Jolo suicide bombing, posibleng gawa ng Egyptian na may Moroccan descent
ISANG Egyptian national na mayroong Moroccan descent ang babaeng suicide bomber na nasa likod ng pagsabog sa Jolo, Sulu.
Sinabi ito ni National Studies Expert Professor Rommel Banlaoi at ibinatay niya ang pahayag sa report na kanilang natanggap.
Ayon kay Banlaoi, maaring bahagi ng “family terrorism” ang nangyari at posibleng ang babaeng suicide bomber ay ang anak ng isang Egyptian na bomber.
Ang naganap sa Jolo kahapon ay pang limang insidente ng pambobomba na itinuro sa Egyptian nationals na nasa Sulu, ayon kay Banlaoi at posibleng magkakaugnay lahat.
Sa panayam ng Phil. Daily Inquirer Banlaoi, sinabi niya na ang una ay naganap sa Lamitan na ang nasa likod ay isang German national na may Moroccan descent. Sumunod sa Indanan na ang nasa likod ay isang Pinoy at Indonesian bomber. Ikatlo ay ang nangyari sa Jolo Cathedral na isang Moroccan din ang nasa likod.
Nagkaroon pa ng tangkang pagpapasabog na isang babaeng Egyptian bomber ang suspek. At ang ikalima ay ang nangyari kahapon sa Jolo.
Sinabi ni Banlaoi na lumalakas ang isyu ng family terrorism sa bansa. Maari aniyang sinamantala ng mga terorista ang pagka-abala ng mga otoridad sa ibang gawain gaya ng pagtugon ng bansa sa problema sa COVID-19.