Sunday Apr, 21 2024 04:15:24 AM

NDBC BIDA BALITA (Dec. 14, 2019)

NDBC BALITA • 06:15 AM Sun Dec 15, 2019
1
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

DECEMBER 14, 2019 (SAT)
7:00 AM

HEADLINES:

1. Bilang ng mga nasawi sa Tacurong Friday the 13th highway mishap, umabot na sa pito.

2. MGA PANUNTUNAN sa live media coverage ng inaabangang promulgation o pagbababa ng hatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre case, inilabas na ng Korte Suprema.

3. HINDI NA PAGPAPALAWIG pa ng umiiral batas militar sa Mindanao, wala umanong epekto sa mga mamamayan ng North Cotabato, ayon sa PNP

3. TULONG sa 19 pang mga sumukong miembro ng NPA, tiniyak ng gobernador ng South Cotabato

4. Malacañang, iginiit na nagsumite na ng 2018 SALN si Pangulong Duterte ngunit hindi raw ito obligadong ibahagi sa publiko.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

Nasawi sa karambola ng limang mga sasakyan sa Tacurong City, Sultan Kudarat umabot na sa pito katao, ayon sa PNP

Pinakahuling binawian ng buhay sa vehicular crash na naganap madaling araw ng Friday the 13th sa Tacurong City, Sultan Kudarat ang limang taong gulang na si Najib Mamusaka.

Ayon kay Tacurong Chief of Police, Lt. Col, Rey Egos ang batang biktima ay binawian ng buhay habang ginagamot sa isang pribadong ospital.

Ayon kay Egos, inamim ng driver ng Mitsubishi Montero na si Dr. Omar Shariff Acob at driver ng Toyota Hi Lux Vehicle na sila ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin nang mabangga ng minamanehong mga sasakyan ang tricyle na sinakyan ng mga biktima pasado alas kwatro ng madaling araw kahapon.

Si Cerebo at tatlong mga kasama sa Toyota pick up ay sugatan habang isa sa tatlong mga pasahero ni Acob sa Mitsubishi Montero ay binawian ng buhay. Kinilala itong si Atong Untong, 29 years old ng President Quirino, Sultan Kudarat.

Ang mga ito ay galing umano ng Christmas Party at papunta ng President Quirino nang maganap ang vehicular crash. Ayon sa mga saksi hindi umano napansin ng driver ng dalawang mga sasakyan na mabilis ang takbo ang tricyle na may walong mga sakay sa Alunan Avenue, Tacurong.

Inihahanda na ng PNP ang mga kasong reckless imprudence resulting to homicide, injuries and damages to properties laban kina Acob at Cerebo na naka-detain sa Tacurong City Police Station.

Kinilala naman ni Egos ang mga died on the spot sa vehicular crash na sina Najmea Kusain Mamusaka at mga anak nitong sina Juhaiber, 12, Juhaina, 9, Juhaira, 3 at Juhairi, 1 year old, pawang mga nakatira sa Barangay Uhaw, Gen. Santos City.

Habang ang ama naman ng kanilang tahanan na si Nasser 33 years old, tricycle driver at ang dos anyos na isa pang anak na si Aipa ay kritikal sa isang pribadong ospital sa TAcurong. Kaugnay nito, umapela si Egos sa publiko na para iwas aksidente huwag magmaneho ng lasing.

Pinaalalahanan din nito ang mga tricycle driver na umiwas sa centerline ng highway na para lamang sa mga sasakyan na mabilis ang takbo. Ang nasawing biktima ay agad na ipinalibing ng kanilang mga kaanak ng naayon sa tradisyon ng mga Islam.

 

-0-

 

INILABAS NA ng Korte Suprema ang guidelines o panuntunan para sa live media coverage sa inaabangang promulgation o pagbababa ng hatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre case.

Sa apat na pahinang dokumento na pirmado nina Supreme Court Administrator Atty. Midas Marquez at Supreme Court Spokesman Atty. Brian Hosaka, inilatag ang panuntunan para sa maayos na coverage ng media sa December 19 sa Metro Manila District Jail o Annex 2 sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.

Ang government TV network na PTV-4 ang magsisilbing media pool na siyang tanging papayagan na makapag set-up ng kanilang broadcast equipment sa loob ng korte.

Ang PTV-4 ang magbibigay ng signal feed sa iba’t ibang media networks para sa live broadcast ng promulgation.

Hindi papayagan ng SC ang anumang komentaryo ng sinumang eksperto habang isinasagawa ng proseso ng promulgation.

Sinabi ng SC na dapat na isahimpapawid ng PTV-4 ang promulgation nang walang anumang interruption o patalastas.

Dahil sa limitadong ispasyo sa korte, maglalaan ang SC ng hiwalay na media room para sa mga mamamahayag na magkokober ng promulgation kung saan maglalagay din ang SC ng television monitor para masubaybayan ang pangyayari sa loob ng korte.

Isang reporter lamang bawat media outfit na accredited ng SC ang papahintulutan sa loob ng naturang media room.

Bawal din ang photographer o videographer sa loob ng courtroom dahil tanging ang dalawang camera lamang ng PTV-4 at ang official photographer ng Supreme Court P-I-O ang papapasukin.

Ang isang camera ay dapat na nakatutok lamang kay Judge Jocelyn Solis- Reyes o sa kung sinuman ang magbabasa ng desisyon at dapat ay wide shot ang anggulo ng camera.

Ang ikalawang camera naman ay dapat na nakatutok lamang sa mga abugado o partido sa kaso at dapat ay wide shot din ang anggulo ng camera.

Ipagbabawal din ang anumang media interviews sa loob ng courtoom at sa loob ng MMDJ Annex 2.

Sa halip, magtatalaga ang SC ng lugar sa labas ng BJMP facility at papayagan lamang ang interview pagkatapos na ng promulgation.

Ang mga accredited media ay dapat na magparehistro bago mag alas otso ng umaga.

Mahigpit na ipagbabawal sa loob ng courtroom ang cellphone, audio recorder, video recorder at iba pang kahalintulad na gadgets.

Ayon sa SC, ang sinumang media na lalabag dito ay agad na palalabasin.

 

-0-

Umaasa naman si Maguindanao 2nd District Rep. Toto Mangudadatu na “guilty” ang magiging hatol sa mga suspek ng 2009 Maguindanao massacre sa susunod na linggo.

Ayon kay Mangudadatu, tila pahiwatig umano ang pagpayag ng Korte Suprema sa live media coverage sa promulgation ng kaso sa December 19 na “guilty” ang magiging hatol sa mga suspek.

Subalit sa ngayon, ayon sa kongresista, habang naghihintay ng paborableng desisyon ng korte laban sa mga suspek ay magiging maingat sila at ang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre dahil sa mga tinatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay.

Iginiit naman ni Mangudadatu na ang kanyang pananampalataya na lamang ang kanyang kinakapitan para malampasan ang sampung taong paghihintay ng hustisya.

Kabilang ang asawa at dalawang mga kapatid ni Cong. Mangudadatu sa 53 katao napatay sa Maguindanao massacre, habang 32 sa mga biktima ay pawang mga mamamahayag.

 

-0-

 

ARESTADO ang dalawang drug suspects sa inilunsad na buy bust operation ng PNP pasado alas singko ng hapon kahaponsa Governor Gutierrez Avenue, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Mila Vicente Lim, 53 anyos, walang asawa, cook na residente ng nabanggit na lugar at isang Anthony Mansinares Ebon, 32 anyos, self employed at taga-Peñafrancia Village ng lungsod.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na sachets ng pinaghihinalaang shabu, tatlong disposable lighters, empty plastic sachets, foil, dalawang improvised glass tooter at nabawi rin sa mga ito ang 500 peso bill na ginamit bilang marked money.

Naaresto ang suspek ng pinagsanib pwersa ng Police Station 3 sa pangunguna ni Deputy Chief of police Police Lieutenent Canda Camsa, 1404th, RMFB 14-BARMM sa pangunguna ni Police Major Arturo Rivera Jr., PDEA BARMM at ng mga opisyal ng Barangay Rosary Heights 7.

 

-0-

 

Duguan nang isugod sa pagamutan ang dalawa katao matapos na magtamo ng mga sugat sa katawan nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa national highway na sakop ng Barangay Labungan, Datu Odin Sinuat, Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Baina Eson, 54 anyos at anak nitong si Bidra Eson, 19, pawang mga residente rin ng nabanggit na bayan.

Base sa inisyal na ulat, pasado ala una ng hapon kahapon habang magkaangkas ang mag ina sa kanilang motorsiklo at dadalaw sana sa kanilang mga kamag anak sa Rajah Buayan nang maganap ang aksidente.

Nawalan kasi ng preno ang kanilang motorsiklo at magpagewang gewang ng takbo hanggang sa tuluyan silang natumba.

Tumama ang katawan ng dalawa sa sementadong kalsada dahilan upang magtamo ng sugat sa ibat ibang parte ng kanilang katawan.

Pinaka malubha si Ginang Eson na nabagok ang ulo ng dahil sa insidente.

SAMANTALA, halos walang malay namang isinugod sa pagamutan ang isang lalaki matapos na magtamo ng maraming mga sugat sa katawan nang pagtulungan umano siyang bugbugin ng mga kapitbahay sa Barangay Labungan, Datu odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si JHONNY KELESTE, 54 anyos, Karpetero.

Base sa kwento ng kasamahan ng biktima, pinagalitan umano ni Keleste ang mga batang nagkakalat sa kanyang bakuran at ikinagalit umano ito ng mga magulang ng mga bata kaya siya sinugod at pinagtulungang bugbugin.

Patuloy na nilalapatan ng lunas hanggang sa kasalukuyan si Kaleste sa pagamutan.

 

-0-

 

NAGPULONG MULI sina Pangulong Duterte at Moro National Liberation Front o MNLF founding chair Nur Misuari sa Davao City kahapon.

Sinabi ni Sen. Bong Go na nagkaroon ng mabungang diskusyon sina Duterte at Misuari kasama ang mga miyembro ng government peace panel at Peace Coordinating Committee.

Nais ng presidente na matamo ang kapayapaan sa Mindanao bago pa matapos ang kanyang termino sa 2022.

Nagpasalamat naman umano ang presidente kay Misuari para sa suporta nito sa gobyerno.

Tiniyak ni Duterte sa MNLF official na seryoso ang pamahalaan sa layuning matamo ang kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.

 

-0-

 

Business renewals, palalawigin pa ng lokal na pamahalaan sa Kidapawan sa susunod na taon

Pumayag na ang Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan hinggil sa extension ng Business Permit and Licensure renewal sa susunod na taon hanggang sa March 2020.

Layon nito na mabigyan nga pagkakataon at matulungang makabawi ang mga maliliit at malalaking negsoyante na biktima din ng lindol sa Kidapawan City. Magpapalabas naman ng isang Ordinansa ang SP ano mang araw mula ngayon para sa kaalaman na rin ng publiko.

Siya namang kinumpirma ni City Councilor Carlo Agamon SP Chair ng Committee on Commerce Trade and Industry at Economic EEnterprise. Karaniwan na kasing ginagawa ng City Government ang pagpo-proseso ng lahat ng business permits ng mga negosyante mula January 1 hanggang January 20. Pinalawig ito hanggang March 2020 para mabigyan ng sapat na panahon at pribilehiyo ang mga negosyanteng makabawi matapos ang kalamidad.

Kaugnay nito, unti-unti na ring nagbubukas ang ilan pang mga business establishments sa lungsod na nasira dulot ng kalamidad.

 

-0-

 

Pagpapanatili ng kalinisan sa mga evacuation center at kalusugan ng mga bakwit, patuloy na tinutugunan ng IPHO sa North Cotabato

Bukod sa pangangailangan ng pagkain at gamit ng mga Internally Displaced Persons o IDP’s tinututukan rin ngayon ng Integrated Provincial Health Office ng North Cotabato ang kalinisan sa lahat ng mga evacuation centers at maging ang kalusugan ng mga bakwit.

Karamihan kasi sa mga kabataan at ilang matatanda sa mga evacuation centers lalo na sa bayan ng Makilala ay nagkakasit na dahil sa walang maayos na bahay pahingahan.

Ayon kay IPHO head Dra. Eva Rabaya, pinaka karaniwang sakit ng mga bakwit ay lagnat, ubo at sipon na kadalasan ay mga bata ang biktima.

Dahil na rin sa pagbabalik ng polio sa Pilipinas at may naiulat na ring positibong kaso nito sa Mindanao particular sa Cotabato City at Midsayap sa North Cotabato, tinutugunan rin ng Department of Health ang pagpapanatili ng kalinisan at paglalagay ng mga temporay toilets.

Pero sa ngayon, wala namang nakikitang posibleng pagmululan ng polio virus sa mga evacuation centers sa probinsya. Payo din niya na dapat ilagay sa tamang lagayan ang kanilang mga basura upang mapanatili ang kalinisan sa loob at labas ng evacuation center.

 

-0-

 

Hindi pagpapalawig ng umiiral batas militar sa Mindanao, wala umanong epekto sa mga mamamayan ng North Cotabato ayon sa PNP

Wala umanong epekto sa mamamayan ng North Cotabato ang pagpapatigil ng umiiral na Martial Law sa Mindanao ayon kay Cotabato Police Provincial Office o CPPO Spokesperson Police Lt. Col. Bernard Tayong. Ayon sa opisyal, may batas militar man o wala ay wala rin aniyang ipinagbago sa kanilang ipinapatupad na seguridad sa buong lalawigan.

Isa na rito ang pagsasagawa ng pulisya at militar ng mga highway inspection sa mga pangunahing daan, kung saan hindi ito ginagamitan ng pwersa, na wala ring pinagkaiba sa mga ipinapatupad na checkpoint noong hindi pa umiiral ang martial law.

Dagdag pa ni Tayong na ang martial law ay sandata ng gobyerno laban sa mga tao o grupo na may planong maghatid ng kaguluhan sa probinsya at buong Mindanao.

Samantala, sa usapin ng insurgency, sinabi ni Tayong na hindi magtatagal ay maituturing nang NPA-Free ang buong lalawigan. Sa ngayon kasi ay marami ng mga barangay at bayan sa North Cotabato ang nagdeklara ng persona non-grata laban sa rebeldeng New People’s Army o NPA.

Isa rin aniya sa dahilan sa unti-unting paghina ng kanilang pwersa ay ang patuloy na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng Exective Order No. 70 ni Pangulong Duterte, Ending Local Communist Armed Conflict o ELCAC.

 

-0-

 

Public Safety Head ng Kidapawan City, nananawagan na iwasan na lamang gumamit ng paputok ngayong pasko at bagong taon

Nananawagan ngayon ang City Disaster Risk and Reduction Management Office o CDRRM sa publiko na iwasan na lamang gumamit ng paputok lalo na ngayong holiday season. Ayon kay CDRRM and Public safety head Psalmer Bernalte, kultura na para sa mga pinoy ang pagpapaputok lalo na kapag bagong taon pero hindi lahat ng mga paputok ay ligtas na gamitin.

Sa Kidapawan City wala pang ordinansa na nagsasabing ipagbabawal ang paputok. Simula December 21, araw ng sabado ay papayagan na ng City Government ang Kidapawan Fireworks Vendors Association sa pagbenta ng kanilang produkto hanggang sa December 31 sa tapat ng Our Lady Mediatrix of All Grace Cathedral dahil hindi pa madadaanan ang isang lane ng Highway sa harap ng City Plaza dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa napapademolish ang Eva’s Hotel. 

Ipaiimbestigashan din anya ng opisyal ang kumakalat na balita na umano’y may nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa labas ng isang paaralan sa lungsod at may ilang mag-aaral na nakabili na. Nabatid nanagpalabas na rin ng listahan ang PNP sa mga uri ng paputok na ipinagbabawal lalo na ang may 0.2 grams o higit pa na sangkap na pulbura.

Samantala, tiniyak ng Department of Health na paiigtingin nila ang kanilang kampanya para sa mas ligtas na pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong ng Bagong Tao kasabay ito ng kanilang Oplan Iwas Paputok Campaign Bahagi ng kampanya ang pagtaguyod at pakikilahok sa Community Fireworks Display, magdiwang nang ligtas kasama ang pamilya, paglikha ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata, at iba pa.

 

-0-

 

Christmas party ng mga Empleyado ng Cotabatao Electric Cooperative, gagawin sa mga barangay na tinamaan ng Lindol sa North Cotabato

Sabay-sabay na bababa ngayong araw ang mga empleyado ng Cotabato Electric Cooperative o COTELCO upang mamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang Lindol sa iba’t-ibang bayan ng Cotabato Province. Kinansela ng COTELCO ang kanilang Christmas Party upang ilaan sa Relief Assistance o pangregalo ang pondo sa aktibidad.

Ayon kay COTELCO General manager Engr. Godofredo Homez, layun nito na magbigay saya at maipadama sa mga biktima ng Lindol ang Taos-pusong Malasakit ng COTELCO. Ang bawat Departamento ay nakatuka sa iba’t-ibang bayan: ang Office of the General Manager ay sa bayan ng M'lang; Finance sa Kidapawan City; Institutional Services sa Tulunan; Technical sa Magpet; Area Services ug Workers Association sa Makilala.

Sa kabila ng pondo ng COTELCO ay personal ring nag-ambag ang mga empleyado para madagdagan ang mga Surpresang Regalo sa komunidad kanilang bibisitahin. Umaasa si Homez, na tulad ng sinag ng ilaw - ay makapagbigay rin ng Pag-asa at bagong Liwanag ang COTELCO na siyang gagabay sa bawat Pamilya sa Muling Pagbangon mula sa naranasang kalamidad. 

 

-0-

 

Mahigit 500 kaso ng HIV/AIDS naitala ng provincial health office ng South Cotabato Umabot na sa 493 na kaso ng HIV/AIDS ang naitala ng provincial health office ng South Cotabato ngayong 2019.

Aminado si HIV/AIDS Focal Person John Codilla na ito ay lagpas sa kanilang inaasahan. Naniniwala si Codilla na ang mas malawak na kaalaman sa nasabing karamdaman ang naging sanhi ng pagdami ng naitala nilang HIV cases.

Ayon kay Codilla ang nasabing mga HIV/AIDS patients ay sumasailalim ngayon sa treatment sa HIV/AIDS Core Team o HACT clinic sa South Cotabato Provincial Hospital. Sinabi din ni Codilla na labintatlo katao ang binawian ng buhay dahil sa HIV/AIDS sa South Cotabato ngayon taon.

Karamihan sa mga ito ayon kay Codilla ay huli nang nalaman na nagtataglay ng nasabing karamdaman. Kaya umapela si Codilla sa mga may pangamba sa kanilang kalusugan na sumailalim sa libreng HIV Testing sa HACT Clinic.

Kaugnay nito, kunumpirma ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. na mahigit 200 sa 600 na mga HIV patients na sumasailalim ngayon ng treatment sa HACT Clinic ng provincial hospital ay mula pa sa karatig lalawigan.

 

-0-

 

DOLE 12 Regional Director may paalala sa mga pribadong employer sa rehiyon sa pagbibigay ng 13th Month pay ng kanilang mga empleyado

Ibigay ang 13th month pay ng mga empleyado bago pa man mag December 24.

Ito ang paalala ni Department of Labor and Employment o DOLE 12 Regional Director Sisinio Cano sa mga private employer sa rehiyon. Ayon kay Cano ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga mangagawa bago ang Pasko ay iniutos ng Presidential Decree 851. Sinabi ni Cano na obligado din ang mga employer na magsumite ng report sa pagbibigay ng 13th month pay sa DOLE.

Babala ni Cano sa mga emlployer na hindi magbibigay ng 13th month pay bibigyan ang mga ito ng DOLE ng compliance order.

 

-0-

 

Caravan para maisulong ang mental health awareness sa mga OFW dependents pinangunahan ng OWWA 12.

Nagtapos ang Caravan on Mental Health Awareness para sa mga OFW dependents ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 sa Koronadal National Comprehensive High School sa Koronadal City. Ito ay isinagawa ng ahensya sa iba’t ibang mga eskwelahan sa region 12.

Tinututukan ng OWWA 12 ang mental health dahil sa mga insidente ng suicide na kinasangkutan ng mga naiwang anak ng mga OFW. Ito ay ayon kay OWWA 12 OIC Kristine Marie Sison. Ayon kay Sison, napapanahon ang pakikilahok sa kanilang caravan ng mahigit isang libong mga OFW dependent na naka-enroll sa mga secondary at tertiary schools sa rehiyon.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Debbie Dasang ng Southern Christian College na kailangan ng mga OFW dependents ang mental health awareness. Katuwang ng OWWA 12 sa pagtaguyod sa nasabing aktibidad ang Non-government organization na Apollo Movement.

 

-0-

 

Tulong sa 19 pang sumukong NPA, tiniyak ng gobernador ng South Cotabato

Makatatanggap ng pinansyal na tulong mula sa pamahalaan ang labinsiyam pang mga myembro ng New Peoples Army na sumuko sa South Cotabato. Ito ang ipinahayag ni South Cotabato Governor Reynald Tamayo Jr. sa harap mismo ng nasabing mga rebel returnee sa covered court ng provincial capitol kahapon.

Iba sa mga ito ay mula pa sa kalapit na lalawigan ng North Cotabato. Ang mga sumukong NPA member ay mabibigyan ng Fire arm renumeration, ang halaga ng matatanggap ng mga ito ay batay naman sa kalibre ng mga isusukong armas.

Bukod sa mga ito, maari ring makinabang ang mga rebel teturnee sa Reintegration Assistance, tulong pangkabuhayan, tulong pinansyal at assistance mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan. Nanawagan din si Tamayo sa mga rebelde na iwan na ang pakikibaka at magbalik loob sa gobyerno.

Ito ay upang makinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-clip ng pamahaaan. Abot na sa limamput limang mga NPA member ang sumuko sa South Cotabato mula Hulyo hanggang ngayong Disyembre.

Ito ay resulta ng kampanya ng pamahalaan na wasakan ang kaguluhan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga susukong rebelde.

 

-0-

 

 

New airline to fly across BARMM

COTABATO CITY — Bangsamoro Airways, a pioneering airline based in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), will begin flying...

PBBM to PNPA grads: Maximize technology to fight crime, serve

SILANG, CAVITE – President Ferdinand R. Marcos Jr. on Friday called on the new graduates of the Philippine National Police Academy (PNPA) to...

Picong ambush suspect falls during hot pursuit operation

PICONG, Lanao del Sur - After a thorough investigation and follow-up operation, operatives were able to identify the seven individuals involved in...

NDBC BIDA BALITA (April 19, 2024)

  HEADLINES 1   BABAE patay sa ambush sa Maguindanao del Sur; Pulis naman sugatan sa ambush sa Lanao del Sur 2  ...