Sunday Mar, 03 2024 01:17:06 PM

NDBC BIDA BALITA (9.24.19)

NDBC BALITA • 12:30 PM Tue Sep 24, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Senior Citizen, patay sa pananaksak sa loob ng isang Inn sa Cotabato City.

2. Barangay Chairman at kawani ng Pagalungan LGU, patay habang dalawang iba pa, sugatan matapos na bumangga sa bus ang kanilang sasakyan sa Mlang, North Cotabato

3. Kawani ng local government, patay nang banggain ng dump truck ang sinasakyang motorsiklo sa Polomolok, South Cotabato

4. Van driver, conductor pinagbabaril sa Pikit, North Cotabato

5. North Cotabato provincial govenrment, pinaalalahan ang mga magulang na pabakunahan kontra polio ang mga anak.

 

-0-

 

Dead on arrival sa pagamutan ang isang senior citizen makaraang pagsasaksakin sa loob ng Double Decker Inn, Makakua, Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Kinilala Ang biktima na si Danilo de Guzman Makaraeg, 63 anyos at taga Purok Mahogay, Barangay Making, Parang Maguindanao.

Sa inisyal na imbistigasyon Ng Police Station 1, pasado alas nwebe ng umaga kahapon nang mapansin ng isang room boy Ang kahinahinalang kilos Ng dalawa katao na pumasok sa silid ng biktima.

Nagkaroon ng sigawan at komosyon sa loob dahilan para tumawag ang roomboy sa estasyon ng pulis.

Mabilis namang tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek na isang babae at lalaki.

Nakuha mula sa crime scene ang isang kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit panaksak sa biktima.

Sa ngayon ay tinutugis na ng mga pulis ang mga suspek at inaalam pa ang motibo ng mga ito sa pagpatay sa biktima.

 

-0-

 

Isang Improvised Explosive Device o IED ang natagpuan ng mga miembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit o CAFGU Active Auxiliary CAA ng Army’s 38th Infantry Battalion sa tabing ilog sa Sitio Butalo, Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao.

Sa pahayag ng CAFGU member na si Brayan Badal, naghuhugas siya ng plato sa tabing ilog nang mapansin ang IED.

Ang natagpuang bomba ay gawa sa isang container na puno ng concrete nail, isang chargeable 3 volt-battery na may wire at blasting cap.

Agad na nakipag-ugnayan ang tropa ng 38IB sa Explosives and Ordnance Disposal team at sa PNP para agad na madis-armahan ang naturang bomba.

 

-0-

 

ARESTADO ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng iligal na droga sa bahagi ng Ortouste Extention, Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.

Nakilala ang suspek na si ALDRIAN CAJETA ADANZA, Alyas ”Bugoy”, 36 years old, single, construction worker, at taga Purok Pinen ng nabanggit na Barangay.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas sais gabi kamakalawa nang magtungo sa lugar ang mga pulis mula sa Police Station 2 para arestuhin ang suspek na nadakip ng mga barangay official sa lugar.

Nakakulong na ngayon sa lockup cell ng Police Station 2 ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ngayong araw.

 

-0-

 

NASA MASELANG kondisyon ngayon ang tatlo katao makaraang masangkot sa banggaan ng motorsiklo at ng SUV sa National Highway na sakop ng Brgy. Balugo, Pigcayawan, North Cotabato pasado alas sais kagabi.

Nakilala ang mga biktima na sina SHERWIN LAO, nasa hustong gulang, HARRIS SULGAN, 18 anyos at isa pa na di tinukoy ang pangalan na pawang mga residente ng Brgy. Buluan, sa nabanggit na bayan.

Base sa inisyal na ulat pauwi na ang tatlo sakay ng motorsiklo nang makasalubong umano nila at makasalupkan ang isang INnova.

Dahil sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang tatlo at bumagsak sa sementadong kalsada dahilan upang magtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.

Pinaka malubha si Lao, na bukod sa sugat sa katawan at ulo ay nabalian pa ito ng binti.

SAMANTALA, Malubha rin nang isugod sa ospital ang isang babae matapos na makasalpukan ng kanilang sinasakyang motorsiklo ang isang pampasaherong Multicab sa Almonte Extension, Cotababato City.

Nakilala ang biktima na si AMINA MUSTAPHA, nasa hustong gulang, at taga Brgy. Bulibod, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Bandang ala sais kagabi habang sakay ng Habal Habal ang biktima nang aksidente umano nilang makabanggaan ang isang pampasaherong Multicab na minamaneho ng isang alyas na “NASH”.

Sa tindi ng salpukan nagtamo ng sugat at pasa sa katawan ang biktima at wala ding malay nang isugod siya sa pagamutan.

 

-0-

Barangay Chairman at dalawang kawani ng Pagalungan LGU, patay habang dalawang iba pa sugatan matapos na bumangga sa bus ang kanilang sasakyan sa Mlang, North Cotabato

Dead on the spot ang Barangay Chairman ng Barangay Buliok Pagalungan, Maguindanao at kawani ng LGU matapos na sumalpok sa isang pampasaherong bus ang kanilang sasakyan sa National Highway particular sa Purok 6, Barangay Bialong, Mlang, North Cotabato alas 8:10 ng umaga kahapon.

Nakilala ang nasawi na sina Kisay Mamasalagat, incumbent Barangay Chairman ng Buliok, Pagalungan, Allan Anta, staff ng Municipal Local Government Operations Office ng Barangay Poblacion Pagalungan. Habang sugatan naman naman ang dalawang kasamahan nito na nakilalang sina Sengko Macadcaid, Barangay Secretary ng Barangay Buliok, at si Johaiden Manonsol na kawani din ng LGU Pagalungan.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Police Corporal Nikko Arvin Mortera ng Mlang Traffic Section, binabaybay ng kulay pulang Toyota Vios sedan na may license plate ZLJ 809 ang kahabaan ng National Highway patungo sa bayan ng Matalam habang nakahinto naman ang Bus na nasa kabilang daan.

Wala namang nasugatan na mga pasahero at kulay pulang Rural Tour Bus na may body number 2402, na minamaneho ni Dante Salon Pizana, 49-anyos na residente ng Cagayan de Oro City. Sinasabing nag-overtake umano ang kotse at hindi na naikabig pa ng drayber pabalik sa kanyang lane ang sasakyan dahilan na sumalpok ito sa Bus na nakahinto dahil may kinuhang pasahero.

Sa lakas ng impact dalawang mga sakay ng kotse ang nasawi at dalawa ang sugatan na lahat ay sakay ng nasabing sasakyan. Wasak din ang unahang bahagi ng bus habang nagkasira-sira naman ang kotse dahil sa aksidente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mahigit 50 mga sachets ng iligal na droga, nakumpiska sa bahay ng tatlong mga drug suspects sa isinagawang na operasyon ng PNP sa Kabacan, North Cotabato

Umabot sa mahigit limampung mga pakete ng pinaghihinalaang shabu ang nakuha sa bahay ng tatlong mga drug suspects sa inilunsad na search warrant operation ng mga otoridad sa Sitio Macabinbin, Barangay Cuyapon, Kabacan, North Cotabato.

Sa report ng Kabacan Police, mabilis na nakatakas ang mga suspek na sina Paolo Baculodan,Narcisa Baliwan at Unson Baliwan matapos na matunugan ang PNP sa naturang lugar.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib pwersa ng Kabacan, Matalam, Mlang PNP, PDEA 12, Cotabato Provincial Police Office at 7th IB ng Philippine Army.

Sa bisa ng dalawang search warrant ay pinasok ng operatiba ang bahay ng mga suspek, unang pinasok ang bahay nina alyas Paolo at alyas Narcisa kung saan nakuha ang abot sa apat naput anim nga mga small heat sealed transparent sachets ng pinaniniwalaang shabu.

Pagkatapos ay pinasok din ang bahay ni Unson Baliwan alyas Commander OMEGA at nakuha ang pitong mga sachets ng shabu na nakita sa loob ng kulay itim na pitaka.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos na matunugan ang presensya ng mga otoridad na papalapit sa lugar. Sa ngayon ay patuloy naman ang pursuit operation ng PNP upang mahuli ang mga drug suspects na umano’y mga noturyos na drug dealers. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pamahalaang Panlalawigan ng North Cotabato, muling nagbabala sa mga magulang na hindi pa napabakunahan ng anti-polio vaccine ang mga anak

Muling nagbabala ang pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato sa mga magulang ng mga batang hindi pa nabakunahan ng kontra polio, dahil na rin sa pagbabalik ng kaso ng nito sa bansa.

Ayon kay Board Member Philbert Malaluan, siyang chairman sa Committee on Health and Sanitation ng Sangguniang Panlalawigan ng North Cotabato, kahit isang kaso lang ng polio ang ma-itatala sa bansa ay kinakailangan ideklara ng Department of Health o DOH na isa itong national epidemic.

Kaya’t muling nitong hinikayat ang mga magulang na may mga anak na edad 5 years old pababa, na dalhin na agad ito sa pinakamalapit na health center at paturukan ng anti-polio vaccine.

Nabatid ayon sa DOH na isa sa natagpuang virus ng polio ay mula sa isang tubigan sa Davao City at nakababahala rin ang bilang ng mga nagpapabakuna kontra rito sa gitna ng pangamba ng ilang magulang sa kanilang mga anak. Iginiit ni Malaluan na may mga polio vaccine sa mga health centers sa probinsya kaya’t hindi na dapat mag-atubili pang pabakunahan ang mga batang hindi pa naturukan nito.

Kaugnay rin nito ayon sa DOH, binibigay ang bakuna kapag 6, 10, o 14 weeks old ang isang bata; may iilan na ibinibigay naman kapag 2, 4 , o 6 months old ang supling. May dalawang klase ng vaccine: ang oral polio vaccine (OPV) na pinapatak sa bibig ng pasyente at mayroon ding inactive polio vaccine (IPV) na tinuturok.

Nakukuha ang polio kapag nahahawakan ang dumi o feces ng taong mayroon nito. Ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa. Kung lumala pa ito, maaaring magkaroon ng paralytic polio o maparalisa ang isang pasyente, na senyales na maaaring napunta na sa utak ang virus at maaari niya itong ikamatay.

Nanawagan din ang DOH na panatilihing malinis ang kapaligiran at ang kanilang pangangatawan. Matatandaang idineklara na ng Department of Health na may polio outbreak sa bansa. Ito ay matapos ang halos 20 taon mula nang ideklara ng World Health Organization na polio-free na ang Pilipinas. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

PNP, patuloy ang imbestigasyon sa pamamaril sa isang konduktor at driver sa loob ng pampasaherong van sa Pikit, North Cotabato

Patuloy pang inaalam ngayon ng Pikit PNP kung ano ang motibo sa pagbaril sa isang 34 anyos na konductor at drayber ng isang pampasaherong van sa SitioTinibtiban, Barangay Batulawan Pikit Cotabato.

Sugatan at patuloy na ginagamot sa ospital ang mga biktima na sina Dadai Mastura Oto, isang konduktor na residente ng Salimbao Sultan Kudarat, at ang driver si Mohammad Sanday, 34 ng Cotabato City at ang pitong taong gulang na nadamay na pasahero.

Ayon sa report ng Pikit PNP, galing ng Cotabato City ang naturang van at papuntang Kidapawan City nang sumakay umano ang suspek sa bayan Pigcawayan.

Pagdating sa Barangay batulawan ay dito na pinagbabaril ng suspek ang konduktor at sinali rin nito ang driver.

Matapos gawin ang krimen ay agad na tumakas ang suspek habang nagawa pa ng driver ng van na maimaneho ito papuntang ospital sa Pikit. Sa ngayon ay ligtas na ang tatlong sugatang biktima. Inaalam narin ngayon ang pagkakakilanlan ng mga responsible maging ang motibo nito sa pagbaril sa mga biktima. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Bangkay ng isang lalaki, natagpuan sa Overpass sa Kidapawan City

Hanggang sa ngayon ay wala pang pagkakakinlanlan ang isang lalaki na natagpuan na wala ng buhay sa overpasss Quezon Boulevard, Kidapawan City alas 5:00 ng umaga kanina.

Ayon sa ulat, nakita lamang ng mga taomng dumadaan sa lugar ang bangkay ng menor de edad at wala ng damit pang-itaas. Tinatayang nasa edad labinlima hanggang dalawampu ang lalaki, nasa 4'9 ang taas at nakasuot ng kulay brown na shorts at kulay pulang sapatos.

Pinaniniwalaang kaninang madaling araw pa pinatay ang biktima at nakita na lamang ito ng mga tao na dumaas sa naturang overpass.

Nagtamo ng sugat sa ulo ang lalaki na posibleng dahilan ng kanyang kamatayan habang patuloy pa sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa insidente. Inaalam na rin kung sino at ano ang motibo sa pagpatay sa kanya.

 

-0-

 

NANUMPA NA bilang Indigenous People's Mandatory Representative ng sa Sangguniang Panlalawigan ng Maguindanao si Nilo Oro Mosela mula sa bayan ng Upi.

Nanumpa si Mosela kahapon, September 23, sa Provincial Capitol Extension sa harap ni Maguindanao Gov. Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mosela na sisikapin niyang iparating sa kanyang mga kasamahan sa SP ang mga pangangailangan ng mga kapwa katutubo sa probinsya.

Aniya, magmumungkahi rin siya ng mga programa at proyekto na angkop sa mga pangangailangan ng IP communities.

 

-0-

 

Trainors training para sa food safety bunsod ng pagdami ng mga karneng ibibenta sa mga tabing daan, pangungunahan ng National Mdeat Inspection Services 12 sa Koronadal City

Magsasagawa food safety trainors training para sa mga local government units ang National Meat Inspection Services o NMIS 12 sa September 27 at 28. Layun nito na maturuan ang mga LGU at maging ang mga consumers kung ano ang nararapat gawin para matiyak na ligtas ang mga binibili o ibinibentang karne. Ito ayon kay NMIS 12 Regional Director Myrna Habacon.

Sinabi ni Habacon na dahil sa kakulangan ng food safety measures, maaring tuluyan nang mawalan ng mamimili ang mga merkado publiko Ipinahayag ito ni Habacon matapos ikabahala ang paglipana ng mga karneng ibinebenta sa mga talipapa sa Koronadal City.

Ipinahayag ni Habacon na nangangamba ito kung ang mga karening ibinebenta sa mga tabing daan na marami sa Koronadal ay dumaan sa food safety procdures. Ayon kay Habacon malaking hamo sa mga local government units ang pag-upgrade ng kanilang mga merkado publiko para mapanatili ang pagtangkalik sa mga ito ng mga mamimili.

 

-0-

 

22 Health districts ipatatayo sa Sarangani bilang paghahanda sa pagpapatupad ng Universal Health Care sa susunod na taon

Hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ang mga LGU na pumasa ng ordinansa na susuporta sa pagtatayo ng 22 health districts na magiging component ng Universal Health Care o UHC. Ipinahayag ito ni Sarangani Provincial Health Officer Dr. Arvin Alejandro.

Ayon kay Alejandro ang nasabing health districts ay mayroong laboratory, birthing facility,pharmacy, mga mahahalagang gamot at animal bite center.

Layun nito ayon kay Alejandro na maibsan ang admission sa mga ospital. Ang pamahalaang panlalawigan ay namamahala sa operasyon ng mga government hospital sa Glan, Malungon,Maasim,Kiamba at malaking health facility sa Provincial Capitol sa Alabel na magiging Sarangani Provincial Hospital.

Ipinahayag ni Alejandro na kailangan ang mahigit P400 million para sa unang taon ng pagpapatupad ng UHC sa Sarangani. Ang Sarangani at South Cotabato ay kabilang sa 10 mga lugar sa Mindanao na magiging pilot area ng UHC.

 

-0-

 

Kasadya Village binuksan na bilang kabahagi ng Tourism Week Celebration sa South Cotabato

Sinimulan ang Tourism week celebration ng South Cotabato sa pamamgitan ng pormal na pagbubukas ng Kasadya Village sa parking area ng South Cotabato Sports Complex sa Koronadal City kagabi.

Makikita dito ang mga ipinagmamalaking produkto ng sampung mga bayan at isang lungsod sa lalawigan tulad ng mga pagkain inumin at pasalubong center.

Ito ay ayon kay Provincial Tourism Officer I Argie Asaria, ng Arts’ Culture’ Tourism o ACTs unit. Ayon kay Asaria matutunghayan din ng publiko sa selebrasyon ang Art exhibit ng mga South Cotabato artist. Magkakaron din ng demonstration at lecture sa paggawa ng mga bead at t’nalak weaving ang mga estudyante ng Santa Cruz Mission sa Lake Sebu.

Ipinahayag ni Asaria na inaabangan din ang pagbabahagi ng kaalaman ng mga estudyanteng T’boli at Kristyano sa lalawigan.

Ayon kay Asaria magkakaroon din sila ng job fair para lamang sa mga HRM at tourism students sa September 26. Sinabi ni Asaria na kasama din nila sa mga inihahandang nightly event sa selebrasyon ang pribadong sector. Teama ng 2019 Tourism Week Celebration ang “Tourism ang Jobs: A Better Futre for all.”

 

-0-

Mahigit 90 grupo ng mga mahihirap na pamilya sa rehiyon nabigyan ng tulong pinansyal ng DSWD 12 Gagamitin ng mga benepisyaryo ang pondong natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD bilang puhunan sa ipatatayong kabuhayan.

Ito ay ayon kay DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo. Ipinahayag ito ni Espejo matapos mabigyan ng ahensya ng tulong pangkabuhayan ang 94 na grupo ng mga mahihirap na pamilya sa Central Mindanao. Ang mga ito ay pawang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program o SLP ng ahensya. Kaugnay nito ipinahayag ng Community leader na si Analuz Padios na malaking tulong sa grupo nilang Asenso Lamcanal Association ang natanggap na P360,000.

Ayon kay Padios, gagamitin nila ito sa pagtatayo ng meat shop sa Malandag, Malungon, Sarangani. Dinagdag ni Padios na ang meat shop ay malaking tulong din sa pangangailangan ng kanilang komunidad. Layon ng SLP Program ng DSWD na maiahon sa kahirapan ang mga mahihirap na pamailya sa pamamagitan ng training at pagbibigay ng puhunan sa mga ito.

 

-0-

 

Kawani ng local government patay nang banggain ng dumptruck na minamaneho ng katrabaho ang sinakyang motorsiklo sa Polomolok, South Cotabato

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Acting Chief of Police, Lt. Col. Marvin Duadua ang nasawing biktima na si Marlon Bagcatin , 54 years old, may asawa at nakatira sa Barangay Pagalungan, Polomolok,South Cotabato.

Ang biktimang si Bagcatin ay agad na binawian ng buhay. Ito ay matapos magtamo ng matinding mga sugat ng masagasaan ng nakasunod sa kanyang dumptruck ang minamanehong motorsiklo sa barangay Magsaysay sa nasabing bayan. Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na pumihit sa outer lane ng highway ang dumpt truck na minamaneho ni Franklin Cabangbang ng Barangay Silway 8, Polomolok.

Ito ay matapos mawalan ng control sa pagmamaneho nang tumawid sa national highway ang isa pang truck mula sa Crossing Magsaysay. Ang driver ng truck na na si Cabangbang na nakasagasa sa kapwa nito kawani ng lokal na pamahalaan ng Polomolok ay sumuko sa mga pulis.

Habang ang truck at motorsiklo na minaneho ng mga ito ay ikinustodya ng Polomolok PNP. Ito ay habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa nasabing vehicular crash.

 

-0-

 

National

Pormal nang ibibigay kay Lt. Gen. Noel Clement ang pangangasiwa sa 135 libong mga sundalo ng AFP ngayong araw.

Si Clement ang itinalagang ika-52 Chief of Staff ng AFP kapalit ni Gen. Benjamin Madrigal Jr. na naabot na ang mandatory retirement age na 56.

Pangungunahan ni Pangulong Duterte bilang guest of honor at speaker ang change of command and retirement ceremony sa pagitan nina Clement at Madrigal mamayang hapon sa Camp Aguinaldo.

 

-0-

National

Sa iba pang balita, epektibo na ang malakihang dagdag-presyo sa produktong petrolyong simula kaninang alas sais ng umaga.

Nasa P2.35 kada litro ang taas presyo ng gasolina, P1.80 sa kada litro ng diesel at P1.75 sa kada litro ng kerosene.

Ang big-time oil price increase ay dahil hindi nakiusap ang gobyerno na gawing utay-utay ang dagdag presyo ng petrolyo.

 

-0-

 

SPORTS.....

TINANGGAP NA ng Barangay Ginebra lead tactician Tim Cone ang alok ng Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP na maging bagong head coach ng Gilas Pilipinas kapalit ni dating coach Yeng Guiao.

Ayon kay SBP President Al Panlilio, pangungunahan ni Cone ang Philippine basketball team para sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games.

Una ng sinabi ni Cone na walang problema sa kanya na maging head coach ng Gilas Pilipinas na ngayon ay puspusan na rin ang paghahanda para sa SEA Games.

 

 

 

 

Cotabato City disaster response official slain in ambush

COTABATO CITY - Gunmen killed the operations chief of the Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office in a daring ambush here on...

Cotabato City CDRRM officer slain in gun attack

COTABATO CITY - Dead on arrival sa ospital ang Chief Of Operations ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office na si Jose Raymond...

Unang araw ng fire prevention month, isang bahay sa Cotabato City, nasunog

INAALAM pa ng Bureau of Fire Protection Cotabato City ang pinagmulan ng sunog sa Block 21, Barangay Rosary Heights 8 kahapon ng umaga kung saan isang...

15 BIFF sumuko sa Cotabato City at BARMM government

DALA ang pitong mga matataas na kalibre ng armas ay nagdesisyon ang 15 dating kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters-Karialan Faction na...

Cotabato Light announces power service interruption in Sultan Kudarat on March 1

To all our valued customers, please be informed of the scheduled power interruption affecting customers in Barangay Calsada, on Friday, March 1, 2024...