Saturday Dec, 10 2022 03:17:46 AM

NDBC BIDA BALITA (7.27.19)

NDBC BALITA • 18:15 PM Sat Jul 27, 2019
1
By: 
NDBC NCA

NDBC 7 AM NEWSCAST

HEADLINES:

1. P. Duterte, ipinatitigil na ang operasyon ng lahat ng uri laro sa ilalim ng PCSO dahil sa kurapsyon.

2. BIFF, itinangging may IED factory sa mga lugar na binomba ng miltar sa Pikit, North Cotabato

3. BINATA, patay sa karambola ng tatlong mga sasakyan sa Tupi, South Cotabato

4. Job Order employees ng South Cotabato, balak gawing regular employees ni Gov. Tamayo

 

-0-

 

Sa detalye ng mga balita....

IPINATITIGIL NA ni Pangulong Duterte simula ngayong araw ang lahat ng operasyon ng iba’t ibang gaming scheme na inaprubahan at may prangkisa ng Philippine Charity Sweeptakes Office o PCSO dahil umano sa malawakang kurapsyon.

Sa kanyang mensahe kagabi, inatasan ng pangulo ang PNP at AFP na manguna sa pagpapasara at paghuli sa mga operator ng lotto, Peryahan ng Bayan, small town lottery o STL at Keno na lalabag sa kanyang direktiba.

Sabi pa ng pangulo, wala raw siyang magagawa dahil malinaw na nagiging pugad umano ng dayaan at kurapsyon ang naturang mga PCSO-sanctioned game.

Tiniyak din nito na hindi niya bibigyan ng pansin ang anumang kautusan ng korte para harangan ang kanyang inilabas na kautusan.

 

-0-

Agad namang naglabas ng kautusan si PNP chief General Oscar Albayalde sa lahat ng police regional offices na ipasara ang mga outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO sa buong bansa.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Duterte na ipatigil ang lahat mg operasyon ng Lotto, STL, Keno, Peryahang Bayan at iba pang gaming schemes na may prangkisa ng PCSO.

Ayon kay Albayalde, magkakaroon sila ng augmentation force para ipatupad ang direktiba ng Pangulo.

Pupuntahan anya ng mga pulis ang PCSO outlets at iba pang betting areas at aarestuhin ang sinumang lumabag sa utos.

Wala namang nakitang problema ang PNP Chief dahil ang Pangulo anya mismo ang nag-utos.

Tama lang anya ang Pangulo dahil mayroong mga iregularidad sa PCSO gaming operations kabilang ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Dahil walang sinabing eksaktong paraan ng implementasyon ay bahala na ang PNP sa kanilang magiging hakbang.

Aminado naman si Albayalde na dahil tigil na ang PCSO games ay posibleng lalong umusbong ang illegal number games gaya ng jueteng at last two.

Pero tiniyak naman ng heneral na may umiiral na one strike policy ang PNP sa illegal number games.

 

-0-

 

Libo-libo katao naman ang pinangangambahang mawawalan ng trabaho matapos na ipag-utos ni P. Duterte na ipatigil ang operasyon ng ng Lotto, STL, Keno, Peryahang Bayan at iba pang gaming schemes na may prangkisa ng PCSO.

Sa Cotabato city, South Cotabato at North Cotabato, tinatayang nasa higit tatlong libong mga mangagawa ang mawawalan ng hanap-buhay kapag tuluyang nagsara ang Small Town Lottery o STL at Lotto outlets.

Kaya naman ayon sa ilang STL at Lotto operators sa naturang mga lugar, pag-uusapan nila ang mga hakbang na gagawin at posibleng makikipag dayalogo kay P. Duterte upang irekonsidera ang kanyang naging desisyon.

Nilinaw naman ng mga ito na nagbabayad sila ng tamang buwis bukod sa regular na pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang mga residente sa mga lugar kung saan sila nag-o-operate.

 

-0-

 

Sabay na nagtungo sa Police Station 1 sa Cotabato city ang labing anim kataong pawang mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga upang linisin ang kanilang mga pangalan.

Ang 16 na mga sumuko ay pawang mga nasa hustong gulang, tatlo sa mga ito ay babae, at pawang mga residente ng Barangay Poblacion 2.

Ayon sa mga ito, boluntaryo silang sumuko sa pulisya pasado alas singko ng hapon kahapon para mawala ang pagdududa sa kanila.

Matapos maitala ang kanilang mga pangalan sa police blotter ng nasabing himpilan ng pulisya ay pumirma ang mga ito bilang patunay umano na sila ay mga inosente.

SAMANTALA, isang sundalo naman ang biktima ng pambubugbog sa Rosales Street, Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City pasado alas nuebe ng umaga kahapon.

Nakilala ang biktima na si JOSE REY CASCARO SINECO, 24 anyos, sundalong nakatalaga sa Army’s 6th Signal Battalion.

Kinilala lamang nito ang dalawang mga suspek na nambugbog sa kanya na sina VHONG at LENDI, pawang mga residente rin ng nabanggit na lugar.

Pinagtulungan umanong bugbugin ng dalawang mga suspek ang sundalo dahil umano sa di nila pagkakaunawaan.

 

-0-

 

PINALITAN NA ang hepe ng Regional Health Services ng PNP 12 matapos na mahuli sa entrapment operation ang isang tauhan nito na nangingikil ng 50 libong piso mula sa isang PNP applicant.

Agad sinibak sa pwesto si Lt. Col. Perfecop Yu na ngayon ay ini-imbestigahan na sa Kampo Krame.

Humalili naman sa kanya si Police Lt. Col. Johanna delos Santos.

Ayon kay delos Santos, nagpatuloy ang imbestigasyon kay Police Master Sergeant Arnel Abellera na hawak ngayon ng Kampo Lera matapos nireklamo ng kapatid ng PNP applicant na residente ng Pres Quirino, Sultan Kudarat.

Dahil umano sa tauhan ni Yu ang inireklamong pulis kaya’t ni-relieve din ito sa pwesto dahil sa command responsibility.

Matatandaang hinuli ng Integrity Enforcement Monitoring Group mula sa Kampo Krame nitong Lunes ang suspek sa loob ng isang fastfood chain nang tanggapin nito ang marked money na ginamit sa entrapment operation.

Kapalit umano sa nasabing pera ang Nuero examination result na isa sa requirements sa PNP recruitment.

Sinabi naman ni PNP 12 Director Brigadier general Elesio Rasco na hindi kukunsitihin ng pamunuan ng PNP ang maling gawain ng sinumang pulis.

 

-0-

 

Malubha at walang malay nang isugod sa pagamutan ang isang batang babae nang mabundol ito ng isang motorsiklo sa national highway sa Barangay Butilen, Datu Salibu, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si ROHAINA SAIDONA, five years old na residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa kwento ng pamilya ng bata, bandang alas singko ng hapon kahapon nang tumawid sa kalsada ang biktima upang bumili sana ng makakain ngunit hindi umano nito napansin ang mabilis na paparating na motorsiklo dahilan upang mabundol ang bata.

Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima, tumilapon ito dahilan upang magtamo ng maraming sugat sa kanyang mukha at sa iba pang parte ng kanyang katawan.

 

-0-

 

Binata patay sa karambola ng tatlong sasakyan sa Tupi, South Cotabato

Kinilala ng Tupi PNP na pinamumunuan ni Police Major Andres Sumugat ang nasawing biktima na si Johnny Sano, 23 years old, binata at nakatira sa Libertad, Surallah, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na ang biktimang si Sano ay nagtamo ng matinding mga sugat. Ito ay matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo nang mahagip ang sinusundang motorsiklo sa national highway Barangay Polonuling, Tupi, South Cotabato. Nabatid na ang dalawang motorsiklo ay parehong patungong Poblacion, Tupi.

Dahil sa lakas ng pagkakabanga nito pumahit pakanan ang motorsiklo ni Sano at nabangga ang kasalubong na kotse na minamaneho ng ligtas na si Jay Sotelo, 29 years old ng Barangay Namnama, Koronadal City. Ang biktimang si Sano na nagtamo ng matinding mga sugat ay dead on arrival nang dalhin ng mga kasapi ng Disaster Risk Reduction and Management Council sa Tupi Municipal Hospital.

Sugatan din sa insidente ang angkas nitong si Lindy Santander ng General Santos City na inilipat sa South Cotabato Provinicial Hospital sa Koronadal City. Ang driver namang ng motorsiklong nabangga nitong si Renante Tejeros, 29 years old ng Polonuling, Tupi na nagtamo ng minor injury ay agad na nakalabas ng ospital.

Ang nagkarambolang mga sasakyan ay kinustodya ng Tupi PNP, ito ay habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa insidente.

 

-0-

 

Health Officials binalaan sa apat na strain ng dengue virus na matatagpuan sa lalawigan ang mga mamamayan ng South Cotabato

Magingat sa apat na strain ng dengue virus na matatagpuan sa lalawigan ng South Cotabato. Hiling ito ng mga Health Officials sa mga mamamayan ng lalawigan. Matatandaan na ang presensya ng mahigit sa isang strain ng nasabing virus ay kinumpirma ng Department Health nang magkaroon ng dengue outbreak sa South Cotabato noong 2016.

Ayon kay Provincial Health Office Disease Surveillance Officer Cecile Lorenzo, lumabas ito sa random sampling ng mga taga DOH. Aminado naman si Provincial Health Officer Dr. Alah Baby Vingno na wala silang equipment na tutukoy sa uri ng virus strain sa lalawigan.

Ayon kay Vingno isinumite pa nila ito para sa confirmatory test sa Kalakhang Maynila. Kasunod ito ng pagdeklara ng State of Calamity dahil sa dengue outbreak sa South Cotabato.

Naniniwala naman si Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr., na isa mga dahilan ng biglang pagdami ng dengue cases ang climate change.

Paliwanag ni Aturdido, kapag nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabago sa klima mas madaling mapisa ang itong ng mga lamok na pagmulan ng vectors na sanhi ng dengue outbreak.

Hiniling ni Aturdido sa mga mamamayan na ireport sa kanilang mga Barangay Officials kahit na isang kaso lamang ng dengue sa kanilang lugar para magsilbing bababala sa kanilang mga kanayon.

 

-0-

 

Conversion ng Job Order Employees sa Casual Employees ipinaliwanag ng gobernador ng South Cotabato

Nais ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr na paunti unting gawing Casual Employees ang mga Job Order o JO na kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Tamayo layon nito na maramdaman ng mga JO na kabilang sila sa provincial government at makatatanggap ng kahalintulad na benepisyo sa mga regular employees.

Ipinahayag ito ni Tamayo sa harap ng mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan, Department Heads at mga empleyado na dumalo sa Budget Forum for Budget Year 2020 sa Koronadal City.

Dinagdag ni Tamayo na inilakip din nito ang peace and order sa kanyang mga prayoridad na programa para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan ang lalawigan.

Mahalga ayon kay Tamayo na mag-invest din ang lokal na pamahalaan sa human capital at raw materials na kakailanganin ng mga negosyante. Ayon kay Tamayo kalakip din sa kanyang mga priority programs sa susunod na taon ang kalusugan, edukasyon, infrustructure at Agrikultura.

Ayon sa Provincial Budget Office, ang South Cotabato ay may mahigit P1.7 billion internal revenue allotment para sa 2020 na mas mataas naman ng mahigit 11% kumpara ngayong 2019.

 

-0-

 

Wanted sa Bukidnon, inaresto ng mga pulis sa Tampakan, South Cotabato

Matapos ang mahigit isang taong pagtatago, naaresto ng mga pulis sa Tampakan, South Cotabato ang isang wanted person sa Bukidnon. Kinilala ni Tampakan Acting Chief of Police, Captain Joseph Villanueva ang suspek na si Joasher Villarino, may asawa, 34 years old.

Si Villarino ay inaresto ng mga pulis sa kanila mismong lugar sa Barangay Lampitak, Tampakan. Nabatid na si Villarino ay may kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children sa San Fernando, Bukidnon.

Siya ay naibigay na ng Tamnpakan PNP sa mga kasapi ng San Fernando Police na kasama sa mga umaresto sa kanya. Sa bayan naman ng T’boli, South Cotabato arestado din ang Number 10 wanted sa lugar na si Joel Buan, 50 anyos.

Si Buan ay natimbog sa manhunt charlie operation ng Tboli PNP na pinamumunuan ni Police Major Bernie Faldas sa kanilang lugar sa Barangay Lambuling sa nasabing bayan. Ito ay dahil sa kasong iligal na pagtatago ng mga armas.

 

-0-

 

Magsasaka sa M’lang North Cotabato na nagbigay ng lupa na pagtayuan ng Solar Power Irrigation System nabigyan ng tractor ng DA

Tumanggap ng ng four-wheele-drive tractor mula kay Department of Agriculture Secretary Manny Pinol ang magsasakang si Rico Maambong ng Barangay Palma Perez, M’lang North Cotabato. Ito ay bilang pagkilala ng ahensya sa tulong ng 70 years old na si Ambong sa kapawa nito mga magsasaka.

Ayon kay Ambong nang marinig nito ang plano ng DA na maglagay ng P7.9 million Solar Power Irrigation System o SPIS sa kanilang lugar, hindi siya nagatubiling I-donate ang kanyang 1/4 ektaryang lupain.

Ang lupaing dati tinamnan ng saging at niyong ay ngayon ay nagpapatubig sa mahigit 40 ektaryang sakahan sa lugar. Sinabi ni Ambong na dahil sa kawalan ng supply ng tubig problema noon ang pagsasaka sa kanilang lugar ang pagtatanim.

Ang nasabing tractor ay ibinigay kay Ambong nang magsagawa ang DA ng mass distribution ng mga farm equpment sa Balindog Research and Experiment Station sa Kidapawan City. Ayon kay Pinol sana maging halimbawa din sa kapawa nito mga magsasaka si Ambong.

Ang mga magsasaka ng Palma Perez na isang beses lamang magtanim dahil sa kawalan ng tubig ay umaasang makapag ani ngayong ng dalawang beses kada taon. Ito ay kasunod ng paglalagay ng SPIS project sa kanilang lugar.

 

-0-

 

Dalawang lalaki na mga wanted person, arestado sa magkahiwalay na operasyon ng PNP sa Tulunan at Pikit, North Cotabato

Huli ng PNP ang dalawang mga wanted sa batas matapos ikasa ng mga otoridad ng operasyon sa bayan ng Pikit at Tulunan, North Cotabato. Unang nahuli ang isang lalaki dahil sa kasng murder sa sa Sitio Lamak, Barangay Poblacion Pikit, North Cotabato alas 6:00 ng hapon kahapon.

Kinilala ang naaresto na si Datu Pecson Paguital Mangansakan alyas Datu, 41 anyos, may asawa at residente ng Barangay Silik, Pikit.

Dala ang warant of arrest na may kasong murder na inisyu ni Hon. RAINERA P. Osua, presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 28 Midsayap, Cotabato. Samantala sa Tulunan, North Cotabato nahuli naman ang 34 anyos na lalaki na may kasong qualified theft sa Purok 4 Bagumbayan Tulunan, North Catabato alas 3:00 ng hapon.

Kinilala ang naresto na si Remuel Mayuga Mayo alyas Patong na nakatira sa nasabing lugar. Ang dalawang mga wanted person s ay nakapiit na sa custodial facility ng PNP at nakatakdang sasampahan ng karampatang kaso sa korte.

 

-0-

 

 Mga stray dogs sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, hinuli ng Office of the Provincial Veterinary office o OPvet

Hinuli ng Office of the Provincial Veterinary Office o OPVet ang mga asong gala lalo na sa National Highway sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Batay sa ulat, umabot na sa mahigit tatlumpong mga “stray dogs” o asong gala mula lamang sa bayan ang nahuli dahil sa pakalat-kalat sa daan. Ilan sa kanilang mga nahuli ay kinuha nan g may-ari habang ang iba naman ay isinalalim sa euthanasia o mercy killing.

Paliwanag ng tanggapan, isinagawa ang aktibidad upang maiwasan narin ang pagdami nito sa daan ng galang aso na may dalang rabies at maaring maging dahilan pa ng aksidente ng mga motorista.

Payo naman sa mga pet owners na itali o ilagay sa kulungan ang mga alagang aso upang maiwasan na magka-disgraya. Ito ay paalala naman sa iba pang mga pet owners hindi lamang sa bayan kundi sa mga mamamayan ng North Cotabato na maging responsable sa kanilang mga alaga.

 

-0-

 

DICT, nagsagawa ng information and communication technology literacy training Mlang, North Cotabato

Nagsagawa ng isang Information and Communication Technology (ICT) literacy training ang Department of Information and Communication Technology (DICT) 12 sa bayan ng M’lang, North Cotabato ngayong huwebes July 25, 2019.

Ayon kay DICT 12 Provincial Officer Engr. Mohadjirin Matanog, layon nitong mabigyan ng sapat na kaalaman at mahubog ang ICT skills ng mga lalahok sa nasabing training.

Aniya, layon din nilang magkaroon ng extra income ang mga local talents, fresh graduate at maging mga professionals na hindi ganun kasapat ang kinikita.

Nais din ng DICT na pagtakatapos ng kanilang training program ay magkaroon ng trabaho ang mga participants mapa-online man o mapa offline jobs.

Ituturo sa nasabing training program ang patungkol sa cyber security, gaya ng paggawa ng mga legit site online, pagtukoy sa mga bogus site at iba pang mga kaalamang technical upang mas lalong mapalawak ang kaalaman ng mga partisipante.

Ang training orientation ay nagsimula miyerkules hanggang ngayong araw ng taong kasalukuyan. Tatagal ang training ng higit sa dalawang buwan na na may 2 meetings per week. Matatandaan na nitong nakaraang taon, nagsagawa rin sila ng kahalintulad na training sa buong probinsiya ng North Cotabato.

Samantala, ayon kay Matanog, limitado lamang ang maaari nilang i-accommodate kaya magsasagawa sila ng screening process para matukoy ang dalawampu’t lima katao na kanilang sasanayin.

 

-0-

 

Mga pamilyang apekatdo ng pagbaha sa Kidapawan City, nabigyan ng tulong mula sa City LGU

Nabigyan ng relief assistance ang mga pamilyang apektado ng pagbaha mula sa ibat-ibang barangay sa Kidapawan City. Abot sa limampung mga pamilya ang nakatanggap ng tulong matapos ang malakas na pag-ulan sa lungsod kamakailan na umapaw ang tubig sa mga kanal at sapa.

Nanguna sa pamimigay ng tulong ang mga Deaprtment Heads ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at City Social Welfare and Development Office Sila ay tumanggap ng tig-lilimang kilong bigas, at de lata na sardinas at corned beef ang bawat household na apektado ng baha, base na rin sa impormasyon ng CDRRMO.

Ang pamimigay ng relief assistance ay mula sa limang porsyentong quick response fund ng CDRRM. Kaugnay dito ay ipasusuri din ng lokla na pamahalaan sa Engineering Office ang mga binahang drainage canal na malapit sa nabanggit na mga lugar.

Ito ay upang magawan ng paraan na hindi na umapaw ang tubig at bahain ang mga residente pagsapit ng ulan May naiulat ding nasirang mga ilang pananim sa lungsod dahil umapaw ang tubig sa ilog.

 

-0-

 

Itinanggi ng BIFF na isang IED factory ang bahay na binomba ng militar kamakalawa sa Sitio Butelen, Barangay Kabasalan, Pikit North Cotabato.

Sinabi ni BIFF spokesperson, itinanggi na may IED factory sa mga lugar na binomba ng miltar sa Pikit, North Cotabato Itinanggi ng BIFF na isang IED factory ang bahay na binomba ng militar kamakalawa sa Sitio Butelen, Barangay Kabasalan, Pikit North Cotabato.

Sinabi ni Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF spokesperson Abu Misry Mama, wala anyang mga miyembro ng BIFF na nakatira sa nasabing lugar at bahay lamang ng sibilyan ang binomba ng 6Th Infantry Battalion ng Philippine army.

Anya, wala ding miyembro ng kahit-anumang mga rebeldeng grupo sa lugar at maging ang sinasabing nagka-engkwentro sa pagitan ng may-ari ng bahay at militar na taliwas naman sa kanilang ulat na ikinasawi ng isa ka tao at dalawa ang nasaugatan. .

May panawagan naman ang tagapagsalita ng BIFF na wag na lamang idamay ang mga walang kalaban-laban na mga sibilyan.

Samantala sa hiwalay naman na panayam kay 6th Infantry Division spokesperson Major Homer Estolas, kinumpirma nito na isa ang patay sa panig ng militar sa engkwentro Barangay Dasawao sa Shariff Saidona Mustapha, Maguindanao. Ang nasawi ang kinilalang si Sgt. Ahmad Layos Mahmood na miyembro ng scout ranger. Limitado naman ang ibinigay na impormasyon ng spokesperson ng 6th ID dahil patuloy pa ang isinagawang operasyon sa lugar na sinasabing kuta ng BIFF.

 

 

 

 

Type a message...

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...