Motorcycle vs. motorcycle in Kidapawan: 1 patay, 1 sugatan
KIDAPAWAN CITY - Patay ang isang gasoline pumpboy matapos na masangkot sa vehicular crash habang pauwi sa barangay Amas Kidapawan City alas 6:30 kagabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si John Dua at nakatira ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng PNP traffic section, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo nang bigla lang umano itong banggain ng isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Abesar Valentino na residente rin ng lugar.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawa sa sementadong daan.
Dahil madilim sa lugar ay hindi ito napansin ng isa pang parating na motorsiklo na minamaneho ni Belly Brenio na taga Kabacan, North Cotabato at nagulungan nito ang katawan ni Dua na naka handusay sa highway.
Bukod diyan, nasagasaan din ng passenger van si Dua dahil di napansin ng driver ang nakahandusay na biktima.
Ang van ay minamaneho ni Jose Sagon Recel Jr, 48 ng Barangay Lower Glad, Midsayap, North Cotabato.
Naisugod pa sa Amas Provincial Hospital si Dua pero idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Ginagamot na rin ngayon ang isa pang motorista na bumangga din kay Dua habang nasa kustodiya na ng PNP si Brenio at Recel at ang kanilang mga sasakyan.