Dating opisyal ng ARMM, patay sa pamamaril sa Cotabato City
COTABATO CITY - BINARIL at napatay kagabi ng di pa nakilalang mga suspect si Engr. Ramil Masukat na nagsilbi bilang director ng binuwag na humanitarian arm ng Bangsamoro region.
Si Masukat ay nagmamaneho ng kanyang kulay pulang Toyota Innova nang paputukan ng mga suspect na nakamotor sa Ramon Rabago Avenue, malapit sa Shell Gas Station.
Nagawa pa niyang imaneho ng kanyang driver ang sasakyan hanggang sa gasoline station sa tapat ng police station No. 2.
Sa initial report ng Police Station 2, nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Masukat at siya ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Cotabato Regional and Medical Center.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring pamamaril.
Noong November 2022, si Masukat na noon ay Rajah Buayan Municipal Planning and Development Officer ay inambus at nakaligtas.