Pikit barangay kapitan, patay sa pananambang
Binaril at napatay ng hindi pa kilalang mga salarin ang Chairman ng Barangay Macabual, Pikit, North Cotabato na si Datu Guiamad Jalandoni Matalam-Akas.
Sinabi ni Pikit PNP commander Major Maxim Peralta sa panayam ng DXMS Radyo Bida na nangyari ang pamamaril pasado alas siete ng umaga kanina sa National Highway, Barangay Nalapaan, bayan pa rin ng Pikit.
Dagdag pa ni Major Peralta, sakay ang biktima sa isang motor angkas ang kaniyang misis patungo sana sa Barangay Takepan nang bigla itong pagbabarilin ng mga suspect na sakay din ng hiwalay na motorsiklo.
Nadala pa sa pagamutan ang biktima pero kaagad itong binawian ng buhay. Ligtas naman ang misis nito.
Matatandaang kahapon din ay isang manggagawa ng Pikit Water District ang pinagbabaril sa Barangay Batulawan.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Pikit PNP hinggil sa magkasunod na kaso ng pamamaril sa bayan.