1 sundalo patay, isa pa sugatan sa ambush sa Cotabato City
COTABATO CITY - PATAY ang isang sundalo habang patuloy namang ginagamot sa ospital ang kasamahan nito matapos silang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa Cotabato City kahapon.
Sa report ng City PNP, nakilala ang nasawi na si Corporal HERMINIO BELANO, 29 anyos, may asawa, at taga San Mateo, Isabela.
Sugatan naman ang kasama nitong si Corporal PACIFICO OBILLO, 32 yrs old, may asawa, at taga Balaoan, La Union.
Ang dalawa ay pawang mga miembro ng Army’s Special Forces 10th Company.
Sa inisyal na ulat ng mga otoridad, nanggaling ng kanilang kampo sa Bobong, Barangay Kalangan Mother, ng lungsod ang mga biktima at patungo sana ng downtown nang tambangan ng mga di pa nakikilalang suspek sa kanto ng Gonzalo Javier Street at Oblate Drive, Barangay Rosary Heights 6, pasado ala una ng hapon kahapon.
Agad na nasawi si BELANO dahil sa tama ng bala sa ulo mula sa cal. 45 pistol. Tinamaan naman sa bibig si Obillo.
Nagpapatuloy pa ang pursuit operation laban sa mga suspects.