Saturday Dec, 10 2022 03:32:03 AM

NDBC BIDA BALITA (5.21.19)

NDBC BALITA • 10:15 AM Tue May 21, 2019
1,117
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 21, 2019 (TUE)
7:00 AM

HEADLINES:

1. SAMPUNG mga bahay, naabo sa sunog na nangyari kagabi sa Cotabato city.

2. 17 mga turistang taga-Davao city, na-aksidente habang pauwi mula sa Asik-Asik Falls, sa Alamada, North Cotabato.

3. DRIVER, patay at dalawang iba pa, sugatan sa karambola ng tatlong mga sasakyan sa Isulan, Sultan Kudarat

4. Magkahiwalay na mga kaso ng pamamaril, naitala sa Kidapawan City at Makilala, North Cotabato

-0-

WALONG mga bahay ang natupok ng apoy sa sunog na nangyari kahapon sa Datu Udtog Matalam Street, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato city.

Sa inisyal na ulat mula sa Bureau of Fire Protection o BFP-Cotabato City, may ilang mga bahay pa ang bahagyang nadamay sa sunog na maswerteng naagapan ng mga bombero.

Naganap ang sunog pasado alas siete ng umaga kahapon kung saan mabilis na nilamon ng apoy ang mga bahay na pawang gawa sa light materials.

Mahigit isang oras din bago tuluyang naapula ang apoy ngunit sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng BFP ang pinagmulan ng sunog at ang halaga ng mga nasunog na arian.

Sa ngayon, pansantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak ang mga nasunugan. Inaasahan namang magpapaabot ng tulong ang City LGU sa mga biktima ng sunog.

-0-

ABOT sa 17 katao ang nasaktan sa vehicular crash sa Alamada, North Cotabato.

Naganap ang aksidente pasado alas dyes ng umaga kamakalawa sa provincial road ng Camp Paulino Santos, Barangay Dado ng naturang bayan.

Batay sa report ng Alamada PNP, nagkaroon ng mechanical malfunction ang Suzuki Utility Vehicle na minamaneho ni Arlan Vic Kristofer Billena, 29 years old ng Jade Valley Homes, Davao City

Pauwi na sana ng Davao city ang mga biktima galing ng Asik-Asik Falls nang maganap ang aksidente sa matirik na bahagi ng kalsada.

Agad na dinala sa Alamada Community Hospital ang driver at mga pasahero nito ngunit kinalaunan at inilipat din sa isang ospital sa Davao city.

Nasa kustodiya naman ngayon ng Barangay Dado ang nasirang sasakyang ginamit ng mga biktima.

-0-

MALUBHA ngayon ang kondisyon ng isang lalaking isinugod sa pagamutan matapos na aksidenteng malaglag sa sinasakyang truck sa Pigcawayan, North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si ARTOK SAMILLANO NECOR, 51 anyos ng Brgy. Dinganen, Buldon, Maguindanao.

Base sa kwento ng pinsan ng biktima, pasado alas otso ng umaga kahapon habang nakasakay sila sa ibabaw ng six-wheeler truck nang sumabit si NECOR, sa sanga ng isang malaking puno dahilan upang mahulog ito at bumagsak sa konkretong kalsada.

Bukod sa nabagok ang ulo, nagtamo rin ng mga bali at galos ang biktima sanhi para mawalan ito ng malay at hanggang ngayon ay ginagamot sa ospital dito sa Cotabato city.

-0-

TINIYAK ng pamunuan ng Land Transportation Office – Cotabato City Licensing Center na patuloy nilang pinagsisikapang gawing mas mabilis at epektibo ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa kanilang mga kliyente.

Sinabi ni LTO-Cotabato City Licensing Office Officer In-Charge Kalil Bazar na mahalagang makipag-transaksyon lamang sa kanilang mga empleyado at iwasan ang mga fixer.

Ayon kay Bazar, handa silang magserbisyo ng tapat sa kanilang mga kliyente at sakaling may mga reklamo laban sa kanilang mga kawani ay maaaring idulog sa kanyang tanggapan para agad na matugunan.

Kahapon, nagdiwang ng ika-107 anibersaryo ang naturang tanggapan.

Kaugnay nito ay may mga sorpresang regalo sila sa kanilang mga kliyente at nagbigay din ng libreng pagkuha ng Student Permit at Medical Certificate para sa mga first time applicant.

Giit ni Bazar, hangad niyang makapagbigay sila ng maayos at tapat na serbisyo sa kanilang mga kliyente bilang pagtalima sa mandato ni P. Duterte.

-0-

NILINAW ngayon ng Department of Education o DepEd na hindi nito ititigil ang implementasyon ng K to 12 program.

Ginawa ng kagawaran ang paglilinaw sa gitna ng kumakalat ng mga balitang suspendido na ang naturang curriculum.

Ayon sa DepEd, ang mga pananaw ukol sa umano’y planong pagpapatigil sa K to 12 program ay dahil lamang sa online misinformation.

Fake news umano ang lumaganap matapos ang balitang nais ng Commission on Higher Education’s na isailalim sa ‘review’ ang sistema ng curriculum.

Mali raw ang naging interpretasyon sa plano para mapalabas na ihihinto na ang buong K-12 program.

Samantala, ipinaliwanag pa ng DepEd na wala ring kapangyarihan ang kagawaran na itigil ang curriculum dahil ito ay isa ng batas alinsunod sa Republic Act No. 10533 o “Enhanced Basic Education Act of 2013.”

-0-

Mlang PNP nakapagtala ng 16 na kaso ng vehicular crash, lima ka tao patay

Abot na sa labin-anim na kaso ng road crash ang naitala ng traffic section ng Mlang PNP nito lamang unang kwarter ng taon. Nabatid na sa nasabing kaso, lima na rito ang namatay.

Matatandaang kamakalawa, ay isa na namang 18-anyos na estudyante ang binawian ng buhay matapos masangkot sa vehicular crash pasado alas-7:00 ng umaga.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Wenrose Herrera, habang sugatan naman ang angkas nitong sina Nathan Ursua, 19-anyos at Zigfred Diamante, 18-anyos, pawang mga estudyante rin at mga residente ng nasabing bayan.

Ayon sa ulat ng PNP, binabaybay umano ng isang Toyota wigo na sasakyan ang Paterno Street, Poblacion B sa nasabing bayan, subalit tumawid naman ang isang Suzuki raider 115 at nagka-abot ang dalawa dahilan ng pagkabangga at tumilapon ang angkas ng nasabing motorsiklo.

Agad namang itinakbo sa pagamutang ang nasabing rider ng motorsiklo ngunit ideneklara itong dead on arrival ng doctor habang nagpapagaling naman ang mga angkas nito.

Nabatid na dinaan na lamang sa areglo ng dawalang panig ang nasabing kaso. Samantala, muli namang nanawagan ng mga otoridad ng mag-doble ingat sa daan para na rin maiwasan ang parehong insidente. NDBC BIDA BALITA

-0-
Magkahiwalay na kaso ng pamamaril, naganap sa Kidapawan City at Makilala North Cotabato

Dead on the spot ang isang tricycle driver matapos na barilin ng di pa kilalang suspek sa bahagi ng Sinsuat St., Kidapawan City alas 6:55 kagabi.

Kinilala ang biktima na si Joel Laraño Pesquera , 44 anyos, na residente ng Purok Guava, Poblacion, Kidapawan.

Ayon sa report, minamaneho ng biktima ang kanyang nirenahang pampasaherong tricycle ngunit pagdating nito sa lugar ng insidente ay bigla nalang itong binaril ng hindi pa kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Nakatakbo pa ng ilang metro ang tricycle ng biktima bago huminto malapit sa isang kainan at dito na ito binawian ng buhay. Sa naging panayam ngayong umaga kay Police Lt Col. Maria Joyce Birrey, may kinakaharap ito na kasong rape pero patuloy pa ang mas malalimang imbestigasyon sa insidente.

Nakuha naman sa Crime Scene ang mga bala ng 9mm pistol na ngayon ay subject na sa Ballistic at Cross matching examination sa provincial Crime Laboratory.

Samantala, blangko pa din ang Makilala PNP sa kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagbaril sa isang bus inspector ng Mindanao Star Purok Talisay Old Bulatukan, sa bayan ng Makilala North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Roy Señas, nasa hustong gulang, may asawa at nakatira sa naturang lugar.

Sinabi ni barangay chairman Old Bulatukan, Basilio Guinang, alas 5:30 ng umaga kahapon pinagbabaril ang biktima habang nag-aabang ng sasakyan kasama ang misis nito sa gilid ng National Highway.

Patuloy naman ngayong nagpapagamot si Señas sa isang ospital sa bayan matapos na magtamo ng sugat sa kanyang balikat. Hanggang sa ngayon ay wala pang matukoy na posibleng motibo ang mga otoridad sa pagbaril sa biktima. NDBC BIDA BALITA

-0-
Presyo ng ilang pampalasa sa Kidapawan City mega Market, tumaas ng halos doble

Tumaas ng halos isang daang porsyento ang iilang mga rekado o pampalasa sa Kidapawan City Mega Market. Ayon sa tinderang si Analyn Sarigumba, noong nakaraang linggo pa nagsimulang tumaas ang presyo ng mga rekado sa Kidapawan City.

Sumipa sa 150 hanggang 200 pesos ang presyo ng luya sa lungsod na noon ay nasa 50 hanggang isang daang peso ang kada kilo.

Tumaas din ang presyo ng kamatis sa Mega market na abot na ngayon sa 70 hangang 80 pesos. Ang siling labuyo na dati ay nasa 80 pesos ngayon ay abot na sa 150 hanggang 180 pesos kada kilo.

Ayon sa mga tindera, kakaunti ngayon ang supply ng luya sa lungsod at posible ang pabago-bagong panahon ang dahilan ng pagtaas nito.

Ang mga presyo ng mga pampalasa ay halos kapareha na sa binebentang karne sa lungsod. Hindi pa din malaman sa ngayon kung hanggang kalian ang pagtaas ng mga pangunahing rekados sa Kidapawan City. NDBC BIDA BALITA

-0-
North Cotabato Governor-elect, handa umanong makipag-ayos sa mga naging katunggali sa kakatapos na eleksyon

Handang makipagsundo si North Cotabato-elect Nancy Catamco sa lahat ng kanyang mga naging katunggali sa pulitika sa nagdaang May 13, elections.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi nitong panahon na para kalimutan ang halalan at ituon na lamang ang pansin sa mga programa para sa lalong ikau-unlad ng probinsya.

Samantala, sinabi din nito na igalang na lamang ang naging resulta ng halalan at ipakita sa mga taga North Cotabato ang pagrespito. Pagtitiyak naman ng Governor-elect na walang matatanggal sa pwesto na mga regular na mga empleyado ng kapitolyo.

Matatandaang nakakuha ng kabuuang boto na 272,249 si Catamco, laban kay Taliño na si 268,718 votes sa final and official result na eleksyon.

Si Catamco ay isang Manobo at kauna-unahang gobernador na isang Indigenous people sa North Cotabato. NDBC BIDA BALITA

-0-

Daang daang mga mamamayan nakiisa sa Brigada Eskwela ng Deped sa Koronadal City

Umaarangkada na rin ang Brigada Eskwela na nilahukan ng daang daang mga volunteer sa Koronadal City. Mala-pyesta naman na nagsimula ang Brigada Eskwela sa Koronadal National Comprehensive High School o KNCHS, ang pinakamalaking public high School hindi lamang sa syudad kungdi maging sa buong South Cotabato.

Ang mga nakiisa kasi sa Brigada Eskwela ay sinalubong ng banda at mga madjorette na todo hataw sa pagsasayaw at pagtugtog sa gate pa lamang ng nasabing eskwelahan. Maliban dito nag-pa arrozcaldo rin sa mga volunteer ang ilang mga guro.

Sumama sa kanilang mga anak sa paglilinis sa paligid ng eskwelahan at mga silid aralan ang kanilang mga magulang.

Ayon sa gurong si Sanita Celestial, ipinagpasalamat nito ang pakikiisa ng maraming mga magulang, estudyante at iba pang mga stakeholder sa School Maintenance Week.

Gayunpaman, para matugunan ang iba pang mga pangangailangan, nananawagan din ng donasyon para sa kanilang eskwelahan si Celestial

Layunin ng Brigada Eskwela na hikayatin ang publiko na tumulong sa paglilinis at pagsasaayos ng mga eskwelahan para matiyak ang pagsisimula ng klase sa unang araw mismo ng pasukan sa June 3.

-0-

Driver patay sa dalawang iba pa sugatan sa karambola ng tatlong mga sasakyan sa Isulan,Sultan Kudarat

Kinilala ni Police Executive Master Sergeant Elmer Segura ang nasawing biktima na si Rene Apurada driver ng Isuzu Truck, nakatira sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Ayon kay Segura, kritikal naman ang driver ng Isuzu Wing Van truck na si Nilo Cabuhay ng Norala, South Cotabato.

Sugatan din sa insidente ang driver ng Mazda town ace na si Andal Usop ng Mamasapano, Maguindanao. Ayon kay Segura nagkarambola ang nasabing mga sasakyan ng unang banggain ng Wing van ang sinusundang Isuzu forward truck .

Ito ay pagsapit sa national highway Barangay Mapating, Isulan, Sultan Kudarat.

Ayon kay Segura dahil sa lakas ng impact ng banggaan ng tatlong mga sasakyan nagkaroon ng ignition na nagresulta naman sa pagkasunog ng nagkarambolang mga sasakyan at mga sakay nito.

Tumulong naman sa pagapula ng apoy ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection ng Isulan.

-0-

Magsasaka patay sa pananaksak ng kapwa MGA MAGSASAKA na nakainuman sa Tampakan, South Cotabato

Kinilala ng Tampakan PNP na pinamumunuan ni OIC Police Major Joseph Forro III ang biktima na si Fredo Fuerte, 58 anyos, Byudo at nakatira sa Sitio Matagol, Barangay Kipalbig, Tampakan, South Cotabato.

Unang nakakita sa duguan, walang malay at nakahandusay sa damuhan na si Fuerte sa kanilang lugar ang nakamotorsiklong OFW na si Jonrey Roa, 34 years na nagdala sa kanya sa Tampakan, Municipal Hospital.

Ang biktimang si Fuerte na matapos saksakin ay pinalo pa ng sanga ng Ipil-ipil sa ulo ay dead on arrival nang inilipat na mga kasapi ng rescue Team ng Tampakan LGU sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City.

Suspek sa pananaksak sa biktimang magsasaka ang mga nakainuman nitong sina Carlo Zaulda, 36 years old; Freddie Ebarbia, 53; at Ellezer Bayat alias “Nognog” pawang mga magsasaka rin at nakatira din sa nasabing lugar.

Ang nasabing mga mga suspek na tinukoy ng saksi na si Arnel Turibio na tumakas matapos ang krimen ay pinaghahanap pa ng mga pulis.

-0-

Vendor na Drug Group member arestado sa operasyon laban sa iligal na droga ng mga kasapi ng PDEA 12 sa General Santos City

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 Information Officer Kath Abad ang inarestong vendor na si Melven Cortal, may asawa, 44 years old.

Si Cortal ay inaresto sa drug buy bust operation ng mga kasapi ng PDEA 12 sa kanila mismong lugar sa Purok 7, New Society, Barangay Apopong General Santos City. Ito ay matapos umanong magbenta ng pinaghihinalaang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu sa nagbalatkayong PDEA Agent.

Ayon kay Abad nakuha nila sa nasabing drug suspek ang may sampung gramo ng suspected shabu na nagkakahalaga ng mahigit P68,000. Nabatid na ang inarestong si Cortal ay myembro ng Cortal Drug Group na nag-ooperate sa General Santos City.

Inihahanda na ng PDEA 12 ang kasabong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban kay Cortal na nakakulong na ngayon sa kanilang detention facility sa General Santos.

-0-

Land Transportation Office isinusulong ang pagsasagawa ng driving lecture sa iba’t ibang lugar sa region 12

Plano ng Land Transportation Office o LTO 12 na magsagawa ng lecture hinggil sa pagmamaneho tuwing araw ng Sabado sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Ito ang ipinahayag ni LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga. Ayon kay Gonzaga, layunin nito na masolusyunan ang mga vehicular crash sa mga daan. Bunsod ito ng pagdami rin ng mga sasakyan na nagpapakita rin ng paunlad ng isang lugar.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Gonzaga na plano nitong kausapin ang mga Local Chief Executives ng bawat local government units o LGU.

Hihilingin ng nasabing LTO 12 Official sa mga ito na maglaan ng lugar para sa nasabing aktibidad. Ayon kay Gonzaga tututukan nila ang pagpapaala ng disiplina sa mga driver.

Bunsod ito ng reckless driving na madalas maging sanhi ng mga vehicular crash sa rehiyon.

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...