Monday Jul, 04 2022 02:35:37 PM

NDBC BIDA BALITA (5.25.19)

NDBC BALITA • 23:45 PM Sat May 25, 2019
1,069
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 25, 2019 (SAT) 7:00 AM

HEADLINES:

1. ABOT sa 13 mga tindahan, naabo nang masunog ang bahagi ng Cotabato city Mega Market kahapon.

2. LALAKI, sugatan matapos siyang saksakin ng sariling kapatid sa Matalam, North Cotabato.

3. CHED OFFICIAL, binalaan ang mga kolehiyong hindi nagpapatupad ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education sa region 12.

0-0

NAABO ang nasa 13 stalls matapos na masunog ang bahagi ng Cotabato city Mega Market kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection o BFP-Cotabato City, nagsimula umano ang apoy sa stall number 24 na pagmamay-ari ni Abdul Gapor at nasa 2nd floor ng lumang gusali ng palengke.

Mabilis namang kumalat ang apoy sa iba pang mga kalapit na tindahan partikular yung mga tindahan ng tela at ukay-ukay.

Agad namang nakapagresponde ang mga bomber kaya’t hindi na kumalat ang apoy sa mga malalaking tindahan at bahay sa lugar. Tumulong din sa pag-apula ng apoy ang Chinese Fire Brigade, BFP BARMM at mga bombero sa mga karatig na bayan sa Maguindanao.

Sinabi ni BFP-Cotabato City spokesperson Fire Officer 2 Aldrin Narra na tinatayang nasa mahigit 500 libong piso ang halaga ng mga nasunog na ari-ariang.

Ayon kay Narra, sa ngayon ay patuloy ang kanilang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng sunog.

Samantala, nabatid na isang miembro ng Barangay Peace-Keeping Action Team na nakilalang si DANIEL GAUIABEL, ang nagtamo ng sugat matapos itong mawalan ng malay at malaglag mula sa ikalawang palapag ng nasusunog na gusali habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.

-0-

PATAY ang isa katao habang tatlong iba pa ang nasa malubhang kalagayan ngayon sa ospital matapos silang araruhin ng isang sports car habang sakay ng payong-payong at tinatahak ang national highway na sakop ng Brgy. Kurintem, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si HUSSIEN ULAMA, kinse anyos, habang sugatan naman sina REYNALDO LOCARO, 17 mga puto vendors na taga Rosales Street, Cotabato city.

Sugatan din ang mag-asawang senior citizens na sina NAGIB MANGENDRA, 73 at MONABAI MANGENDRA, 72, mga residente ng Kabuntalan, Maguindanao.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas singko ng hapon kamakalawa habang pauwi na sina ULAMA at LOCARO sakay ng payong-payong nang makasalubong nila ang humaharurot na sports car at binangga umano sila ito.
Nadamay naman ang matandang mag-asawang sumusunod sa kanila sakay ng motorsiklo.

Sa kabila ng nangyaring aksidente ay hindi tumigil ang driver ng naturang sports car upang tulungan ang mga biktima.

Gayunman, naisugod naman sa ospital ang apat ngunit binawian ng buhay si ULAMA habang ginagamot.

-0-

ILANG mga sibilyan ang lumikas mula sa barangay Tumbras, Midsayap, North Cotabato sa takot na maipit sa bakbakan ng dalawang magkalabang pamilya sa lugar.
Katunayan, isang sibilyan na ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala na nakilalang si Akmad Baraguir.

Sinabi ni Midsayap PNP Chief, Police Lt. Col. Benito Rotia na muli na naman kasing nagka-engkwentro ang mga armadong tauhan ni Mama Macalimbol at pamilyang Duluan sa naturang liblib na barangay.

Pawang armado ng mga matataas na uri ng armas ang pamilyang Macalimbol at Duluan na mga myembro umano ng kilalang Moro Fronts. Nabatid na matagal ng may alitan ang dalawang grupo dahil sa pulitika at agawan sa lupang kanilang sinasaka.

Agad namang nagresponde ang mga sundalo mula sa Army’s 34th Infantry Battalion at Midsayap PNP sa barangay Tumbras at nagpaputok ang mga ito ng limang bala ng 81mm mortar para tumigil na ang mga armadong grupo. Una ng nagkasagupa ang dalawang pamilya bago pa sumapit ang halalan nitong Mayo.

0-0-

NAGPASABOG ng 105mm howitzers cannon ang mga sundalo para maitaboy ang mga miembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na namataan sa hangganan ng Maguindanao at North Cotabato kahapon.

Sa inisyal na report ng Army’s 6th Infantry Division, plano umano sana ng naturang ekstremistang grupo na maghasik na naman ng gulo sa lugar ngunit napigilan sila ng militar.

Gayunman, nagdulot ng takot sa mga sibilyan ang sunod-sunod na mga narinig na pagsabog kaya ang iba sa mga ito ay dali-daling lumikas.

Sinasabing may mga nasawi umanong miembro ng BIFF sa ginawang opensiba ng militar ngunit hindi pa ito makumpirma hangga’t walang makikitang bangkay.

Sa ngayon ay patuloy pang tinutugis ng mga sundalo ang pulutong ng ilang myembro ng BIFF sa liblib na lugar sa Maguindanao.

-0-

INANUNSYO ng Department of Education o DepEdna simula bukas, May 26, ay maaaring nang mag-apply para sa Senior High School Voucher Program para sa School Year 2019-2020.

Ayon sa kagawaran, parehong bubuksan ang manual at online applications.

Ang SHS voucher program ay ang financial assistance program ng kagawaran para sa qualified Grade 10 completers na nagnanais matapos ang SHS sa private schools, state universities and colleges at local universities and colleges.

Para sa manual applications, kailangang ipadala o personal na isumite ang kanilang filled out Voucher Application Form (VAF-1) at requirements sa PEAC National Secretariat, 5th Floor Salamin Building, 197 Salcedo Street, Makati City 1229 bago o mismong sa May 31.

Para naman sa online applications, kailangan isumite ang filled out form at scanned copy ng requirements sa Online Voucher Application Portal bago o mismong sa June 2 ngunit maaari lamang gumawa ng OVAP accounts hanggang May 31.

Sinabi ng DepEd na manatiling naka-antabay para sa kumpletong listahan ng requirements at application procedures.

-0-

Executive Director ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education ng CHED binalaan ang mga kolehiyo na bigong maibigay ang grant sa mga benepisyaryo ng nasabing programa

Maariing makasuhan ng kriminal ang mga opisyal ng mga kolehiyo na hindi makapag-download ng Unified Financial Assistance System for Tertiary o UniFAST grant sa kanilang mga estudyante.

Ito ay ayon kay Commission on Higher Education o UniFASt Executive Director Atty. Carmelita Yado-Sison. Ipinahayag ito ni Sison matapos bigyan ng CHED ng ultimatum ang mga kolehiyo sa region 12 na hindi pa na nai-download ang perang nakalaan sa mga benepisyaryo ng UniFAST.

Sinabi ni Sison na binigyan ng CHED ng pagkakataon ang mga inireklamong eskwelahan na maibigay ang nasabing educational assisstance, makapag-liquidate at makapag-proseso ng mga dokomento hanggang kahapon.

Ayon kay Sison, may mga kolehiyo pa rin kasi na bukod sa kabiguan na sumunod sa mga requirement ng CHED ay patuloy pa ring hino-hold ang grant ng kanilang mga estudyante.

Matatandaan na ilang mga kolehiyo sa region 12 ang inireklamo ng mga estudyante dahil sa hindi umano pagbibigay sa kanila ng grant mula sa UniFAST.

-0-

Napapakinabangan na ng mga mamamayan sa coastal town ng Kalamansig Sultan Kudarat ang kabubukas pa lang doon na service desk ng Phililippine Health Insurance Corporation o Phihealth .

Layon nito na matiyak na makikinabang sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan ang mas nakararaming mamamayan.

Maari ring dumulog sa Philhealth 12 desk sa Rural Health Unit ng Kalamansig ang mga mamamayan sa karatig mga bayan ng Lebak,at Senator Ninoy Aquino.

Bukas din ito sa kanilang mga myembro mula sa mga bayan ng South Upi, Datu Blah at Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon sa Manobo na si John Labina Amis, dahil sa pagbubukas ng Philhealth desk sa Kalamansig, hindi na nila kailangan mamasahe ng P750 para makipag-transaction sa Philhealth Cotabato City.

Sinabi naman ni Phileahth 12 Information Officer Hanah Naanep na isa sa mga dahilan ng patatag nila ng desk sa Kalamansig, ay upang makatulong sa mga Manobo at iba pang mga Indigenous Peoples sa lugar.

Tiniyak ni Philhealth 12 Acting Regional Vice President Marjorie Cabrieto na ibibigay nila ang lahat ng pangangailangan sa ahensya ng mga mamamayan sa Kalamansig at karatig lugar.

0-0-

Brigada eskwela ng Deped nilahukan sa unang pagkakataon ng mga operatiba ng PDEA sa region 12

Nakilahok sa kauna-unahang pagkakataon sa Brigada Eskwela ng Department of Education ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Ayon kay PDEA 12 Information Officer Kath Abad,12 mga eskwelahan ang natulungan ng mga kasapi ng ahensya sa rehiyon.

Ang mga ito ay ang Fatima Central School at General Santos City National High School sa Gensan;Lope Quail Elementary School sa Libungan, Paco Elementary School at Amas Elementary School sa Kidapawan City pawang mga nasa North Cotabato.

Sa South Cotabato tumulong din sa paglilinis ang mga kasapi ng PDEA sa Concepcion National High School at Marbel 6 Elementary School sa Koronadal City.

Ayon kay Abad nag-volunteer din ang kanilang mga operatiba sa Sultan Kudarat na maglinis sa New Isabela Elementary School at Tacurong National High School sa Tacurong City at Kalawag Central Elementary School sa Isulan.

Habang ang mga kliyente naman ng Balay Silangan Reformatory Center sa Malungon, Sarangani ay naglaan din ng panahon para maglinis sa Nagpan Elementary School. Sinabi ni Abad na maliban sa paglilinis, pagpintura at pagsasaayos ng mga gamit, namigay din ang PDEA ng PDEA Comics sa mga pinuntahan nilang eskwelahan.

Maging ang mga estudyante at magulang na nakilahok sa nasabing aktibidad ay tumanggap din nito. Nauna nang ipinahayag ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo titiyakin ng ahensya na magiging handa sa pagsisimula ng pasukan sa June 3 ang mga ekswelahan sa rehiyon.

Nilinaw naman ni Deped 12 Information Officer Antonio Maganto nga hindi requirement sa enrollment ang Brigada Eskwela.

0-0-

Luzon delegates sa Little League Philippine Series humiling ng dispensa sa hindi magandang impression noon sa Koronadal City

Humingi ng pasensya sa mga mamamayan ng Mindanao lalong lalo na sa Koronadal ang mga delegado ng Luzon sa ginaganap ngayong Little League Philippine series sa syudad.

Ayon kay Tanuan City Assistant Sports Coordinator Edison Jallores, ito ay dahil sa hindi magandang impression nila sa lugar.

Ipinahayag ni Jallores na napatunayan nitong walang katotohanan ang mga negatibong narinig sa Koronadal dahil nakita nila na ito ay isang maunlad na lungsod.

Nagpasalamat din si Jallores sa magandang pakikitungo sa kanila ng mga taga Koronadal City.

Ipinahayag naman ni Little League Philippines Series Assistant District Administrator Chito Gonzales na napatunayan ng mga Luzon players na walang epekto sa pamumuhay ng mga mamamayan nito ang Martial Law sa Mindanao.

Pinakagusto rin nila sa Koronadal ang murang bilihin lalong lalo na ng mga prutas. Hiniling ni Mayor Peter Miguel sa mga mamamayan ng Koronadal ang magandang pakikitungo sa mga delegado ng Little Leauge Philippine series na magtatapos sa May 27.

0-0-

Produksyon ng organic at natural na suka mula sa coconut water, isinusulong ng Department of Agriculture

Sasanayin ng Department of Agriculture at Philippine Coconut Authority na gumawa ng natural vinegar mula sa mga produktong pang-agrikultura ang mga magsasaka at grupo ng mga kababaihan sa bansa.

Ayon kay DA Secretary Manny Pinol, layon nito na masawata ang umanoy paglipana ng mga pekeng suka sa merkado. Ipinahayag ni Pinol na ilulunsad ng DA at PCA ang “Natural Vinegar Program” sa pamamagitan ng isang araw na Orientation Workshop sa Quezon City sa May 28.

Tatalakayin sa nasabing aktibidad ang kalagayan ng coconut industry at ang adhikain ng gobyerno na makapag develop ng mga produkto mula sa niyog.

“Ayon kay Pinol paguusapan din ang potensyal ng suka hindi lamang bilang gamit para sa bahay kungdi maging sa mga industriya. Bukod sa mga ito ayon kay Pinol ipapakita din ang “Acetator”Equipment” na binuo ng Department of Science and Technology o DOST.

Ito ay may kakayahan na gawing suka ang Coconut Water sa loob lamang ng 16 na oras. Ipinahayag ni Pinol ang Vinegar production na pinagkikitaan din ng mga magsasaka sa bansa ay matagal ng binalewala noon ng pamahalaan.

Naniniwala si Pinol na dahil sa pagiging health conscious mas gusto ng mga mamamayan ngayon ang mga healthy na pagkain kaya malaki rin ang market potential ng organic vinegar.

Ayon kay Pinol kailangan laman ng mga magsasaka na ayusin pa ang packaging ng kanilang mga ibinebentang suka.

-0-

Ospital ang bagsak ang isang magsasaka matapos na saksakin ng kanyang nakakatandang kapatid alas 11:00 ng gabi sa barangay New Bugasong Matalam Cotabato.

Kinilala ng Matalam PNP ang biktima na si Renato Salmorin Jordan, 37 anyos habang ang suspek na kanyang kapatid ay nakilalang si Genesis Jordan, 45 na kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.

Ayon sa naging imbestigasyon ng pulisya, sinubukan umanong awatin ng nakakabatang Jordan ang nagwalang suspek pero pinagsasaksak umano nito ang biktima gamit ang kutsilyo.

Nagtamo ng sugat sa dibdib ang biktima na agad namang isinugod sa Cotabato Provincial Hospital, Brgy. Amas, Kidapawan City para sa agarang medikasyon. Napag-alaman din at base sa salaysay ng asawa ng biktima ay lango umano sa nakakalasing na inumin ang suspek nang mangyari ang insidente.

Habang tinutugis pa ngayon ng mga otoridad ang nasabing suspek. NDBC BIDA BALITA

0-
Kapitan ng isang barangay sa President Roxas, Cotabato, itinanggi ang umano’y panghaharang sa mga botante noong halalan

Itinanggi ng Punong barangay sa Salat, President Roxas, North Cotabato na mayroon umanong nangyaring pagharang sa mga botante sa nasabing barangay noong araw ng eleksyon, Mayo a-trese.

Ayon kay Barangay Salat Chairman Tabila Macaalay, hindi totoo ang nangyaring pagpigil sa mga botante taliwas sa naunang reklamo na umanoy hinarang at hindi pinaboto ang mga residente sa nasabing barangay.

Matatandaang kamakalawa ay dumulog sa himpilan ng Radyo Bida sa programang ‘Action Line’ ang tatlong mga watchers ni Randy Calayco, na tumakbong mayor sa bayan ng President Roxas, ngunit hindi pinalad.

Ayon sa tatlo, hinarang umano sila ng kapitan at sinabihan h’wag bomoto. Dagdag pa ng tatlong reklamante na bagamat may nangyaring eleksyon sa kanilang barangay ay pinilit lamang umano silang botohin ang kandidatong sinusuportahan ng punong barangay.

Ito ngayon ang tinuturong rason ng tatlo kung bakit walang ni isang boto si Calayco at maging si Governor-elect Nancy Catamco na nakakuha lamang ng isang boto sa nabanggit na barangay.

Samantala, nilinaw naman ni Kapitan Macaalay na kasinungalingan lamang ang paratang ng tatlo dahil naging maayos umano ang pagdaraos ng halalan sa kanilang lugar.

Dagdag pa ng kapitan na hindi rin totoo ang nangyaring advance shading noong halalan at iginiit na hindi lang talaga nagustuhan ng mga tao sa kanyang barangay si Calayco.

0-0-
Fish vendor, biktima ng panibagong motorcycle theft sa Kabacan, North Cotabato

Tinangay ng hindi pa kilalang suspek ang motorisklo na nakaparada lamang sa Jacinto Street, Poblacion Kabacan Cotabato. Personal na dumulog sa tanggapan ng Kabacan PNP ang biktima na si Ronnie Aquinde Martinez, 23 anyos na taga National Mapanao extension barangay Poblacion, Kabacan.

Sinabi ng biktima pasado alas 11:00 ng umaga kahapon pinarada niya ang kanyang Kawasaki Bajaj CT100 kulay asul na motorsiklo sa nasabing lugar at pumasok sa Public Market ng bayan.

Nang balikan niya pasado alas 12:10 ng tanghali ay wala na ang kanyang motorsiklo sa lugar kung saan niya ito ipinarada. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Kabacan PNP sa posibleng pagkadakip ng suspek. NDBC BIDA BALITA

0-0-

Tinutugis na ngayon ng Libungan PNP ang isang preso na naka-eskapo habang ibinabyahe sa Pikit, North Cotabato.

Ayon kay PLT Allan Lorenzana, deputy chief of police ng Libungan PNP, pauwi na sana sila ng estasyon nang bigla nalang dumaing ang tawag ng kalikasan sa presong sakay nila. Kaya dinaan ito ng kanyang police escort sa kanyang pamamahay sa bayan ng Pikit at ipinagamit ang banyo habang naka-posas.

Naglilinis naman ng patrol car ang isa pang police escort habang nakabantay naman sa banyo ang isa pa. Pero hindi nila inasahan na paglabas ng suspek mula sa banyo ay naglakas loob itong biglang itulak ng malakas ang nakabantay na pulis at natumba.

Dito na nakakita ng pagkakataon ang suspek na tumakas at nagtago sa masukal na bahagi sa lugar. Hindi naman nakapag-warning shot ang dalawang mga pulis dahil sa takot na baka matamaan ang ibang mga sibilyan sa lugar. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang PNP na inabot ng halos hatinggabi sa lugar.

Matatandaan na ang nakatakas na si Amir Dalandas ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga at nag sumite lamang ng mga recovered items ang PNP nang mangyari ang insidente habang pauwi sa Libungan PNP. NDBC BIDA BALITA

-0-

Naibalik na kahapon sa isang magsasaka ang ninakaw nitong motorsiklo kamakalawa matapos na marekober sa Pikit North Cotabato.

Ayon kay Mlang PNP Chief, Police Lieutenant Col. Jovani Ladeo, papunta sa kanyang sakahan si Esten Laudinio ng barangay New Atique nang ipinarada lang nito ang dalang kulay itim na Baja Motorcycle sa gilid ng daan. Mag-aalas tres ng hapon ng balikan nito ang motor pero nawawala na ito sa lugar.

Namataan umano sa bayan ng Pikit ang motorsiklo at sa tulong ng Moro Islamic Liberation Front o MINLF na agad nakipag ugnayan sa Mlang LGU at PNP ay naibalik sa bayan at naiturn over na ito sa magsasakang si Laudinio

3 teens drowned in Lebak, Sultan Kudarat

COTABATO CITY  - Three teenagers were drowned and two elders survived while swimming at a beach resort in Lebak, Sultan Kudarat on Sunday...

P74K worth shabu seized from Tampakan drug ring

KORONADAL CITY - Anti-narcotics agents seized P74,000 worth of shabu from two drug den operators and three accomplices entrapped in Tampakan,...

Dating sundalo na wanted sa Lebak, naaresto ng PNP

LEBAK, Sultan Kudarat  - Naaresto ang isang wanted person na may kasong concubinage kahapon ng umaga, Hulyo 3,2022 sa Purok Langka, Brgy....

3 `serial' armed robbers in GenSan busted

GENERAL SANTOS CITY --- Three suspects in recent armed robberies here got busted as they motored through a checkpoint after divesting someone of...

Comelec urges barangay, SK voters to register starting Monday

MANILA – The Commission on Elections (Comelec) on Saturday reminded Filipinos eligible to vote in the Barangay and Sangguniang Kabataan (SK)...