Thursday Feb, 09 2023 07:50:24 PM

NDBC BIDA BALITA (9.30.19)

NDBC BALITA • 16:30 PM Mon Sep 30, 2019
1
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Validation Team ng DILG-12, tutungo sa Cotabato City para inspeksyunin ang ipinatutupad na road clearing sa lungsod.

2. Barangay Kagawad, BPAT member at isa pa, patay sa panibagong kaso ng pamamaril sa Pikit, North Cotabato

3. Gensan PNP, nanawagan sa mga mamamayan na maging mahinahon matapos kumalat ang police memo na naglalaman ng terror plot sa nasabing syudad

4. Wanted man sa kasong rape, naaresto ng PNP sa Carmen, North Cotabato 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

TUTUNGO sa Cotabato city ang 10-Man validation team ng Department of the Interior and Local Government o DILG - 12 ngayong October 3 para alamin kung sumunod ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa Memorandum Circular 2019 - 121 ng DILG.

Sinabi ni City Engineer Samuel Jorolan na handa naman sila sa gagawing inspeksyon ng validation team dahil sa ngayon aniya, nasa 95 percent nang kumpleto ang kanilang ipinatutupad na road clearing operations.

Ayon kay Jorolan, bago sumapit ang October 3 ay inaasahan nilang makukumpleto na ang road clearing.

Nabatid na kahit nitong weekend ay walang tigil ang city engineering office sa pagtanggal ng lahat ng mga road obstruction sa lungsod kabilang na ang ilang mga extension ng mga tindahan at sign board at maging ang mga waiting shed.

 

-0-

 

IPATUTUPAD NA simula bukas, October 1, sa Cotabato city ang pagbabawal ng paggamit ng plastic bilang secondary packaging sa mga bibilhing produkto.

Sinabi ni Cotabato City - Community Environment and Natural Resources Officer Boyet Saavedra na simula bukas ay maglilibot na sa buong lungsod ang 20 mga trained personnel para tiyaking ipinatutupad ang city ordinance 4203.

Nilinaw naman ni Saavedra na ang maaari pa ring gumamit ng plastic bags bilang primary packaging ng mga bibilhing produkto sa palengke gaya ng mga karne at gulay.

Pero aniya, hindi na ito maaari pang ilagay sa isa pang plastic bag bilang pangalawang pambalot.

Ayon kay Saavedra, bawal naman gumamit ng plastic bags bilang lalagyan ng mga pinamiling grocery items at iba pang mga produktong meron ng primary packaging o dati ng nakabalot.

Sa unang taon ng implementasyon ng ordinansa, tatlong araw pa maaaring gumamit ng plastic.

Sa ikalawang taon ay isang araw na lamang maaaring gumamit ng plastic at sa ikatlong taon ng pagpapatupad nito ay buong linggo nang ipagbabawal ang paggamit ng plastic.

Kaya payo ni Saavedra sa mga mamamayan ng lungsod, ugaliin na ang pagdala ng sariling eco-bags o kaya ay mga bayong tuwing mamimili.

 

-0-

 

Timbog ang dalawang mga lalaki sa drug buy bust operation ng Police Station 1 at PDEA-BARMM sa Purok Lawan, Mother Barangay Bagua, Cotabato City

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Jhonny Kasim, 41 anyos may asawa isang shoe repairman, at Musaman Lakim Ismail, 20 anyos, single, self-employed at parehong nakatira sa nabanggit na lugar.

Sa report ng Police Station 1, napagbentahan ng mga suspek ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha mula kena Kasim at Ismail ang pitong sachets ng shabu at mga drug paraphernalia.

Nabawi rin sa mga ito ang 500 peso bill na marked

 

-0-

 

BUMUO NA ng Special Investigation Task Force ang Malabang PNP kasunod ng nangyaring pamamaril at pagpatay sa isang dating ABC President ng bayan at ngayon ay kasalukuyang Chairman ng Barangay Campo Muslim. 

Sinabi ni Malabang PNP chief, Police Lt. Karl Vince Centinaje na simula bukas ay mag-iimbestiga na ang naturang task force kaugnay ng pagpatay sa biktimang si Barangay Chairman Aksara Marohomsalic Balindong noong hapon ng September 26.

Dagdag ng opisyal na isa lamang sa mga anggulong kanilang pinag-aaralan ngayon ay ang away pamilya o rido pero bukod dito ay mayroon pa silang ibang motibo na pinag-aaralan.

Matatandaan na habang nakatayo lamang sa labas ng isang money changer shop ang biktima nang lapitan ng riding tandem criminals at agad na pinagbabaril ng limang beses sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

 

-0-

 

DALAWA KATAO ang nasawi habang 11 iba pa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang pampasaherong jeep sa Kalamansig, Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga namatay na sina Jamil Ampatuan Guiampaca, bente-anyos, at Naif Pagatan Etto, pitong taong gulang at pawang mga taga -Cotabato City.

Batay sa ulat ng Kalamansig PNP, sakay ang mga biktima sa isang Bongo jeep mula Cotabato City at patungo sana ng Balut Island, pero pagsapit ng matarik na bahagi ng kalsada sa Sitio Babancao, Barangay Paril, Kalamansig, ay bigla na lamang bumigay ang preno ng sasakyan.

Dahil dito ay hindi na na-control ng driver na si Sammy Sedik Alimao ang manibela ng jeep at dire-diretso na itong nahulog sa bangin.

Agad namang rumesponde ang rescue volunteers ng Kalamansig at dinala sa Sultan Kudarat District Hospital ang mga sugatan habang ang iba pang pasyente ay inilipat sa Cotabato Regional Medical Center sa Cotabato City.

Karamihan sa mga biktima ay mga estudyante na nagkayayaang mag swimming sa Balut Island.

Samantala, siyam katao rin ang sugatan matapos na tumagilid ang isang pampasaherong bus sa Ezperanza, Sultan Kudarat.

Sa report ng Esperanza PNP, nanggaling ng General Santos City ang Husky Bus at papuntang Cotabato City nang mawalan umano ng balanse at tumagilid sa kahabaan ng Brgy New Tarlac, Ezperenza hanggang sa mahulog sa isang creek.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng Husky Bus Company na tutulungan ang mga sugatang pasahero sa pagpapagamot.

 

-0-

 

Gensan police director nanawagan sa mga mamamayan ng maging mahinahon matapos kumalat ang police memo na naglalaman ng terror plot sa nasabing syudad

Umapela si General Santos City Police Director, Col. Aden Agradante sa mga mamamayan sa nasabing lugar na maging mahinahon.

Kasunod ito ng pagkalat ng police memo na nagsasabing may banta ng pangaatake ng teroristang grupo sa ilang establisemento sa Gensan.

Kinumpirma ni Agradante na sa kanya ang memo na naguutos sa walong police stations sa Gensan na paigtingin ang pagbabantay ng seguridad. Ito ay matapos mabatid sa isang “reliable” source ang planong pagsagawa ng terroristic activities ng grupo umano ng bombing suspek na si Joeffrey Nilong alyas Momoy sa Gensan.

Ang wanted na si Nilong ay pangunahing suspek sa pagsabog sa harap ng isang lying-in clinic na ikinasugat ng walo katao sa Gensan noong September 16,2018. Nakalagay sa nasabing memo na target na pasabugan umano ng 60 mm at 81 mm mortars ang dalawang mall at city central market.

Pero gayunpaman ayon kay Agradante, ang mga ito ay maikokonsiderang soft targets dahil mayroon nang security measures ang mga otoridad para mapigilan ang pangaatake. Payo naman ni Agradante sa mga mamamayan iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar.

Dinagdag din nito na hindi dapat nag-leaked ang nasabing memo na nagsimulang kumalat sa social media noong September 24. Ito ay para hindi magdulot ng pangamba sa publiko.

Sinabi ni Agradante na para hindi na ito maulit, may bago nang sistema na ipinatutupad ngayon ang Gensan PNP Nanatili pa rin ang alert level 3 sa General Santos City dahil sa patuloy na banta sa seguridad at Martial Law sa Mindanao.

 

-0-

 

Road clearing operation ng mga local government units isasailalim na sa validation ng DILG

Sisimulan na ngayong araw ng mga kawani ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang validation sa road clearing operation ng mga local government units sa buong bansa.

Kasunod ito ng pagtatapos kahapon ng 60 araw na palugit na ibinigay ng nasabing ahensya sa mga LGU. Ipinahayag ito ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya. Umaasa si Malaya na matatapos ng DILG ang validation sa loob ng dalawa hanggang tatlong lingo.

Ito ay para matukoy kung sino ang mga gobernador at alkalde na hindi tumalima sa kanilang utos. Ayon kay Malaya ang mga local chief executive na nakitaan ng DILG na bigo sa road clearing ay bibigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag matapos padalhan ng show caused order. Pero ayon kay Malaya kapag hindi nakuntento ang DILG sa kanilang tugon sa show caused, isusumite ang kanilang pangalan kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magsusupinde sa kanila.

 

-0-

 

Regional Director ng National Meat Inspection Services may may panawagan sa mga LGU para makatulong sa pagmonitor sa African Swine Fever disease

Magtatag o i-reactivate ang kanilang Task Force Bantay Karne. Ito ang panawagan ni National Meat Inspection Services o NMIS 12 Regional Director Myrna Habacon sa mga local government units sa rehiyon.

Ayon kay Habacon mahalaga ang nasabing Task Force para mayroong magmonitor sa pagkatay at bentahan ng mga karne sa mga bayan at syudad ng Soccksargen.

Sa pamamagitan nito ayon kay Habacon ay matutulungan ang mga nasa meat at swine industry na labanan ang banta ng African Swine Fever o ASF. Aminado si Habacon na hindi kasi lahat ng lugar sa region 12 ay kayang imonitor ng Regional Task Force bantay Karne ng NMIS sa lahat ng pagkakataon.

Sinabi ni Habacon na sa ngayon tanging aktibo pa lamang ang Task Froce Bantay karne ng General Santos City. Sa Koronadal, para mabantayan ang mga ibinabyaheng hayop lalong lalo na ang mga baboy naglagay ng quarantine check points sa mga entry at exit points ng syudad ang city veterinary office.

 

-0-

 

Bagsakan Centers sa produkto ng mga magsasaka ipatatayo ng pamahalaang panlalawigan sa South Cotabato

Magpapatayo ang provincial government ng South Cotabato ng mga makabagong Bagsakan centers sa bayan ng Tupi sa unang distrito at Surallah sa ikalawang distrito ng lalawigan. Ito ay ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr.

Ayon kay Tamayo maaring dalhin ng mga magsasaka sa mga bayan ng Polomolok, at Tampakan sa bagsakan center sa Tupi ang kanilang mga produkto. Sinabi ni Tamayo dahil sa mayroon nang gusali sa may dalawang ektaryang lupain una ring bubuksan ang Bagsakan Center sa tupi.

Habang ang bagsakan center sa Surallah ay magsisilbi sa mga magsasaka sa Upper Valley Area ng lalawigan.

Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Lake Sebu, Banga, Sto. Nino at Norala. Sinabi ni Tamayo na ang mga ipatatayong Bagsakan centers ay lalagyan ng cold storage facilities para hindi kaagad masira ang mga high value crops.

Naniniwala din si Tamayo na ang pagbubukas ng Bagsakan Center sa labas ng Koronadal ay makatutulong para maibsan ang problema ng trapiko sa syudad. Ipinahayag ito ng Gobernador sa Provincial Development Council o PDC meeting.

Kinatigan ng PDC ang hiling ni Tamayo na maghanap ng funding agency na makatutulong sa financing ng cold storage facility sa mga Bagsakan centers na nagkakahalga ng mahigit P100 million.

 

-0-

 

DA pinaghahandaan na ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act.

Nagsagawa ng public consultation hinggil sa Sagip Saka Act ang Department of Agriculture o DA Central Office at DA 12 sa Soccksargen at Bangnsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao BARMM.

Layon nito na makapagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations o IRR para sa nasabing batas. Ininuutos nito ang pagbuo ng DA ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program .

Ayon kay DA 12 Regional Executive Director Milagros Casis, isinusulong nito ang pagtatayo ng mga negosyo na magbebenta ng mga agri-fishery products.

Ipinahayag ni Casis na tutulong ang DA sa production and productivity, financing sa pamamagitan ng credit grants at crop insurance, research and development, at business support. Ang papapatupad sa Sagip Saka Act ay pinamamahalaan ng Agribusiness and Marketing Division ng DA.

 

-0-

 

Kidapawan City COMELEC office, nagpa-alala sa huling araw ng voter’s registration ngayong araw

Nagpa-alala ngayon ang Commission on Election o COMELEC sa mga hindi pa nakapagrehistro na magparehistro na bilang botante sa Kidapawan City kasabay ng pagtatapos ng voter’s registration ngayong araw.

Sa naging panayam kay City Election officer Angelita Failano, sa ngayon meron ng higit sa 6,700 ang nag-apply bilang botante sa 2020 elections at kung maaprubahan ang lahat ito ay dadagdag na sa mahigit 74,000 active voters ng lungsod.

Sa nasabing bilang, maari ring hindi maaprubahan ang ilan kung mapatunayang hindi taga Kidapawan City at kung kulang ang kanilang mga dokumento. Anya, posibleng sa susunod na buwan nila maipapalabas ang kumpletong listahan ng mga naarprubahang aplikante. Panawagan naman ng opisyal sa mga hindi pa nakapagrehistro na taga lungsod na maaaring bumisita sa tanggapan ng COMELEC at humabol sa huling araw ng voter’s registration dahil hindi na anya sila magbibigay pa ng palugit.

Magpresinta lamang ng isang valid identification card at paglilinaw din nitong tumatanggap din sila ng mga resibo ng kahit anumang service provider.

 

-0-

 

Barangay Kagawad, BPAT member at isa pa, patay sa panibagong kaso ng pamamaril sa Pikit, North Cotabato

DEAD on the spot ang tatlo ka tao kabilang ang isang incumbent Barangay kagawad at dating Punong makaraang pagbabarilin ng maraming beses sa Sitio Vilo, Barangay Takepan, Pikit, North Cotabato alas 6:45 ng gabi nitong sabado.

Ayon sa imbestigasyon ng Pikit PNP, nakilala ang mga biktima na sina Andrew Cayona Lumibao, 53 anyos, may asawa, isang Barangay Kagawad ng, Michael Abar Arroyo, 36 years old, married, BPAT member at Robert Lopez Cayona, 59 years old, may asawa na lahat residente sa nasabing Barangay.

Sinasabing pinagbabaril ng di pa nakikilalang suspek na sakay ng kulaay gray na sasakyan ang mga biktima habang nag-iinuman lamang sa harap ng isang tindahan sa naturang lugar. Nagtamo ng ibat-ibang sugat sa katawan ang mga biktima mula sa di pa matukoy na uri ng armas dahilan ng kanilang pagkamatay habang tumakas naman ang mga suspek sa Barangay Batulawan.

Hanggang sa nagyon ay hindi pa batid ng PNP kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagbaril at pagpatay sa mga biktima. Patuloy pa ang pursuit operation ng Pikit PNP upang mahuli ang responsible sa pinakahuling kaso ng pamamaril sa bayan. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mahigit 100 mga pulis ng Kidapawan City PNP sumailalim sa Marksmanship and Firearms Proficiency

Sa layuning mapanatili ang kahusayan ng mga alagad ng batas sa larangan ng kanilang shooting skills, nagsagawa ng Marksmanship and Firearms Proficiency ang Kidapawan City PNP, sa Shooting Range, CPPO headquarters, Amas, Kidapawan City nitong Sabado.

Abot naman sa 106 na mga PNP personnel ang sumailalim sa nasabing aktibidad na naglalayong mahasa pa ang kahusayan ng mga pulis at mapanitili ang tiwala sa sarili pagdating sa paghawak at paggamit ng kanilang mga arnas.

Sa naturang aktibidad dadaan sa iba't-ibang hakbang ang mga pulis at ang puntos na kanilang makukuha ay nakabatay naman sa kanilang galing sa pagpapaputok ng long (M16 rifle) at shortfirearms ( na 9mm at 45 caliber pistol).

Katuwang ng PNP ang Mt.Apo Shooters Association na siyang nagbibigay ng marka sa mga sasailalim sa iba't-ibang pagsubok. Base sa resulta na hinati sa tatlong kategorya, nanguna sa Special Weapons and Tactics o SWAT Team bilang pinakamahusay si PSSg Rhino Ramos, sinundan ni PCpl Rudy Gonzales Jr at ni Patrolman Lucky Christian Tape.

Sa MALE Category naman, nanguna si PCpl Eric Gadat, sinundan ni PStaff MS Alfredo Calunsag at PMSgt Elson Gadat. Sa FEMALE Category, nanguna si PCMS Heidi Divinagracia na sinundan ni PLT Razel Enriquez at PCpl Jennifer Ramos. Samantala, sinagot naman ng alkalde ng lungsod ang papremyo sa mga nanguna rito at maging ang mga balang ginamit ng mga pulis kung saan abot sa mahigit isang daang libong piso (100,000) ang kabuuang halaga ng mga ito. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Magsasaka na drug suspek, arestado sa ikinasang search warrant operation ng PNP sa Kidapawan City

Arestado ang isang 42 anyos na lalaki sa isinagawang search warrant operation ng PNP sa Purok 4, Barangay Ginatilan, Kidapawan City kahapon.

Sa ulat ng PNP, nakilala ang suspek na si Elmer Padillo Frias, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar. Sa bisa ng search warrant na pirmado Judge Arvin Sadiri Balagot ng RTC Branch 17 ay pinasok ng Kidapawan City PNP, RPDEU 12 at ng PDEA 12 ang bahay ni Frias alas 12:00 ng tanghali kahapon kung saan nakuha ang apat na sachets ng pinaghihinalaang shabu, iba pang dalawang medium size at maging drug paraphernalia.

Kulong na ngayon ang suspek sa custodial facility ng City PNP at kakaharapin ang kasong paglabag dangerous drugs Act of 2002. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Wanted person dahil sa kasong panggagahasa, arestado sa Carmen, North Cotabato

Nahulog na sa kamay ng mga otoridad ang isang lolo na matagal nang nagtatago sa batas alas 12:50 ng tanghali sa Barangay Kibudtungan, Carmen, Cotabato. Kinilala ang suspek na si Ursenito Ca-ay Maribao Sr, 67 years old, may asawa at residente rin ng nabanggit na lugar.

Dala ng PNP ang warrant of arrest dahil sa kasong panggagahasa na inisyu ni Alandrex M. Betoya, presiding judge RTC branch 16, Kabacan, Cotabato.

Ayon sa Carmen Police, matagal na umanong nagtatago ang suspek sa Barangay Langub, Talomo District at nang namataas sa bayan ng Carmen ay dito na ikinasa ang operasyon. Kulong na ngayon ang wanted person at kakaharapin ang kasong isinampa laban sa kanya. NDBC BIDA BALITA

2 killed in latest gun attacks in Cotabato City

COTABATO CITY - Two were killed, one of them a woman, while another was hurt in separate gun attacks in busy spots here Wednesday. Col. Querubin...

BARMM building 9 village halls in Cotabato City

  COTABATO CITY  – The Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) has poured a total of PHP31.5 million for the...

NDBC BIDA BAITA (Feb. 9, 2023)

HEADLINES 1   ARMY Special Forces at MILF, muntik magkaputukan sa Maguing, Lanao del Sur; MILF humiling sa Army na ibaba muna ang armas...

3 biktima ng pamamaril sa Cotabato City, 2 patay, isa sugatan

  PATAY ang isang babae habang sugatan naman ang isa pa, nang pagbabarilin ng mga di pa tukoy na suspek pasado alas tres ng madaling araw...

Army Special Forces at MILF, muntikan nang magkaputukan sa Lanao del Sur

COTABATO CITY - MUNTIKAN NANG MAGKASAGUPA ang Philippine Army Special Forces at mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF, ang armed wing...