Army vs. NPA clashes force villagers to flee homes
Abot sa 63 na mga pamilya o 400 na mga indibidwal ang lumikas dahil sa takot na maipit sa gulo sa nangyaring engkwentro ng New People’s Army at kasapi ng 39th Infantry Battalion sa Barangay Bala, Magsaysay, Davao del Sur, malapit sa hangganan ng North Cotabato.
Sinabi ni 39th IB commanding officer Lt Col Rhodjun Rosales, nagsimula ang sagupaan alas 3:00 pa ng madaling araw hanggang alas 5:00 ng umaga kahapon.
Ayon sa ulat, nakatanggap umano ng ulat ang militar na may presensya ng armadong grupo sa Sitio Bagong Silang, barangay Upper Bala dahilan para magsagawa ng pagpatrolya ang miyembro ng 39th IB.
Nakasagupa ng Scout platoon ng 39th IB ang nasa 30 hanggang 50 na mga NPA na pinamumunuan ni Eusenio Cranzo alyas “Commander Butsoy.”
Wala namang nasugatan sa tropa ng gobyerno pero hindi pa malinaw kung may nasugatan sa panig ng NPA.
Samantala, pansamantalang namalagi ang mga pamilyang lumikas sa sentro ng barangay Upper Bala. Patuloy naman ang clearing operations ng mga otoridad sa nasabing lugar.