Tuesday Feb, 25 2020 11:38:09 AM

NDBC BIDA BALITA (10.31.19)

NDBC BALITA • 21:30 PM Thu Oct 31, 2019
242
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

 

1. MANAGER ng isang local FM station, kritikal sa pamamaril sa Tacurong City

 

2. BILANG ng mga namatay dahil sa lindol sa North Cotabato, pumalo na sa anim; bilang ng mga sugatan, mahigit dalawang daan na!

 

3. TULONG na naibigay ng pamahalaan sa mga sumukong NPA member sa region 12, umaabot na sa higit 7.3 million pesos

 

4. KLASE ng kindergarten hanggang grade 12 sa buong bansa, kalahating araw lang ngayon, ayon sa DepEd; Pasok sa government offices, ‘half day’ lang din

 

CUE VO………….. ‘ANG DETALYE NG MGA BALITA…. SUSUNOD’

 

-0-

 

NDBC News AM Oct 31 Headline : Manager ng isang istasyon ng radyo kritikal sa pamamaril sa Tacurong City, Sultan Kudarat Binaril ang biktimang si Benjie Caballero habang nagaabang ng masasakyang tricycle sa tapat ng kanyang bahay sa Purok Sampaguita, Barangay New Isabela, Tacurong City , Sultan Kudarat pasado ala una kahapon. Ipinahayag ito ni Tacurong Chief of Police, Lt.Col Rey Egos. Ayon kay Egos isa sa riding tandem suspects ang bumaba ng motorsiklo at bumaril kay Caballero. Si Caballero na nagtamo ng malubhang tama ng bala ng baril sa tagiliran na tumagos sa kanyang balikat ay kritikal ngayon sa isang pribadong ospital sa Tacurong City. Ayon kay Egos, hindi pa batid ng PNP kung sino ang riding tandem suspects at ano ang motibo ng mga ito sa pagbaril sa biktima. Pero ayon kay Egos minsan na ring nagbo-blotter noon sa PNP dahil sa pagbabanta sa kanyang buhay si Caballero na station Manager ng Radyo ni Mang Juan sa Tacurong.

 

-0-

 

PINAIGTING PA ng Tacurong City PNP ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng pamamaril kay Radyo ni Juan station manager Benjie Caballero kahapon.

Binubusisi na ng mga otoridad ang lahat ng mga anggulong maaaring makakapagturo sa mga posibleng responsable sa tangkang pagpaslang kay Caballero.

Sinabi ni Presidential Task Force on Media and Security Executive Director Joel Sy Egco na mga duwag ang mga sangkot sa pamamaril kay Caballero at kaya lamang pumatay ng mga taong walang kalaban-laban.

Hinamon naman ni Egco ang pulisya na gawin ang lahat ng makakaya para agad na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek kasabay ng pagkondena sa panibago na namang kaso ng karahasan laban sa media.

Nagpahayag na rin ng pagkondena ang National Union of Journalists in the Philippines o NUJP at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP at nanawagan din ang mga ito ng hustisya para kay Caballero.

Nangyari ang pamamaril kay Caballero isang buwan bago ang 10th anniversary ng Ampatuan massacre.

Maalalang sa report ng Committee to Protect Journalists, panglima ang Pilipinas sa buong mundo na may pinakamaraming unsolved media killings.

 

-0-

 

Bilang ng namatay dahil sa nangyaring lindol pumalo na sa anim habang bilang ng mga sugatan umabot naman sa mahigit 200 sa North Cotabato

Pumalo na sa anim ang kumpirmadong patay habang nasa mahigit 200 mga indibidwal naman ang nasugatan dahil sa pagtama ng Magnitude 6.6 na lindol sa North Cotabato.

Ito ay base sa huling datus ni Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC Head Mercidita Foronda mula sa kanilang incident command center sa capitol grounds.

Ayon sa ulat dalawa ang namatay sa bayan ng Arakan na mag-amang Andi, dalawang mga senior citizen na kinilalang sina Isidro Gomez at Patricio Lumayon sa Mlang at Makilala at tig-isa rin sa Carmen at Tulunan. Dagdag pa sa ulat na nakatala ang nasabing tanggapan ng 13 mga landslide incident kung saan pinakamarami rito ay ang bayan ng Makilala na may pitong insidente.

Nabatid na sa barangay Bato, Makilala, nauwi sa kalungkutan ang dapat sana’y kasiyahan sa pagdiriwang ng kanilang barangay fiesta. Ayon sa ulat nagka landslide sa lugar at natabunan ang apat katao ng lumindol ng malakas.

Hindi pa na rescue ang mga biktima na natabunan ng lupa mula sa bundok, dahil sa delikado ang lugar ayon sa Mines and Geosciences ng DENR.

Sa inisyal na ulat, may kabuuang mahigit dalawang libong pamamahay ang parehong partially at totally damage habang abot naman halos tatlong libong pamilya ang apektado na patuloy ngayon tinutugunan ng ahensiya ang kanilang pangangailangan. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

BINISITA naman ni Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista ang mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Pinuntahan ni Bautista kahapon ang Tulunan, North Cotabato at Koronadal City upang personal na pangasiwaan ang pamimigay ng cash assistance at relief goods.

Ayon kay Bautista, aabot sa two thousand, 158 food packs na ang kanilang naipamigay at 30 rolyo ng laminated sacks.

Tuloy-tuloy din aniya ang pagdating ng emergency relief supplies ng DSWD para sa mga naapektuhan ng lindol.

Kagabi, dumating na sa General Santos city ang 500 laminated sacks, 500 sleeping kits, 166 food packs at 50 units ng tents sakay ng C-130 military aircraft mula sa Maynila.

 

-0-

 

MAGLULUNSAD ng massive vaccination laban sa sakit na Polio ang Ministry of Health o MOH-BARMM sa Maguindanao partikular sa mga bayan ng Datu Paglas at Datu Piang ngayong November 4.

Sinabi ni MOH-BARMM Deputy Minister Dr. Zul Qarneyn Abas na ang naturang hakbang ay kasunod ng pagkakaroon ng dalawang mga kaso ng polio sa naturang mga bayan.

Sinabi ni Abas na magkakaroon ng micro planning kasama ang IPHO Maguindanao kaugnay sa mga hakbang na ipatutupad upang tiyakin ang kaligtasan ng mga bata sa lalawigan.

Una ng iniulat ng Department of Health o DOH na halos 96 percent na ang coverage ng bakuna kontra sa sakit na polio.

Ito ay kasunod ng “Sabayang Patak Kontra Polio” na isinagawa sa National Capital Region at sa Lanao del Sur, Marawi City, Davao del Sur at Davao City sa Mindanao mula October 14 hanggang 27.

Mahigit 1.2 milyon o 95.58 percent na mga sanggol na zero to 59 month-old ang nabigyan ng Oral Polio Vaccine o OPV sa NCR.

Mahigit 66 na libong mga bata naman ang nabakunahan sa Davao del Sur habang sa Lanao del Sur ay mahigit 143 thousand ang nabigyan ng OPV.

Samantala, ikunatuwa ni Health Secretary Francisco Duque III ang mataas na turn-out ng polio vaccination at inaasahan niyang ganito rin ang magiging kinalabasan ng massive polio vaccination sa iba pang mga lugar sa bansa.

 

-0-

 

KALAHATING ARAW lamang ang pasok ng mga mag-aaral ngayong araw mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.

Ang anunsyo ay inilabas ng Department of Education sa pamamagitan ng Memorandum 154 kahapon.

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kaugnay umano ito ng inilabas na Memorandum Circular 69 ng Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sa nasabing kautusan kasi, ipinag-utos ni Medialdea na suspdihin ang pasok sa lahat ng government officer pagsapit ng alas dose ng tanghali mamaya.

Gagawin ito para mabigyan ng pagkakataon ang mga government worker na gunitain ang All Saints Day at mabisita rin ang kanilang mga yumao sa All Souls Day.

Pero paglilinaw ng DepEd, ang suspensyon mula tanghali ay para lang sa mga pampublikong paaralan at ang pagdedeklara ng class suspension sa mga private school ay nasa desisyon na ng kani-kanilang school administration.

Una nang idineklara bilang special non-working days ang November 1 and 2, batay sa Presidential Proclamation 555.

 

-0-

 

HULI ang tatlong mga pulis sa inilunsad na entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA BARMM sa Barangay Nituan, Parang, Maguindanao kahapon ng umaga.

Pinangungunahan nina Patrolman Sandiali Mangundacan Manalao, Staff Sgt. Fahmi Bangon Como at Master Sgt. Monjel Nassal Aradis kasama ng PDEA-BARMM ang pag-aresto sa mga di kinilalang suspek na pawang mga pulis na nakatalaga sa Lanao Del sur.

Ayon sa report, nadakip ang tatlo nang akmang magbebenta ang mga ito ng Shabu sa isang police asset.

Nakuha mula sa mga suspek ang assorted firearms, ibat-ibang vehicle license plates, police identification cards, at police uniforms na nasa loob ng isang pulang Toyota Innova.

 

-0-

 

 Tulong sa mga naulila ng nasawing senior citizen dahil sa lindol, tiniyak ng alkalde ng Koronadal City Nakapagbigay na ng paunang tulong na bigas at sampung libong piso ang lokal na pamahalaan sa mga naulila ni Nestor Narciso, 67 anyos na nasawi dahil sa malakas na pagyanig sa Koronadal City kamakalawa.

Ito ayon Koronadal City Mayor Eliordo Ogena ay dadagdagan pa ng lokal na pamahalaan. Ipinahayag din ni Ogena na nagpapatuloy ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis ng lokal na pamahalaan sa mga eskwelahan sa Koronadal.

Layun nito na matiyak ang integrity ng mga school buildings matapos ang mga pagyanig. Sinabi ni Ogena na dahil sa mga bitak na nakita ng assessment team, inirekomenda ng lokal na pamahalaan ang pag-abandona sa ilang mga silid aralan sa Matulas Elementary School at Santa Cruz Elementary School.

Ayon ay Ogena ang mga apektadong magaaral ay pwede munang ihalo ng mga guro sa ibang mga classroom Samantala nakauwi na rin ang karamihan sa 98 mga sugatan dahil sa lindol na dinala sa iba’t ibang mga pagamutan sa buong South Cotabato.

Kinumpirma ito ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Operation and Warning Division Chief Rolly Doanne Aquino. Ipinahayag din ni Aquino na para sa mas mabilis na pagresponde sa panahon ng emerhensya, activated na rin ang kanilang operation center . Ayon kay Aquino nasa red alert status pa rin ang PDRRMO South Cotabato.

 

-0-

 

Regular na earthquake at fire drill kasunod ng malakas na mga pagyanig, ipinagutos sa mga eskwelahan ng Regional Director ng Deped 12

Ipinagutos ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo sa mga private at public schools sa rehiyon na regular na magsagawa ng earthquake at fire drill tuwing Byernes. Kasunod ito ng ng naranasang magnitude 6.6 na Lindol sa iba’t ibang lugar sa Soccksargen.

Ayon kay Farnazo iniutos din nito ang pagsagawa ng inventory sa mga sirang school buildings ng Tulunan, at Mlang na labis na naapektuhan ng mga pagyanig. Binigyan diin ni Farnazo na maagamit lamang muli ang mga silid aralan kung ang mga ito ay idineklarang ligtas.

Ayon kay Farnazo isasailalim din sa debriefing ang mga mga estudyante na trauma sa lindol. Kaugnay nito ipinahayag naman ni DSWD 12 Disaster Response and Management Division Chief Jackiya Lao na kikipag ugnayan sila sa Department of Health.

Ito ay para sa gagawing psychosocial intervention sa mga na-trauma na mga mamamayan. 

 

-0-

 

Pagtanggal sa payroll ng dalawang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ipinaliwanag ng provincial Accountant ng South Cotabato

Inirekomenda ng Provincial Accounting office ang pagtanggal sa payroll ng dalawang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato. Ito ang ipinahayag ni Provincial Accountant Cynthia Barrientos. Paliwanag ni Barrientos ito ay dahil sa kabiguan ng kanilang mga tanggapan na magsumite ng liquidation sa cash advances sa T’nalak Festival noong Hulyo.

Binigyan diin ni Barrientos na makatatanggap lamang ng sahod, bonus at iba pang benepisyo ang nasabing mga empleyado kamag nakapagsumite ng liquidation.

Pinaalalahanan din ni Barientos ang mga kawani ng provincial government na ang deadline na pagsumite ng liquidation sa kanilang mga cash advances ay sa December 10. Ito ay dahil na rin sa closing of books na ipatutupad para sa taong 2019.

 

-0-

 

Mahigit 7.3 million pesos naibigay ng gobyerno sa mga sumukong NPA member sa rehiyon, ayon sa regional director ng DILG 12

Nakinabang sa mahigit 7.3 million pesos na tulong pinansyal ng pamahalaan ang mahigit 150 na mga sumukong myembrong New Peoples Army sa region 12. Batay ito sa datus ng Department of the Interior and Local Government o DILG ngayong Oktobre.

Ayon kay DILG 12 Regional Director Josephine Leysa, ang mga ito ay pawang mga benepisyaryo ng Enhanced Local Integration Program o E-Clip ng gobyerno. Sinabi ni Leysa na pinoproseso na rin ang tulong para sa 45 pang mga dating rebelde.

Ipinahayag din ni Leysa na nakapagpatayo na rin ng halfway house para sa mga sumukong rebelde ang mga lalawigan ng South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat at North Cotabato.

Layon nito na may matirhan ang mga dating rebelde habang pinoproseso ang paglakip sa kanila sa E-Clip at maihanda para makabalik sa kanilang komunidad. Ang mga benepisyaro ng nasabing programa ay mabibigyan ng 15 thousand pesos na agarang tulong at 50 thousand pesos na tulong pangkabuhayan.

Makatatanggap din ang mga ito ng 12 thousand pesos na reintegration assistance at firearm remuneration o pagbibigay ng katumbas na halaga sa mga isusukong armas. Ang mga E-Clip beneficiary ay maari ring magpayembro sa Philhealth at sumailalimsa skills and livelihood training ng pamahalaan.

 

-0-

 

Best Cooperatives sa Kidapawan City, binigyang pagkilala ng lokal na pamahalaan sa Kidapawan City

Ginawaran ng pagkilala ng Kidapawan City Government ang mga natatanging kooperatiba na mula sa lunsgod sa isinagawang Culmination program ng Cooperative Month kamakailan.

Ito ay pamamaraan ng Lokal na Pamahalaan na kilalanin ang mga mahahalagang kontribusyon ng sektor ng kooperatiba sa pagpapa-unlad ng kabuhayan ng mga miyembro at kaunlaran ng pamayanan sa pangkalahatan.

Patuloy naman na aalalayan ng City Government ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbibigay technical assistance at livelihood programs na makakabenepisyo sa kabuhayan ng mga miyembro nito. Basehan ng pagkilala ang Non-Financial at Financial Component kung papaanong pinatatakbo ang mga kooperatiba.

Ito ay kinabibilangan ng ilan sa mga sumusunod na panuntunan: patuloy na pagbibigay edukasyon at pagsasanay sa mga miyembro; maayos na pamamahala at pamamalakad ng mga opisyal; pagbibigay ng tamang benepisyo at dibidendo sa mga miyembro; pagkakaroon ng matatag na kapital; tama at transparent na paggamit ng pondo at kung may sapat na kinikita mula sa operasyon. Hinati ang mga winning cooperatives depende sa laki ng kanilang ari-arian o assets.

Nanalong Best MICRO Coop o may assets na 3 Million Pesos pababa ang Cotabato Provincial Government and Retirees Multi-Purpose Cooperative. Best Small Cooperative naman (o may assets na P3.1 Million – P15 Million) ang Kidapawan City National High School Teachers, Employees and Retirees MPC. Best Medium Coop (P15.1 M- P100M assets) ang Kidapawan City Division Office Teachers, Retirees and Employers MPC.

Best Large Cooperative 2019 (P100 assets pataas) ang Mediatrix Multi-Purpose Cooperative. Best Cooperative Branch naman ang Sta.Catalina Multi-Purpose Cooperative. Tumanggap ng Plaque of Recognition at cash prices ang mga nanalong kooperatiba sa Culmination Program. NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

Diocese of Kidapawan pinangunahan ang pagsulong ng mga aktibidad sa pagsugpo ng climate change

Hinikayat ni Bishop Jose Colin Bagaforo, DD ng Diocese of Kidapawan ang mga mamamayan na makiisa sa kanilang hakbang upang masugpo ang suliranan sa climate change at environmental issues.

Unang panawagan ni Bagaforo sa bawat isa na magtanim ng mga permanenteng kahoy gaya ng narra, lawaan, apitong at lahat ng mga endemic trees.

Pangalawa rito ay ang paggamit ng chemical lalo na sa mga plantation na dapat aniya ay may itinatakdang regularization.

Isa rin sa kanilang isinulong ay ang pagbabawas ng mga plastic lalo na sa mga business sector na gumagamit ng mga ito sa kanilang mga paninda. Samanatala ikinatuwa rin ni Bishop Bagaforo ang pagkakaroon ng local government units sa North Cotabato ng resolusyon sa pagtakda ng regulation sa paggamit ng mga plastik.

Nabatid na sa isinagawang Climate Change Summit kamakailan, napagkasunduan sa kanilang binuong provincial council ang mga aktibidad na isasagawa upang makatulong sa pag preserba ng kalikasan.

 

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng 50 porsyentong diskuwento sa lahat ng funeral services para sa mga mahihirap na Pinoy at libreng funeral services sa mga sobrang mahihirap na kababayan.

Ito ang nakasaad sa House Bill no. 5249 o “Funeral Services Discount Act” na muling inihain nina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Eufeia Cullamat at Ferdinand Gaite.

Base sa panukala, kailangang magsumite umano ng requirements bago makakuha ng diskuwento tulad ng death certificate, funeral contract at certificate na nagpapatunay na indigent sila o lubhang mahirap mula sa barangay o local government units o mula sa  Department of Social Welfare and Development.

Ang mga punerarya naman na magbibigay ng diskuwento o libreng serbisyo sa mga benepisyaryo ay maaring mag-reimburse ng bayad o discount mula sa DSWD.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, nais ng Department of Health na i-ban na ang paggamit ng e-cigarettes dahil sa masamang epekto nito sa baga.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, ang vape o e-cigarettes ay hindi maituturing na nicotine replacement therapy at posibleng magdulot ng mas malalang sakit sa baga.

Nabatid na mahigit isang milyong mga Pinoy na ang gumagamit ng e-cigarettes sa ngayon.

Sa kabilang dako naman, binigyan ng palugit na hanggang Lunes, November 4ni PNP Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang Internal Affairs Service o IAS  para desisyunan ang panibagong kaso ng umano’y ninja cop na si Police Lt. Joven de Guzman.

Si de Guzman ay una nang pinatawan ng 52 araw na pagkakasuspinde base umano sa rekomendasyon ng PNP-IAS.

Itinanggi naman ni IAS Director Atty. Alfegar Triambulo na 52 araw na pagkakasuspinde ang ipinataw nila laban kay de Guzman na posible umanong na-doktor sa tanggapan ng Discipline and Legal  Office Division ng Directorate for Records Management.

Iginiit ni Triambulo na ‘dismissal order’ ang kaniyang rekomendasyon laban kay de Guzman.

Una nang ipinaliwanag ni Gamboa na dapat talagang matanggal na sa serbisyo si de Guzman at hindi akma ang hatol na dismissal order lamang ng PNP-IAS.

 

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

Cotabato Light says its payment and customer service office open today

COTABATO CITY - The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) has announced that its Collection and Customer Service office located at Al...

Mag-asawa sa Koronadal City, pinagsasaksak at napatay, suspek nahuli

KORONADAL CITY - Patay na nang datnan ng "drier caretaker" ang mag-asawang matatanda sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Magsaysay, Koronadal...

6-member drug dealing gang surrender in Radjah Buayan

MAGUINDANAO --- Six drug dealers pledged to reform for good over the Qur’an Monday, three days after authorities shot dead two heavily-armed...