Friday Nov, 22 2019 02:11:16 AM

NDBC BIDA BALITA (10.12.19)

NDBC BALITA • 10:15 AM Sat Oct 12, 2019
327
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. MOST WANTED person sa South Cotabato, nasawi habang tinutugis ng mga otoridad sa Lake Sebu.

2. ILANG mga lugar sa North Cotabato, muling niyanig ng magnitude 5 na lindol kahapon

3. 97 LGUs, bigo umanong sa pagpapatupad ng road clearing operations, ayon sa DILG

4. Pambato ng BARMM sa National Search for MODEL OFW, kilalanin!

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA….

 

ARESTADO ang isang drug suspect sa ikinasang buy bust operation ng mga otoridad sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nakilala ang nadakip na si Sherhan Nuron, 37 anyos at taga Purok Kalilintad, Brgy. Rosary Heights 7, Cotabato city

Nakuhanan ng isang pakete ng shabu at ilang drug paraphernalia si Nuron at nabawi rin mula sa kanya ang marked money na ginamit sa operasyon.

Kalaboso na ngayon ang suspek sa Sultan Kudarat PNP detention facility.

 

-0-

 

ISANG COTABATEÑO na OFW sa Saudi ang pambato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Region o BARMM sa National Search for Model OFW.

Mismong si Cotabato City Administrator Danda Juanday ang nag indorso Engr. Surafah Campiao Al Haj sa Overseas Workers’ Welfare Administration o OWWA BARMM para maging kinatawan ng BARMM sa darating na patimpalak.

Si Campiao ay nagtrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia bilang engineer sa loob ng 36 na taon.

Ngunit kahanga-hanga umano ito dahil sa kabila ng pagiging OFW ay hindi nito napabayaan ang kanyang mga anak at patuloy na ginagampanan ng maayos ang mga responsibilidad nito sa kanyang pamilya.

Nakapag-ipon din ito para matiyak ang maayos na kalagayan ng kanyang pamilya sa kanyang pagretiro.

Nabatid na nagwagi na sa regional search for Model OFW si Campiao at umaasa na masusungkit nito ang titulo sa national level.

 

-0-

 

NAGSIMULA na kaninang madaling araw ang 66th Foundation Anniversary celebration ng Pigcawayan, North Cotabato.

Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng color run at zumba.

Sinabi ni Pigcawayan LGU Information Officer, Cynthia Lumogda na ipakikilala na rin sa publiko ngayong umaga ang mga nagagandahang kandidata ng Mutya ng Pigcawayan ngayong taon.

Ayon kay Lumogda, mamayang gabi ay mayroon ding fireworks display at live band concert sa municipal plaza.

Paalala lamang ni Lumogda sa mga mamamayan ng bayan at sa mga bisita na mahigpit nilang ipatutupad ang "No Backpack Policy".

Kaya aniya, iwasang magdala ng backpack habang nakikisaya sa mga aktibidad sa bayan para hindi na maabala at masita ng mga otoridad.

Samantala, sa Linggo ay ang gaganapin naman ang Municipal Fire Olympics at Acrobatic Show na bukas para sa lahat ng gustong manood.

Ang Culminating Activity ay magaganap sa Oktubre a Bente.

 

-0-

 

NAGPALIWANAG ang Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO kaugnay ng nararanasang Black Out sa anim na Iranun Municipalities lalawigan.

Sinabi ni MAGELCO General Manager Ashary Maongco na nagkaroon ng problema sa kanilang 10 MVA Power Substation sa Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Hinala ni Maongco, sinabotahe ang naturang substation dahilan para mawalan ng supply ng kuryente ang West District ng Maguindanao kung saan apektado ang mga bayan ng Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Parang, Matanog, Buldon at Barira kamakalawa.

Pasado alas onse ng gabi nitong Huwebes nang makaranas ng line fault ang Simuay Feeder na sinundan naman ng pagpalya ng Parang Feeder pasado alas tres ng madaling araw kahapon hanggang sa tuluyan nang mawala ang supply ng kuryente pasado alas kwatro ng umaga kahapon.

Gayunman, ayon kay Maongco, agad naman nilang kinumpuni ang problema sa substation pero bigo pa rin silang maibalik ang kuryente sa naturang mga lugar

Kaugnay nito ay humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng MAGELCO sa mga mamamayan ng mga apektadong lugar dahil sa nangyaring power outage.

 

-0-

 

DUGUANG ISINUGOD sa pagamutan ang dalawang mga babae matapos magtamo ng sugat matapos silang matumba habang nagmomotorsiklo at muntik pang mabagsakan ng natumbang puno ng niyog sa national highway na sakop ng Barangay Labungan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina ELVI ESCORIA at JOHARA BALAUN, pawang 27 taong gulang at taga Barangay Awang ng nasabing bayan.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas onse ng umaga kahapon habang magka-angakas sa motorsiklo ang dalawa at pauwi na nang madaanan nila sa gilid ng kalsada ang grupo ng mga lalaking namumutol ng puno ng niyog at muntik nang bumagsak sa kanila.

Umiwas umano ang dalawa dahilan para sila ay matumba at tumama sa kongretong kalsada.

SAMANTALA, malubha naman ang kondisyon ng dalawang mga lalaki nang dalhin sa ospital matapos silang mabundol ng motorsiklo sa Barangay Nabalawag, Barira, Maguindanao.

Patawid sana ng kalsada sina IBRAHIM JABAR, kinse anyos at ABDUL GAFOR MUHAMAD, 35 nang mahagip msila ng motorsiklo at tumilapon pasado alas onse ng umaga kahapon

 

-0-

 

ARESTADO sa Midsayap, North Cotabato ang isa sa mga most wanted person sa bayan.

Nakilala ang nadakip na si Virgilio Batoy, 43, may asawa, isang helper, taga barangay Tiban, Oroqueta city at nahaharap sa kasong frustrated murder.

Nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte laban sa kanya kaugnay sa kasong kinasasangkutan nito noon pang 2018.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Midsayap PNP lockup cell at nakatakdang iharap sa korte sa Lunes, October 14.

 

-0-

 

Ilang mga lugar sa North Cotabato, muling niyanig ng magnitude 5 na lindol kahapon

Sinuspende ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa Kidapawan City at Makilala, North Cotabato bunsod ng naitalang pagyanig pasado alas 10:00 ng umaga kahapon.

Sa impormasyon ibinahagi ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, sinuspende ang klase sa lahat ng antas pampubliko at pribadong paaralan kahapon dahil sa naransang 5.0 magnitude na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao.

Samantala, kinansela rin ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa Makilala, North Cotabato na kung saan ang sentro ng pagyanig kahapon. Ito ang kinumpirma ni Municipal Administrator Sheryl Orbita sa panayam ng Radyo- BIDA.

Ayon sa philvocs, naramdaman naman ang Intensity IV sa Kidapawan City; Intensity III - Pikit, North Cotabato habang ang ilang mga Instrumental Intensities: ay naitala ang Intensity V sa Kidapawan City -Intensity III - Tupi, South Cotabato; Intensity II - Alabel, Sarangani; Davao City at Intensity I - Kiamba, Sarangani; General Santos City.

Nagsilabasan naman ang ilang mga kawani ng City hall nang maramdaman ang nasabing pagyanig at lumabas din ang ilang mga dumalo sa training na isinasagawa sa isang kilalang hotel sa lungsod. Wala namang naitalang pagkasira sa mga ari-arian at inaasahang aftershocks dahil sa malakas na pagyanig. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pagsasanay ng ilang mga mag-aaral tungkol mental health awareness, pangungunahan ng Sangguniang Kabataan sa Kidapawan City

Magsasagawa ng tatlong araw na pagsasanay ang ilang mga mag-aaral sa Kidapawan City patungkol sa kamalayan ng mga kabataan sa usaping mental health.

Ayon kay Sangguniang Kabataan o SK Federation President Councilor Ceentina Taynan, ang nasabing pagsasanay ay kasabay na rin ng Mental health awareness week at hinggil na rin sa ilang kaso ng pagpapatiwakal sa ilang lugar sa North Cotabato.

Ang 3-day training ay sa pakikipagtulungan ng Department of Health o DOH, Department of Education at ng Sangguniang Kabataan ng lungsod. Ayon kay Taynan, mula ng siya’y umupo bilang SK federation ng lungsod mayroon ng humigit kumulang sa limang mga kaso ng nagpapakamatay na naitala sa Kidapawan na karamihan ay hindi nagpapakkikta ng senyales ang mga nabiktima nito.

Makakatulong anya ang mga sasanaying mga kabataan sa kanilang mismong mag-aaral na nakakaranas ng problema o kaya’y nagpapahiwatig ng kawalan ng pag-asa bukod pa sa kanilang mga magulang. Ituturo sa mga magiging partisipante ng aktibidad kung ano ang mga maaring gawin sa mga mag-aaral o kabataan na nakakaranas ng depression upang hindia na humantong pa sa pagpapakamatay.

Dagdag pa ni Taynan na ang kaso ng pagpapakamatay ay nakakabahala hindi lamang sa Kidapawan City kundi maging sa ilang lugar sa North Cotabato na kung saan ang pinakhuling biktima ay ang isang graduating student ng University of Southern Mindanao sa Kabacan nitong huwebes ng gabi.

Dapat at kailangan anya itong bigyan ng tugon lalo na para sa mga kabataan na dumaranas ng depression.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Walong-taong gulang na mag-aaral ng Pikit Central Elementary School, hinangaan sa husay nito sa larangan ng larong Motocross

SA LIIT ng walong taong gulang na batang taga-Brgy.Layog, Pagalungan, Maguindanao, hindi mo aakalain ang galing nito pagdating sa pagmamaneho ng motorsiklo lalo na husay sa larangan larong Motocross. Kinilala itong si Abdulla Plang, 8 years old, Grade 3 pupil ng Pikit Central Elementary School na residente ng nabanggit na lugar.

Sa murang edad kasi, pitong beses na itong nanalo bilang kampeon sa naturang laro, na ginanap sa iba’t-ibang lugar sa Mindanao.

Ayon kay Gordon Plang, ama ni Abdullah, nagsimula ang pagiging mahilig sa pagmomotor ang anak ng kanya itong isama sa isang Motocross Competition sa bayan ng Midsayap North Cotabato. Nang makita ang aktwal na nangyayari sa kompetisyon, biglang nagkaroon ng interes si Abdullah na sumabak din sa ganoong laro at pinilit ang ama na bilhan ito ng maliit motor.

Imbes na motorsiklo, ay makina ng grass cutter ang nabili ni Mang Gordon na inilagay sa isang kaha o katawan ng isang motorsiklo na Tinker 50CC. Ito ang ginamit ni Abdullah sa pinakauna niyang pagsabak na nabanggit na laro sa bayan ng Datu Montawal at itinanghal itong kampeon.

Dahil nakitaan ng potensyal si Abdullah, sinikap ni Mang Gordon na makabili ng bagong motor para ito na ang isasabak ng kaniyang anak sa mga kumpetisyong kanyang lalahukan.

Nagsimula matuto si Abdulla noong 6-taong gulang pa lamang ito hanggang sa nahasa ang kanyang galing at malayo na rin ang kanyang narating. Si Abdullah ang kauna unahan sa kasaysayan bilang Bangsamoro na nasungkit ang Double Crown Grand Champion in Mindanao Wide.

Sa kabila ng pagiging tanyang sa karera sa murang edad ni Adbulla, sinisiguro naman ng kanyang mga magulang na hindi nito pinapabayaan ang kanyang pag-aaral habang ginagabayan naman ito ng kanyang mga guro para hindi mahuli sa klase.

Ang tinig ni Mang Gordon Plang. Katuyanan, ayon sa kanyang mga guro magaling ito sa asignaturang Mathematics at English. VC: HR PIKIT Ang tinig ni Dominic Tobias ng Pikit Central Elementary School Ngayong buwan ay tutulak ang Team Abdullah sa Metro Manila upang sasabak na naman sa isang panibago at malaking kumpetisyon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Lokal na pamahalaan sa Pikit, North Cotabato, nagsasagawa na ng hakbang hinggil sa kaso ng pamamaril sa bayan

Mas pina-iigting na ngayon ng mga otoridad ang seguridad sa ibat-ibang mga Barangay sa bayan ng Pikit, North Cotabato kaugnay sa mga kaso ng pamamaril na naitala sa nasabing bayan. Ayon kay Pikit Mayor Sumulong Sultan, nagbaba na ito ng kautusan sa PNP, AFP at iba pang mga force multipliers na higpitan ang pagbabantay at maging pamagmatyag sa lahat ng pagkakataon.

Ito matapos maitala ang kaso ng pagpatay sa bayan kung saan huling biktima ang isang estudyante. Ayon sa alkalde, napagkasunduan nilang maglagay ng pulis malapit sa naturang paaralan para sa seguridad ng mga mag-aaral at dagdag pa nito na nakatanggap na rin anya ang estudyante ng pangbabanta sa kanyang buhay bago siya pinagbabaril.

Ang kaso ng pamamaril sa bayan ng Pikit ay mga isolated cases lamang at walang dapat na ikabahala ang mga mamamayan at mga negosyong nais mamuhuan sa bayan. VC- SULTAN Si Pikit Mayor Sumulong Sultan. Sinabi ng alkalde, gumagawa na ng hakbang ang LGU upang masawata ang kaso ng patayan sa kanilang bayan.

 

-0-

 

Most wanted person sa South Cotabato nasawi habang tinutugis ng mga otoridad sa bayan ng Lake Sebu Patay ang most wanted person sa bayan ng Lake SEbu, South Cotabato.

Ito ay matapos mabaril ng civilian agent na kasama ng mga pulis na aaresto sa kanya sa Sitio Salaubon, Barangay Lamfugon, Lake Sebu, South Cotabato . Kinilala ng Lake Sebu PNP na pinamumunuan ni Acting Chief of Police, Police Major Johnny Rick Medel ang napatay na si Tirso Andres, 44 anyos may asawa. Si Andres ay wanted sa kasong murder at cattle rustling.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga ulis na inunahan ng civilian agent na kinilalang si “Lito” si Andres nang bigla itong lumabas sa kanyang harapan na may hawak na M14 rifle. Ito ay habang nagsasagawa ng operasyon laban sa kanya ang mga pulis. Matapos makarinig ng putok agad namang tumakas na madilim at masukal na bahagi ng Sitio Salaubon ang mga kasama ni Andres.

Narekober ng mga pulis ang bangkay ni Andres habang nagsasagawa ng clearing operation sa nasabing lugar. Gayunpaman ayon kay Medel, nawawala ang armas nito na maaring tinangay ng kanyang mga nakatakas na kasama.

 

-0-

 

High Ranking NPA leader at tatlo pang kasama naharang sa checkpoint ng mga pulis sa Sarangani Province

Ikinustodya na ng mga pulis ang isang mataas na lider ng New Peoples’s Army o NPA at tatlo pang kasama na naharang sa checkpoint ng mga pulis sa Maitum, Sarangani.

Ayon kay PNP 12 Regional Director, Brig. General Alfred Corpuz, kabilang sa mga nahuli si Nicanor Claro Pason alyas Ronron o Costan.

Si Pason ay Secretary ng Guerilla Front 73 ng NPA na nagkukuta sa Soccskargen region at may pitong warrant of arrest. Ito ay dahil sa mga kasong murder, frustrated murder, arson, rebellion, kidnapping at serious illegal detention.

Ayon kay Corpuz si Pason ay isa sa mga pinagkakatiwalaang lider ng kanilang grupo na nag-ooperate sa Barangay San Jose, General Santos City at mga bayan ng Banga, Tupi, Polomolok, Lake Sebu at T’boli sa South Cotabato.

Kasama ni Pason sa mga inaresto ng mga otoridad sina Bernard Presbetero alias “Aldrin/Patong”, 47 anyos ng Polomolok, South Cotabato; Josephine Carvajal Sumagaysay, 53 anyos, may asawa at Reynaldo Loyola, 47 anyos pawang mga nakatira sa Barangay Zion, Maitum, Sarangani.

Ayon kay Corpuz ang grupo ni Pason ang sumunog sa isang bus ng Yellow Bus Line na may Byaheng Maitum-Gensan at construction equipment sa San Jose, Gensan noong 2016. Nabatid na nang harangin ng mga pulis ang motorsiklong naminamaneho ni Loyola sa Purok Tarucao, Barangay Kalaong, Maitum, tinangka umano nitong tumakas.

Habang si Pason at isa sa mga backrider ay kinuha ang granada sa dalang bag . Napilitan ang mga pulis na paputukan ang mga ito nang makitang bumubunot na ng baril ang isa pa nilang kasama.

Si Pasol na tinamaan ng bala ng baril sa kanang hita ay dinala sa Maitum Emergency Hospital. Binigyan diin ni Corpuz na patuloy pa rin ang pagtugis ng mga otoridad. Gayunpaman kay Corpuz, may mga programa ang gobyerno na makatutulong sa mga sumukong NPA member.

 

-0-

 

Negosyante natangayan ng mahigit P150,000 na pera at mga gamit ng riding tandem na magnanakaw sa Banga, South Cotabato

Ninakaw ang sling bag ng biktima na may lamang pera at mga gamit habang abala ito sa kanyang meat stand sa Banga, South Cotabato . Ito ang lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng Banga PNP na pinamumunuan ni Police Major Joseph Forro III.

Matapos mapansin ang pagkawala ng kanyang bag agad itong isinumbong sa mga pulis ng biktimang si Jessa Ynion, 39 years old ,businesswoman at nakatira sa Barangay Reyes sa nasabing barangay. Sinabi ni Ynion sa mgapulis na habang nakikipagusap siya sa kanyang customer dumating sa kanyang tindahan sa Barangay Liwanay ang dalawang nakamotorsiklong suspek.

Ang angkas ng nasabing motorsiklo ay agad na bumaba at biglang kinuha ang bag ng biktima sa mesa. Ang riding tandem na mga magnanakaw ay agad na tumakas sakay ng Kawasaki Bajah motorcycle.

Laman ng bag ni Ynion na natangay ng mga suspek ang 100 thousand pesos cash, mga alahas, at mga mamahaling cellphone na nagkakahalaga ng mahigit 50 thousand pesos. Kasama din sa mga natangay ang ATM card at passbook ng biktima.

Hindi pa batid ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Ito na ang ikatlong insidente ng nakawan sa bayan ng Banga nitong nakalipas na lingo.

Kasunod ito ng pagtangay din ng mga cellphone sa isang bahay sa Purok Bliss at wire sa compound ng isang kumpanya sa Barangay San Vicente sa nasabing bayan.

 

-0-

 

Team mula sa DSWD central office nagsasagawa ng assessment sa mga proyekto ng ahensya kontra kahirapan sa ilang bahagi ng region 12

Nagpadala ng delegasyon ang Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 para masuri ang pagpapatupad ng mga programa kontra kahirapan ng ahensya sa Central Mindanao. Ito ay ayon kay DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo.

Ayon kay Espejo, ang apat na team mula sa kanilang central office ay itinalaga sa mga bayan ng Maitum sa Sarangani, Tupi sa South Cotabato, at Aleosan sa North Cotabato.

Layon din ng mga ito na makapagbigay ng technical assistance sa mga field-based workers ng ahensya. Ito ay para lalo pang mapaigting ang pangpamatagalang tulong sa mga pinakamahihirap na pamilya. Ang support mission ay pinangungunahan ni Sustainable Livelihood Program Director Restituto Macuto.

Titingnan ng mga to ang development sa pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Programs o 4ps, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS, SLP at iba pa.

Layon nito na matugunan ang problema sa kawalan ng trabaho, sakit, at katandaan. Nilinaw ni Espejo na hindi auditing ang pagpunta ng DSWD Central Office delgation sa Central Mindanao. Kungdi ito ay para matingnan at maidokumento ang mga natutunan ng komunidad sa mga programa ng DSWD.

-0-

 

 

Mga bagong Ambassador ng DA 12 kinoronahan na May bago ng young ambassador at ambassadress ang Department of Agriculture XII.

Sila ay sina Alever Dorego ng Koronadal City at Raihan Lidasan ng Cotabato City.

Sina Dorego at Lidasay ay kinoronahan bilang Mr at Ms Agri Tayo SOCCSKSARGEN ng DA XII at tutulong para maipalaganap pa ang mga programa ng ahensya lalong lalo na sa kapawa mga kabataan. Ayon kay DA XII Regional Executive Director Milagros Casis, tungkulin din nina Dorego at Lidasan na hikayatin ang kanilang kapwa kabataan na buhayin ang kanilang interes agrikultura

Ito ay sa pamamagitan ng pagpo-post ng mga makabuluhang impormasyong may kinalaman sa pansakahan at pangisdaan sa social media.

Bilang Mr and Ms ATS 2019, tumanggap sila ng tig-15,000.00 . First runners-up naman sina Dohniero Lozano ng General Santos City at Bai Star Mia Aliman ng Sultan Kudarat. Second runners-up sina Von Andrei Marquez at Maria Julianne Yanzon ng Koronadal City. Katuwang ng DA XII sa naturang aktibidad ang Department of Education XII.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

Iisyuhan ng show cause order ng Department of Interior and Local Government o DILG ang 97 local government units na bigong magpatupad ng road clearing operations sa loob ng 60 araw na ibinigay ni Pangulong Duterte.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, binigyan ng limang araw ang nasabing mga LGU para magpaliwanag sa kanilang non-compliance at under-performance.

Sa isinagawang pag-validate ng DILG team sa kabuuang one thousand 245 LGUs sa buong bansa ay lumagpak ang naturang 97 LGUs.

Nabatid na tatlo sa mga ito ay mula sa region 12.

Sa iba pang balita, maaari na ngayong makautang sa Social Security System o SSS ang higit isang milyong retiree-pensioners nito ng hanggang 200 thousand pesos sa ilalim ng enhanced Pension Loan Program o PLP.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora Ignacio, ang enhanced guidelines sa PLP  alinsunod sa Social Security Commission Resolution No. 429-s.2019 ay layong mabigyan ng kaukulang financial assistance ang qualified retiree pensioners.

Maaaring mag avail ang mga retiree-pensioner na may 85 gulang pababa sa huling loan repayment term kung walang dating utang sa SSS o benefit overpayment payable sa SSS mula sa kanyang monthly pension.

Dapat ding walang existing advance pension ang mga pensioner sa ilalim ng SSS calamity package at tumatanggap ng kanyang regular monthly pension ng halos isang buwan o may “active” pension status.

Sa kabilang dako pa, isang pagsabog ang naganap sa loob ng New Bilibid Prison o NBP.

Sa report ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar, pasado alas-dyes ng umaga kahapon) naganap ang pagsabog sa loob ng Quadrant 4, East sector ng Maximum security compound ng Bilibid.

Aniya agad na pinasok ng kanilang explosives and ordinance division at K9 teams ang lugar at agad natukoy na improvised explosive device o IED ang sumabog.

Sinabi pa ni Eleazar na dahil sa insidente ay patuloy na hinalughog ng husto ang Quadrant 4 sa pamamagitan ngpaneling at paggamit ng mga bomb detection dog.

Sa paghahalughog ng mga otoridad, nadiskubre ang dalawang granada at dalawang blasting caps sa loob ng mga kubol na kalapit ng blast site o kung saan naganap ang pagsabog.

Ang insidente ay nangyari habang isinasagawa ang demolition ng mga kubol ng mga high profile prisoner.

Bangsamoro gov't supports global CRC treaty

COTABATO CITY --- Sectors in the Bangsamoro region promised Wednesday to promote the global children’s right treaty while restoring...

Son kills own father using machete in South Cotabato town

KORONADAL CITY - Police investigators in Norala Police station are on standby to arrest a hacking incident suspect who is now confined at...

Man hacks to death wife in South Cotabato

TANTANGAN, South Cotabato - Selos ang motibo na sinusundan ng imbestigasyon ng mga pulis sa pagpatay ng isang mister sa sariling misis sa...

NDBC BIDA BALITA (Nov. 21, 2019)

NDBC BIDA BALITA 7 A.M.

HEADLINES:

1. 50 sachets ng shabu, nasamsam ng mga otoridad...

Gov. Nancy Catamco back in harness 

NORTH COTABATO --- Spiritual leaders of highland tribes in North Cotabato performed at sunrise Wednesday a blessing rite for Gov. Nancy...