mga apektadong barangay ang lokal na pamahalaan ng Lutayan.

 

-0-

 

Kampanya sa tamang waste disposal ng DENR nakatutuok sa mga kabataan ng Region 12

Nagkasundo ang mga matatas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources o DENR 12 na tutukan ang mga kabataan sa kanilang kampanya sa tamang pamamahala ng mga basura.

Ayon kay DENR 12 Regional Executive Director Sabdullah Abubacar, nakahanda ang ahensya na magbigay ng teknikal na tulong para sa pangangalaga sa mga likas yaman sa mga local government units at iba pang stakeholder.

Naniniwala naman si Environment Management Bureau 12 Regional Director Alex Jimenez na kailangan ang malawakang Information Education Campaign sa waste management sa mga eskwelahan at barangay. Sa katunayan ayon kay Jimenez sinimulan nila ito sa pamamagitan ng pagbili ng mga recyclable materials ng mga estudyante sa Sarangani.

Ayon kay Jimenez ipinatupad nila ito kasunod ng paglagda ng kasunduan sa mga opisyal ng Deped. Ipinahayag din ni Jimenez na mahagalang masanay ng maaga sa waste segregation ang mga kabataan dahil matagal pa bago tuluyang maresolba ang problema sa waste management.

 

-0-

 

Rapid dengue test, bunsod ng dengue outbreak pinatutupad ngayon sa provincial hospital ng South Cotabato

Makukumpirma na ang kaso ng dengue sa loob lamang ng 15 minuto kasunod ng pagpapatupad ng dengue rapid test sa provincial hospital ng South Cotabato. Ayon kay Provincial Administrative Officer Jovie Eborde, bumili ang pamahalaang panlalawigan ng NS1 antigen test. Ito ay may kakayang mag-detect sa dengue kahit na sa loob pa lamang ng isang araw.

Ayon Eborde kailangan ang agarang detection bunsod ng pagdagsa ng mga dengue patients ngayon sa South Cotabato Provincial Hospital.

Nabatid na ang NS1 ay dengue kit na inilunsad sa India noong 2010. Ang NS1 dengue kit para sa mas maagang dengue detection ay inirekomenda din sa mga Rural Health Unit o RHU at iba pang government hospital ni South Cotabato Assistant Provincial Health Officer Dr. Ala Baby Vingno.

Matatandaan na isinailalim sa State of Calamity dahil sa dengue outbreak ang lalawigan ng South Cotabato. Karamihan sa 21 nasawi dahil sa dengue sa lalawigan ay hindi kaagad nagpaospital.

Ito ay ayon kay Provincial Epidemiology Surveillance Unit o PESU Disease Surveillance Officer Cecil Lorenzo. Ang Provincial Health Office ay nakapagtala na ng 3,664 dengue Cases sa South Cotabato mula Enero hanggang July 21, 2019. Mas mataas ito ng 151% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

 

 

-0

 

 

Pulis na inrereklamo ng extortion inaresto ng mga kapwa pulis sa General Santos City

Inaresto ng mga kabaro nito ang isang pulis sa General Santos City na nangingikil umano sa kapatid ng isang police applicant para makapasa sa neuro-psychiatric at medical examination.

Kinilala ni Police Regional Office Public Information officer Lt. Col Adrin Gonzales ang suspek na si Master Sergeant Arnel Abellera, 46 years old at kasapi ng Regional Health Service o RHS 12.

Ayon kay Gonzales si Abellera ay inaresto sa entrapment operation ng mga myembro ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group sa isang fastfood chain sa Barangay Labangal, General Santos City. Si Abellera ay naaktuhan umano ng kapwa nito mga pulis na nangongolekta ng P50,000 sa reklamanteng si Phoebe Maraguit.

Si Maraguit ay kapatid ng police applicant mula sa Makilala, North Cotabato. Sinabi ni Gonzales na ang pag-aresto kay Abellera ay bahagi pa rin ng internal cleansing sa hanay ng PNP. Ito ayon kay Gonzales ay nakakalungkot sa kabila ng babala sa mga tiwaling pulis ni PNP Chief Oscar Abayalde.

Ipinagutos na ni PNP 12 Regional Director Brig. General Eliseo Tam Rasco ang masusing imbestigasyon sa insidente para malaman kung may mga kasabwat ring mga pulis si Abellera. Si Abellera na kinasuhan ng robbery-extortion at administratibo ay nakakulong sa Makar Police Station.

 

 

 

3 teens drowned in Lebak, Sultan Kudarat

COTABATO CITY  - Three teenagers were drowned and two elders survived while swimming at a beach resort in Lebak, Sultan Kudarat on Sunday...

P74K worth shabu seized from Tampakan drug ring

KORONADAL CITY - Anti-narcotics agents seized P74,000 worth of shabu from two drug den operators and three accomplices entrapped in Tampakan,...

Dating sundalo na wanted sa Lebak, naaresto ng PNP

LEBAK, Sultan Kudarat  - Naaresto ang isang wanted person na may kasong concubinage kahapon ng umaga, Hulyo 3,2022 sa Purok Langka, Brgy....

3 `serial' armed robbers in GenSan busted

GENERAL SANTOS CITY --- Three suspects in recent armed robberies here got busted as they motored through a checkpoint after divesting someone of...

Comelec urges barangay, SK voters to register starting Monday

MANILA – The Commission on Elections (Comelec) on Saturday reminded Filipinos eligible to vote in the Barangay and Sangguniang Kabataan (SK)...