Saturday Dec, 10 2022 04:10:42 AM

NDBC BIDA BALITA (7.26.19)

NDBC BALITA • 18:00 PM Sat Jul 27, 2019
1
By: 
CBCP

NEWSCAST

HEADLINES:

1. PRESENSYA ng mga foreign terrorist sa Mindanao, sapat umanong basehan para palawigin pa ng isang taon ang Martial Law sa rehiyon.

2. ISA KATAO, patay habang dalawang iba pa ang sugatan kabilang ang isang bata sa inilunsad na air strike ng militar sa Pikit, North Cotabato

3. Tatlong mga suspected ISIS supporter, inaresto ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato at General Santos City

4. Bishop Bagaforo tutol sa pagbabalik ng death penalty sa bansa 

 

-0-

 

IBINUNYAG ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nasa Mindanao na ang mga foreign terrorist na umanib umano sa mga local extremist group.

Ayon kay Lorenzana, ang mga dayuhang terorista umano ang nagsasanay ng mga suicide bomber ng Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF.

Aniya, ang mga foreign terrorist ay kinabibilangan ng Egyptian, Malaysian, Indonesian at Singaporean.

Kasama umano ng grupo si Abu Sayyaf leader Sawadjaan na siya namang itinuturinfg na emir ng ISIS sa bansa.

Sinabi naman ni AFP-Western Mindanao Command commander Lt. General Cirilito Sobejana na patuloy ang kanilang opensiba para mahuli ang nasabing mga terorista.

Sinasabing naglilibot umano sa Sulu, Basilan at Maguindanao ang naturang mga banyagang terorista bilang bahagi ng kanilang pagsasanay.

Samantala, mayroon umanong sapat na basehan ang pamahalaan para palawigin pang muli ang martial law sa Mindanao.

Sinabi ni National Security and International Studies Expert Professor Rommel Banlaoi na ang pagkakaroon ng kauna-unahang Filipino suicide bomber at presensya ng foreign terrorists ay sapat nang rason para sa pamahalaan upang palawigin pa ng isang taon ang martial law.

Ayon kay Banlaoi, kabilang din sa maaring gamiting rason ng gobyerno ay ang transition period ng Bangsamoro Government at nagpapatuloy na Marawi rehabilitation.

Paliwanag ni Banlaoi, nakatulong kasi ng malaki sa peace and order ng Mindanao ang batas militar.

Nabawasan aniya ang mga insidente ng ‘rido’ o away ng mga angkan na kadalasang nauuwi sa karahasan.

Pero ani Banlaoi, hindi naman pwedeng palawigin ng palawigin na lamang ang martial law at dapat ay makaisip na ng ibang pamamaraan ang gobyerno para mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.

 

-0-

 

ITINANGGI naman ng AFP na nagmula sa airstrike ng militar ang bombang sumabog sa tahanan ni Alimuden Masla na ikinasawi ng asawa nitong si Misba at apong si Edwin.

Sinabi ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Major Arvin Encinas na sa loob ng bahay ng mga Misba umano mismo nanggaling ang bombang sumabog.

Ayon pa kay Encinas, pagawaan kasi umano ng Improvised Explosive Devices o IED ang naturang bahay na nasa Sitio Butilen, Barangay Kabasalan, Pikit, North Cotabato.

Aniya, ang sumabog na bomba ay gawa umano mismo ni Alimuden na miembro raw ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Gayunman, todo tanggi naman si Alimuden na kasapi siya ng BIFF at iginiit na isa lamang siyang ordinaryong magsasaka.

Sa ngayon ay bantay sarado ng mga sundalo at pulis si Alimuden sa pagamutan na hinihinalang bomb expert ng BIFF.

 

-0-

 

HINDI NA MULING NAGISING pa ang isang magsasaka mula sa kanyang mahimbing na pagkakatulog matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Aleosan, North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Benjamin Sagpil na taga Purok 4, Barangay Pagangan, Aleosan.

Sa report ng Aleosan PNP, natutulog lamang umano ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang pasukin ng nag-iisang suspek at pinagbabaril gamit ang cal. 45 pistol.

Agad namang tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen.

Dead on the spot si Sagpil na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib.

Personal grudge umano ang motibo sa pagbaril at pagpatay kay Sagpil, ayon sa pulisya.

 

-0-

 

TINANGAY UMANO ng hindi pa nakikilalang kawatan ang dalawang mga baril sa guard house ng isang kilalang restaurang sa Sinsuat Avenue, Cotabato City.

Ayon sa gwardyang si si AMIN LAGASAN TAYUAN, 61 years old ng Brgy. Katuli, Sultan Kudarat, Maguindanao na nagbabantay sa naturang restaurant, pasado alas onse ng tanghali kamakalawa nang sandali niyang iniwan sa loob ng kanyang drawer sa guard house ang dalawang cal. colt 45 pistol upang mag-CR.

Pero pagbalik niya ay laking gulat ni Tayuan nang madiskubreng nawawala na ang mga baril at sira na rin ang padlock ng pintuan ng guard house at ng drawer.

Wala ng nagawa si Tayuan kundi isumbong na lamang sa Police Station 2 ang insidente.

SAMANTALA, nagtungo din sa himpilan ng pulisya ang isang construction worker matapos umano siyang mawalan ng bag sa kanyang pinagta-trabahuhan gusali sa Demazenod Avenue ng lungsod.

Hinala ng biktimang si ROBERTO PEREGRINO JR. 42 anyos,  na taga -San Pablo Village, Barangay Rosary Heights 11 ng lungsod, tinangay ng di pa nakikilalang magnanakaw ang kanyang sling bag.

Laman umano ng kanyang bag ang blue print ng ginagawa nilang gusali, ilang mga mahahalagang gamit at pera.

 

-0-

 

ARESTADO sa magkahiwalay na buy bust operations ng mga otoridad ang dalawang mga drug suspect sa Parang, Maguindanao.

Unang nadakip ang suspek na si Fahad Mamarinta Dalao ng Brgy. Poblacion Dos, Parang sa ikinasang operasyon ng Parang PNP at PDEA BARMM pasado alas tres ng hapon kamakalawa.

Nakuha mula kay Dalao ang dalawang sachets ng pinaniniwalaang shabu.

Samantala, pasado alas siete ng gabi naman nang madakip ang isang babaeng drug suspect na nakilalang si Aida Domingo Mamarinta, 45 years old at taga Sitio Ali Sonna, barangay Poblacion uno sa bayan.

Nakuha naman mula kay Mamarinta ang isang malaking pakete ng shabu, sampong pirasong empty plastic sachets at mga drug paraphernalia.

hawak na ngayon ng Parang PNP ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

-0-

 

Task Force kontra dengue binuo ng provincial government ng Southh Cotabato

Ipinagutos mismo ni Governor Reynaldo Tamayo Jr ang pagbuo ng Special Task Force para mapigilan ang pagdadmi pa ng dengue cases sa South Cotabato.

Kasunod ito ng pagdeklara ng State of Calamity dahil sa dengue outbreak sa lalawigan. Kabilang sa “Task Force Kontra Dengue” ng South Cotabato ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, Integrated Provincial Health Office, Provincial Hospital,Provincial Information Office at Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay PDRRMO Operations Chief Rolly Doanne Aquino nagpulong na ang kanilang mga myembro para pagusapan kung papapano masawata ang dengue fever. Napagkasunduan ng mga ito na magpatupad ng fogging at misting operation sa mga hotspot areas at malawakang information education campaign.

Sinabi ni Aquino na magpapadala rin sila ng team sa mga lugar na maraming kaso ng dengue para tumulong sa mga interbensyon ng Local government unit.

Ayon kay Aquino ang mahigit P15 million na kakailanganin sa pagbili ng dalawang misting machines at mga chemical na ginagamit dito ay kukunin sa Quick Response Fund ng lalawigan.

Dinagdag din nito na magbibigay din ng pinansiyal na tulong ang provincial government sa mga pasyente ng dengue sa South Cotabato.

Ito ay bukod pa sa pondo na ilalaan sa provincial hospital bilang paghahanda sa pinangangambahang pagdami pa ng mga dengue patients.

Ipinahayag ni Aquino na para agad na makaresponde sa emerhensya at maigiting na monitoring sa mga barangay ni-reactivate din nila ang incident command system o ICS. Matatandaan na umabot na sa 3,664 ang nagkasakit ng dengue sa South Cotabato mula Enero hanggang Hulyo nitong taon, 21 sa mga ito ay binawian ng buhay. Ito ay ikinabahala naman ng mga health officials ng lalawigan.

 

-0-

 

Tatlong ISIS suporter inaresto ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato at General Santos City

Natakasan man ng target nilang si Geoffrey Nilong, ikinustodya naman ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato ang misis nitong si Vanessa. Ito ay matapos makumpiska sa kanilang bahay ang mga assorted na sangkap sa paggawa ng Improvised explosive device at ilang mga bala.

Nanguna sa pagsalakay sa bahay ng magasawang Nilong sa barangay Lapu, Polomolok, South Cotabato ang mga kasapi ng Regional Mobile Force Batallion 12 na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Barney Cones. Ayon kay Condes ang pakay nilang si Geoffrey ay wanted sa kasong frustrated murder at suspek sa pagsabog noon sa General Santos City.

Natakasan nito ang mga pulis sa pamamagitan ng pagdaan sa manhole sa likod ng kanilang bahay. Ayon kay Condes si Geoffrey Nilong na isa umano sa mga local Islamic State in Iraq and Syria o ISIS leader ay mayroon pang mga supporter. Sinalakay ng mga pulis ang bahay ng mga Nilong kasunod ng pagaresto ng mga ito sa dalawang ISIS symphatizers sa General Santos City.

Kinilala ni PNP 12 Regional Director Brig. General Eliseo Tam Rasco ang mga ito na sina Bai Nor Aiziz Buday at Joyce Ann Fornal. Ayon kay Rasco ang mga ito ay inaresto ng mga pulis sa Barangay Lagao, Gensan.

Nakuha ng mga pulis ang dalawa ang rifle grenades, ISIS flag,at mga sangkap sa paggawa ng IED. Sina Buday at Fornal ay inuugnay ng Criminal Investigation and Detection Group 12 sa Dawlah Islamiyah Turaife Group na nakabase sa Maguindanao.

Ang lider ng nasabing grupo na si Esmael Abdulmalik alias Abu Turaife ay isa sa mga kinasuhan sa kambal na pagbasabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong nakaraang taon.

 

-0-

 

Kahandaan ng Comelec sa Voter’s registration, tiniyak ng provincial election supervisor ng South Cotabato Handa na ang mga tanggapan ng Comelec sa South Cotabato para sa registration of voters na magsisimula sa Agosto 1.

Tiniyak ito ni Provincial Election Supervisor Atty. Jay Gerada. Ayon kay Gerada, maliban sa mga bagong botante na magpapa-rehistro maari ring dumulog sa comelec ang mga mapa-change status , magpalipat ng presinto at ang mga magpapa-reactivate ng registration.

Pwede ring magparehistro para sa Sangguniang Kabataan ang mga nasa kinse anyos. Ayon kay Gerada bukas ang mga tanggapan ng comelec para sa registration of voters kahit pa holiday mula Lunes hanggang Sabado Kaugnay nito, umapela si Gerada sa mga mamamayan na magparehistro ng mas maaga para iwas siksikan sa huling araw ng registration.

Tatagal ang voter’s registration ng Comelec hanggang sa katapusan ng Setyembre. Ayon kay Gerada, ito bilang paghahanda ng Comelec sa Barangay at SK Election matuloy man ito o hindi sa susunod na taon.

 

-0-

 

Nakamotorsiklo patay sa vehicular crash sa Tupi, South Cotabato Kinilala ng Tupi PNP na pinamumunuan ni Police Major Andres Sumugat ang biktima na si Arnold Sobrevega at nakatira sa Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na si Sobrevega na papuntang General Santos City ay natumba sa bahagi ng highway sa Barangay Crossing Rubber, Polomolok. Ito ay matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at malaglag sa shoulder ng highway.

Ang nasabing biktima ay agad na dinala ng mga kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction and management Council o MDRRMC sa Roel Senador Memorial Hospital. Ngunit siya ay dead on arrival sa nasabing ospital dahil sa matinding mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

 

-0-

 

Open-Pollinated Variety Corn Seed Production itinuro ng National Seed Quality Control Servicess sa mga seed inspectors ng region 12

Nanguna sa pagsasanay sa Open-Pollinated Variety Corn Seed Production and Certification sa General Santos City ang National Seed Quality Control Services o NCQCS ng Bureau of Plant Industry-Manila ng Department of AGriculture. Lumahok sa dalawang araw na training ang 50 mga seed inspectors mula sa iba’t ibang lugar sa region 12.

Layunin ng pagsasanay na mapaigting ng mga seed inspector ang kanilang serbisyo sa mga seed growers. Itinuro sa mga participant ang seed testing, field inspection kag certification, harvest at post harvest handling,seed sampling at seed tagging.

Ibinahagi din sa mga participant ni DA 12 Operations Division Chief Rey Embahador ang kanilang National Corn Program. Umapela din si Embahador sa mga seed inspectors na seryosohin ang training dahil malaki ang papel na kanilang ginagampanan sa seed distribution at certification ng DA.

 

-0-

 

Isang kainan sa bayan ng Kabacan Cotabato, nilooban ng kawatan; mga gamit at cash natangay ng suspek

Pinasok ng hindi pa kilalang mga magnanakaw ang isang kainan sa bayan ng Kabacan North Cotabato kamakalawa ng gabi. Personal na dumulog sa Kabacan Police ang bikitima na si Charlie Tan-Torres Daez, 45 anyos, may asawa, isang businessman at residente ng Purok Miracle, Poblacion ng bayan.

Sa salaysay ng biktima sa himipilan ng pulisya, alas-sais na ng umaga kinaumagahan nang matuklasan nilang pinasok ng mga kawatan ang kanilang puwesto.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Kabacan PNP, lumalabas na pwersahang pinasok ng mga suspek ang nasabing kainan sa pamamagitan ng pagsira sa padlock ng main door.

Kasama sa mga tinangay ng mga suspek ang ilang gadgets at cellphone, groceries, cable box at cash mula sa Batchoy-Arozcaldo eatery sa Aglipay St. Poblacion, Kabacan, Cotabato.

Natangay ng mga suspek ang isang sky direct cable box na nagkakahalaga ng 2,600 pesos, dalawang units ng cellphone na nagkakahalaga ng 1,000 pesos kada isa, groceries na nagkakahalaga ng 1,600 pesos, tatlong 12 volts disposable batteries na nagkakahalaga ng 600 pesos at P300 cash. Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Isa patay dalawa sugatan kabilang ang isang menor de edad sa inilunsad na aerial bombing ng militar sa Pikit, North Cotabato

Patay ang isang senior citizen habang sugatan naman ang mister at apo nito mmatapos maglunsad ng air at ground assault ang mga sundalo sa Sitio Butelen, Barangay Kabasalan, Pikit, North Cotabato, simula noong Miyerkules hanggang kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si Misbah Masla, isang senior citizen habang sugatan naman ang mister nito na si Ali at ang 10-anyos na apo na lahat ay residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Army Major Homer Estolas, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division ang operasyon ng militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay isinagawa nitong Miyerkules sa pagitan ng hangganan ng Maguindanao at lalawigan ng North Cotabato.

Naglunsad ng airstrike ang Philippine Airforce alas-3:30 ng madaling araw kahapon laban sa mga armadong grupo na pinangungunahan ni Abu Toraife, ang leader ng isa pang faction ng BIFF, na tumalima sa Islamic State, sa nasabing barangay.

Pero sa halip na sa kuta ng kalaban pumutok ay na tamaan ng airstrike ang bahay ni Masla na ikinamatay nito at ikinasugat ng kanyang asawa at apo. Agad namang isinugod sa Cruzado Medical Clinic ang mga sugatan. Sa ulat na nakarating kay Brigadier General Alfredo Rosario, ang pinuno ng 602nd Army Brigade na ang bahay na tinamaan na pag-aari ni Masla ay tinutuluyan umano ng ilang miyembro ng BIFF. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Motorista patay habang limang iba pa sugatan sa magkahiwalay na vehicular crash sa Kidapawan City

Patay ang isang motorista habang sugatan naman ang angkas nito matapos na bumangga ang kanilang motorsiklo sa bus ng Mindanao star malapit sa overland terminal, Kidapawan City kahapon ng tanghali. Sa inisyal na ulat, nakilala ang nasawi na si Elton Cagape na taga Kanapia Subdivision ng lungsod habang ang angkas nitong si Pedro Mekomi.

Kinilala ang drayber ng bus na si Tanon Abdulaziz Arba na taga Poblacion Sultan Kudarat, Maguindanao. Sinasabing nag overtake ang motorsiklo sa isang tricycle at dito na bumangga sa kasalubong na bus na mula sa Cotabato City. Napag-alamang lango sa nakakalasing na inumin ang drayber t ang angkas itong lalaki na mula sa isang birthday party.

Nasa kustudiya na ngayon ng PNP ang drayber ng bus. Samantala, sa Amas, Kidapawan City lima katao ang sugatan kabilang na ang tatlong mga estudyante matapos na magkasalpukan ang minamaneho nilang motorsiklo sa isa pang motorsiklo.

Sa ngayon ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lahat na mga biktima. Ayon sa ulat, patawid na umano ng highway ang mga estudyante lulan ng motorsiklo galing ng isang water refilling station patungong Poblacion Kidapawan ang direksyon nang di mapansin ang parating na isa pang motorsiklo na lulan ang mag asawa patungo ng Matalam na direksiyon dahilan para nagkabanggaan ang mga ito.

Kapwa tumilapon ang mga sakay kungs aan mas malalalim na sugat at pasa ang natamo ng mag asawa na inaalam pa ang pangalan.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

Obispo ng Kidapawan City, tutol sa isinusulong na pagbalik ng death penalty sa Pilipinas

Tutol ang simabahang katoliko hinggil sa panukalang pagbabalik ng death penalty sa bansa. Ikinalulungkot ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bafaforo DD, nang marinig sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Duterte nitong lunes na nais nitong ibalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas.

Ayon kay Bishop Bagaforo, ito ay sa tatlong mga kadahilanan una bawal sa batas ang pagpatay pangalawa ang buhay ng tao ay sagrado at sinasabing ang death penalty ay isa na ring paghihiganti. Sinasabi sa old testament na ang nakaraan ay tapos na at bigyan ng bagong kahulugan at ang aral ay pagbibigay halaga sa buhay ng tao.

Ang buhay natin ay galing sa Diyos at tanging ang diyos lamang din ang kukuha nito, dagdag pa ng Obispo.

Dapat din anyang hindi ang kriminal ang sisihin kundi mismo ang kremin ang pigilin. Dahil para sa Obispo ang mga gumagawa ng mga kremin ay biktima din ng pinanggalingan ng kasalanan.

Kung kaya’t patuloy ang panawagan ng simbahang katoliko sa mga mambabatas na magkaroon ng mga public hearings bago gawin ang plano ng pagsasabatas ng kamatayan. Ang taong nagkasala ay maari namang sumailalim sa rehabilitasyon o kayay ay pagkakakulong ng pang habang buhay dahil ang death penalty ay tulad na rin ng kremin.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

 

 

 

 

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...