Tuesday Nov, 29 2022 06:46:53 AM

NDBC BIDA BALITA (8.16.19)

NDBC BALITA • 17:15 PM Fri Aug 16, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. DALAWANG drug suspects, huli sa BUY BUST OPERATION ng mga otoridad sa Cotabato city.

2. Kidapawan City library, ginawaran bilang Outstanding Regional Partner ng Bangko Sentral ng Pilipinas

3. DOLE 12 Regional Director binalaan ang mga negosyante sa rehiyon na magingat sa mga nagbalatkayong inspector

4. Rape suspects sa Parang, Maguindanao, sinampahan na ng kaukulang kaso.

-0-

 

NAHULOG na rin sa kamay ng mga otoridad ang dalawang drug suspects sa ikinasang buy bust operation sa TV Juliano Avenue, Barangay Rosary Heights 13, Cotabato City.

Nakilala ang mga nadakip na sina MARLON MINOSA SACAL, alyas “SPIKE”, 38 anyos, may asawa, mekaniko, at taga ng Purok Pinin, Brgy. Rosary Heights 6 at ROGER BAYO RAPESTA, 20 years old, Electrician na residente naman ng Pioneer Village, barangay Rosary Heights 7 ng lungsod.

Naaresto ang mga suspek nang pangunahan ni Police Station 4 commander Major RAZID LINGCOB ang operasyon kasama ang PDEA BARMM.

Napagbentahan ng mga suspek ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha mula sa dalawa ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu at marked money na ginamit sa operasyon.

 

-0-

 

Tatlong mga sundalo at tatlong mga miembro ng CAFGU ang ginawaran ng Wounded Personnel Medal o Medalya ng Sugatang Magiting na Kawal ni Army’s 6th Infantry Division Commander, Maj. Gen. Diosdado Carreon sa Camp Siongco Station Hospital, sa Awang, Datu Odin Sinsuat Maguindanao.

Kinilala ang tatlong mga sugatang sundalo na sina Cpl. Ericson Baliza, PFC Tirso Magalong na naka destino sa 5th Special Forces Battalion at PFC Jade Panigon na mula sa 57th Infantry Battalion.

Maliban sa tatlong sundalo, nakatanggap din ng Wounded personnel medal ang tatlong CAFGU na sina Jhonny Tumbaga, Danilo Faustino at Edwin Bastida ng 38th Infantry Battalion.

Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division spokesperson Lt.Col. Roberto Breboneria na ang pagbibigay ng Wounded Personnel Medal ay bilang pagkilala sa kabayanihan at katapangan ng mga sundalong handang magbuwis ng buhay para labanan ang terorismo at karahasan.

Ang mga sundalo at CAFGU na ginawaran ng medalya ay nasugatan sa inilunsad na Law Enforcement Support Operation ng militar laban sa pinagsanib na pwersa ng BIFF at Dawla Islamiya sa SPMS box.

 

-0-

 

ISINAGAWA sa Cotabato city ang kauna-unahang Halal Assurance System Training sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod na nilahukan ng higit 30 mga hotel and restaurant owners, fastfood, bakeshop and caterer na pawang sa lungsod nag-ooperate.

Ipinaliwanag ni Halal Development Institute of the Philippine o HDIP Inc. President at CEO at Chef Specialty Abdulatif Sangcupan kung bakit mahalaga ang Halal sa mga Muslim.

Ayon kay Sangcupan may tatlong bagay na susuriin upang ganap na maging Halal ang establisimento at ang produkto.

Una, ang Tao, pangalawa ang facilitities at pangatlo ang produkto.

Dagdag pa niya, meron 11 criteria upang mapabilang naman sa tinatawag Halal Assurance Management System ang mga ito.

1. Policy 2. Halal Management Team 3. Education and Training 4. Material 5. Products 6. Facilities and Equipment 7. Procedures for Critical Activities 8. Traceability 9. Procedures for non-conformity or products do not meet the requirements 10. Internal Audit at pang - 11. Management Review.

Samantala, sinabi ni Cotabato City Halal Program Focal Person Engr Ligaya Macavinta na ikinagalak nito ang pagnanais ng lungsod na magkaroon ng Halal Assurance Training sa lahat ng food establishment sa buong syudad.

Ayon naman kay Cotabato City Administrator Dr. Danda Juanday, matagal ng pangarap ng Cotabato City na magkaroon ng Halal hub, halal slaughterhouse at halal na mga kainin sa lungsod bukod sa nakadagdag pa ito sa turismo ng lugar.

 

-0-

 

SINAMPAHAN na ng kaukulang kaso ang apat na mga suspek sa nangyaring panggagahasa at pagpatay sa isang graduating student ng Parang, Maguindanao.

Sinabi ni Parang PNP chief, Police Lt. Col. Ibrahim Jambiran na hinihintay na lamang nila kung kailan ilalabas ng korte ang warrant of arrest laban sa mga suspek na gumahasa at pumatay sa biktimang estudyante.

Sa ngayon patuloy na nakakalaya ang mga suspek pero tiniyak ni Jambiran na tuloy-tuloy ang pagtugis nila sa mga ito at hinikayat ang taumbayan na agad ipagbigay alam sa otoridad kung mamataan ng mga ito ang mga suspek.

Sinabi pa ni Jambiran na dalawang beses nagahasa ang biktima, unang ginahasa ito ng kanyang umano'y tiyuhin na may pagnanasa sa kanya, nadiskubre ito sa pamamagitan ng sulat ng biktima sa kanyang nanay kung saan isinalaysay nito ang nangyari sa kanya.

Sa ikalawang pagkakataon ay ginahasa naman ang biktima ng mga kasamahan ng kanyang tiyuhin kung saan tuluyan na itong pinatay ng mga suspek sa pamamagitan ng pagbugbog.

Sa iba pang balita, ARESTADO ang isa namang rape suspect matapos ikasa ng Parang PNP ang operasyon sa pinagtataguan ng suspek sa Buldon pasado alas syete ng umaga kahapon.

Sinabi ni Jambiran na nakilala ang suspek na si Erwin Surongon nasa tamang edad.

Nangyari ang panggagahasa ng suspek sa isang walong taong gulang na batang babae noong September 18, 2012 sa Barangay Nituan ng nasabing bayan.

Pitong taon din itong pinaghahanap ng mga otoridad kaya nang makahanap ng pagkakataon at nakakuha ng impormasyon mula sa ilang concerned citizen ay agad naglunsad ng operasyon ang mga otoridad para madakip ang suspek.

 

-0-

 

MAGSASAGAWA ng Earthquake-Tsunami Drill ang pamunuan ng  Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o READI-BARMM sa Brgy. Kusiong, Datu Odin Sinsuat Maguindanao.

Sinabi ni Myrna Jo Henry, ng Readi BARMM, na umpisa ngayong araw ay kanila nang sisimulan ang mga emergency response movements mula sa Cotabato City patungo sa nabanggit na lugar.

Sa Sabado ng umaga, asahang magiging abala ang bahagi ng Sinsuat Avenue partikular sa uptown area dahil sa nabanggit na pagsasanay.

Mahigit 500 trained personalities ang lalahok sa naturang aktibidad mula sa iba’t ibang government at non-government agencies.

Layunin ng aktibidad na imulat ang kaalaman ng publiko sa mga dapat gawin sakaling maranasang muli ang 8.2 magnitude na lindol at tsunami noong August 17, 1976.

Muli nagpaalala ang READI-BARMM na huwag mabahala sakaling makakita ng mga emergency movements sa Sabado dahil ito ay isang pagsasanay lamang.

 

-0-

 

DOLE 12 Regional Director binalaan ang mga negosyante sa rehiyon na magingat sa mga nagbalatkayong inspector

Magingat sa mga pekeng inspector na madalas target ang mga maliliit na negosyo sa SOCCKSARGEN. Ito ang babala ni Department of Labor and Employment o DOLE 12 Regional Director Sisinio Cano sa mga negosyante ng rehiyon. Ipinahayag ito na Cano matapos makatanggap ng impormasyon na may mga grupo o indibidwal na nagiikot rehiyon na nagpapanggap na mga inspector ng ahensya.

Ang masama pa ayon kay Cano ang mga nagbalatkayong mga inspector ng DOLE ay naninigil pa sa kanilang mga biktima. Iginiit ni Cano na hindi nagpapabayad ang mga DOLE inspector.

Ipinahayag din nito na hindi rin nag-iinspeksyon sa mga establisemento ang mga inspector ng DOLE na labas sa kanilang mga itinakdang panahon.

Kaya ayon kay Cano may karapatan ang mga negosyante na hingin ang inspection authority na pirmado nito sa mga mag-iinspeksyon sa kanila. Dapat din ayon kay Cano na suriin ng mga negosyante ang validity ng petsa ng pagsagawa ng inspection.

Umapela naman si Cano sa mga may alam na pekeng DOLE inspector na agad itong isumbong sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE.

 

-0-

 

Mahigit 300 dating preso na sangkot sa illegal drugs sumasailalim sa skills training ng TESDA at Gensan City government

Ipinatupad ang skills training para sa mahigit 300 daang dating persons deprived of liberty o PDL sa pamamagitan ng community-based rehabilitation program ng lokal na pamahalaan ng General Santos City. Ang mga ito ay kabilang sa unang batch ng PDL na nasangkot noon sa iligal na droga. Ipinahayag ito ni Gensan City Social Welfare and Development Officer Franco Pepito.

Sinabi ni Pepito na ang sinasanay ngayong PDL ay nakinabang sa plea-bargaining agreement ng korte. Ayon kay Pepito, katuwang nila sa training na sinimulan noong nakaraang buwan ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA. Bago nabigyan ng skills training, ang mga benepisyaryo ay sumailalim muna sa anim na buwang rehabilitation process sa mga concerned na ahensya ng gobyerno. Ginaganap ang training sa mga institusyon na mayroong accreditation ng TESDA.

Pinagaaralan ng mga benepisyaryo ang carpentry, masonry, heavy equipment operation, at electrical installation and maintenance. Mayroong rin training courses ang mga dating PDL sa driving, automotive, food processing, cookery at maraming iba pa. Ayon kay Pepito tutulong din ang TESDA sa pagbibigay ng national certificate o NC II sa mga ito.

Tiniyak ni Pepito na maliban sa paghahanap ng trabaho, tutulungan din nila ang mga dating PDL na graduate ng skills training, na makinabang sa mga programang pangkabuhayan ng mga ahensya ng gobyerno.

 

-0-

 

Pagbabawal ng mga cosmetic products na may mercury isinusulong ng city councillor sa Gensan

Ipagbawal ang pagbebenta ng mga cosmetic products na may mercury. Ito ang buod ng resolusyon na inihain sa konseho ni General Santos city Councilor Lourdes Casabuena.

Ayon kay Casabuena kailangan ng national government na tutukan ang mga produktong may mercury dahil malaking banta ito sa kalusugan ng mga mamimili. Ipinahayag ni Casabuena na dapat na matiyak ng Food and Drugs Administration o FDA na ligtas ang mga ibinebentang cosmetic products.

Ayon kay Casabuena ang mercury ay madalas matatagpuan sa mga skin whitening products na mabenta sa mga Asyano. Binigyan diin ni Casabuena na ito ay hindi dapat ipagwalang bahala ng gobyerno at mga consumer.

Sinabi ni Casabuena na lumabas sa pagaaral ng World Health Organization o WHO na ang pangmatagalang pagamit ng mga produktong may mercury ay nakasasama sa kalusugan. Dinagdag nito na ang mga produktong may mercury ay maaring maging sanhi ng abnormality sa mga ipinagbubuntis.

Sinabi ni Casabuena na ilang mga cosmetic products sa merkado ay hindi nakapasa sa pamantayan ng FDA. Karamihan sa mga ito ayon kay Casabuena ay iligal na nakapapasok sa bansa mula Malaysia at Indonesia. Ang mga ito ang dahilan kung bakit ayon kay Casabuena dapat nang ipagbawal ng kongreso ang nasabing mga produkto.

 

-0-

 

250 pamilya napiling Model Family sa South Cotabato sa nakalipas na 25 taon.

Nakapagbigay ng Model Family Award sa 250 na mga pamilya sa lalawigan ang provincial population office ng South Cotabato sa nakalipas na 25 taon. Ipinahayag ito ni Provincial Population Division Head Romulo Palomo.

Ayon kay Palomo, ang lalawigan ay may komunidad ng mga pamilya na may matibay na paniniwala at napanatili ang pagmamahalan sa kabila ng mga pagsubok.

Sinabi ni Palomo na karamihan sa mga Model Family sa South Cotabato ay naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon para sa pagasenso. Ayon kay Palomo naging susi din sa tagumpay ng mga Model Family ang pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak na pahalagahan ang kanilang paniniwala.

Ipinahayag ito ni Palomo kaugnay sa nakatakdang paglunsad ng provincial Government ng Search for Model Family ngayong Agosto. Layon nito na parangalan ang mga pamilya sa South Cotabato na naging ehemplo sa mga mamamayan ng lalawigan.

Ito ay sa pamamagitan ng magandang samahan, paguugali, nakapagpundar ng matatag na kabuhayan at nakatulong ng malaki sa kanilang mga komunidad.

 

-0-

 

Pagbabasa at pagsusulat itinuro ng pamahalaang panlalawigan sa mga magsasaka na benepisyaryo ng Sustainable Area for Agricultural Development Program ng DA sa Sarangani

Abot na sa 500 na mga magsasaka ang nagtapos sa Basic Literacy Program of Kaalaman para sa Kapayapaan at Kaunlaran o 3k project ng pamahalaan panlalawigan ng Sarangani. Ang mga ito ay pawang mga benipesyaryo ng Sustainable Area for Agricultural Development o SAAD Program ng Department of Agriculture. Nabatid na ang 3K project na sinimulan Oktobre noong nakaraang taon ay napakinabangan ng mga magsasakang katutubo.

Ang mga ito ay mula sa pitong upland barangay na tinuturuan na bumasa at sumulat tuwing weekend. Ito ay ayon kay Sulong Sarangani Program Director Imelda Senobago . Sinabi ni Senobago na kapag may alam ay hindi maloko ng mapagsamantalang mga trader ang mga magsasaka.

Naniniwala din si Senobago na malaki ang maitutulong ng 3K project sa pagpapanataili ng katiwasayan sa Sarangani. Ang 3K literacy project para sa mga magsasakang SAAD beneficiary ay ipinatutupad sa pakikipag tulungan ng DA sa Deped.

 

-0-

 

 

Naipasa na sa ikatlo at penal na pagbasa ang pagbibigay ng honorium sa mga Sangguniang Kabataan o SK officials sa apat-napung mga Barangay sa Kidapawan City.

Sinabi ni SK Federation President Cenntina Taynan, makakatanggap na ng honorarium na 1,000 ang mga SK Kagawad, treasurer at secretary kada buwan. Hindi din anya madali ang kanilang pinagdaanan bago maipasa ang nasabing panukala sa Sangguniang Panlungsod. Ang nasabing ordinansa ay magbibigay ng inspirasyon sa mga SK officials na gampanan ang kanilang mga tungkulin at gumawa ng mga hakbang para sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga kabataan ng lungsod.

Ngayong isa ng ganap na ordinansa ang pagbibigay ng honorarium ay magpapatuloy na ang benepisyo hanggang sa susunod na panahon kahit iba na ang mga uupong opisyales.

Ito ay bahagi na rin ng kanilang adbolasiya na SK Kidapawan peace Mission. Nagpasalamat naman si Taynan sa lahat ng mga sumuporta at nakiisa upang tuluyan na ngang maging isang lokal na batas ang nasabing panukala.(Cherry Exim)

 

-0-

 

Hiyas ng Timpupo, isa sa mga inaabangang aktibidad sa Timpupo festival sa Kidapawan City

Inaabangan na ng mga mamamayan ang isa sa mga tampok na aktibidad ng Timpupo Festival 2019 ang “Hiyas ng Timpupo” k

ung saan maglalalaban at magpapatalbugan ang dalawam-pung mga kandidata mula pa sa ibat-ibang bayan sa North Cotabato.

Ito ay labanan ng talas ng isip at kagandahan upang mahirang bilang “Hiyas ng Timpupo 2019”. Ang nasabing kompetisyon ay isasagawa sa mamayang alas 6:00 ng gabi sa Kidapawan City Gymnasium.

Ang Hiyas ng Timpupo ay taunang ginagawa na rin sa lungsod na isa sa mga pinakaaabangan ng mamamayan hindi lamang ang mga taga Kidapawan City kundi maging ang taga ibang lugar. Aasahan namang dadagsa ang mga manonood ngayong gabi at una ng nagpaalala ang PNP sa publiko na iwasan na lamang ang pagdala ng mga ipinagbabawal sa loob ng mga activity area.

Tulad ng backpack, pagsuot ng jacket, sombrero at maging ang pagsuot ng mga nakakasilaw na alahas sa mga magnanakaw. Samantala, ikatlong araw na rin ngayon ng “Fruits eat all can” ng prutas na nag-uumapaw dahil sa masaganang ani at maging ang pagdagsa ng maraming tao sa loob ng City Plaza. Isa sa mga patok na prutas ay ang Marang at ang Durian.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Ginawaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Kidapawan City Library and Information Center bilang Outstanding Regional Partner Knowledge Resource Network.

Kinilala ng BSP ang City Library dahil na rin sa pagbibigay impormasyon sa publiko hinggil sa lagay ng eknomiya at estadong pinasyal ng bansa sa pamamagitan ng mga reading materials at online research assistance. Tinalo ng Kidapawan City Library ang entries mula sa Notre Dame of Dadiangas University sa General Santos City at University of Southern Mindanao Kabacan upang mahirang bilang Outstanding Regional Partner ng BSP sa Region XII at BARMM.

Mahalaga ang partnership lalo pa’t ipinaaalam ng BSP sa publiko ang kanilang operasyon at mahalagang papel na ginagampanan sa pamamahala at pagpapatakbo ng gobyerno sa kalagayang pinansyal ng bansa.

Nagbibigay din ng impormasyon ang BSP patungkol sa lagay ng ekonomiya ng bansa sa mga mag-aaral na gumagawa ng pagsasaliksik gamit ang mga reading materials o di kaya ay internet. Dahil dito ay hinihinayat ng City Government ang publiko na bisitahin ang BSP Section sa City Library upang tuklasin ang mahahalagang impormasyon patungkol sa ekonomiya ng bansa.

Matatagpuan ang bagong City Library katabi ng Land Transportation Office sa Osmeña Drive ng Poblacion. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Ipinalinawag ni Kidapawan City OSCA Head Milagrita Valdevieso na patuloy pa ngayon ang pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulation ng pagbibigay ng tulong sa mga senior citizen na taga Kidapawan City.

Sinabi ni Valdevieso, malaki din anyang pondo ang kailangang ilalaan ng City government hinggil sa nasabing serbisyo.

Dagdag pa ni Valdevieso, marami pa anya silang kailangang ayusin bago maimplementa. Pero sinisiguro nito nito na kung maayos na ang lahat kabilang ang pondo para dito ay matatanggap na ng mga senior citizen na taga Kidapawan city ang kanilang benepisyo.

Samantala, pinarerepaso ngayon ang nasabing ordinasa sa Sanggunian ni City Mayor Joseph Evangelista. Ayon sa kanya kailangan ng City government ng P28 milyun sa edad 80 hanggang 89-anyos lamang.

Dahil dito, pinapababalik sa miyembro ng SP ang nasabing ordinansa at amiendahan ang nasabing panukala. Una na kasing naipasa ang nasabing ordinansa na magbibigay ng P20 thousand sa edad 80 hanggang 89, P30 thousand sa edad 90-99 at P50 thousand sa edad P100.

Sa kabila nito, sinabi ni Evangelista na bagaman at ipapatupad nito ang nasabing ordinansa, wala pang eksaktong panahon kung kailan ang nasabing implementasyon.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

Bahay-pagamutan, sinimulan na ang pagpapatayo ng alkalde sa bayan ng Makilala, North Cotabato Sinimulan na ang pagtatayo sa isang ospital sa bayan ng Makilala, North Cotabato.

Ang nasabing pagamutan ay aasahang matatapos sa unang taon ng panunungkulan sa nasabing bayan ni Makilala Mayor Armando Quibod. Ito ang tiniyak ng alkalde sa panayam ng Radyo Bida kahapon. Dagdag pa nito na ang pondo na gagamitin sa pagpapagawa ng nasabing ospital ay personal na mangangaling sa kanyang bulsa.

Ayon pa sa alkalde, matagal umano ang proseso kung kukunin pa ang pondo sa pera ng local government unit kaya inako nito ang lahat ng gastusin sa itatayong gusali. Abot naman sa 25-million pesos ang nakalaang pondo para tuluyang matapos ang nasabing ospital. 

Dahil manggagaling sa sariling pera ng alkade ang gagamiting pera, tatawagin niya itong Armando Morales Quibod Hospital na itatayo naman sa Brgy. Poblacion ng bayan.

Samantala, nilinaw naman ni Quibod na ang nasabing bahay-pagamutan ay limitado lamang sa mga mamamayan sa kanyang bayan. Nabatid na noong nakaraang buwan ay isinagawa ang ground breaking ceremony.

Ang nasabing pagamutan ay mayroon namang 80-bed capacity habang una nang nakipag-coordinate si Quibod sa Department of Health o DOH para maisakatuparan nito ang pagpapatayo ng ospital sa bayan.(Drema Quitayen) NDBC BIDA BALITA

 

 

 

Pagpatay sa mga kasapi ng CAFGU sa Buldon, Maguindanao Norte, kinundina ng 6th ID

CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte – Mariing kinundena ng pamunuan ng 6th Infantry Division ang pamamaril sa mga kasapi ng civilian active auxiliary...

Bigtime oil price rollback on Tuesday, Nov. 29

MANILA – Oil companies today started implementing rollback on prices of petroleum products. The pump prices of diesel was but by P3.95 per liter...

Explosion naganap sa Pikit, North Cotabato

ISANG pagsabog ang natala sa Sitio Pogpog Brgy., Poblacion, Pikit, Cotabato bandang alas 10:20 kagabi, November 27, 2022. Ayon sa mga residente,...

Unknown to him, man sells carnapped motorbike to its owner

NABULAGA ANG DALAWANG mga suspek matapos na malamang ang pinagbentahan nila ng kanilang nakaw na motorsiklo ay ang mismong may-ari nito. Una nito...

P102,000 worth shabu seized from 3 drug den operators

COTABATO CITY – Anti-narcotics agents seized P102,000 worth of shabu from three operators of a clandestine drug den entrapped in Datu Odin Sinsuat,...