Woman gives birth inside Cotabato City police station
Isang buntis ang nanganak sa himpilan ng Police Precinct No. 1 o kilala sa tawag na ‘Papawan’ sa ilalim ng Cotabato City Police Office o CCPO madaling araw kahapon.
Ayon sa FB post ng himpilan, lumapit sa kanila ang nasabing buntis upang humingi ng tulong dahil kabuwanan na nito at malapit nang manganak.
Pinatuloy ito ng kanilang hepe na si Police Major Amil Andungan Jr., at binigyan ng makakain.
Agad naman nangolekta ang mga tauhan ng ‘Papawan’ ng mga damit pambata at iba pang mga gamit na makakatulong sa kanyang panganganak.
Pero ilang oras lang nang dumating ito sa police station, ay biglang lumabas ang ulo ng baby.
Isang police nurse na si Corporal Ivy Marjorie Vacaro ang nagpaanak sa nasabing buntis.
Isang malusog na ‘baby boy’ ang ligtas na nailuwal at tinawag nila ito sa palayaw na ‘Papawan.’