Thursday Feb, 22 2024 10:17:06 PM

NDBC BIDA BALITA (9.28.19)

NDBC BALITA • 11:45 AM Sat Sep 28, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. APAT KATAO, arestado sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operation ng Cotabato city PNP; 13 sachets ng shabu, nakumpiska!

2. All is set para sa Licensure Examination for Teachers sa Kidapawan City

3. PITO katao, nasawi sanhi ng rabies sa South Cotabato ngayong taon, ayon sa provincial veterinarian ng lalawigan.

4. MALACAÑANG, umalma sa inaprubahang US Senate bill na nagpapataw ng ban sa mga Philippine official na sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila De Lima

 

AT NGAYON ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

PATAY matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang mga suspek ang chairman ng Barangay Campo Muslim, Malabang, Lanao del Sur.

Sinabi ni Malabang PNP Chief, Police Lt. Karl Vince Centinaje na nangyari ang pamamaril sa biktimang si Brgy. Chairman Aksara Marohomsalic Balindong, malapit sa isang money changer shop sa bayan pasado alas singko ng hapon kahapon.

Hindi na naisugod pa sa ospital ang biktima matapos na agad itong binawian ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Nabatid na ang biktima ay nagsilbi rin bilang ABC President ng bayan.

Narekober sa crime scene ang tatlong empty shells ng 9mm pistol na ginamit ng mga suspek sa pamamaril

 

-0-

 

ARESTADO ang dalawang drug suspects sa ikinasang buy bust operation ng mga otoridad sa Purok Lawaan Barangay Mother Bagua, Cotabato City pasado alas diyes ng umaga kahapon.

Kinilala ang mga nadakip na sina Jhonny Kasim, 41 anyos, may asawa at isang sapatero at kasamahan nitong si Musaman Ismael, bente anyos, single, jobless na pawang mga residente ng nabangit na barangay.

Nakuha mula sa mga suspek ang 12 sachets ng hinihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Nabawi rin sa mga ito ang 500 peso bill na marked money.

Una rito, huli rin sa buy bust operation ang dalawa pang mga lalaki sa Purok Rajahmuda, Barangay Poblacion 7 ng lungsod pasado alas onse ng tanghali kamakalawa.

Kinilala ang mga suspect na sina Hamsa Quituar, 27 anyos, single, laborer at taga Purok Rajahmuda, barangay Poblacion 7 at si Saddam Esmael, 26 anyos, single, vendor at taga Purok Bulibod, ng nabanggit ding barangay.

Sa report ng City PNP, unang nadakip ng mga barangay official ang mga suspek at saka pinadampot sa mga pulis.

Nakuha mula sa mga suspect ang isang pakete ng hinihinalaang shabu, apat na empty sachets na hinihinalang pinaglagyan ng shabu, at mga drug paraphernalia.

Kalaboso na ngayon ang mga suspek at sinampahan na rin ng kaukulang mga kaso.

 

-0-

NAKADITINE ngayon sa Isulan Municipal Police Station ang 16 na Indian Nationals na dinakip ng mga otoridad kahapon.

Sa report ng Isulan PNP, hinuli ang nabanggit na mga dayuhan nang pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration, Isulan PNP at Army’s 6th Mechanized Brigade.

Pautang o 5-6 ang negosyo ng naarestong mga dayuhan na umano’y walang mga lisensya para sa pagpapatakbo ng naturang negosyo.

Hinanapan din ng kanilang mga pasaporte ang mga ito at iba pang mga dokumentong magpapatunay na ligal ang kanilang pananatili sa bansa.

Nanganganib na ma-deport ang mga naturang Indian nationals kapag napatunayang lumabag sa immigration law ng bansa.

 

-0-

 

ARESTADO ng pinagsanib na pwersa ng Parang PNP at Regional Mobile Force Battalion 14 ang dalawang mga drug suspects sa ikinasang buy bust operation.

Kinilala ni Parang PNP chief, Police Lt. Col. Ibrahim Jambiram ang mga nadakip na suspek na sina AMIRHASSIM IMAM DIMACOMPAS, ng Mangga Street, Brgy. Poblacion 2, Parang, at BACORE BARASER ZACARIA, 28 years old, na isang dating pulis na nag –AWOL at taga Sitio Facuma, Brgy. Pob.2, Parang.

Nakuha mula sa mga suspek ang limang sachets ng pinaniniwalaang Shabu at nabawi rin ang dalawang 500 peso bills na marked money.

Kalaboso na ngayon ang dalawa at nakatakdang sampahan ng kaukulang mga kaso.

 

-0-

 

Licensure Examination for Teachers o LET, isasagawa sa Kidapawan City bukas

Abot sa 4,356 na mga examinees ang kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) bukas araw ng linggo na gaganapin sa Kidapawan City. Maglalagay ng pitong mga testing centers ang Professional Regulation Commission (PRC) para sa 2,315 na mga Elementary LET examinees habang 2,041 naman sa Secondary LET examinees.

Kabilang sa mga testing centers ay ang Kidapawan City National High School main campus; Kidapawan City Pilot Elementary School; Central Mindanao Colleges; Notre Dame of Kidapawan College, Colegio de Kidapawan, Felipe Swerte Elementary School at ang Kidapawan Doctors College.

Karamihan sa mga LET Examinees ay magmumula pa sa mga karatig bayan ng lungsod na piniling dito kumuha ng pagsusulit upang magkaroon ng lisensya bilang Professional Teachers. Magpapalabas naman ng memo ang opisina ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na nag-uutos sa ilang mga empleyado ng City Government na tumulong sa paghahanap ng testing rooms at alalayan ang mga examinees. Ipatutupad ang seguridad sa paligid ng mga testing centers ng LET.

Pina-alalahanan naman ng alkalde ang mga nagmamay-ari ng mga business establishments, mga tricycle drivers at maging ang publiko sa pangkalahatan na igalang at ayusin ang pakikitungo sa mga examinees bilang pagpapakita na rin sa magandang imahe ng lungsod sa mga dayo at bisita nito. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mount Apo Trail sa Kidapawan City, muling bubuksan sa susunod na buwan – ayon sa City Tourism officer

Muling bubuksan ang Mount Apo Trail sa Kidapawan City sa oktubre matapos na pansamantalang isinara sa publiko noong mayo upang maiwasan ang sunog dahil sa epekto ng El-Nino.

Ito ang kinumpira kahapon ni Kidapawan City Tourism Officer Joey Recimilla, matapos anyang aprubahan ang resolusyon upang muling buksan ito sa publiko. Nabatid na una nang nagbukas ang trail ng Mount Apo sa Davao City noon pang Setyembre.

Napagdesisyunan ding bubuksan ang nasabing trail sa susunod na buwan dahil kailangan pang tapusin ang rehabilitasyon para sa mga climbers at trekkers na mula sa probinsya. Pero nilinaw ng opisyal na lilimitahan muna ang mga aakyat sa bundok sa limampu ka tao bawat araw.

Pag-uusapan pa rin City Tourism Council at ng Protected Areas Management Board (PAMB) ng DENR kung maaring makadaan sa Kidapawan City ang mga climbers na sa ibang trail dumaan dahil sila anya ang karamihan sa mga nag-iiwan ng basura.

Apela nito sa mga may planong umakyat sa bundok na maging responsable sa kani-kanilang mga basura at sundin ang mga dapat at hindi dapat gawin bago at maging nasa itaas na ng bundok. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Free rabies vaccination, castration at ligation sa mga aso’t pusa, tampok ngayong World Rabies Day sa Kidapawan City

Maglulunsad ng libreng bakuna, castration at ligation ang Veterinary Office kasabay ngayong World Rabies Day celebration ngayong umaga sa Kidapawan City.

Ayon kay Kidapawan City Veterinarian Dr. Eugene Gornez, ito ay bahagi na rin ng kanilang kampanya na mapabakunahan ang lahat ng mga aso at pusa sa lungsod maging ang kanilang kampanya kontra animal birth control population.

Target din ng tanggapan na mapalakas ang kanilang kampanya hindi lamang sa Barangay Poblacion kundi maging sa lahat ng mga Barangay sa Kidapawan City. Libre at walang limitasyon ang rabies vaccination habang first come first serve naman para sa castration at ligation.

Ang nasabing aktibidad ay gagawin sa City Plaza at pinapayuhang pumunta ng mas maaga upang magparehistro.

Tema ng World Rabies Day celebration ngayon taon “ Rabies: vacicinate to eliminate” NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pagkakakilanlan ng batang pinatay sa overpass ng Kidapawan City, tukoy na ng PNP

Kinuha na ng kanyang kaanak ang bangkay ng batang brutal na pinatay sa overpass ng Kidapawan City, umaga nitong Martes.

Kinilala ni Kidapawan City PNP Chief Lt. Col. Rammel Hojilla ang biktima na si Norhan Abag Pinagayao, 17-anyos, single na isang out-of-school youth at residente ng Sitio Benela, Barangay Biarong, Timanan, South Upi, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng pulisya, kahapon ay kinuha ng kanyang mga kapatid at ng brgy. Chairman ng Brgy Biarong ang mga labi ng biktima at agad ding inilibing batay sa kultura ng Islam.

Dagdag pa sa ulat na istilo ng biktima ang palipat-lipat ng lugar kung saan ito makakakita ng panibagong mga kaibigan na kapareho rin nitong out of school youth.

Ayon pa kay Hojilla patuloy pa rin nilang inaalam hanggang sa ngayon kung may kinabibilangan itong grupo at kung sino ang kumukupkop sa kanya habang ito ang nanatili sa lungsod.

Nabatid na si Pinagayao ang siyang pinakabatang biktima ng brutal na pagpatay sa Kidapawan City base sa datus mula nitong Enero sa lungsod. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Kabacan COMELEC Office, target na marehistro ang mahigit dalawang libong mga botante sa bayan ngayong aton

Target ngayon ng Commission on Elections o COMELEC sa Kabacan, North Cotabato na marehistro ang abot sa 2,000 na mga botante sa nagpapatuloy na isinasagawang voter’s registration sa bayan.

Ito ay bilang paghahanda na rin sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections. Ayon kay Kabacan election officer Ramon Jaranilla, nagsagawa rin sila ng voter's registration sa bawat mga baranggay sa bayan.

Bukas din anya ang kanilang opisina para sa mga nais pang humabol upang magparehistro kasabay ng pagtatapos sa itinkadang araw sa Lunes ,September 30.

Kailangan lamang anyang magdala ng kahit-anumang valid identification cards na nagpapatunay na residente ng bayan.

Maari ring magparehistro ang mga batang edad 15 anyos hanggang 17 anyos para sa SK elections, habang 18 years old pataas naman ang para sa mga boboto sa barangay elections. Kailangan din anyang pumunta sa tanggapan ng Comelec ang mga SK voters na 18 years old pataas na hindi pa nakuhanan ng biometrix pero kapag nakuhanan na ay automatic ng maging regular na botante.

 

 

-0-

 

Kaligtasan ng mga ilog sa lungsod sa Poliovirus tiniyak ng hepe ng Epidemiology and Surveillance Unit ng city health office ng Gensan

Ligtas pa rin sa poliovirus ang mga daluyang tubig at ilog sa General Santos City. Ayon kay Gensan City Health Office Epidemiology and Surveilance Unit Head Dr. Mely Lastimoso, ito ay batay sa resulta ng test sa mga water samples na kanilang isinagawa. Sinabi ni Lastimoso na regular na nagsasagawa ng water sampling ang city health office sa mga pangunahing ilog sa Gensan.

Ang mga ito ay ang mga ilog ng Silway-Klinan, Makar, Sinawal, Tinagacan, at Buayan na dumadaloy sa sentro ng lungsod. Layon nito na mamonitor ang posibleng pagkakaroon ng microorganisms at contaminants na maaring maging sanhi ng pagkakasakit ng mga mamamayan.

Gayunpaman, aminado si Lastimoso na dahil sa mataas na migration rate at malawak na baybayin mataas pa rin ang peligro ng polio sa Gensan.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Lastimoso mariin nila ngayong minomonitor ang mga komunidad lalong lalo na ang mga bagong salta sa nasabing lungsod.

Kaugnay nito, umapela si Lastimoso sa mga magulang na pabakuhanan ng kontra polio ang kanilang mga anak na nasa limang taong gulang pababa.

Ayon kay Lastimoso nakatakdang masagawa ng malawakang polio vaccination ang mga health personnel ng LGU sa General Santos City.

 

-0-

 

DILG Undersecretary pinuri ang mga LGU sa region 12 na nagdeklarang personan-non-grata sa CPP-NPA-NDF

Patunay na hindi lamang umaasa sa mga law enforcement agency ng gobyerno ang pagdeklara ng mga local government units o LGU bilang persona non grata sa mga rebeldeng grupo.

Ipinahayag ito ni Department of the Interior and Local Government o DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Maglaya.

Pinuri din ni Maglaya ang mga LGU na nagdeklarang persona-non-grata sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.

Sinabi ni Maglaya na ang pagpasa ng resolosyon ng mga Sanggunian laban sa rebeldeng grupo ay bilang pagtalima na rin sa “Whole-Nation-Approach” laban sa insurhensya ng pamahalaan.

Matatandaan na apat na mga local government units na sa region 12 ang nagdeklara sa CPP-NPA-NDF bilang persona non grata ngayong taon. Ang mga ito ay ang mga bayan ng T’boli at Tampakan sa South Cotabato; at Arakan at President Roxas sa North Cotabato.

 

-0-

 

Pito nasawi sanhi ng rabies sa lalawigan ngayong taon, ayon sa provincial veterinarian ng South Cotabato

Nakapagtala ng pito katao na binawian ng buhay dahil sa rabies ang Provincial Veterinary Office ng South Cotabato mula Enero hanggang ngayon Setyembre.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flora Bigot, mas mababa ito kumpara sa walo na kanilang naitala sa kaparehong panahon noong 2018 at 16 noong 2017.

Pero ayon kay Bigot nakababahala pa rin na karamihan sa mga nasawi sanhi ng rabies ngayon taon ay hindi nagpabakuna ng anti rabies. Meron namang ibang nakagat ng aso na hindi nakumpleto ang doses ng anti rabies vaccine. Ikinadismaya din ni Bigot ang pagiging iresponsable ng ilang mga dog owners sa South Cotabato.

Ayon kay Bigot, karamihan sa mga biktima ay nakagat ng mga asong gala o pinabayaan ng kanilang mga amo. Kaya panawagan ni Bigot sa mga mamamayan maging responsableng pet owner sa pamamagitan ng pagpapakuna sa kanilang mga alagang aso.

Naniniwala din si Bigot na makatutulong sa pagresolba ng problema ng rabies sa South Cotabato ang bubuksang dog impounding facility sa bayan ng Surallah.

 

-0-

 

Balay-Silangan para sa mga drug offenders bubuksan na rin ng PDEA at provincial government sa Tupi, South Cotabato

Ikinatuwa ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan ang pagbubukas ng Balay-Silangan Drug Rehabilitation Center sa bayan ng Tupi, South Cotabato ngayong araw.

Ang nasabing pasilidad ay pangalawa na sa region 12 matapos sa Malungon, Sarangani. Ayon kay Duquiatan ito ay una ring provincial-led na Balay-Silangan sa Soccksargen.

Ang Balay-Silangan ay magsisilbing reformatory center sa loob ng tatlong buwan ng mga drug personality na nakinabang sa plea bargaining ng korte. Layun din nito na matulungan ang mga drug offender na maging self sufficient , law abiding citizens at tuluyang mawaksi ang iligal na droga.

Ayon kay Duquiatan bukas din ang Bahay-Silangan sa mga sumukong drug personalities. Ito ay maaring tumanggap ng mula 50 hanggang 100 kliyente.

Sa ngayon ay inaayos na lamang ng pamahalaang panlalawigan ang pagbili ng mga gamot at iba pang pangangailangan sa nasabing pasilidad. Katuwang ng provincial government ng South Cotabato at PDEA sa pagtaguyod nito ang iba pang concerned na ahensya ng gobyerno tulad ng Deped, Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at maraming iba pa.

 

-0-

 

 Philrice Economist may payo sa mga rice farmers na apektado ng rice tarrification law

Magbenta ng palay sa mas mataas na presyo na hanggang P19 per kilogram sa National Food Authority o NFA. Ito ang payo ni Philrice Economist Alicia Mataia sa mga magsasaka na apektado ng pagpapatupad ng rice tarrification law.

Bukod dito ayon kay Mataia kikita din ng mas malaki ang mga magsasaka kung ang kooperatiba na mismo ang bibili at magbenta ng produkto ng kanilang mga myembro.

Sa pamamagitan kasi nito ayon kay Mataia ay maaring ibenta sa mas mataas na presyo sa mga trader ang palay na maiipon ng mga farmer cooperatives. Maliban sa mga ito ang mga magsasaka na apektado ng RTL ay maari ring makinabang sa mga programa sa pautang ng Department of Agriculture.

Pinakabago sa mga ito ang Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers o SURE Aid Program. Ang nasabing programa ay ipinatutupad naman ng attached agency ng DA na Agricultural Credit Policy Council o ACPC. Ang mga magsasaka ay maaring magloan sa nasabing programa ng hanggang P15,000 na babayaran ng walang interest sa loob ng walong taon.

 

-0-

 

 

NATIONAL NEWS………………..

 

Balik-operasyon na ang Keno Game at Instant Sweepstakes o Scratch It ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.

Inanusyo ng PCSO na binawi na ni Pangulong Duterte ang umiiral na suspensyon sa KENO Game at Scratch-It.

Dahil dito ayon sa PCSO, epektibo ngayong araw, September 28, ay magsisimula na muli ang ticket sales at draws para sa KENO at Scratch-It sa bansa.

-0-

 

Inaasahan ng Comelec na dadagsa ang mga magpaparehistro sa huling araw ng voter’s registration nito sa Lunes, September 30.

Dahil dito naglabas ng kautusan ang Comelec na naglalatag ng panuntunan na susundin sa huling araw ng voter’s registration.

Una kapag inabutan ng alas tres ng hapon, lahat ng aplikante na nasa 30-meter radius mula sa office of the election officer ay tatanggapin pa rin ang aplikasyon.

Ikalawa, dapat nasa linya ang nagpaparehistro kapag tinawag na ang pangalan.

Ikatlo, kung natawag ang pangalan dapat ay makapag-biometrics ito.

Maglalagay din ng express lanes ang Comelec para sa mga matatanda, Persons with Disabilities at mga buntis.

 

 

-0-

 

Binuweltahan ng Malakanyang ang pag-apruba ng U.S. senate committee na amyendahan ang panukalang pagbabawal na makapasok ng Amerika ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.

Tinawag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na “insulting” at “offensive” ang naturang hakbang.

Aniya, ang naging aksyon ng U.S. Senate panel ay tangkang pangingialam sa proseso ng batas sa Pilipinas lalo na’t dinidinig ang kaso ni De Lima sa mga lokal na korte.

Sinabi ni Panelo na layong nitong gipitin o pwersahin ang mga independent institution na makakaapekto sa soberenya ng bansa.

Dagdag pa nito, insulto ito sa kapasidad ng mga otoridad sa Pilipinas para ipalabas na ang US Senate Panel lamang ang nakakaalam ng tama at nararapat.

Isa aniya itong “outright disrespect” sa pagsunod ng mga Pinoy sa batas.

PDEA shuts down drug den in Cotabato City, arrests 4, seizes P170K shabu

COTABATO CITY - Joint elements of PDEA BARMM Drug Enforcement Officers, Police Station 2, Cotabato City Police Office, and PNP Maritime conducted a...

P6.8-M worth shabu seized in another Lanao del Sur PDEA bust

COTABATO CITY - Anti-narcotics agents confiscated P6.8 million worth of shabu from two dealers who fell in another entrapment operation in Lanao...

BTA backs Cha-Cha moves

COTABATO CITY - The Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament has expressed support to calls for charter change to resolve...

OPAPRU assures corruption has no place in MILF decommissioning process

MANILA – The Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) assured that it would not tolerate irregularities in...

CIDG agents arrest in North Cotabato 2 men wanted for illegal drugs, murder in BARMM

PIGCAWAYAN, North Cotabato - KAKALABAS pa lamang sa pagamutan ng dalawang mga wanted persons nang arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation...