Magsasaka na ang pananim ay sinalanta ng baha, tutulungan ng SoCot Agri office
KORONADAL CITY- Magbibigay ng planting materials at abono sa mga magsasaka na nalugi dahil sa masamang panahon nitong mga nakalipas na linggo ang provincial agriculture office ng South Cotabato.
Tiniyak ito ni Provincial Agriculture Officer Dr. Raul Teves. Ayon kay Teves, lumabas kasi sa kanilang assessment na pinapa ng malakas na hangin ang mga pananim na palay sa mahigit 250 ektaryang sakahan sa bayan ng Tantangan.
Maliban sa Tantangan, may mga palayan din na apektado ng masamang panahon sa bayan ng Banga. Mabuti na lamang ayon kay Teves dahil sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA na-insured sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC ang nasabing mga sakahan.
Kaya ayon kay Teves ay walang dapat ipangamba ang mga apektadong mga magsasaka.
Umaasa naman si Teves na gaganda pa rin ang panahon para kahit papaano ay makabawi din ang mga apektadong magsasaka.