Saturday Dec, 10 2022 04:12:37 AM

NDBC BIDA BALITA (Jan. 13, 2021)

NDBC BALITA • 09:30 AM Wed Jan 13, 2021
964
By: 
NDBC NCA

 

HEADLINES:

1.  Hustisya, hiling ng taga Libungan para kay Mayor Amping Cuan 

2.  Marami nagtatanong asan pala ang police escorts ni Mayor Cuan nang siyay mabaril? police may paliwanag 

3.  Mas marami gumaling sa Covid kumpara sa bagong kaso sa Region 12, ayon sa DOH

4.  Labing tatlong mga bahay sa Tacurong, nakalockdown dahil sa Covid-19.

5.  Libreng Theoretical driving course ng LTO 12 mapapakinabangan ng mga mahihirap na mamamayan sa rehiyon 

6.  Senior citizen, nasawi matapos madulas sa kasagsagan ng pagbaha sa North Cotabato. 

 

Local………………..

NAKA-HALF MAST NA ANG bandila ng Pilipinas sa harap ng municipal hall at sa lahat ng mga barangay hall ng Libungan bilang bahagi ng pagluluksa sa pagpanaw ni town Mayor Christopher Amping Cuan.

Simula bukas, January 14, ang mga labi ni Mayor Cuan ay ibuburol sa municipal covered court para sa public viewing. SA isang pahayag, sinabi ng Libungan LGU FB page na mahigpit na ipatutupad ang health protocol sa lahat ng mga bibista at gustong makita ang mga labi ng pumanaw na mayor.

Pinapayuhan din ang mga kaibigan at kakilala na huwag bumisita sa kanilang bahay kundi sa town covered court na lang.

Si Mayor Cuan at ang driver nitong si Edwin Ihao ay pinagbabaril ng apat na mga kalalakihan sa Sitio Abacanhan, Barangay Cabaruyan, Libungan, alas 11 ng umaga noong lunes. Hanggang ngayon, blangko pa ang Libungan PNP sa pagkakilanlan ng mga taong responsible sa pagpatay kay Mayor Cuan.

-0-

Local…

SAMANTALA, HANGGANG NGAYON, ay maraming nagtatanong bakit wala man lang police escorts si Mayor Cuan nang maganap ang pamamaril sa kanya.

Ayon sa kanila, matagal nang may death threat ang alkalde at una na nga siyang nabaril pero hindi tinamaan noong Jan. 2017 sa harap ng lumang municipal building ng Libungan.

Dahil diyan, anila, dapat ay hindi naglalakad ang alkalde na walang police escorts. Pero, ayon kay Libungan town police chief Capt. Jennefer Amotan ang escorts ni Mayor Cuan ay naghihintay sa kanyang bahay. Galing kasi ng Davao ang alkalde at ang driver nito.

 Pero hindi siya nagdala ng police escorts sa pagtungo ng Davao City. Ang mga police escorts ay naghihintay ng tawag ng mayor, tulad ng kanyang dating ginawa, kapag ito ay pauwi ng Libungan.  Hindi tumawag si mayor, ayon sa PNP.

Pero, nong lunes ng umaga, ay hindi ito tumuloy sa bahay kundi dumaan saglit sa ginagawang cockpit arena sa Sitio Abacanhan, di lamang kalayuan sa kanyang bahay. Si Capt. Amotan ay nakapanayam ng DXMS Radyo Bida.

-0-

Local…

Mas marami ang gumaling kaysa mga bagong kaso ng coronavirus disease ang iniulat ng Department of health sa Region 12 hanggang kagabi.

Sa ngayun, umabot na sa 3,463 ang kabuuang bilang ng recovered patients sa rehiyon. Ito’y matapos makapagtala ang DOH ng karagdagang 35 recoveries kahapon.

Sa nabanggit na bilang, 18 ang mula sa South Cotabato, 8 Sarangani, 7 General Santos City at 2 North Cotabato. Nasa 359 naman ang mga aktibong kaso. Samantala, 22 naman ang nadagdag sa bilang ng COVID-19 infections kaya’t umakyat na sa 3,965 ang total cases.

Pinakamarami sa mga bagong kaso ay taga North Cotabato na umabot sa syam, South Cotabato anim, Sultan Kudarat lima at tig-iisa sa General Santos City at Sarangani. Sa magkasunod na dalawang araw naman ay walang naitalang nasawi kung kaya't nanatili sa 142 ang Covid-19 related deaths sa SOCCSKSARGEN.

-0-

Local…

Magbibigay ng libreng labinlimang oras na Theoretical driving course o TDC sa mga indigent o mahihirap na mga mamamayan sa rehiyon ang Land Transportation Office o LTO 12. Ito ay ayon kay LTO 12 regional Director Macario Gonzaga.

Ayon kay Gonzaga magtatagal ang libreng TDC na magsisimula ngayong araw hanggang sa January 15. Payo ni Gonzaga sa mga nais makinabang sa programa magpatala sa LTO 12 Office sa Purok Yellow Bell, Barangay Santa Cruz, Koronadal .

Ayon kay Gonzaga ang ito ay laan lamang sa limampung mga participant on first come first serve basis. Pero ayon sa nasabing LTO 12 Regional Director maari pa silang magsagawa ng libreng TDC para sa mga hindi ma-accommodate sa unang beses na pagpapatupad nito.

Kailangan lamang ng mga participant magdala ng certificate of indigency, PSA birth certicate, pagkain at merienda, face masks, CCTS ID at ball pen. Ang theoretical driving course ay isa sa mga requirement ng LTO sa pagkuha ng driver’s license. Voice Clip…Si LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga.

-0-

Local…

Mag live-in partner patay sa pamamaril sa National Highway sa Matalam, Cotabato habang magsasaka sugatan naman sa pamamaril sa bayan ng Mlang

Kinilala ni Matalam PNP Chief Police Captain Junrel Amotan ang mga nasawi na sina Antonio Simtim Sumapal , 50 years old,driver at Jasmin Imao Mamaluba, 47 years old, pawang mga residente ng Brgy. Cabuling, Banga, South Cotabato.

Ayon sa ulat, habang nakaparada at may inaayos ang lalaking biktima sa likurang bahagi ng kanilang kulay puting Mitsubishi Canter (Mini Elf) na may plakang CAZ 2103 sa nasabing lugar, nang biglang dumating ang mga salarin at pinaulanan ng bala ang mga bitkima.

Narekober sa crime scene ang walong piraso ng fired cartridge cases ng caliber .45 pistol Natamo ng dalawang mga biktima ang tama ng bala sa iba’t-ibang ng kanilang katawan na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan. Hahang agad namang tumakas ang mga suspek sa di tukoy na direksyon. Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa naturang pamamaril.

Nabatid na parehong mga byudo at byuda ang dalawang mga biktima. Samantala, patuloy na nagpapagaling ngayon sa ospital ang 39 anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng riding in tandem suspect sa MH Del Pilar St, Barangay Poblacion, Mlang, Cotabato kahapon ng umaga.

Ang biktima ay si Larry Bantas, magsasaka na nakatira sa Derecho Subdivision, Poblacion A Mlang. Sa pahayag ng sugatang biktima, napansin na anya nito na sinusundan na siya ng mga suspect na sakay ng XRM motorcycle.

Agad na naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima pero kalaunay inilipat sa Amas Provincial Hospital dahil sa maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagui ng kanyang katawan. Habang mabilis ding tumakas ang mga suspect matapos gawin ang krimen. Sa ngayon, iniimbestigahan na ng mga pulis ang posibleng motibo ng mga salarin sa tangkang pagpatay sa biktima.

-0-

Local…

Ipinatigil na ang operasyon ng Arakan Gallera Cockpit Arena sa Brgy. Poblacion, Arakan, Cotabato matapos na makitaan ng mga paglabag sa ipinapatupad na health protocols kontra Covid-19.

Ang naturang sabungan ay pagmamay-ari ng isang Melchor Anarna, nasa hustong gulang, may asawa, isang negosyante at residente ng Poblacion, Arakan, Cotabato.

Ayon sa Arakan PNP, inireklamo ang naturang sabungan sa National Hotline number nitong January 6, 2021, dahil umano sa mga paglabag nito sa RA 11332 at sa IATF Guidelines na inilabas noong October 23, 2020, kung saan nakasaad ang mga panuntunan sa pagpapatakbo ng mga sabungan na nasa ilalim ng MGCQ.

Samantala, ligal naman na nakapag-operate ang naturang sabungan matapos na makakuha ng permit sa LGU-Arakan, ngunit malinaw na ito ay revocable at nakasaad dito na sakaling makitaan ng paglabag ay agad itong ipapasara.

Matatandaan na pinayagang makapag-operate ang mga sabungan sa bansa basta’t may mga permit ang mga ito natitiyak na nasusunod ang lahat ng itinakdang alituntunin sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na laban kontra pandemya.

-0-

Local…

Taga Kidapawan City ang lahat ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala kahapon ng DOH-12.

Batay sa report ng IATF, lima mula sa siyam na bilang na ito ay dumalo sa iisang social gathering kabilang ang mga senior citizen at menor de edad.

Samantala, nagpositibo din ang dalawa pang mga frontliner na may high public exposure at dalawang iba pa na na taga lungsod.

Sa ngayon, naka isolate na sa Kidapawan City temporary Treatment and Monitoring facility ang mga pasyente upang magpagaling at para sa kanilang quarantine period.

-0-

Local…

Planong isailalim sa General Community Quarantine o GCQ ang buong Brgy Bual, Tulunan, Cotabato at i-lockdown pansamantala ang isang purok dahil sa isang pamilyang may tatlong miyembro na COVID positive.

Sa ngayon ayon kay Brgy. Bual Chairman April Palomo, ipinatutupad na nila ang pagbabawal sa anumang uri ng pagtitipon sa lugar gaya ng handaan sa birthday, binyag, kasal at iba pang gathering sa loob ng 14 na araw. Pero sa ngayon ayon sa opisyal, inaantay na lamang nila ang approval ng Regional IATF kung maaari silang magpatupad ng lockdown sa isang lugar.

Kaugnay nito, aasahan namang maglalabas ng executive order si Tulunan Mayor Pip Limbungan ngayong araw sa planong pagsasailalim sa GCQ at lockdown sa nabanggit na lugar.

Samantala, mas pina-igting naman ng Local IATF sa bayan ang kanilang contact tracing dahil nabatid na dumalo sa gathering ang nasabing mga COVID positive.

Pero tiniyak ng mga ito na isinailalim na sa quarantine ang lahat ng mga primary at secondary contact sa lahat ng nakasalamuha ng nasabing mga COVID patients.

-0-

Local…

Makatatanggap ng insentibo at pagkilala mula sa lokal na pamahalaan ang limampung mga micro small and medium enterprises o MSME sa General Santos City.

Ang mga ito ay unang nakapagsumite ng application at nagbayad ng mga bayarin sa isinasagawa ngayong application at renewal ng business permit sa lungsod. Ipinahayag ito ni Gensan Business Permits and Licensing Section Head Geraldine Zamora. Ayon kay Zamora sampu sa nasabing mga MSME ay tatanggap ng tig limang libong piso.

Habang ang nalalabing apatnapung iba pa ay bibigyan ng plaque of recognition. Ipinahayag ni Zamora na ang pagkilala na ito na anim na taon na nilang ginagawa ay may layon na hikayatin ang mga negosyante na mag-renew ng permit at magpatala ng kanilang mga negosyo ng mas maaga.

Sa ngayon ayon kay Zamora ay naghahanap pa sila ng mga establisemento na consistent sa top 50 list para mabigyan ng “Hall of Famer” award. Magtatapos ang renewal at application ng business permit sa Gensan sa January 20. Target ng lokal na pamahalaan na makapagproseso at makapagbigay ng mahigit pitong libong mga business permit.

-0-

Local…

13 mga bahay sa pitong mga barangay sa Tacurong City isinailalim sa localized locdown ni Mayor Angelo Montilla dahil sa COVID-19

Matatagpuan ang labintatlong mga bahay sa Tacurong City na naka-lockdown ngayon dahil sa COVID 19 sa mga barangay ng San Pablo at Poblacion na may tigtatatlo, tig dalawa sa EJC Montilla at News Isabela at tig isa sa Griño, Baras at New Carmen.

Ang lockdown ay ipinagutos mismo ni Tacurong Mayor Angelo Montilla kasunod ng pagpupulong ng mga myembro ng Tacurong Incident Team. Bunsod ito ng tumataas na mga kaso ng COVID-19 sa nasabing lungsod.

Ayon kay Montilla ang mga mamamayan na nakatira sa mga bahay na isinailalim sa localized lockdown ay dapat tumalima sa home quarantine. Ang pangunahing mga pangangailangan ng mga ito ay ibibigay ng Barangay at city government. Inutusan din ng alkalde ang mga kasapi ng Barangay Health Emergecy Response Team o BHERTS na magsagawa ng imbestigasyon at contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga COVID-19 positive.

Habang ang City Epidemiology and Surveillance unit ay kailangan na mabigay ng update sa kontaminasyon ng COVID-19 sa mga naka lockdown na lugar kada araw. Inoobliga din ni Montilla ang nasabing mga barangay na maglagay ng Quarantine Control Points.

Tiniyak din ng alkalde na ang mga susuway sa kanyang Executive Order ay makakasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code. Naitala sa Tacurong City ang mahigit 130 na mga kaso ng COVID-19. 92 sa mga ito ay gumaling, 45 ang active cases at dalawa naman ang binawian ng buhay.

-0-

Local…

Umabot sa mahigit 20 million pesos ang halaga ng mahigit 20 metrikong tonelada mga namatay na Tilapia,sanhi ng pinakahuling insidente ng fish kill sa Lake Sebu, South Cotabato.

Kinumpirma ito ni Lake Sebu Mayor Floro Gandam.

Ito ayon kay Gandam ay nakaapekto din sa 250 na mga fish cage operators sa mga barangay ng Takunel, Poblacion at Bacdulong. Inamin naman ni Gandam na hindi nasunod ang isinusulong noon na dapat ten percent lamang ng lawa ang i-utilized o paglagyan ng fish cages.

Ayon kay Gandam para ito maipatupad nakikipag usap ngayon ang lokal na pamahalaan ng Lake Sebu sa mga fish cage operator. Sa ngayon kasi ayon kay Gandam ay abot sa 15 percent ng Lake Sebu ang nalagyan ng mga fish cage.

Dinagdag din nito na sa pamamagitan ng food o cash for work program ipatutupad ng Lake Sebu LGU ang malawakang clean up drive sa mga bahagi ng Lawa na apektado ng fish kill. Sinabi din ni Gandam na para matulungan na makabawi sa pagkalugi, ang mga fish cage operator sa Lake Sebu ay bibigyan ng lokal na pamahalaan ng Tilapia fingerlings at iba pang pangangailangan.

-0-

Local…

Walang lugar ang korupsyon sa Department of Social Weflare and Development of DSWD 12. Ipinahayag ito ni DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo kasunod ng pagtiyak na pagpapaigting pa ng serbisyo ng nasabing ahensya.

Sa katunayan ayon kay Espejo abot na sa mahigit 1.1 million pesos ang nagamit ng ahensya para sa kanilang assistance to individuals in crisis situation o AICS. Layon ng AICS na matulungan ang mga pamilya na apektado ng hindi inaasahang krisis tulad ng kalamidad.

Base sa datus ng DSWD 12, ang AICS ay napakinabangan ng mahigit 705 thousand na mga pamilya, may 148 thousand na mga bata na nangangailangan ng special support , may 247 thousand senior citizens, mahigit 1,500 na mga kababaihan at 368 na mga persons with disability.

Ayon naman kay DSWD 12 Protection Division Chief Ellah Aratuc, ang mga benepisyaryo ay nakinabang din sa transportation, medical, burial, education assistance at emergency support sa ilalim ng Social Amelioration Program.

Sinabi din ni Aratuc na marami sa mga nabigyan nila ng tulong ay dating myembro ng rebeldeng grupo. Ito ayon kay Aratuc ay bilang pagtalima na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigay ng tulong at kaunlaran sa mga conflict affected areas.

-0-

Local…

HINDI NA NAKAPALAG PA ang isang drug suspect sa ikinasang drug buy bust operation ng PNP at PDEA sa Pigcawayan, North Cotabato kahapon.

Ginawa ang drug buy bust ng pinagsanib pa pwersa ng PNP, PDEA at police mobile force sa national highway Barangay Tubon, Pigcawayan, North Cotabato.

Maayos naman at nakipagtulungan ang suspect na si Bayzer Sebang Abpi, 33 years old na taga-Poblacion 7, Cotabato City.

Sinabi ni Pigcawayan Acting police chief Maj. Ivan Samoraga na ang pagkahuli sa suspect ay resulta ng pinalakas na intelligence operations ng ibat ibang law enforcement agencies.

Nakuha mula kay Abpi ang mahigit 50 grams ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P340 libong piso na inilagay sa isang plastic bag.

Ayon kay Samoraga, nakabili ang isang police undercover agent ng P100,000 na halaga ng shabu gamit ang “boodle money” na kinabibilangan ng isang tunay na P1,000 bills at 99 piraso ng photo copy ng isang libong piso.

Nakapiit na sa Pigcawyan PNP lock-up cell ang suspect habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-0-

Local…

NABULABOG ANG ISANG RESIDENTIAL area sa Barnagay Rosary Heights 7 Cotabato City matapos na matagpuan ang isang live hand grenade kahapon.

Sa purok Paraiso ng naturang lugar ay nakita ng isang ginang ang granada sa gilid ng pader at medyo natakpan ng mga damo.

Agad siyang nagreport sa barangay tanod, ipinarating sa local officials ng barangay at tumawag ng mga police. Nang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2, agad na nilagyan ng police line ang lugar habang hinintay ang bomb disposal unit.

Live hand grenade ang nakita ng mga residente kayat ito ay maayos na na-deactivate ng mga expert. Hangang ngayon, palaisipan sa mga nakatira sa Purok Paraiso, Barangay RH 7, Cotabato City paano napunta sa lugar ang explosive at sino ang may gawa nito.

-0-

local..

LOVE TRIANGLE ang tinitingnang dahilan ng pagbaril at pagpatay sa isang sundalo sa loob ng bahay ng kanyang kasintahan sa Wao, Lanao del Sur.

Kinilala ni 5th Infantry Battalion commander Lt. Col. Romulus Rabara ang nasawing sundalo na si Cpl. Arnasil Esmael, na isang Tausug mula sa Jolo.

Ayon kay Rabara, nasa kusina ng bahay ng biktima si Esmael nang pumasok ang isang gunman at agad siyang binaril sa dibdib.  Dinala pa sa pagamutan ang biktima pero dead on arrival ito.

Nakuha ng SOCO ang mga empty shell ng cal. 45 pistol at  ng 9mm pistol sa crime scene.

Ayonb kay Wao Police Station investigator Sr. Master Sgt. Mark Ariel Macana, isa lang ang love triangle sa mga inaalam na motibo.  Marami pa aniyang posibleng dahilan ng pagpatay sa biktima.

-0-

TIMRA

NARITO ang mga balitang mula sa Tingog Mindanao Radio Alliance o TIMRA hatid ng MX3 CAPSULE AND TEA na ipinamamahagi ng DMI Medical Supplies.

SA PAGADIAN CITY, Kinansela ng city government ang lahat ng mga crowd drawing event dahil pa rin sa banta ng Covid-19.

Kabilang dito ang ibat-ibang activities na may kinalaman sa parating na Pasalamat Festival 2021.

Ang fiesta sa Pagadian City, na tampok ang Pasasalamat Festival, ay ginagawa tuwing 3rd Sunday ng Enero bilang paggalang sa kanilang patron saint – ang Holy Child Jesus o Feast of Sto Nino.

Ang mga kinansela ay ang street dancing at ritual competition, Regatta, motorcros, Sinulog dance at ang nightly variety shows.

Ipinaliwanag ni Pagadian City Mayor Samuel Co na ang pinakalayunin nito ay hindi malabag ng lungsod at ng mga fiesta organizer ang kautusan ng IATF kaugnay ng pandemya.

-0-

SA BASILAN, sumuko ang dalawagn Abu Sayyaf members na nagpakilalang silay tauhan ng pinakamataas na opisyal ng Dawla Islamiya sa Mindanao.

Kinilala ni Westmincom chief Lt. Gen. Corleto Vinluan ang mga sumuko na sina Ahmad Ontong, 35 taong gulang at si Absirin Abul, 38 years old at kapuwa taga Basilan.

Isinuko nila ang dalawang matatas na kalibre ng armas.

-0-

SA TANDAG CITY, Surigao del Sur, patay na nang matagpuan ng mga otoridad ang isang ginang na unang iniulat na missing dahil natakpan ng gumuhong lupa.

Kinilala ni Surigao del Sur provincial director Col. James Goforth ang ginang na si Marly Visaya Cabrera, taga Barangay Maitum, Tandag City. Bumuhos ang malakas na ulan, nagkalandslide at tinamaan ang bahay ng biktima.

-0-

SA CAGAYAN DE ORO CITY, tumakas sa isolation facility ng lungsod ang isang pasyente na positibo sa COVID-19 pero agad din siyang napabalik ng maayos sa isolation center.  Kawani ng isang kumpanya ang lalaki na tila nabagot sa loob ng LigtasCovid isolation center kayat tumakas subalti agad din natunton at nakumbinsi na bumalik dahil limang araw pa lang siya sa isolation area, ayon kay Mayor Oscar Moreno.

SUMAINYO ang mga balitang mula sa Tingog Mindanao Radio Alliance o TIMRA hatid ng MX3 CAPSULE AND TEA na ipinamamahagi ng DMI Medical Supplies.

 

Ambush sa Aleosan, 6 CAFGU patay

ALEOSAN, North Cotabato – Anim na mga miembro ng CAFGU ang nasawi sa ambush na naganap sa Barnagay Tapudoc dito kaninang hapon. Sa report ng...

BARMM approves P75-M investments before the year ends

COTABATO CITY  – The Bangsamoro Board of Investments (BBOI-BARMM) convened on Friday, December 9, 2022 and approved the registration for...

3 patay sa banggaan ng pick-up vehicle at "topdown" tricycle sa Polomolok

Dead on arrival sa ospital ang 3 katao na nasangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato noong disyembre 7, 2022. Kinilala ng...

MILG gears for a robust local governance, crafts 2023-26 strat plan

DAVAO CITY – The Ministry of the Interior and Local Government (MILG) in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ended Thursday...

LPA to bring scattered rain showers across PH

MANILA – The low-pressure area (LPA) last located 610 km. east of Hinatuan, Surigao del Sur will bring scattered rain showers and thunderstorms...