Saturday Dec, 10 2022 03:23:19 AM

NDBC BIDA BALITA (8.17.19)

NDBC BALITA • 10:30 AM Sat Aug 17, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. 30 MGA KABATAANG miembro ng iba’t ibang gang sa Cotabato city, kinausap ng alkalde ng lungsod.

2. Sen. Bong Go, bumisita sa Kidapawan, namahagi ng tulong sa mga nasunugan.

3. Limang rape suspects, hinatulan ng life imprisonment ng Regional Trial Court sa Kidapawan City

4. Bata, patay matapos malunod sa isang ilog sa Sto. Niño, South Cotabato

 

AT NGAYON SA DETALYE NG MGA BALITA

 

-0-

 

KINAUSAP at pinangaralan ni Cotabato city mayor Cynthia Guiani ang nasa 30 mga kabataang miembro umano ng iba’t ibang gang sa lungsod.

Kahapon ipinatawag ng alkalde sa kanyang tanggapan ang naturang mga kabataang edad 14 hanggang 19 na taong gulang upang alamin ang dahilan ng mga ito sa pagsabak sa gangsterism.

Nabatid na pawang out-of-school youth ang naturang mga kabataan na may mga tattoo pa sa kanilang mga braso bilang simbolo ng kanilang pinasukang gang.

Ayon sa alkalde, ang iba’t ibang mga gang sa lungsod ang itinuturong sangkot sa pananakot sa mga estudyante at panggugulo sa labas ng mga paaralan sa lungsod.

Trip lang daw at ang iba naman ay naimpluwensyahan ng kanilang mga barkada kaya’t sumali sa gang.

 

-0-

 

Samantala, giit ni mayor Guiani, sa murang edad ay nagdudulot na ng problema sa lipunan ang naturang mga kabataang miembro ng gang na dapat sana ay nasa paaralan at nag-aaral.

Sila rin aniya ang pinakamadaling masangkot sa iba’t ibang krimen at violent extremism.

Kaya naman bukod sa pangaral sa naturang mga kabataan ay umapela ang alkalde sa lahat ng mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak at huwag nang hintayin na ang lokal na pamahalaan ang magdisiplina sa mga ito.

Nanawagan din si mayor Guiani sa pamunuan ng bawat paaralan sa lungsod na tiyaking nag-aaral ang kanilang mga estudyante at hahayaang sumali sa anumang gang.

Dagdag pa ng alkalde, kailangan ding alamin at buwagin ng school authorities sa tulong ng mga barangay official at pulisya ang anumang gang na nasa kanilang campus o kaya ay nasa paligid ng kanilang paaralan.

Nabatid na sasailalim sa counseling ng City Social Welfare and Development Office ang mga kabataang miembro ng gang sa lungsod at bibigyan din sila ng pangkabuhayaan at muling papapasukin sa paaralan o kaya ay ipasailalim sa Alternative Learning System o ALS ng Department of Education.

Una rito, ilang mga magulang na ang dumulog sa pulisya ng lungsod matapos umanong mabiktima ng pambubogbog at pagnanakaw ng mga miembro ng gang ang kanilang mga anak.

Sinasabing bahagi umano ng initiation rites ng mga local gang ang magnakaw, manakot o manakit ng ibang mga kabataan para tuluyang makapasok sa grupo.

Una na itong kinondina ng Cotabato City Schools Division at pinulong na ang mga school official para tutukan ang problemang ito.

 

-0-

 

Pormal ng sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 ang isang lalaking drug suspect na nahulihan ng pinaghihinalaang iligal na droga sa San Isidro Street, Kimpo Subdivision, Barangay Rosary Heights 13.

Magugunitang inaresto ang suspek na si AL- MUSLIMIN PENDALIDAY LAUBAN, nasa hustong gulang, at taga Rosales Street, Barangay Rosary Heights 6, matapos sa inilunsad na Buy Bust Operation kamakailan sa nabanggit na lugar.

Napagbentahan kasi nito ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Base sa ginawang pagsusuri, nag positibo umano ang suspek sa paggamit ng iligal na droga at kumpirmadong shabu rin ang nakuhang mula sa kanya ng mga otoridad.

SAMANTALA, isang batang pinaghihinalaang snatcher ang nahuli ng isang security guard sa isang kilalang establisyemento sa lungsod pasado alas onse ng umaga kahapon.

Base sa inisyal na ulat ng PNP, nagtungo sa Police Station 1 ang biktimang si JONAH LUMACOB, upang isumbong ang pagtangay ng kanyang pitaka ng di kinilalang batang suspek.

Nahuli ang batang suspected snatcher matapos itong makilala ng mga gwardya sa tulong ng kuha sa CCTV

Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Women and Children Protection Desk ng Police Station 1.

 

-0-

 

Malubha ang kondisyon ngayon sa pagamutan ng isang lalaki sa Cotabato city matapos na magtamo ng mga sugat at bali sa katawan nang masagasaan siya ng payong-payong.

Nakaupo lamang umano sa labas ng kanilang bahay sa barangay Tamontaka tres ang biktimang si SOLAIMAN USMAN, 36 anyos pasado alas otso ng umaga kamakalawa nang mabangga ng payong-payong na nawalan umano ng preno.

Sa lakas ng tama ay tumilapon si Usman sanhi para magtamo siya ng mga sugat at nabalian ng ilang buto.

Mabilis naman siyang isinugod sa ospital habang di kinilalang driver ng payong-payong ay agad namang inaresto ng mga barangay official sa lugar.

 

-0-

 

NGAYONG ARAW na gagawin ang Multi Hazard Simulation Drill ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM-READi sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kaya naman nananawagan ang READi- BARMM sa mga residente ng Cotabato City at Datu Odin Sinsuat na huwag mangamba sa mga dadaang miembro ng kanilang Emergency Response Team.

Sinabi ni Jo Henry ng READi- BARMM, bahagi lamang ito ng kanilang isasagawang Multi Hazard Simulation Drill bilang pag-alala sa earthquake-tsunami disaster noong 1976.

Ayon kay Henry, layunin din nilang ihanda ang mga komunidad sakaling muling mangyari ang magnitude 7.9 na lindol na tumama sa bahaging ito ng Mindanao at nagdulot ng tsunami sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat.

Nabatid na mula sa tanggapan ng READi BARMM sa Cotabaot city ay magreresponde ang anim na ambulansya patungo sa inilaang evacuation center sa Barangay Kusiong at dadalhin ang evacuees pabalik ng Cotabato City Regional Medical Center.

 

-0-

 

Senator Go personal na bumisita at nagbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasunugan sa Kidapawan City

Binisita at nagbigay ng tulong pinansyal si Senator Christopher Lawrence Bong Go sa mga pamilyang nasunugan kamakailan sa Mariano Cuenco Street, Kidapawan City.

Bukod sa senador, nagbigay din ng tulong ang mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DSWD, DOH, National Housing Authority at TESDA na magsasagawa din ng skills training sa mga nais lumahok upang matulungang maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Para sa mga pamilyang totally damage ang kanilang bahay ay nakatanggap ng 30,000 pesos cash habang 20,000 pesos naman sa partially damage at mga groceries.

Ayon kay Rodrigo Abelgas na isa din sa mga nasunugan, malaki ang kanyang pasasalamat sa senador dahil ang perang ibinigay sa kanila ay gagamiting pambili ng mga materyales para sa kanilang ipapagawang bahay.

Samantala, ipinangako din ng senador na sa lalong madaling panahon ay maipapatayo na ang one stop shop na “Malasakit Center” lalawigan ng sa North Cotabato. Malaki din anya ang maitutulong ng “Malasakit Center” lalo na sa mga mahihirap na pasyente na gustong makabenepisyo at mas mapadali ang serbisyo ng usaping medikal.

Bukod kay Senator Bong Go, nagpasaya din sa mga taga Kalye Putol ang mga artistang sina Philip Salvador at Robin Padilla.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dalawang mga lalaking naaktuhang nagnanakaw ng manok pansabong, arestado sa Makilala, North Cotabato

Inaresto ng PNP ang dalawang umano’y magnanakaw ng manok pansabong sa Purok 7, Barangay Kisante, Makilala north Cotabato alas 12:00 ng madaling araw kahapon.

Sa ulat ng Makilala PNP, kinilala ang mga suspek na sina Ronald Ingay, 21 anyos, Bamer Leno Ingay, 26 anyos, may asawa na kapwa residente ng Barangay Balite, Magpet, North Cotabato.

Ang pagkakahuli ng dalawang mga suspek ay sa tulong na rin ng mga Barangay officials at Barangay Peace Keeping Action Team o BPAT member sa nasabing lugar.

Sinasabing naaktuhang ninanakaw ng dalawa ang apat na mga manok pansabong na pagmamay-ari nina Orlan Tucmo Limbaga, 37 anyos at Michael Agmit Langit, 24 anyos na residente ng Barangay Kisante.

Agad namang hinabol ng mga residente sa lugar ang dalawang mga suspek at mabilis na nakapagresponde ang mga BPAT member. Sa ngayon ay nakapiit na sa kustudiya ng PNP ang dalawang mga naaresto at sasampahan ng karampatang kaso sa korte.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Habal-habal driver patay habang laborer sugatan sa pamamaril sa Makilala, North Cotabato

Dead on arrival sa pagamutan ang isang habal-habal driver at sugatan naman ang laborer matapos na barilin ng apat na di pa kilalang mga suspek sa Purok 1A , Barangay Kisante, Makilala, Cotabato, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang nasawi na si Arnulfo Gietgiet Cartalaba, 46-anyos, habang sugatan naman ang isang 34-anyos na si Arnold Gahil Cabaling, isang laborer at residente rin ng nabanggit na lugar

Sa imbestigasyon ng Makilala PNP sa pangunguna ni PNP Chief Police Major Arniel Melocotones, pinagbabaril ang nasawing biktima alas-12:20 ng tanghali kahapon habang sakay si Cartalaba ng kanyang motorsiklo at sinasabing sinundan ito ng apat na mga suspek na lulan din ng motorsiklo.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan habang nadamay naman ang sugatang si Cabaling kung saan sakay din ito ng kanyang motorsiklo na nasa sa kaparehong direksiyon nang maganap ang pamamaril.

Walong mga basyo ng bala mula sa caliber 45 na pistol ang narekober sa crime scene. Nabatid din na ang nasawing biktima ay isang dating miyembro ng New People’s Army na nakinabang ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) sa Catitipan, Buhangin, Davao City noong January 2019. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Experience First Timpupo Adventure at Pet show, tampok na mga aktibidad ngayong araw sa Timpupo Festival sa Kidapawan City

Sa kauna-unahang pagkakaon sa Kidapawan City ay magkakaroon ng timpupo adventure sa ilang mga tourist destinations sa lungsod.

Ito ay isa lamang sa tampok na mga aktibidad ngayong araw sa nagpapatuloy na Timpupo Festival 2019. Isa sa mga patok na tourist destinations sa lungsod ay ang Paniki Falls Eco-river Park sa Barangay Balabag na isa din sa mga pupuntahan ng mga turista.

Alas 4:00 ng umaga kanina isinagawa ang community Zumba habang alas 5:00 naman ang Fun Run na nilahokan ng Kidapawan City Tourism Stakeholders Association.

Ngayong araw din ang 3COCK-Pang masa derby finals at Pet show sa City Highwalk.

Samantala, hiyawan at sigawan naman dala ng galak at tuwa ang sumalubong sa dalawam-pung mga kandidato ng Hiyas ng Timpupo Festival 2019 kagabi. Kinoronahan bilang Hiyas ng Timpupo 2019 si Kendall Air Valdez na pambato mula sa bayan ng Mlang, North Cotabato.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Limang mga suspek sa panggagahasa karamihan mga tatay ang hinatulang makulong sa magkakahiwalay na promulgation ng Regional Trial Court Branch 23, Kidapawan City, kahapon at nitong nakaraang araw.

Ang hatol ay inilabas kahapon ni RTC Branch 23, Presiding Judge Jose Tabosares kung saan isang tatay ang makulong ng 20 hanggang 40 taon matapos na gahasain nito ang isang menor de edad na step daughter.

Kinilala lang ang suspek kay alyas ‘Boy’ kung saan dalawang beses nitong ginahasa si alias Nene edad 15-anyos sa Magpet, North Cotabato noong 2015.

Sa isinagawang promulgation naman kamakalawa ng hukom ay kanyang hinatulan ng reclusion perpetua ang isang tatay sa paggahasa sa mismong 12-anyos na anak nito sa Antipas, North Cotabato noong 2017 matapos ang 3 counts of rape na ginawa nito sa kanyang anak.

Isa ding ama ang kinasuhan ng 5 counts of rape matapos na sentensiyahan ng reclusion perpetua makaraang gahasain ang kanyang 13-anyos na anak noong 2014 sa Kidapawan City.

Samantala isa namang kapitbahay ang gumahasa sa isang 7-anyos na bata ang hinatulan din ng sentensiyang reclusion perpetua na walang parole, dahil sa panggagahasa dito noong 2012 sa bayan naman ng Antipas, North Cotabato.

Habang isa ding akusado ang hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa panggagahasa sa isang 13 anyos na kapitbahay nila.(Rhod Benez) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Bata patay matapos malunod sa ilog sa Sto. Nino, South Cotabato

Humantong sa trahendya ang outing ng isang pamilya sa Sto. Nino, South Cotabato matapos masawi sanhi ng pagkalunod sa ilog ng isang myembro nito.

Kinilala ni Sto. Nino PNP OIC Police Lt. Diogenes Hare ang nasawing biktima na si Mark Anthony Pinol isang taong gulang.

Ayon kay Hare ang batang biktima ay nalunod sa Allah River sa Barangay Poblacion, Sto.Nino. Ipinahayag ni Hare na humiling ng tulong sa mga mamamayan ang mga magulang ng biktima nang mapansin na nawawala na ito.

Matapos ang ilang minutong paghahanap natagpuan din ang mga bata sa nasabing ilog pero ito ay dead on arrival sa isang opsital sa Sto. Nino.

 

-0-

 

Special election sa lone legislative ng lungsod, pinaghahandaan na rin ng Comelec sa General Santos

Nirere-activate na ngayon ng Comelec sa General Santos City ang kanilang mga working committee. Ito bilang paghahanda sa automated special election para sa itinatag na lone congressional district ng Gensan at Unang distrito ng South Cotabato sa October 26.

Ayon kay Gensan Election Officer, Atty. April Mitchor-Miguel, magsisimula na ang election period sa August 26. Ibig sabihin nito ayon kay Miguel simula din ito ng pagpapatupad ng mga bawal tuwing election period. Ang mga ito ay ang pag-ban sa mga armas,public works at paglipat ng appointment ng mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay Miguel ang 45 araw na campaign period ay magsisimula sa September 10. Habang magtatapos naman ang election period sa November 10. Sinabi ni Miguel na magsisilbi pa sa special elections ang mga board of canvassers, electoral board at support staff at voting machines na ginamit noong May election.

Matatandaan na ipinagpaliban ang eleksyon sa unang distrito ng South Cotabato noong Mayo dahil sa pagtatag ng hiwalay na distrito ng General Santos.

Sakop ng First District ng South Cotabato na kinabibilangan noon ng Gensan ang mga bayan ng Tampakan, Tupi at Polomolok. Itinalaga muna bilang caretaker ng mga ito si South Cotabato Second District Representative Ferdinand Hernandez.

Nauna nang nilinaw ni South Cotabato Election Supervisor Atty. Jay Gerada na makaboto lamang sa Special elections ang mga botante noong May 13 election.

 

-0-

 

Blood letting activity sa mga barangay kasunod ng pagdami ng dengue cases pangungunahan ng Provincial Health Office ng South Cotabato

Inaayos na lamang ng provincial health office ang schedule ng kanilang blood letting activity sa mga Barangay ng South Cotabato. Ito ay ayon kay Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. Ayon kay Aturdido dumami kasi ang nangangailangan ng dugo ngayon sa lalawigan dahil sa dami ng mga nagkasakit ng dengue fever.

Paliwang ni Aturido ang platelet ay tumagataga lamang ng anim na araw.

Kaya ang dugo na matagal nang naka-imbak ay wala nang platelet componene na kailangan ng mga pasyente ng dengue. Sinabi ni Aturido na marami nang barangay sa South Cotabato ang nauna nang nakapagsagawa ng blood donation activity.

Pinasalamtan din ni Aturdido ang Deped 12 dahil sa kanilang blood letting activity na target makalikom ng dalwampung libong blood packs. Nauna nang tiniyak ni Philippine Red Cross South Cotabato Chapter Administrator Erwin Rommel Del Carmen na mayroon pa silang sapat na supply ng dugo. Ito ay sa kabila ng paglobo ng dengue cases sa South Cotabato.

 

-0-

 

Curfew hours sa mga menor de edad nais ng mga lokal na opisyal na paigtingin bunsod ng pagdami ng Children in Conflict with the Law sa General Santos City

Isinusulong ng mga lokal na opisyal ang mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours sa mga menor de edad sa General Santos City. Ayon kay Gensan City Councilor Jose Edmar Yumang, kailangan na pagaralan muli ang curfew ordinance sa mga menor de edad sa lungsod. Bunsod ito ng pagdami ng Children in Conflict with the Law o CICL.

Ayon kay Yumang, hindi maayos na naipatupad ng mga barangay officials at law enforcement units ang alas dyes ng gabi hanggang alas kwatro na madaling araw na curfew para sa mga minor sa Gensan. Binigyan diin ni Yumang na dapat ding panagutin ang mga magulang dahil sa kapabayaan sa kanilang mga anak na lalabag sa ordinansa. Sinabi ni Yumang na para matugunan ang problema sa CICL dapat matukoy kung ano ang ugat nito.

Ang City Social Welfare and Development Office ng Gensan ay nakapagtala ng 358 na CICL. Karamihan sa mga ito ay nasangkot sa riot at na-rescue ng mga otoridad tuwing curfew hours. Ito ay ayon kay CSWDO Social Welfare Officer III Mary Ann Rosaot. Limang mga CICL din sa Gensan ang may mga kasong pagnanakaw, physical assault at rape.

Ayon kay Rosaot, lumabas sa kanilang assessment na naging dahilan ng pagdami ng CICL sa syudad ang kapabayaan ng kanilang mga magulang. Ipinahayag naman ni Gensan Sangguniang Kabataan Federation President John Salvador Demdam na dapat magkarooon pa ng konkretong programa para sa mga kabataan ang lungsod.

 

-0-

 

Bagong DA Secretary tututukan ang maayos na pagpapatupad ng Rice Tarrification Law.

Prayoridad ng bagong upong si Deprtment of Agriculture Secretary William Dar ang maayos na pagpapatupad ng Rice Tarrification Law o RTL.

Ayon sa kalihim partikular na tututukan nito ang pamamahala sa sampung bilyong pisong pondo para sa Rice Competitiveness Enchancement Fund o RCEF. Isusulong din ni Dar ang “Crop Diversified Strategy” at “Pantawid Magsasaka Program.” Layun nito na matulungan ang mga magsasaka na maapektuhan ng rice tarrification. Kasabay din nito ang pagsasanay sa mga magsasaka na magnegosyo.

Ayon kay Dar ang DA ay magpapatupad din ng mga programa kontra climate change at mga kalamidad. Iginiit ni Dar na kailangan ngayon ang “New Thinking” approach para makamtan ang minimithing sapat na supply ng pagkain at masaganang pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...