Tuesday Nov, 29 2022 05:56:50 AM

NDBC BIDA BALITA (Jan. 4, 2021)

NDBC BALITA • 10:15 AM Mon Jan 4, 2021
738
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1.  South Upi mayor, nakaligtas sa ambush, isa patay, 3 iba pa sugatan

2.  2 NPA sumuko sa Isulan, Sultan Kudarat

3.  Bahay sa Makilala, nasunog kahapon  

4.  2 patay dahil sa Covid-19 sa Region 12; 15 bagong kaso ang naitala sa North Cotabato.

5.  Bilang ng mga sugatan dahil sa firecracker sa South Cotabato, bumaba ngayong taon, ayon sa DOH.

 ‘ANG DETALYE NG MGA BALITA…. SUSUNOD’

-0-

Local………………..

NAKALIGTAS SA PANANAMBANG si Mayor Reynalbert Insular ng South Upi, Maguindanao pero isa ang nasawi at tatlo pa ang sugatan sa ambush kahapon.

Pinamunuan ni Mayor Insular ang relief operations para sa mga biktima ng harassment sa Barangay Itaw, South Upi at pauwi na sila nang nang maganap ang ambush sa Barangay Pandan, sakop pa din ng South Upi.

Isa ang naiulat na nasawi na nakisakay lang at ito ay nakilalang si Telmo Sase.

Naganap ang pananambang sa convoy ni Mayor Insular dakong alas 2 ng hapon.  Gumanti ang mga police escorts na kasapi ng South Upi town police at Army 57th IB kayat napilitan ang mga suspect na tumakas.

Pinaniniwalaan na ang mga suspect sa ambush ay mga suspect din sa harassment sa Barangay Itaw noong January 1.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng 57th Infantry Battalion at hinabol ang mga suspect na tumakas sakay ng kabayo at ilang motorsiklo patungong bulubunduking bahagi ng Talayan at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.

Ang problema sa Barangay Itaw ay nag-ugat sa usapin ng agawan sa lupa.

Sinabi ni 6th Infantry Division spokesperson Lt. Colonel Dingdong Atilano na ang suspect sa harassment at ambush ay mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

-0-

Local..

SA PANAYAM ANG DXMS RADYO BIDA NGAYONG UMAGA KAY Mayor Insular, sinabi nito na kapakanan ng mga taga South Upi ang kanyang prioridad kaya siya nagtungo sa Barangay Itaw.

Kung sino at anong grupo ang nasa likod ng mga bagay na ito ay nasa police at Army na ang pagpapasiya kung ano ang nararapat gawin.

-0-

Local………………..

Dalawa pang mga pasyente ang naitalang nasawi nitong weekend dahil sa Coronavirus disease sa Soccsksargen Region ayon sa Department of Health.

Kapwa mga senior citizen ang nasawi at taga General Santos City, kayat umakyat na sa 169 ang mga nasawi.

Labing tatlo naman ang panibagong kaso ng Covid kung kayat umaabot na sa 4,754 ang total cases sa Rehiyon.

Labing dalawa sa mga bagong kaso ay taga North Cotabato at isa mula General Santos City.

Iniulat din ng DOH kahapon ang 14 na mga pasyenteng gumaling na mula sa virus.

Dahil dito, meron na ngayung 4,254 recovered patients sa rehiyon.

Sa 14 na mga pasyenteng gumaling, 9 ang taga General Santos City, 3 Cotabato City at 2 sa Tacurong City.

General Santos City pa rin ang may pinakamaraming kaso ng sakit na may 1,418 covid positive.  Nasa 330 active cases.

-0-

Local………………..

Sa Bangsamoro region, 13 ang panibagong kaso ng Coronavirus infection ang naitala ng Ministry of Health hanggang kagabi.

Labing dalawa sa mga bagong kaso ay taga Maguindanao at isa sa Sulu.

Dahil dito umakyat pa sa 2,568 ang total confirmed cases sa Rehiyon.

Pinakamarami parin ang naitatalang kaso ng sakit sa Lanao del Sur at Marawi City na may 1,169 cases sumusunod ang Maguindanao na may 690 Covid positive.

Nanatili naman sa 98 ang nasawi dahil sa virus sa Bangsamoro Region.

-0-

Local…

SUMUKO ANG DALAWANG miembro ng New Peoples’ Army sa mga elemento ng 7th Infantry Battalion sa Isulan, Sultan Kudarat.

Sinabi ni 7th IB commander Lt. Colonel Rommel Valencia na ang mga sumukong NPA na sina Jonathan Saliling at Michael Lugko ay nanawagan din sa kanilang mga kasamahan na sumuko na at magbagong buhay.

Isinuko ng dalawa ang kanilang mga M-14 rifles.

Ang dalawa ay mga tauhan East Daguma Range Guerilla Front leader Commander Arturo Arsigan, East Daguma Front leader, ayon kay Colonel Valencia.

-0-

local...

ISANG 68-taong gulang na lalaki ang nasawi habang na-ospital naman ang 32 iba pa dahil sa diarrhea sa Barangay Butuan, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Sinabi ni Mayor Jason John Joyce na halos sabay sabay na nagreklamo ng matinding pananakit ng tiyan ang mga residente kayat ilan sa kanila ay dinala sa Tomas Lachica District Hospital.

Ayon kay Mayor Joyce, posibleng dahil sa contaminated drinking water nagsimula ang diarrhea dahil ang pangunahing source ng inuming tubig ng mga taga Barangay Butuan ay mula sa bomba o poso.

Ang Jose Abad Santos na nasa silangang bahagi ng Mindanao ay wala pang water district at ang pangunahing source of drinking water ay mula sa poso o kayay sa balon.

Dinala naman ang iba pang mga pasyente sa Glan hospital sa bayan ng Glan.

Ang Jose Abad Santos ay bahagi ng Davao Occidental pero mas malapit ito sa bayan ng Glan sa Sarangani. Mula Glan, isang oras na lang at Jose Abad Santos na pero sira sira at lubak-lubak ang daan.

-0-

local...

Naging mas masaya ang pagsalubong ng bagong taon ng ilang mga mamamatan, matapos matulungan silang makauwi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato sa pamamagitan ng Task Force Sagip North Cotabateños.

Kamakailan lamang ng inanunsyo ni Provincial COVID-19 Incident Commander Philbert Malaluan na magbibigay ng libre at ekslusibong sakay sa eroplano at van ang pamahalaang panlalawigan bilang pamaskong regalo sa mga Cotabateñong nais makapiling ang kanilang pamilya ngayong taon.

Isang buong eroplano ang sinakyan ng lahat ng mga Cotabateños papuntang Davao International Airport. Ang mga ito ay stranded mula sa kalakhang Maynila at Cebu City.

Sa ngayon pumalo na sa 34,484 na mga indibidwal ang natulungang mapauwi ng TF Sagip mula noong magpatupad ng quarantine ang buong Pilipinas dahil sa krisis pangkalusugan na dala ng COVID-19 pandemic.

Ayon Kay BM Malaluan, ang libreng sakay sa eroplano at sundo mula sa Davao Airport sa mga Cotabateños na na-stranded sa iba't ibang panig ng bansa ay paraan ng provincial government sa pangunguna ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco na maibsan ang pasanin ng mga Cotabateñong nakipagsapalaran sa ibang lugar upang matulungan ang pamilya ngunit nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemiya.

Ang mga nakauwing indibidwal na tinulungan ng probinsya ay dumaan pa rin sa safety and health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force.

-0-

local...

Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire and Protection o BFP sa nangyaring sunog sa Famisan Street, Poblacion Makilala North Cotabato pasado alas 3:00 ng hapon nitong sabado.

Ayon sa report ng BFP-Makilala, ang nasunog na bahay ay pagmamay-ari ni Rito Oclarit habang nadamay naman ang katabing kubo. Batay sa ulat ng BFP-Makilala, hindi agad nakapagresponde ang kanilang tauhan dahil nagsasagawa sila noon ng water rationing sa COVID-19 isolation facility sa Barangay Corella.

Agad namang tumulong sa pag-apula ng apoy ang BFP- Kidapawan dahilan para hindi na agad kumalat sa mga kalapit na bahay.

Sa ngayon, isa sa mga tinitingnang dahilan ng pagkasunog ay ang iniwang LPG pero nagpapatuloy pa sa ngayon ang mas malalimang imbestigasyon ng BFP sa insidente. Inaalam pa ngayon ng BFP ang kabuuang halaga ng iniwang danyos ng nasabing sunog.

-0-

local...

Binigyan ng 90-day ng National Housing Authority o NHA ang Local Government Unit o LGU ng Tulunan sa North Cotabato para kompletuhin ang isasagawang site development plan para sa pagtatayuan ng housing project sa limang mga barangay ng bayan.

Ang mga barangay ng Daig, Paraiso, Magbok, New Caridad at Batang ay siyang mga lugar sa bayan na matinding tinamaan ng sunod-sunod na malalakas na lindol sa tumama sa North Cotabato noon pang 2019.

Dahil sa pandemya ay natigil at naapektuhan ang mga nakalaang programa sa mga nabiktima ng lindol pero ngayong taong 2021 ay makakaasa naman ang nasa 517 mga pamilya sa itatayong housing project para sa mga ito.

Nasa 187, 000 square meters naman ang kabuuang land area na pagtatayuan ng mga housing units. Sakaling matapos na sa buwan ng Marso ang site development plan, saka pa uumpisahan ng NHA ang procurement sa P150M Housing Project. Nabatid na mula ang naturang pondo sa donasyong nalikom ng LGU.

-0-

local...

Sa ilang magkasunod na araw mas marami pa ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa North Cotabato.

Ayon kay COVID spokesperson Philbert Malaluan, kagabi lamang labindalawa ang COVID infections kung saan sa nasabing bilang walo ang healthcare frontliner pito dito ay mga nurse habang pharmacist naman ang isa pa. Silang lahat ay nagtatrabaho sa isang pribadong ospital sa Kidapawan City at may exposure sa iisang COVID positive.

Nagpositibo din ang isa pang senior citizen na taga Kabacan, Cotabato. Naiulat din kagabi ang cluster of cases na taga Kidapawan City.

Ang tatlo ay may exposure sa positibo sa sakit at nagsasama lamang sa iisang bahay. Samantala, nitong sabado naman tatlo ang bagong kaso. Isa ang mula sa Midsayap, Makilala at Kidapawan City.

-0-

local...

Nasa kustudiya na ng mga pulis ang magsasaka na suspect sa pananaksak sa isang lalaki sa Barangay Datu Celo, Magpet North Cotabato alas 3:00 ng hapon kahapon.

Patay ang biktima matapos magtamo ng sugat sa ibat-ibaat bahagi ng kanyang katawan at nakilalang si Nielboy Anahaw habang ang sumukong suspect ay nakilalang si Ramil Dela Cruz na parehong residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Radyo BIDA kay Magpet PNP Chief Police Major Bryan Espinosa, nagkaroon anya ng mainit na pagtatalo ang dalawa at parehong lango sa nakakalasing na inumin nang mangyari ang pananaksak.

Nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng suspect pasado alas 3:00 ng hapon kahapon. Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa nasabing insidente habang nakatakdang sampahan ng kaso sa korte. NDBC BIDA BALITA

-0-

local.

Sundin ang mga polisiya o minimum health protocol dahil nanatili pa rin sa ngayon ang banta ng COVID-19. Ito ang paalala ni Department of Trade and Industry o DTI South Cotabato Provincial Director Rictoniel Reginio sa mga consumer sa lalawigan.

Payo pa ni Reginio sa mga mamimili, huwag nang umikot sa mga mall. Sa halip ayon kay Reginio mas makabubuting agad na bilhin kung ano ang mga kailangan. Layon nito na maiwasan ang siksikan na maaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.

Ito ang ipinahayag ni Reginio, bunsod ng pagdagsa ng mga mamamayan sa mga mall sa Koronadal noong Pasko at Pagsalubong sa bagong taon. Ipinahayag din ni Reginio na napadalhan na nila ng letter of inquiry ang mga pangunahing trading center sa Koronadal City.

Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga trader na ipaliwanag ang mas mataas sa suggested retail price na presyo ng ilan nilang mga produkto.

-0-

local...

Kinilala ng Tupi PNP na pinamumunuan ni Police Major Verlin Pampolina ang nasawing biktima na si Ruel Laveros, 22 years old, laborer.

Ang biktimang si Laveros ay binawian ng buhay matapos paluin ng kahoy sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ng suspect na si Daryl Arellano. Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na habang nagiinuman, nagtalo umamo ang biktima at suspek.

Nagresulta naman ito sa panununtok ni Laveros kay Arellano ngunit sila ay napakalma din ng ilang mga kasama.

Pero ayon sa PNP ang suspek na si Arellano ay umuwi para kumuha sana ng bakal. Sa halip dala nito sa pagsugod sa bahay ng biktima sa barangay Cebuano, Tupi at ipinanghataw dito ang isang kahoy.

Ang biktimang si Laveros ay agad na binawian ng buhay sanhi ng malubhang mga sugat. Habang ang nakainumang suspek na si Arellano ay sumuko sa Tupi Municipal Station.

-0-

local....

Hindi naging hadlang ang COVID-19 pandemic para maipatupad ang early childhood care and development o ECCD program sa lalawigan ng South Cotabato.

Sa katunayan ayon kay ECCD Provincial Focal Person Sonia Bautista, naglaan ng 11 million pesos ang provincial government para sa pagtatayo ng labinisang Day Care center sa lalawigan.

Sinabi ni Bautista na ang mga lugar na pagtatayuan ng mga ito ay ininspection na ng team mula sa Provincial Engineering Office. Ipatatayo ang nasabing mga daycare centers sa Brgy. New Iloilo sa Tantangan, Sitio Diawe sa Brgy. Rubber, Crossing Palkan sa Brgy. Palkan, at Brgy Magsaysay, Polomolok,.

Makikinabang din sa proyekto ang mga day care pupils sa Sitio Tuburan, Brgy. Cinco, Bagong Lipunan sa Brgy. Tubi-ala, Surallah; San Pedro sa Brgy. Poblacion Norala; Brgy. Bukay Pait sa Tantangan, Spring II sa Brgy. Cebuano, Tupi; Megaland Subdivision sa Brgy. Carpenter Hill, at Sta. Cruz Koronadal City.

Dinagdag din ni Bautista na kahit pa may pandemya itinaas din sa 400 pesos mula sa dating 300 pesos ang honorarium na ibinigay ng provincial government sa 364 na mga day care workers sa South Cotabato. Ibinibigay naman ito sa kanila kada quarter.

Para matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan ng Department of Social Welfare and Development, isinailalim din sa accreditation ang labinisa pang day centers sa lalawigan.

Hindi rin naging balakid ang COVID-19 para ipagpatuloy ng mga daycare workers sa South Cotabato ang mappin ng batang nasa tatlo hanggang apat na taong gulang.

 

-0-

local...

Mananatili sa hanggang sa January 31 nitong taon ang Modified General Community Quarantine o MGCQ sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ito ay nakapaloob sa pinakabagong executive order ni Governor Suharto “Teng” Mangudadatu. Kasabay din nito ang pagpapatupad ng ilang mga pagbabago para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa COVId-19.

Ayon kay Mangudadatu maliban na lamang kung essential travel bawal lumabas ngayon sa Sultan Kudarat ang mga nasa 60 years old pataas, 21 years old and below, buntis,at mga may comorbidities o malubhang karamdaman.

Bawal din ngayon sa lalawigan ang joyride sa mga biseklita o motorsiklo ng mahigit lima katao kahit na ito ay para sa charity at iba pang magandang adhikain. Ayon kay Mangudadatu papayagan lamang na pumasok sa mga mall ang isang daan katao o dapat sundin ang two square meter by one shopper formula.

Babala pa ng gobernador na lalabag sa Mandatory Health Protocols bibigyanang mga ito ng citation tickets at papatawan ng mga penalidad ng naayon sa ordinansa ng lalawigan. Iniutos din ni Mangudatu ang pagsailalim sa 14-day quarantine ng mga mamayan mula ibang rehiyon na pupunta sa Sultan Kudarat.

Ipinatupad rin muli ang liquour ban at odd-even scheme sa mga pampasahering tricycle sa lalawigan. Pinalawig ng gobernador ang MGCQ bunsod ng pagtaas muli ng mga kaso ng COVD-19 sa Sultan Kudarat. Ang lalawigan ay nakapagtala ng 34 cases ng COVID-19 mula December 15 hanggang 31 noong nakaraang taon.

-0-

local...

Nakapagtala ng anim na kaso ng firecracker related injury ang Provincial Epidemilogy and Surveillance Unit o PESU ng Intgegrated Provicial Health Office o IPHO mula December 13 hanggang January 1 ng umaga. Ito ay 78 percent na mababa kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Base sa datus ng IPHO na pinamumunuan ni Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr, pinakabata sa mga sugatan ay 10 years old habang 29 years old naman ang pinakamatanda. Lahat ng mga sugatan ay pawang mga kalalakihan.

Ayon sa PESU apat sa mga biktima ay gumamit ng boga, Pla-pla, at fountain. Ang Koronadal at Banga ay nakapagtala ng tig dalawang firecracker related injury, at tig isa naman sa mga bayan ng Surallah at Norala. Tatlo sa mga biktima ay nagtamo ng eye injury habang napasao naman ang iba pa na pawang mga outpatient.

Wala namang naitalang tinamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa bagong taon sa South Cotabato.

-0-

NARITO ang mga balitang mula sa Tingog Mindanao Radio Alliance o TIMRA hatid ng MX3 CAPSULE AND TEA na ipinamamahagi ng DMI Medical Supplies.

SA LANAO DEL NORTE, kinilala na ng PNP sa bayan ng Sapad ang mga suspect sa pagpaputok habang sinasalubong ang bagong taon.  Ito ay nagresulta ng pagkamatay ng 10 toang gulang na bata matapos tamaan ng ligaw na bala. Sila ay mga kapitbahay ng biktima.

SA BAYAN NG STO. TOMAS, LANAO DEL NORTE, may pakulo ang LGU na mamigay ng mga prizes sa mga unang magpapa-renew ng kanilang business permits sa ilalim ng “Business One Stop Shop o BOSS NI TOMAS” program.  Ang early clients ay tatanggap ng isang box ng face masks, may face shields din, alcohol, electronic gadget tulad ng USB at charger, t-shirts at iba pa. 

SA JOLO, SULU, nagpadala si Westmincom chief Lt. Gen. Corleto Vinluan ng karagdagang tropa upang higpitan ang pagbabantay sa karagatan ng Sulu. Ito ay dahil sa banta ang bagong Covid strain na napaulat na sa Malaysia.  Mahigpit na health protocols dadaanan ng lahat ng mga papasok sa lalawigan mula Sabah at bawal ang mga maliliit na pumpboat o “kumpit” na pumasok sa Tawi-Tawi mula Malaysia.

SA DAVAO CITY …. DALAWANG lalaki ang nasawi habang sumasayaw sa gitna ng kalsada sa Barangay Calinan matapos mahagip ng humarurot na sasakyan noong Jan. 1.  Nabagok ang ulo ng mga biktima kayat idineklara itong dead on arrival sa ospital.

Pagpatay sa mga kasapi ng CAFGU sa Buldon, Maguindanao Norte, kinundina ng 6th ID

CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte – Mariing kinundena ng pamunuan ng 6th Infantry Division ang pamamaril sa mga kasapi ng civilian active auxiliary...

Bigtime oil price rollback on Tuesday, Nov. 29

MANILA – Oil companies today started implementing rollback on prices of petroleum products. The pump prices of diesel was but by P3.95 per liter...

Explosion naganap sa Pikit, North Cotabato

ISANG pagsabog ang natala sa Sitio Pogpog Brgy., Poblacion, Pikit, Cotabato bandang alas 10:20 kagabi, November 27, 2022. Ayon sa mga residente,...

Unknown to him, man sells carnapped motorbike to its owner

NABULAGA ANG DALAWANG mga suspek matapos na malamang ang pinagbentahan nila ng kanilang nakaw na motorsiklo ay ang mismong may-ari nito. Una nito...

P102,000 worth shabu seized from 3 drug den operators

COTABATO CITY – Anti-narcotics agents seized P102,000 worth of shabu from three operators of a clandestine drug den entrapped in Datu Odin Sinsuat,...