Thursday Feb, 29 2024 09:36:39 AM

NDBC BIDA BALITA (9.18.19)

NDBC BALITA • 10:45 AM Wed Sep 18, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Negosyante malubha matapos mabiktima ng pamamaril sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

2. 200K na pabuya, ipinalabas ng LGU sa makakapagturo ng suspek sa pagpatay sa Barangay Chairman at negosyante sa Kabacan, North Cotabato

3. 20 patay nang mahulog sa bangin ang sinakyang truck sa T’boli, South Cotabato

4. Isa pang bayan sa North Cotabato, umayaw na sa mga rebeldeng NPA, di na daw welcome ang rebeldeng grupo sa mga residente.

 

NARITO ANG DETALYE NG MGA BALITA…. 

 

Kritikal ang kondisyon ng isang lalaki nang isugod sa pagamutan matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa Barangay Crossing Simuay,Sultan Kudarat,Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si LEOPOLDO ALINDAO,nasa hustong gulang,negosyante,residente ng nabanggit na bayan.

Base sa kwento ng kaanak ng biktima, pasado alas sais kagabi habang nakatayo lang sa tapat ng kanilang bahay ang biktima nang lapitan umano ng suspek at agad na pinagbabaril gamit ang di natukoy na armas saka mabilis itong tumakas papalayo sa lugar.

Nagtamo ng tama ng bala sa tyan at dibdib ang biktima na mabilis na isinugod ng kanyang pamilya sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

SAMANTALA .. Sugatan namang isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos naman itong maaksidente habang nagmomotorsiklo sa Natl Highway na sakop ng Brgy. North Manuangan,Pigcawayan, North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si DATU KINGA, 49 anyos,  magsasaka, at residente ng Brgy. Reboken, Sultan Kudarat,Maguindanao.

Ayon sa kwento ng kasamahan ng biktima,bandang alas dyes ng umaga kahapon habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ang biktima ng bigla umanong pumutok ang isa sa gulong ng motorsiklo nito dahilan upang mawalan sya ng kontrol .

Nagtamo ng maraming sugat sa ibat ibang parte ng kanyang katawan ang biktima matapos na tumilapon at tumama sa kongkretong kalsada.

 

-0-

 

Naaresto sa ikinasang buy bust operation ng Cotabato city PNP ang isang trisikad driver pasado alas sais kagabi sa Don Rufino Alonzo Street Barangay Poblacion 6.

Kinilala ang suspek na si Dante Mangko Abdullah alyas “ urak ” kwarenta anyos, may asawa at taga Mother Barangay Bagua ng lungsod.

Nakuha mula sa suspek ang isang pakete ng hinihinalaang shabu na nakasilid sa isang plastic straw at nabawi rin kay Abdullah ang 500 peso bill na ginamit bilang marked money sa operasyon

Kalaboso na ngayon ang suspek sa lockup cell ng Police Station 4 at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ngayong araw.

 

-0-

 

MAY BAGO ng hepe ang Midsayap PNP sa katauhan ni Lt. Col. John Miridel Calinga.

Si Calinga na dating hepe ng Makilala PNP ang papalit kay Lt. Col. Benito Rutia Jr. na ngayon ay itinalaga naman sa PNP Provincial Headquarters sa Amas, Kidapawan, North Cotabato.

Sinabi ni Calinga na ang kanilang reassignment ay bahagi ng regular reshuffling ng PNP personnel na ipinatutupad ng PNP 12.

Nangako naman si Calinga na ipagpapatuloy ang magagandang programa na nasimulan ni Rutia at mas paiigtingin pa ang kampanya kontra illegal drugs, loose firearms at paglaban sa iba't ibang uri ng krimen.

Hiniling naman ng bagong Midsayap PnP chief ang kooperasyon ng mga mamamayan sa bayan para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lugar.

 

-0-

 

 

BUMUO ng isang komite si Pangulong Duterte na kinabibilangan ng ilang mga miyembro ng Gabinete para tulungan ang Bangsamoro regional government.

Pinulong ng presidente ang mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority kahapon at sinabing tutulong ang kanyang binuong komite sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM government.

Ayon pa sa pangulo, kailangan ng mga Bangsamoro officials ng tulong dahil sa nararanasang problema sa pondo at ‘liaison’.

Ang pagbuo sa BARMM ay bunga ng paglagda sa Bangsamoro Organic Law noong July 2018 na isa sa mga tinitingnang solusyon para matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Pinalitan ng mas pinalaking BARMM ang dating Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.

 

-0-

 

NABULABOG ang mga residente ng Barangay Busaon, Banisilan, North Cotabato nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga armadong grupo umano nina Commander TANDA TIDONG ng Sitio Kinamuran, Brgy. Pantar at Commander BOBBY RAJAHMUDA ng Brgy. Busaon.

Sa inisyal na report ng Banisilan PNP, pasado alas nuebe ng umaga kahapon nang tambangan umano ng grupo ni Commander Tanda Tidong ang grupo nina commander BOBBY RAJAHMUDA habang patungo ang mga ito sa Barangay Tinimbacan sakay ng mga motorsiklo.

Agad namang nagresponde ang mga sundalo mula sa Bravo Coy ng Army's 34th Infantry Battalion at nadatnan sa lugar ang naglalaban pa ring mga grupo.

Namagitan ang mga sundalo dahilan para matigil ang palitan ng putok.

Ngunit sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga otoridad kung may mga sugatan o nasawi sa naturang engkwentro.

Rido o away pamilya naman ang nakikitang dahilan ng mga imbestigador sa nangyaring bakbakan ng dalawang mga grupo

 

-0-

 

20 patay matapos mahulog sa bangin ang sinakyang truck sa T’boli, South Cotabato

Humantong sa trahedya ang masayang excursion ng magkakamaganak na pawang mula sa Surallah, South Cotabato.

Ito ay matapos masawi ang 20 sa kanila nang mahulog sa may bangin ang sinakyang forward truck sa boundary ng mga barangay ng Lamslome at Lambangan sa T’boli, South Cotabato.

Naganap ang trahedya habang papauwi na sa Surallah ang mga biktima via shortcut route sa kagagawa pa lamang na Tboli-Gensan road pasado alas nuebe ng umaga kahapon.

Ipinahayag ito ni T’boli Mayor Dibu Tuan. Labinlima sa mga biktima ay dead on the spot habang lima naman ang namatay sa ospital, ilan sa mga ito ay pawang mga bata. Sinabi ni Tuan na magbibigay ng kaukulang tulong sa mga biktima ang lokal na pamahalaan ng T’boli.

Ayon naman kay T’boli Chief of Police, Major Bernie Faldas,ang driver ng truck na si Rodel Rabara, 41 years na sugatan din sa insidente ay wala pa ring malay sa ospital. Ang truck na sinakyan ng mga biktima ay pagaari ng negosyanteng si Hernani Pasquin.

Nag-overnight ang mga ito sa Gensan para sa ika 6th birthday celebration ng anak ni Pasquin na kabilang sa mga nasawi. Ang labinapat naman na mga sugatan sa insidente ay nadala na sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City.

Umaapela din si Faldas sa mga mamamayan na dumadaan sa Tboli-Gensan Road na magingat dahil sa kawalan ng harang sa daan. Ayon kay Faldas inaalam pa ng mga otoridad kung human error o kung ang pagpalya ng truck ang sanhi ng pagkahulog nito sa may 50 talampakang bangin.

 

-0-

 

Environmental Management Bureau binalaan ang mga mamamayan sa region 12 laban sa “unhealthy smog” dulot ng forest fires sa Indonesia

Magingat sa “unhealthy smog” sanhi ng forests fires sa Sumatra at Kalimantan Indonesia na maaring magresulta ng labis na air pollution sa Soccsksargen.

Ito ang babala ng Environment Management Bureau o EMB 12 sa mga mamamayan ng rehiyon. Kaugnay nito nilinaw naman ng EMB na nanatili pa ring normal ang air quality base sa inisyal na monitoring sa kanilang mga monitoring site sa Koronadal City at Tupi, South Cotabato.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni EMB 12 Regional Director Alex Jimenez na patuloy nilang imomonitor ang air quality sa rehiyon.

Ayon kay Jimenez agad nilang ipaalam sa publiko ang magiging resulta ng mga gagawin pa nilang air quality monitoring. Lumabas sa pagaaral ng EMB na ang particulate matter o PM sa Koronadal City noong Sabado ay nasa 63.81 micrograms per normal cubic meter o ug/Ncm o under fair level.

Habang ang Tupi naman ay 37.28 ug/NCM at 45.26 ug/NCM na nasa under “good” level. Pinayuhan naman ng EMB ang publiko sa pamamagitan ng advisory na ipagpapatuloy lamang nila ang kanilang mga normal na gawain.

 

0-0

 

Listahan enumerators isinailalim sa orientation ng Department of Social Welfare and Development 12

Isinailalim muna ng Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 sa orientation ang kanilang mga kinuhang enumerators na mag-aasess sa mga mahihirap na pamilya sa rehiyon. Ito ay bago pa ipadala sa kanilang areas of assignment.

Unang sumalang sa orientation sa 45 araw na house-to-house assessment para sa “Listahan o National Household Targeting System for Poverty Reduction o NHTS-PR ang mga itatalaga sa Bangasamoro Autnomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ito ay ayon kay DSWD 12 Policy and Plans Division Chief Sohra Pandi-Guialel. Layun ng listahan assessment na matukoy kung sino at nasaan ang totoong mga mahihirap sa rehiyon na karapat dapat makinabang sa mga programa kontra kahirapan ng pamahalaan.

Kaugnay nito, hinimok naman si Guialel ang kanilang mga enumerator na sigurihin na tama ang datus na kanilang makukuha sa field. Saklaw ng survey ng mahigit 2,000 na mga enumerators ng DSWD ang may 800 thousand mahihirap na pamilya sa Region 12 at mahigit 500 thousand naman sa BARMM.

Ang mga ito ay maaring makinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, National Health Insurance Program, Social Pension Fund at maraming iba pa.

 

-0-

 

Kawayan Festival para sa pagunlad ng bamboo industry ipinagdiriwang sa South Cotabato

Ibinida sa Kawayan Festival ng South Cotabato ngayong taon ang mga parol at plake mula sa kawayan. Ang mga ito ay pawang gawa ng mga kawayan artists sa lalawigan.

Layon nito na maipalaganap ang kahalagahan ng kawayan sa pangangalaga ng mga likas yaman at pagbibigay ng kabuhayan sa mga mamamayan. Ito ay ayon kay South Cotabato Assistant Provincial Planning Coordinator Emmanuel Jumilla.

Ayon kay Jumilla makapagbibigay ng magandang kabuhayan sa mga mamamayan ng South Cotabato ang bamboo industry. Tampok din sa dalawang araw na Kawayan Festival na magtatapos ngayong araw sa Protect Center ang Investment Forum.

Ayon kay Jumilla paguusapan dito ang demand ng kawayan bilang material sa konstruksyon, furniture, restaurants, agrikultura at maraming iba pa. Inaasahan din na mapapalawak pa ang market ng mga nasa bamboo industry sa pamamagitan ng market matching. Magpapakitang gilas din ngayong araw sa Laro kawayan ang mga kinatawan ng iba’t ibang bayan sa South Cotabato.

 

-0-

 

DA Secretary may hiling sa mga backyard swine raiser para mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever sa bansa

Ipagbigay alam ang mga namamatay o nagkakasakit na baboy sa mga municipal o city veterinarian na siyang makikipagugnayan sa Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture o DA-BAI.

Ito ang panawagan sa mga backyard swine raiser ni DA Secretary William Dar. Sinabi ito ni Dar matapos ikadismaya ang pagkakatuklas ng mga patay na baboy na pinaanod sa Marikina River sa kalakhang Maynila. Ito ayon kay Dar ay paglabag sa Animal Welfare Act.

Binigyan diin ni Dar na mayroon protocol na sinusnod sa disposal ng mga patay na hayop. Ipinahayag ito ni Dar bunsod ng pinanganambahang pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa mga alagang baboy. Dinagdag din ni Dar na nakikipagtulungan ang DA-BAI at National Meat Inspection Service o NMIS sa pribadong sector, local government units, PNP at military. Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

-0-

 

Rubber tapper, arestado matapos makuhanan ng armas at droga sa inilunsad na search warrant operation ng PNP at sa President, Roxas, North Cotabato

Hindi na nakapalag pa ang isang 29 anyos na lalaki matapos na makuhanan ng di lisenyadong armas sa kanyang bahay sa Purok 10, Barangay Greenhills, President Roxas, North Cotabato.

Ang suspek ay nakilalang si na Jerson Raco Sagucom, 29 anyos, isang rubber tapper at nakatira din sa naturang lugar. Sa bisa ng search warrant na may paglabag sa Republic Act 10591 ay pinasok ng operatiba ang bahay ng suspek alas 5:00 ng umaga nitong lunes.

Sa paghalughog ng kanilang bahay, nakuha ang isang unit ng caliber 45 pistol na may mga bala at tatlong mga pakete ng dried marijuana leaves. Agad na isinumite ang mga nakumpiskang ibidensya sa Provincial Crime Laboratory Office para sa dagdag na ekasaminasyon.

Samantala, arestado din ang isang "recidivist" sa hiwalay na search warrant operation sa Barangay Kalasuyan, Kidapawan City. Ayon sa PNP, nakilala ang biktima na si Mark Alvarez Sansano, 31 anyos at Sa paghalughog sa apartment ng suspek ay nakuha ang walong mga sachets ng pinaghihinalaang droga kahapon.

Nabatid na taong 2018, naaresto na ang suspek dahil sa isnagawang buy-bust operaton pero bumalik ito sa kanyang illegal na gawain. Nakapiit na ang dalawa sa custodial facility ng PNP at nag-aantay na lamang na maisampa ang kaso sa korte. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

200K na pabuya, ipinalabas ng LGU sa makakapagturo ng suspek sa pagpatay sa Barangay Chairman at negosyante sa Kabacan, North Cotabato

Nagpalabas na ng pabuya ang lokal na pamahalaan ng Kabacan kung sino man ang makakapagturo sa mga suspek sa pamamaril sa Barangay Chairman ng Lower Paatan at babaeng negosyante sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Ito ay laman din ng isinagawang Municipal Peace and Order Council Meeting kahapon na pinangunahan ni Mayor Herlo Guzman Jr. Magbibigay ng 100,000 pesos sa makakapagturo sa mga reposnsable sa pamamaril sa isang negosyante kamakailan habang lulan ng kanilang motorisklo kasama ang kanyang sugatang mister patungo sana sa public Market, habang 100,000 din naman ang ibibigay sa makakapagturo sa pagpatay din sa Punong Barangay ng Lower Paatan, Kabacan Cotabato kamakalawa.

Apela naman ng alkalde sa mga mamamayan na makipagtulungan sa PNP at AFP upang maiwasan na ang mga kaso ng pamamaril at manatali ang katiwasayan sa bayan. Maaring ereport din sa estasyon ng PNP kung may makikitang may mga kahina-hinalang kilos ng indibidwal sa lugar at maging alerto sa lahat ng pagkakataon.

Nabatid na sunod-sunod na rin ang kaso ng pamamaril sa Kabacan na siya namang patuloy na iniimbestigahan ng Kabaacn Police. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Kidapawan City PNP nagsagawa ng Bomb Drill sa mga pampublikong lugar ng lungsod

Gamit ang apat na mga motorsiklo na carrier ng Improvise Explosive Device o IED, inalarma ng Kidapawan City PNP ang mamamayan ng lungsod sa isinagawang simulation exercises o bomb drill kahapon ng hapon.

Ito ay upang masubukan ang kahandaan ng mga otoridad at kamalayan ng mga mamamayan sa mga dapat gawin tuwing may mga ganoong insidente. Ayon kay Kidapawan City PNP Chief, Police Lt. Col. Rammel Hojilla, naging maagap at aktibo ang naging tugon ng kanyang mga tauhan lalo na sa pag-kordon ng area.

Unang nalock-down ang kahabaan ng Quezon Blvd. highway sa tapat ng Mega Market kung saan narekober ang isang unit ng motorsiklo na kunwari’y carrier ng bomba na sinundan ng pagkordon sa Brgy.Paco at highway ng Spottswood Methodist. 

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan naman ng City Government ng Kidapawan katuwang ang Kidapawan City PNP, militar, Traffic Management Unit o TMU, Civil Security Unit at ng Public Safety. Matatandaang nitong buwan ay may mga naitalang insidente ng pamomomba sa iilang parte ng Mindanao kung kaya’t kinakailangan masiguro ang kahandaan at kamalayan ng bawat isa upang makaiwas sa nasabing insidente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Tubong Magpet, North Cotabato na nakulong sa Middle East dahil sa pagkakasangkot sa iliga na droga, nakauwi na ng North Cotabato

Nakauwi na ng bansa at nakarating na sa kinaginasnan nitong lugar ang 37-anyos na si Ernie Tamonde, tubong Magpet, North Cotabato nitong linggo mula sa Middle East.

Nabatid na humigit kumulang siyam na taon nitong naranasan ang masalimuot na pangyayari sa bansang Iran matapos makulong dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

si Tamonde ay nagtatrabaho noon sa isang travel agency sa bansang Vietnam at isang araw ay pumunta ito sa bansang Iran upang mamasyal. Hindi nito lubos akalain na ang pamamasyal nito sa nasabing bansa ay siya palang maglalagay sa kanya sa peligro.

Kwento nito, pauwi na sana ito ng Vietnam mula Iran nang makilala niya si ”Mula” o si Side Ali, na isang Iranian. Naging magkaibigan silang dalawa at kwento pa ni Mang Ernie na nagpaalam muna ito kay Mula bago umuwi ng Iran, bagay naman na sinamantala ni Mula kung saan nagpadala ito ng isang rolyong tela kay Mang Ernie.

Nang pagdating sa paliparan, dito na nadiskubre ng mga airport inspectors at personnel sa pamamagitan ng scanning machine na may dalawang kilo palang droga sa nakarolyong tela sa loob ng kanyang bagahe. At dahil sa pangyayaring iyon, doon na nagsimula ang masalimuot na kabanata sa buhay ni Mang Ernie sa ilalim ng batas ng Iranian Government.

Alam nito na kamatayan ang parusa sa mga taong sangkot sa droga lalo na kung nakaabot ng 30 grams, at nang makulong humigit kumulang siyam na taong na dinanas ni Mang Ernie ang lupit ng batas sa bansang Iran.

Ayon sa kanya hindi na nito inasahang masasalba pa ang kanyang buhay dahil nakapila na ito sa death row at kabilang na siya sa mahigit anim na raang mga bilanggo roon na nakatakdang papatayin.

Pero dahil sa tulong kapwa nito preso sa loob ng Mashad Vakilabad Prison sa Iran, naipuslit ang kanyang sulat sa International Campaign for Human Rights na tumututok sa mga kasong katulad ni Mang Ernie na biktima lamang ng isang sindikato ng droga.

Hindi naging madali ang dinanas nito sa kabila ng mga prebilihiyong natatanggap mula sa embahada.

Pero hindi rin napansin ni Mang Ernie na dahil sa panatili nito sa loob ng piitan ay makakagawa ito ng mga libro kung saan abot na ito sa tatlumpu’t pito.

Isa nga sa pinaka-tanyag nitong libro ay ang “The Red Diamond” na laman ang lahat ng naging karanasan lalo na ang paghihirap nito habang naghihimas-rehas.

Sa huli, ibinahagi nito na bawat pangyayari sa buhay, masalimuot man o hindi ay isang magandang mensahe at inspirasyon sa mga manggagawa sa ibang bansa. Higit sa lahat, iwasan ang pagtitiwala kaagad sa taong hindi mo lubos kakilala kahit na kultura ng Pinoy ang pagiging pala-kaibigan. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

CPP- NPA, ideneklang persona Non Grata sa buong bayan ng Makilala, North Cotabato

Sa pamamagitan ng isang resolusyong mula sa Makilala LGU ay tuloyan ng idineklarang Persona Non Grata ang mga NPA sa bayan ng Makilala North Cotabato. Sa isinagawang Peace and order Council Meeting kahapon ay pinirmahan ito ni makilala Mayor Armando Quibod, 39th Infantry Battalion at mga Barangay officials ng Bayan.

Sa kanyang mensahe ay hiniling lang ni Mayor Quibod ang suporta ng mga barangay Officials at maging ang mga residente at wag matakot dahil aniya para naman ito sa mas ikauunlad pa ng bayan. VC-QUIBOD Si Makilala Mayor Armando Quibod.

Sa naging pahayag naman ni Lt. Col. Rojhon Rosales, ang battalion Commander ng 39th Infantry Battalion na nalulusaw na umano ang isang front ng NPA sa kanilang area na nag-ooperate sa bayan ng makilala. At isa rin sa magiging dahilan upang tuluyan ng magwakas ang naturang front ayon pa kay Rosales ay ang pagdeklara ng personan Non Grata ng LGU.

Ibinunyag din ni Rosales na may ilang mga residente at maging mga barangay Official ang sumuporta sa mga NPA sa naturang bayan. Dahil dito ay binalaan ni Rosales ang mga ito na itigl na ang pagsuporta dahil sa handa umano silang kasohan ang mga ito at ipakulong. VC-ROSALES Si Lt. Col. Rojhon Rosales, ang battalion Commander ng 39th Infantry Battalion. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dance sport Athlete na mula Kidapawan humakot ng parangal sa isang international event

Dalawang mga gintong medalya ang nasungkit ng mga dance sport Athlete na mula sa kidapawan city sa katatapos lang ginanap na Dancesport Competition sa Cebu City.

Tinalo ng mga dancers mula sa Kidapawan ang higit 200 iba pang mga dancers na ang iba ay mula pa sa bansang Russia, Japan at dito sa Pilipinas.

Nakuha ni Charles Danielle Gases at Lhea Laniton Lumogdang na mula Kidapawan City National High School ang kampyon sa kategoryang Junior 1 C at Junior 1 A Latin. 5ht place mula sa labindalawang kalahok sina John Deniel Ragonton at Kyle Ashley Sacay sa kategoryang Junio 2 A Latin. 6th place naman sina Marco Tahoy mula Sibug Elementary School at Yrich Sabado mula sa 14 na pares sa Juvenile A Latin. 6th place din sina Aniceto Jayson Catacutan at Claire Nichole Utlang Adult D Latin.

Bago ang kompetisyon sa Cebu ay una naring humakot ng medalya ang mga dancers sa isa ring international competition sa Zamboanga city. Nagpasalamat naman ang coach ng team na si Diodilito Laniton o mas kilala bilang "IDOL MANOY" ng Happy Fm Kidapawan sa lahat ng tumulong lalong lalo na ang Provincial Government na nagbigay ng financial support sa mga dancers. NDBC BIDA BALITA

 

 

 

 

Type a message...

BARMM Chief Minister signs into law bill creating parliamentary districts

COTABATO CITY  – Bangsamoro Region Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Balawag Ebrahim signed into law Wednesday night a bill creating...

Suspect sa pagpatay kay dating Cotabato City security chief ret. Colonel Balquin, naaresto

ITO ang kinumpirma ni CIDG BARMM Chief Lt.Col Ariel Huesca matapos maaresto ang suspek pasado alas 6:00 ngayong gabi sa Purok Lugay-Lugay, Barangay...

El Niño expected to affect up to 80 provinces – task force

MANILA – Task Force El Niño on Wednesday warned that about 80 provinces may experience the adverse effects of the weather phenomenon, sparing...

PRO-12, LGUs set rules against North Cotabato motorcycle races

COTABATO CITY  - The Police Regional Office-12, local executives and the provincial government of North Cotabato are now together addressing the...

Tribespeople get solar lights from BARMM lawmaker

COTABATO CITY - A peace activist in the Bangsamoro parliament distributed on Tuesday solar light sets for marginalized tribal enclaves in Carmen and...