Saturday Jul, 02 2022 07:12:19 AM

NDBC BIDA BALITA (7.22.19)

NDBC BALITA • 16:00 PM Mon Jul 22, 2019
1
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

July 22, 2019 (MON)
7:00 AM

HEADLINES:

1. BANGKAY ng isa pang turistang taga-Cotabato city na nawala sa Thailand, natagpuan na rin.

2. KONSTRUKSYON ng tatlong evacuation centers sa region 12, natapos na ng DPWH.

3. BUONG Pilipinas, nagbunyi sa muling pagkapanalo ni Sen. Manny Pacquiao sa kanyang laban kay Keith Thurman.

4. Mga pampublikong paaralan sa Kidapawan, tumanggap ng pondo mula sa local government.

 

-0-

 

NATAGPUAN NA RIN ang bangkay ng isa pang Pilipinong turista na taga-Cotabato city matapos ang halos isang linggong paghahanap rito ng Thai authorities.

Kahapon, ay natagpuan umano ng isang mangigisida ang bangkay ni Angelo Bien Rafael Cortez sa baybayin ng Krabi province

Agad namang dinala ang bangkay ni Cortez sa Vajira Phuket Hospital para sa post mortem examination at proper identification.

Maalalang una ng natagpuan ang bangkay ng kasamahan ni Cortez na si Noah Ibay noong Biernes.

Sa report ng Thai Police, apat katao ang nawala noong July 17 sa Freedom Beach na kabilang sa 13 mga turistang Pinoy na pawang mga taga-Cotabato city.

Agad namang natagpuan at nasagip sina John Tanghal, 30, at Jose Tanghal, 51 habang sina Cortez at Ibay ay tuluyang tinangay ng malalakas at matataas na alon.

Sa ngayon ay inaasikaso na ang pagpapauwi sa bangkay ng dalawang mga nasawi sa Cotabato city mula Phuket, Thailand.

 

-0-

 

 

-0-

 

Maituturing na panalo ng mga mamamayang Pinoy ang pagkapanalo ni Manny Pacquiao laban kay Keith Thurman sa MGM Grand Garden sa Las Vegas, USA kahapon.

Sa kabila kasi ng malaking pagitan sa edad nina Pacquiao at Thurman ay pinatunayan ni Pacman na wala pa ring kupas ang kakayahan nito bilang boksingero.

Nagbunyi ang mga Pinoy dahil sa panibagong karangalang ibinigay ni Pacquiao sa bansa.

Ipinamalas din ni Pacquiao ang athleticism at Filipino pride sa laban.

Nagwagi si Pacquiao kontra kay Thurman via split decision.

Samantala, nais naman ni American boxer Keith Thurman na magkaroon ng rematch laban kay Pacman.

Ayon kay Thurman, nais niya pa sanang makipagsabayan kay Pacman dahil naramdaman niya ang pagod ng Pinoy boxer.

Ngunit, umiral aniya ang mahabang karanasan ni Pacquiao sa loob ng ring.

Ang kakulangan aniya sa kanyang conditioning at output ang naging rason ng kanyang pagkatalo.

Gayunman, itinuturing pa rin ni Thurman ang laban bilang isang ‘blessing’ dahil sa mga natutunan dito.

 

-0-

 

NASAMSAM ng mga otoridad ang 50 libong pisong halaga ng iligal na droga mula sa mag-asawang suspected drug pushers sa Cotabato city.

Arestado ang mga suspek na sina ALBIHIE KAMBALI BIANG, Alyas “AL”, 29 anyos, magsasama at asawa nitong si LADYROSE BANSAWAN BIANG, Alyas”LADY”, 27, pawang mga miembro umano ng “Biang Drug Group”.

Nadakip ang mag-asawa sa ikinasang buy bust operation kamakalawa ng hapon sa Santan Street, Urban Poor Village, Brgy. Rosary Heights 11 ng syudad.

Pero ayon sa mga otoridad, bukod sa kanilang tirahan dito sa lungsod ay may mga bahay din umano ang dalawa sa Lambayong, Sultan kudarat at sa Sultan sa Barongis, Maguindanao.

Ang naturang operasyon ay pinangunahan ng PDEA -BARMM, katuwang ang City PNP partikular ang mga pulis mula sa Police Station 2.

Nakuha sa mag asawa ang dalawang sachets ng suspected shabu na may timbang na sampung gramo; Sling bag na may lamang labing siyam na Photocopy na tig-iisang libong piso; dalawang cellphones; at IDs.

 

-0-

 

NATAGPUAN NA ang binatang fastfood chain crew na dinukot ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Midsayap, North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Jake Omar Talusan, 20-anyos, taga -Brgy Malingao, Midsayap.

Sinabi ni North Cotabato PNP Director, Police Col. Maximo Layugan na nakita ng mga residente ng Brgy. Sadaan, Midsayap si Talusan na nakalagay sa loob ng isang sakong iniwan ng isang kulay itim na van sa gilid ng national highway.

Narinig kasi ng mga residente ang sigaw at paghingi ng saklolo ni Talusan.

Agad namang dinala sa ospital ang biktimang puno ng mga pasa sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Matatandaan sakay si Talusan ng kanyang motorsiklo at tinatahak ang daan sa Brgy. Sadaan mula sa mosque nang harangin siya ng mga armadong lalaki at pilit na isinakay sa kulay itim na van.

Hinala naman ni Col. Layugan, posibling mistaken identity o nakapagkamalan lamang ang binata kaya pinakawalan din ito.

 

-0-

 

UMAABOT sa 100 libong piso ang halaga ng danyos sa nangyaring sunog kagabi sa Sitio Grotto, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Sinabi ni Bureau of Fire Protection o BFP-DOS acting fire marshal Fire Inspector Ysrael Kamid na ang nasunog na bahay ay pag-aari ng isang Frederick John Soriano na isa umanong sundalo at asawa nitong government employee naman na nakabase sa Koronadal city.

Ayon kay Kamid, nasa Koronadal city ang mag-asawa nang masunog ang kanilang bahay kagabi.

Mabuti na lang aniya at gawa sa concrete materials at malayo sa ibang mga kabahayan ang nasunog na bahay kaya’t hindi na ito kumalat pa.

Sabi pa ni Kamid, hindi rin tuluyang natupok ng apoy ang naturang bahay dahil mabilis namang nakapagresponde ang mga bombero.

Sa ngayon aniya, inaalam pa nila ang sanhi ng naturang sunog.

 

-0-

 

DPWH natapos na ang konstruksyon ng tatlong evacuation centers sa region 12

Matatagpuan ang mga evacuation centers na natapos na ng Department of Publis Works and Highways o DPWH 12 sa mga Barangay ng Bunao sa Tupi, South Cotabato; Buayan sa General Santos City at Rosal Street sa Carmen, North Cotabato.

Ito ay ayon kay DPWH 12 Regional Director Basir Ibrahim. Ayon kay Ibrahim layunin ng proyekto na magkakaroon ng masisilungan ang mga biktima ng pananalasa ng kalamidad. Ipinahayag ni Ibrahim na bawat evacuation center na ipinatayo sa may tig 2,600 square meter na lote ay maaring mag-accommodate ng 400 katao.

Ang mga ito ay may maliwanag na gusali, opisina, at hiwalay na banyo sa mga kalalakihan at kababaihan, drying area, water tank building, generator room, pump room, garbage disposal, parking at assembly area.

Dinagdag ni Ibrahim na nagpapatuloy din ang konstruksyon ng lima pang mga evacuation centers sa Isulan at Lebak sa Sultan Kudarat; Kiamba, Sarangani; Cotabato City; Maguindanao, at Tulunan, North Cotabato.

 

-0-

 

Konstruksyon ng haflway house para sa mga sumukong NPA member tatapusin na ng provincial government ng South Cotabato

Target ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato na matatapos na ngayong Hulyo ang halfway house para sa mga sumukong myembro ng New Peoples Army o NPA.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Haydee Agustin, pinaghahandaan na nila ang operasyon ng nasabing pasilidad. Ito ay matatagpuan sa Barangay Tinongcop, Tantangan, South Cotabato.

Sinabi ni Agustin na ang konstruksyon ng halfway house ay sinimulan noong Peberero sa pamamagitan ng pondo mula sa Department of the Interior and Local Government o DILG na ni-release noong 2017.

Dinagdag ni Agustin na dahil sa problema sa lugar na pagtatayuan nito naantala ang konstruksyon ng halfway house.

Ayon kay Agustin ang dalawang palapag na pasilidad ay may dormitory rooms, training room, opisina at iba pang amenities. Ito ay gagamting temporaryong tirahan ng dating mga rebelde na benepisyaryo ng Enhance Comprehensive Local Integration Program o E-Clip na sumasailalim sa interbensyon.

Ayon kay Agustin lahat ng programa may kaugnayan sa E-CLIP ay gagawin sa halfway house. Ang mga ito ay ang pagbibigay ng pinansyal na tulong at livelihood training.

Sinabi ni Agustin na malaki ang maitutulong ng halfway house sa mga sumukong NPA member na ngayon ay temporaryong nasa pangangalaga ng pulisiya at militar.

 

-0-

 

Kultura at tradisyon ng mga Blaan ibibida sa 5th Blaan Day Celebration ngayong araw sa General Santos City

Tampok sa 5th Blaan Day Celebration ngayong araw sa General Santos City ang Cultural Activities tulad ng Blaan arts exhibit at Competition. Ito ay ayon kay Gensan City Councilor at Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR Lucio Cawayan.

Ayon kay Cawayan magtitipon ngayong umaga ang mga myembro ng tribung Blaan para sa tradisyunal na parada at culmination program sa Oval Plaza ng syudad.

Ipinahayag ni Cawayan na layon ng Blaan day na maisulong ang pangangalaga sa mayamang kultura at tradisyon ng mga Blaan sa Gensan.

Nabatid na ang mga Blaan ang unang nanirahan sa Gensan. Sila rin ang nagbigay ng unang pangalan ng Gensan na Dadiangas na kinuha mula sa isang kahoy na puno ng tinik na marami noon sa lugar. Para bigyan ang mga mamamayan ng pagkakataon na makisaya sa selebrasyon, idineklara ng Malakanyang ang Special-Non-Working Holiday ngayong Araw sa Gensan.

Ibig sabihin nito walang pasok sa lahat ng pampubliko at pribadong mga eskwelahan at tanggapan sa nasabing lungsod ngayong araw.

 

-0-

 

Provincial health officer ng South Cotabato umapela sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa school-based immunization program

Payagan ang kanilang mga anak na maturukan ng bakuna sa kanilang Schoo-based immunization program. Ito ang hiling ni provincial health officer Dr. Rogelio Aturdido Jr.

Sa mga magulang sa South Cotabato Tiniyak ni Aturdido na walang dapat ipangamba ang mga magulang dahil ligtas ang bakuna kontra tigdas at iba pang vaccine na ibinibigay sa mga estudyante. Nilinaw ni Aturdido na kapag nilalagnat ang isang bata matapos mabakunahan, ito ay nagpapatunay na rumeresponde ang kanyang katawan sa bakuna.

Ayon sa provincial health office bumaba ang mga nagpapabakuna sa South Cotabato noong nakaraang taon hindi dahil sa kakulangan ng vaccine.

Kungdi ito ay dahil sa pangamba ng maraming mamamayan bunsod ng kontrobersya sa dengvaxia vaccine. Pero umabot naman sa may 96% na lagpas sa kanilang target na 85% ang immunization rate sa South Cotabato nang magsagawa ng supplemental immunization ang health office noong Peberero at Marso.

Ayon kay Aturdido, nakikinabang sa school-based immunization program ang mga nasa kindergarted hanggang grade 7 na mabibigyan ng bakuna kontra tigdas. Matuturukan din ng dagdag na tetanus diptheria ang mga nasa grade 1 hanggang 7 habang ang mga babaeng nasa Grade 4 ay mabibigyan ng bakuna kontra cervical cancer.

Layunin ng School-based immunization program na mapigilan ang outbreak ng nasabing mga karamdaman sa South Cotabato.

 

-0-

 

Delivery truck ng DA at Provincial government napapakinabangan na ng mga coffee growers sa South Cotabato

Naibigay na ng Department of Agricuture ang delivery truck sa Tupi Coffee Growers Association Incorporated sa Tupi, South Cotabato.

Ang nasabing truck ay nagkakahalaga ng mahigit P1.7 million. Ito ay ayon kay South Cotabato Provincial Planning and Developmnent Officer Jennifer Bretana.

Makikinabang din sa truck ang mga coffee growers sa karatig bayan ng Polomok, Tampakan, Surallah, Tboli at Lake Sebu.

Ang pagbibigay nito sa farmer cooperative ay bilang kabahagi ng pagpapatupad ng Philippine rural Development Program o PRDP ng DA. Layunin nito na matulungan ang mga nagtatanim ng kape sa South Cotabato na mapataas ang kanilang produksyon.

 

-0-

 

PSWDO sa North Cotabato, muling ipina-alala ang Magna Carta for Persons with Disability o PWD

Muling binigyang-diin ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO sa North Cotabato ang kahalagahan ng RA 10754 o Magna Carta for Persons with Disability o PWDs o sa mga taong may kapansanan.

Ayon kay PSWDO Jocelyn Maceda, dapat aniyang bigyang pansin ang karapatan ng isang PWD lalo na pagdating sa diskwento ng mga ito.

Sinabi nito na ang isang may kapansanan ay nararapat mabigyan ng 20% discount sa mga sumusunod: Bayad sa mga hotel at restaurants; admission fee sa mga sinehan, teatro at iba pa; diskwento rin sa bibilhing gamot sa mga botika; medikal at dental services; pamasahe sa domestic air at sea travel maging mga pampublikong sasakyan; at iba pang mga pribilehiyo na nakapaloob sa nasabing batas.

Maliban dito, sa ilalim ng National Council on Disability Affairs, nakapaloob naman ang RA 7277 or An Act Providing For The Rehabilitation, Self-Development And Self-Reliance Of Disabled Person And Their Integration Into The Mainstream Of Society.

Ito ang batayan na sinusuportahan ng estado ang bawat may kapansanan sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga social barries na posibleng makakaapekto sa emosyonal at mental na aspeto ng isang may kapansanan.

Nabatid na ipinagdiriwang sa buong bansa ang National Disability Prevention and Rehabilitation o NDPR week mula Hulyo 17-23 ngayong taong. Tema ng nasabing programa, Lokal na Pamahalaan: Kaakibat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga taong may kapansanan.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

27,000 farmers sa North Cotabato nagpa-ensured na ng kanilang pananim sa Philippine crop insurance corporation o PCIC

Nasa 27,000 na mga magsasaka o katumbas ng 49thousand hectars sa buong North Cotabato ang nagpa ensured na ng kanilang mga produkto sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC.

Ito ay ayon kay PCIC insurance under writer Jozy Palita sa naging panayam ng Radyo-BIDA. Sinabi nitong abot na din sa 6Million pesos ang naitulong ng PCIC sa mga magsasaka sa buong region 12 mula lamang sa buwan ng enero hanggang hunyo.

Ang mga produkto na kabilang sa maaring ma-avail sa programa ng PCIC ay ang mga magsasakang may tanim na palay, mais, high value crops at maging ang mga non-crop agricultural asset na nasira dahil sa natural na kalamidad upang maaring maibalik ang kanilang ginastos.

Dagdag pa nito, sa mga magsasaka na nais mag apply sa mga serbisyo at programa ng PCIC ay maaring sumangguni sa mga City o municipal agriculture office sa inyong lugar.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga pampublikong Paaralan sa Kidapawan City, nakatanggap nga PTA subsidies mula sa City LGU

Mahigit sa 15,000,000 pesos na PTA subsidy ang sinimulang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga pampublikong paaralan sa Kidapawan City.

Ang bawat mag-aaral ay sa public schools ay may 400 pesos na PTA subsidy mula sa kindergarten hanggang senior high school.

100 pesos dito ay ilalaan para sa homeroom projects ng mga estudyante at ang 300 pesos ay sa proyekto ng PTA at sa ibang development projects ng abot sa 38,380 na mga mag-aaral na nakapag-enrol sa pampublikong paaralan sa lungsod.

Samantala, nakadepende naman ang halaga ng PTA subsidy sa dami ng naka-enrol sa bawat paaralan. Layon ng programa na mapataas pa ang enrollment sa mga publis schools at matulungan ang mga magulang sa mga bayarin.

Ang PTA subsidies ay mula sa Special Education Fund ng City Government. Sa susunod na taon, ililibre na rin ang mga day care pupils mula sa pinaplanong P1.2 Million na pondong ilalagak para rito.

Naglaan na ng mahigit sa P600,000 ngayong school year para mabawasan ang bayarin ng mga magulang na may mga anak na naka enroll sa day care centers ng Kidapawan City.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga taga North Cotabato, nagbunyi din sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Thurman kahapon

Nakiisa rin sa pagdiwang ang mga taga North Cotabato sa pagkapanalo ni Filipino boxing icon na si Manny Pacquiao kontra kay American boxer Keith Thurman.

Sigawan at hiwayan matapos na maproklamang panalo ang boksingerong senador mula sa ibat-ibang lugar sa lalawigan. Maging sa City gymnasium lungsod ng Kidapawan ay dumagsa din ang maraming mga mamamayan na kung saan ay libreng napanood with no commercial breaks.

Nanalo ang Filipino boxer laban kay Thurman via split decision, naagaw at itinanghal bilang bagong ang WBA Super Welterweight champion. Sa kabila ng edad ng Pinoy ring icon ay tinalo pa rin nito si Thurman sa pamamagitan ng kanyang bilis at solidong kombinasyon.

Ang pagkapanalo ni Pacquiao ay inspirasyon sa lahat ng mga Pinoy lalo na sa mga taga North Cotabato na sumusuporta sa boksingero. Matatandaang isang taga Carmen North Cotabato ang gusto ring sumunod sa yapak ng Manny Pacquiao.

Si Ronie Baldonado, 23 years old na taga Barangay Kibudtungan Carmen dahil bukod sa pangarap niya ang maging kilala sa larangan ng boxing ay nais niya ding makatulong na mai-angat ang antas ng pamumuhay ng kanyang pamilya.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

 

 

 

2 Maute group member surrender in Marawi

MARAWI CITY - Two remnants of the Dawlah Islamiya-Maute Group surrendered with their firearms to police authorities on Thursday in Marawi City....

5 arrested, drug den dismantled in Cotabato City anti-drug ops

COTABATO CITY - NAARESTO ANG LIMA KATAO sa buy bust operation ng mga otoridad sa Purok, Silangan, Datu Balabaran Mother Barangay, Cotabato City...

Active cop wanted for carnapping falls in Cotabato City

MANILA – Members of the anti-scalawag unit of the Philippine National Police (PNP) have arrested an active police officer wanted for carnapping...

BARMM CIDG agents arrest vice mayoral aspirant, seize guns

COTABATO CITY  – A defeated vice mayoral candidate in Maguindanao was arrested and seized high- powered firearms during law enforcement...

Villager dead, 2 hurt in North Cotabato gun attack

COTABATO CITY --- A villager was killed while two others were seriously wounded when suspected members of a local terrorist group shot with assault...