Friday Apr, 19 2024 05:35:58 PM

NDBC BIDA BALITA (9.25.19)

NDBC BALITA • 17:30 PM Wed Sep 25, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. LOLO, arestado sa Cotabato city dahil sa mga kinakaharap na kaso; lalaki, arestado rin sa buy bust operation ng mga otoridad sa lungsod.

2. ARMAS at iligal na droga, nakumpiska sa mga bahay na pinasok ng mga otoridad sa Mlang at Tulunan, North Cotabato

3. HEALTH OFFICER ng South Cotabato, nanawagan sa mga magulang na pabakuhanan ang kanilang mga anak kontra-polio virus

4. North Cotabato, ASF free, ayon sa health officials.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…. SUSUNOD’

 

-0-

 

ARESTADO sa Cotabato city ang isang 62-anyos na lolo na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms, ammunitions and explosives at paglabag sa Omnibus Election Code.

Nakilala ang nadakip na si UNOS EDRIS MINANDANG sa kanyang bahay sa Purok Lumayon 5, Mother Barangay Poblacion, Cotabato City pasado alas dose ng tanghali kamakalawa.

Sinabi ni Police Station 3 commander, MAJOR THENG BACAL na hinuli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni RTC Branch 14 Judge Bansawan Ibrahim noon pang 2017.

Samantala, arestado rin ang isang lalaki sa drug-buy bust operation na ikinasa ng Police Station 3 pasado ala una ng hapon kahapon sa Zone 3, Barangay Rosary Heights 1 ng lungsod.

Kinilala ang suspek na si James Prudente Bongcaron, 41 anyos, single, walang trabaho  at taga Zone 4, PC Hill.

Nabatid na napagbentahan ng suspek ng isang sachet ng pinaniniwalaang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha mula kya Bongcaron ang isang sachet ng shabu at nabawi rin sa kanya ang 500 peso bill na buy bust money

 

-0-

 

LIMA KATAO umano ang sugatan sa engkuwentro ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Maguindanao.

Kinilala ng Army’s 6th Infantry Division ang mga sugatang MILF member na sina Basit Ulanen at Mindatu Lanson.

Ang dalawa ay kasapi ng MILF Task Force Itihad na tumutulong sa mga sundalo at pulis sa pagpapanatili ng katahimikan sa mga lugar na madalas ina-atake ng BIFF.

Sa report ng Army’s 6th ID, rumesponde sina Ulanen at Lanson sa report na may presensya ng BIFF na pinamumunuan ni Abu Toraife sa Brgy. Dasawao, Shariff Saidona, Maguindanao.

Ngunit inabangan umano sila ng BIFF members at pinaputukan kaya’t nagkaroon ng maikling bakbakan.

Natigil lamang ang putukan matapos na dumating ang pwersa ng Army’s 57th Infantry Battalion.

Samantala, nakilala naman ang mga sugatang BIFF members sa mga pangalang Moctar, Pagal at Guiadil na tumakas nakatakas sa kasagsagan ng bakbakan.

 

-0-

 

PATULOY pang pinag-uusapan ng pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang mga gagawing hakbang sa 63 na mga barangay sa North Cotabato na ngayon ay sakop na ng BARMM.

Sa Kapihan sa Bangsamoro kahapon, sinabi ni BARMM Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo na bumabalangkas na sila ng mga programang angkop sa naturang mga lugar at pinag-aaralan din ang pagbuo ng hiwalay na mga bayang sasakop sa naturang mga barangay.

Kaugnay nito, kahapon ay nagsagawa ng malawakang konsultasyon ang Bangsamoro government sa mga mamamayan ng 63 na mga barangay na ginanap sa Barangay Kapinpilan, Midsayap.

Nanguna sa dayalogo sina Datu Randy Karon Alhaj, miyembro ng Bangsamoro Transition Authority at chairman ng Peace and Security Committee kasama si Atty. Suharto Ambolodto, BTA member at deputy minority floor leader.

Dumalo sa pagpupulong at konsultasyon ang mga barangay officials ng 13 mga barangay ng Midsayap, North Cotabato, NGOs, at ilang mga residente.

Ayon kay Karon, ang ginanap na South Western Midsayap Consultative Meeting ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng barangay at mga residente na makapagtanong hinggil sa bagong gobyerno na pinamumunuan ni BARMM Chief Minister Murad Ibrahim.

Kinumpirma naman ni Haron na plano ng BARMM government na bumuo ng tatlong hiwalay na mga bayan mula sa 63 mga barangay ng North Cotabato na sakop na ngayon ng BARMM.

Bago sumapit ang 2022 election ay kailangan aniyang mayroon nang mabuong hiwalay na mga bayan.

Pansamantala namang hihirangin ng Bangsamoro government ang uupong mayors, vice-mayors at mga miyembro ng sangguniang bayan na caretakers sa tatlong mga bayang mabubuo.

 

-0-

 

ARESTADO ng Parang PNP ang isang doktor na wanted umano sa patong-patong na mga kaso ng cybercrime.

Nakilala ang nadakip na si Dr. Chao-Tiao Yumol II, 35 years old, at taga Lamitan city, Basilan.

Sa report ng Parang PNP, nadakip si Yumol pasado alas sais kagabi matapos itong boluntaryong sumuko sa mga otoridad.

Si Yumol ay may standing warrant of arrest para sa 26 counts of violation of RA 10175 na inisyu ni RTC Branch 12 Judge Gregorio dela Peña III sa Zamboanga city nitong September 19 at may inirekumendang piyansang mahigit dalawang milyong piso.

Hawak na ngayon ng Parang PNP ang sumukong suspek.

 

-0-

 

Nasawi ang anak ni dating World Boxing Champion Rolando Navarrete makaraang tambangan.

Nangyari ang pananambang kay Rolando Navarette Jr., sa Barangay Lagao, General Santos City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang kaniyang live-in partner nang ito ay pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek.

Bagaman nadala pa sa ospital ay nasawi din si Navarette dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Samantala, base sa rekord ng pulisya ang nakababatang Navarette ay nasa drugs watchlist at dati na ring sumuko sa mga otoridad.

 

-0-

 

Mahigit 12,000 na mga magsasaka mula sa North Cotabato, makakabenepisyo sa SURE aid program ng Department of Agriculture

Nagbigay ng malaking puwang ang Department of Agriculture para sa mga magsasaka mula sa North Cotabato sa kanilang Survival and Recovery Assistance Program para sa mga rice farmers.

Sa naging panayam ng Radyo BIDA kay Regional Director Milagros Casis, sa pamamagitan ng nasabing programa, lahat ng magsasaka na lubos naapeķtuhan ng Rice Tariffication Law ay maaaring makautang ng P15,000 na may zero-interest, no collateral at maaaring bayaran sa loob ng walong taon.

Katuwang ng Department of Agriculture ang Landband of the Philippines, na makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka na may mababang presyo at maging sa lokal na pamahalaan upang mabilis na mapaabot ang tulong sa mga magsasaka na nasa registry book.

Maging ang pagproseso sa lahat ng kukuha ng SURE aid program ay mabilis na maaprubahan ng Landbank basta kumpleto lamang ang requirements na hinihingi tulad ng isang anumang government ID at notification o certification of eligibility mula sa DA.

Ang kwalipikadong mga magsasaka ay dapat may 1hectar below na palayan. VC- CASIS Si DA Regional Director Milagros Casis. Sa buong North Cotabato, abot sa 12,447 na mga rice farmers ang makakabenepisyo sa nasabing programa at nagbigay ng malaking slot dahil isa ang North Cotabato sa may pinakamalapad na rice area sa buong SOCCKSARGEN.

-0-

 

Armas at droga, nakumpiska sa bahay ng mga suspek sa magkahiwalay na search warrant operation ng PNP sa Mlang at Tulunan, North Cotabato

Sa bisa ng dalawang search warrant ay pinasok ng operatiba ang dalawang mga bahay sa bayan ng Mlang North Cotabato kahapon ng madaling araw.

Unang pinasok ang bahay ng drug suspek sa Poblacion A na kung saan nakuha ang dalawang pakete ng pinaniniwalaang shabu pero hindi na namataan ng mga pulis ang target ng operasyon sa kanyang bahay.

Pagkatapos ay pinasok din ang isang bahay ng suspek na si Raul Toble Tayongtong sa Barangay Malayan alas 5:00 ng umaga kahapon kung saan nakuha ang isang improvise pistol at isang 5.56 live ammunition. Sinasabing wala sa kanilang bahay ang target ng operasyon dahil nagtatrabaho ito sa Davao City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 ang mga suspek na patuloy ngayong tinutugis ng mga pulis.

Naisumite na ng PNP ang mga narekober na ibedensya sa Provincial Crime Laboratory habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa dalawa.

Samantala, arestado naman ang isang lalaki matapos ding makuhanan ng di lisensyadong armas at shabu sa kanyang bahay matapos isagawa ang operasyon sa Purok 3, Barangay La Esperanza, Tulunan, North Cotabato.

Sa ulat, nakilala ang suspek na si Probel Lampenio alyas Insek na residente din ng nasabing lugar. Dala ang search warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 23 ng Kidapawan City na may kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa paghalughog sa bahay ng suspek ay dito nakuha ang tatlong mga sachets ng pinaghihinalaang shabu, isang home-made shot gun at 22 caliber na may bala. Kulong na ngayon sa suspek sa Tulunan PNP ay nakatakdang sasampahan ng kaso ngayong araw.

 

-0-

 

Grupo ng mga kabataang sangkot sa gang war sa Kidapawan City patuloy na kinukumpirma ng PNP

Bagama’t hindi pa kumpirmado na muling lumalaganap ang mga kabataang sangkot sa gang war sa lungsod, ay patuloy ngayong iniimbestigahan ng Kidapawan City PNP ang ulat na umano’y nagsusulputan na naman ang nasabing grupo.

Ito’y kasunod ng nangyaring pagpaslang sa isang pinaniniwalaang menor-de-edad madaling araw kahapon sa overpass na malapit na City Hospital.

Ayon kay Kidapawan City PNP Chief, Police Lt. Col. Rammel Hojilla, sa ngayon ay nananatiling walang pagkakakilanlan ang nasabing biktima at posibleng hindi ito taga-Kidapawan City.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng PNP na posibleng hinampas sa sahig ang mukha nito at pinagtulungan hanggang sa nawalan ng buhay. Dagdag pa ni Hojilla na maaaring may nakaalitan ito at posible ring may nangyaring komosyon sa pinangyarihan ng krimen bago napatay ang biktima.

Samantala, patuloy ring inaalam ngayon ng PNP ang muling pagsusulpot ng grupong ‘WASALAK’ na nangangahulugang “Walang Sawa sa Alak” na batay sa inilabas na impormasyon ng Kidapawan City government ay nang re-recruit ng mga kabataang nasa elementary at high school.

Sinabi rin ni Hojilla na umiiral pa rin ang ipinapatupad na curfew hours ng mga otoridad para sa mga menor de edad na gumagala sa lungsod dis-oras ng gabi. Ang problema lang aniya ay ang mga establisyemento kung saan nagtatago ang mga kabataan sa tuwing nakikitang may paparating na PNP.

Kaugnay nito, umapela si Hojilla sa mga mamamayan na makiisa sa pagpapatupad ng batas lalo na kung may kinalaman sa kapakanan ng mga kabataan. Dagdag pa dito ang kooperasyon ng mga magulang na i-monitor o i-check ang kanilang mga anak at alamin kung sino ang mga nakakasama nito sa labas.

Ang tinig ni Kidapawan City PNP Chief Lt.Col Rammel Hojilla. Samantala, umapela rin ang opisyal sa mga bumabatikos sa hanay ng PNP na imbes na magpahayag ng mga negatibong komento sa social media, ay makipag-tulungan na lamang sa mga otoridad at ipagbigay alam sa PNP kung may nakikitang mga menor-de-edad na lumalabag sa ipanapatupad na curfew hours.

 

-0-

 

P2Million na halaga ng medical equipment and apparatus, itinurn-over sa 38 mga Barangay sa Makilala, North Cotabato

Nakatanggap ng mga bagong medical equipment and apparatus ang tatlumput-walong mga barangay ng Makilala, North Cotabato mula sa lokal na pamahalaan kahapon. Kabilang sa mga ipinamahagi ang, BP Apparatus, Weighing Scales, Dressing Carts with tray, Nebulizers, Fetal Doppler, Emergency Lights, Examining Lights, Stethoscopes, at tatlong mga Power Generators na nagkakahalaga ng abot sa 2Million pesos.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ni Makilala Mayor Armando Quibod, Dr. Georgina R. Sorilla, M.D, Municipal Administrator Sheryl Orbita, mga barangay health workers and barangay chairman. Pinasalamatan naman ng alkalde ang Rural Health Unit sa bayan ng Makilala sa kanilang suporta sa administrasyon na siyang isa sa kanilang mga prayoridad.

Apela din nito sa bawat Punong barangay at mga health workers na maging maagap sa pagpasa ng mga requirements hinggil sa kanilang mag request upang mas mapabuti pa ang pagbibigay serbisyong medikal sa mga pasyente.

Hiniling din ng LGU at ng RHU sa mga nakatanggap ng mga bagong medical equipment na makakatulong sa mga lubos na nangangailangan nito dahil sa bayan ng Makilala ‘We care and served people” NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

North Cotabato African Swine Fever o ASF free, ayon sa Office Provincial Veterinary

Pinangunahan Mismo ni Acting Governor Emmylou "LALA" Taliño-Mendoza ang pagkain ng Lechon na baboy kahapon bilang pagpapakita na Ligtas laban sa African Swine Fever ang mga baboy sa North Cotabato. Kasabay din dito ang deklarasyon ng office of the Provincial Veterinary na ASF Free ang buong lalawigan.

Ayon kay Dr Rufino Sorupia, siyang OPVET Head, wala silang namonitor at hindi aniya makakapasok sa lalawigan ang ASF Virus. Ito ay dahil sa kanilang mga ginagawang hakbang sa ilalim ng Veterinary Quarantine Ordinance ng lalawigan.

Isa na nga rito ang Quarantine Checkpoint na makikita sa mga Bayan ng Makilala para sa mga papasok sa probinsya mula Davao City at Del Sur, sa Tulunan North Cotabato para naman sa mga magmumula sa South Cotabato at Sultan Kudarat, sa bayan ng Pigcawayan mula sa Cotabato City at Maguindanao.

Sa ngayon ay inaantay nalang ng OPVET ang approval ng Gobernador ng Bukidnon para isahin nalang ang Quarantine sa hangganan ng North Cot at nasabing Probinsya. Dagdag pa ni Sorupia, hindi aniya dapat matakot ang mga residente ng lalawigan dahil wala namang epekto sa tao ang ASF kundi sa alagang mga baboy lamang.

Lutuin lang aniya sa 60 degree Celsius ang mga karne ng baboy sa loob ng 90 minuto para ligtas kainin. Samantala kasabay ng deklarasyon ay ang pamamahagi ng 195 mga biik sa mga napiling benepesyaryo ng Provincial Government.

Bisita rin kahapon si Food and Drug Administration XII Regional Supervisor Nicanora Deomampo Rabara Rph kung saan nagbigay ito ng update hinggil sa mga produktong dapat iwasan muna ng mga mamamayan. Sa North Cotabato aniya partikular sa Kidapawan City ay una na silang naglibot-libot upang tingnan ang produktong maling na galing sa ibang bansa na tinamaan ng African Swine Fever.

May nakita umano silang mga Maling products na naka display sa mga department store kaya pinayuhan ang mga store owners at managers na i-pull out muna ito. Sinelyuhan ang mga ito na ngayon ay naka imbak na sa kani-kanilang mga warehouses.

Panahon aniyang may ma monitor silang binuksan ang mga produkto at ibinalik ang mga ito sa mga Display ng mga departmennt store maging sa mga sari-sari store ay kakasuhan aniya ang mga ito.

 

-0-

NATIONAL NEWS……………………

 

Umalma si dating Agriculture Secretary Manny Piñol sa tila pagsisi sa kanya sa outbreak ng African swine fever sa bansa.

Sinabi ni Piñol na dapat itigil ni Agriculture Secretary William Dar ang “blame game” kaugnay ng ASF outbreak.

Reaksyon ito ni Piñol sa pahayag ng kasalukuyang Agriculture Secretary na buwan pa lamang ng Mayo, bago siya maitalagang kalihim ng kagawaran, ay may mga insidente na ng pagkakasakit ng mga baboy sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan.

Itinanggi rin ng dating kalihim na itinago nila sa publiko ang nasabing sakit.

Ipinaliwanag pa ni Piñol na kung totoong noong Mayo pa mayroong mga kaso ng ASF, dapat aniya ay alam ni Dar na ang ASF virus ay may incubation period na 4 hanggang 19 na araw.

Sa iba pang balita, magsasagawa ang Department of Agriculture o DA ng imbestigasyon para magkaroon ng panuntunan kung paano mababantayan ang mga imported rice at para arestuhin ang mga nagpapasok ng marami nito sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ito ang kanilang hakbang para mapanatili ang ang presyo at suplay ng bigas sa bansa.

Aniya ang nasabing imbestigasyon ay matatapos sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre.

Sa kabilang dako pa, inaprubahan ng Department of Trade in Industry o DTI ang mahigit pisong taas-presyo ng ilang bilihin.

Ito ay bunsod ng hiling na dagdag-presyo ng manufacturers ng mga de-lata, noodles, sardinas at ilang grocery items.

Ayon sa DTI, mula 35 centavos hanggang P1.25 ang taas-presyo sa mga toyo, patis at ilang panimpla.

Sa 3-in-1 na kape, nasa 20 centavos hanggang piso naman ang taas-presyo at sa instant noodles ay may dagdag na 45 centavos.

Nasa pagitan naman ng 30 centavos at P1.50 ang dagdag sa presyo ng sardinas.

 

 

PBBM to PNPA grads: Maximize technology to fight crime, serve

SILANG, CAVITE – President Ferdinand R. Marcos Jr. on Friday called on the new graduates of the Philippine National Police Academy (PNPA) to...

Picong ambush suspect falls during hot pursuit operation

PICONG, Lanao del Sur - After a thorough investigation and follow-up operation, operatives were able to identify the seven individuals involved in...

NDBC BIDA BALITA (April 19, 2024)

  HEADLINES 1   BABAE patay sa ambush sa Maguindanao del Sur; Pulis naman sugatan sa ambush sa Lanao del Sur 2  ...

3 dead in South Cotabato highway accident

COTABATO CITY - Three individuals died instantly in a gruesome highway mishap involving two vehicles in Barangay Polonuling in Tupi town in South...