Friday Dec, 13 2019 03:44:36 PM

NDBC BIDA BALITA (11.08.19)

NDBC BALITA • 09:15 AM Fri Nov 8, 2019
282
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Libo-libong mga pamilyang biktima ng lindol sa North Cotabato, nabigyan ng tulong sa pagpapatuloy ng relief operations ng Notre Dame Broadcasting Corporation katuwang ang iba’t ibang mga donor.

2. DRUG DEN, sinalakay ng mga otoridad sa Cotabato city; dalawa katao, arestado habang 6.8 million pesos na halaga ng iligal na droga, nasamsam naman sa Buy Bust Operation ng PDEA BARMM sa Shariff Aguak, Maguindanao

3. MAG-ASAWANG pasimuno umano ng isang investment scam, inaresto ng mga pulis sa Koronadal City

4. Philhealth accreditation ng Pingoy Hospital at Allah Valley Hospital sa Koronadal, ibinalik na 

 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

SINUSPINDE NA MUNA ang isasagawa sanang 4th Quarter earthquake drill kahapon sa Cotabato City Central Pilot School.

Sinabi ni City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC deputy incident commander Mike Pascacio na hindi na muna nila itinuloy ang aktibidad matapos na makansela ang mga klase kahapon dahil sa sama ng panahon.

Ang naturang earthquake drill ay bahagi ng regular disaster drill na isinasagawa ng CDRRMO sa mga paaralan sa lungsod bilang paghahanda sa anumang kalamidad na maaaring tumama sa lungsod gaya na lamang ng lindol at mga pagbaha.

Ayon kay Pascacio, nakatakda namang ganapin sa susunod na linggo ang nationwide simultaneous drill na lalahukan ng iba’t ibang mga paaralan at mga tanggapan sa lungsod.

 

 

-0-

 

No build up zones sa ilang mga lugar sa Kidapawan City na sinira ng lindol, mahigpit na ipatutupad ng City Government

Non- negoatiable ang pagpapatupad ng no build up zones sa mga lugar na sinira ng tatlong magkakasunod na lindol. Ibig sabihin, hindi na papayag ang City Government na maglagay ng bahay at permanenteng istraktura sa mga lugar na peligroso sa landslides.

Sa November 11, 2019 planong ipatawag ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga barangay opisyal ng Ilomavis, Balabag at Perez kasama ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR, Energy Development Corporation at Phivolcs sa planong paglalagay ng no build up zones sa kanilang mga lugar. Mas mainam na manggaling na mismo sa MGB at Phivolcs na hindi na ligtas tirhan ang mga lugar na mapapasok sa no build up zones.

Mas magiging kapanipaniwala kung mismong ang mga nabanggit na ahensya ang magpapaliwanag sa mga opisyal dahil sila ang tamang indibidwal na nakakaalam sa lagay ng lupa sa lugar. Ngunit, kung sakaling nasa loob ng no build up zones halimbawa, ang lupang sakahan ng mga apektadong indibidwal, papayagan sila ng City Government na magsaka dito dahil hanapbuhay naman nila ang nakadepende.

Ngunit, bawal ang pagtatayo ng bahay sa lugar, sabi ni Mayor Evangelista. Magpapalabas naman ng halos 12 million pisong tulong ang City Government sa apektadong pamilya ng lindol sa susunod na linggo. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Bise- alkalde ng Kidapawan City, nagpasa ng resolusyon na pansamantalang isususpendi ang pagbabawal na magsakay ng pasahero sa mga pick-up at iba pang sasakyan

Nagpasa ng resolusyon si Kidapawan City Vice Mayor Jivyroe Bombeo na pansamantalang ipasususpendi ang batas ng Land Transportation Office o LTO na nagsasabing ipinagbabawal na magsakay pa ng pasahero sa mga sasakyan tulad ng Pick-up at iba pa.

Ayon sa bise-alkalde, kailangan aniya sa panahon ngayon ang mga malalaking sasakyan tulad ng pick up, bongo at iba pa sa kaliwat-kanang mga relief operation ng mga LGU at Non- Government Organizations upang maipamahagi ang tulong sa mga pamilyang apektado ng lindol lalo na sa Kidapawan City at mga karatig na bayan ng probinsya.

Ito upang mas mapabilis at mapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Positibo naman anya ang naging tugon ng LTO Kidapawan sa panukala pero nilinaw nitong pansamantala lamang kung maaaprubahan.

Samantala, aprubado na ng Sangguniang Panlungsod ang 4.2 Million na pondo para pambili ng karagdagang basic goods ng halos tatlong libong pamilya sa Kidapawan City na pansamantalang nasa evacuation center. Nabatid na isinailalim na rin ang lungsod sa state of calamity noon pang unang pagyanig nitong October 16. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Bahay sa Magpet, North Cotabato, nasunog Tinupok ng apoy ang isang bahay sa Barangay Pangao-an, Magpet, Cotabato.

Sa report ng Bureau of Fire o BFP Magpet, ang nnasunog na bahay ay pagmamay-ari ng isang Arnold Catacutan.

Wala ng naisalba pa ang pamilya dahil mabilis na tinupok ng apoy ang kanilang buong bahay. Tinatayang mahigit sa 30,000 naman ang iniwang danyos ng nasabing sunog.

Ayon sa mga nakasaksi, nagsimula umano ang apoy sa kanilang sala hanggang sa kumalat ito sa buong bahay. Agad na nakapagresponde ang BFP- magpet pero dahil gawa sa light materials ang bahay ay hindi na naagapan pa.

Nanawagan naman ngayon ng tulong ang pamilya ni Catacutan dahil tanging ang kanilang suot lamang ang kanilang naisalba. Dagdag pa sa ulat, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa nasabing sunog. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pagbubukas ng bagong line agency, isinusulong ng isang senador kasunod ng mga serye ng pagyanig sa North Cotabato Isinusulong ngayon ni Senate Majority Leader Juan Miguel 'Migs' Zubiri ang bagong departamento na siyang tutok sa mga kaso ng iba't-ibang kalamidad sa bansa.

Nakasaad sa kanyang Senate Bill 1139 o an Act creating the Department of Disaster Resilience, na siyang magiging lead agency ng disaster risk reduction, disaster preparedness and response, rehabilitation and recovery.

Ito ang sinabi ng senador kasabay ng kanyang paglapag sa North Cotabato kahapon upang personal na makita ang sitwasyon ng mga bakwit na matinding tinamaan ng lindol.

Ayon kay Zubiri na gagampanan ng ahensya ang papel ng sumusunod na ahensiya: Office of the Civil Defense, Climate Change Office of the Climate Change Commission, GeoHazard Assessment and Engineering Geology Section ng Mines and Geosciences Bureau, Health Emergency Management Bureau ng Department of Health, Disaster Response Assistance and Management Bureau ng DSWD at Bureau of Fire Protection.

Ang pagkakaroon aniya ng bagong ahensiya ay kahalintulad ng 'one stop shop' at sa ganitong paraan ay maiwasan ang sisihan dahil ang nabanggit na tanggapan na ang tututok sa paglutas at pagtulong sa mga uri ng kalamidad katuwang rin ang iba pang ahensiya.

Dagdag pa ng senador na ang isinusulong nitong ahensiya ang siyang magiging 'higher version' ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC. 

Kung sakaling makakalusot ang nabanggit na panukalang batas, tatanggalin na ang NDRRMC at papalitan ng Department of Disaster Resilience.

Samantala, kasabay ng kanyang pagbisita ay ang pagbibigay rin ng mahigit pitumpong rolyo ng laminated sacks o trapal na may katumbas na mahigit pitong libong metro ang haba. Maliban dito, nasa 500 plywoods din ang ipamamahagi ng senador sa mga nasanlanta ng lindol kung saan pormal na itong itinurn-over sa provincial government kahapon. 

 

-0-

 

Libo-libong mga pamilya naabutan na ng tulong ng NDBC sa nagpapatuloy na relief mission sa mga biktima ng lindol Libo-libong mga pamilya na mula sa mga bayan ng Makilala at Magpet na biktima ng nagdaang lindol ang nabigyan na ng tulong ng Notre Dame Broadcasting Corporation o NDBC sa pamamagitan ng relief mission.

Matatandaang una ng nanawagan ang NDBC sa pamamagitan ng mga radio programs nito ng tulong matapos ang lindolo noong October 31. Simula noon ay dumagsa ang tulong na mga damit, pagkain, maiinum na tubig at maging cash.

Matapos naman ang Magnitude 6.5 na lindol ay lalo pang dumami ang dumating na tulong mula sa mga Private individual, groups at maging mga kumpanya.

Unang nabigyan ng tulong sa Pangunguna ni Fr Rogelio Tabuada OMI, siyang Chief Executive Officer ng NDBC ang mahigit sa walong daang mga evacuees ng Malasila Elementary School at Malasila High School na mula pa sa mga Barangay ng Luayon, Sto. Nino at Batasan. Mahigit sa 700 mga pamilya naman ang naabutan ng tulong mula sa Barangay ng Indangan, Makilala.

Ang iba sa kanila ay sa ilalim ng mga Rubber trees na nagtayo ng pansamantalang matulogan kung saan siksikan ang mga bata. Mahigit sa walong daan rin ang nabigyan ng tulong sa Barangay Manobo sa Magpet North Cotabato.

Katuwang rin ng NDBC sa Relief Mission ang balay Mindanao na isang Non- Government Organization at siyang nagbibigay naman ng Psychosocial intervention sa mga pamilyang biktima ng lindol.

Ngayong araw magpapatuloy sa pamamahgi ng mga relief goods sa mga liblib na mga Purok at barangay na nangangaylangan pa ng tulong. Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng NDBC sa lahat ng mga Indibidual, grupo at maging kompanyang nagpaabot ng tulong para sa ating mga kababayan. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

SINALAKAY ng mga pulis mula sa Police Station 2 sa Cotabato city ang umano ay drug den na nasa Purok Pinin, Barangay Rosary Heights 6 ng lungsod pasado alas dose ng tanghali kahapon, November 7.

Sa report ng City PNP, nadakip din ang dalawang mga drug suspect na sina Nur Andang, 22 anyos, habal-habal driver na taga Barangay Poblacion Dos at Musalik Blah, bente anyos, tailor/decorator na taga Datu Piang, Maguindanao.

Nakula mula sa dalawa ang isang improvised glass tooter, dalawang water pipe, apat na disposable lighters, dalawang mga gunting at mga ID.

Sinabi ni Police Station 2 Commander, Police Capt. Rustom Pastolero na ilang buwan din nilang isinailalim sa surveillance ang nasabing drug den bago inilunsad ang operasyon.

 

-0-

 

TIMBOG din sa inilunsad na buy bust operation ng PDEA BARMM ang dalawa pang mga drug suspect sa national highway na bahagi ng Barangay Poblacion 2, Shariff Aguak, Maguindanao kahapon ng tanghali.

Nakilala ang mga nadakip na sina Samrod Damada alyas Sam at Nordin Datala, pawang mga taga Datu Salibo.

Sinabi ni PDEA BARMM Director Juvenal Azurin na nakuha mula sa dalawa ang isang kilo ng pinaghihinalaang shabu na nakasilid sa isang kulay dilaw na plastic tea bag at tinatayang nagkakahalaga ng 6.8 million pesos.

Ayon kay Azurin, maliban sa iligal na droga ay nakuha rin sa naturang mga suspek ang ginamit na marked money, mga drug paraphernalia, isang unit ng M16 A1 colt AR-15, isang unit ng cal. 556 magazine na may 30 rounds live ammunitions, isang 68 round 7.62 live ammunitions, iba't ibang IDs at isang putting suzuki multicab na walang plaka.

Nabatid na ilang buwan ding under surveillance ang dalawang mga suspect na kabilang umano sa High Value Target ng mga otoridad.

Ang dalawang ay nakakulong na sa custodial facility ng PDEA BARMM at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous drugs Act of 2002 at Illegal Possession of firearms and ammunitions.

 

-0-

 

MULI NA NAMANG SUMIKLAB ang tensyon ng dalawang magkalabang grupo sa Sitio Silaklak Brgy. Kuya, South Upi, Maguindanao pasado alas singko ng hapon kahapon.

Sinabi ni Army’s 603rd Brigade Commander, Col. Wilbur Mamawag na tumagal ng higit sampung minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig.

Kinilala ni Mamawag ang mga sangkot sa panibagong bakbakan sa lugar na sina Susong Kapitan at Alyas Hasim na nagpakilalang mga miembro umano ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Teritoryo sa pinag-aagawang lupa pa rin ang dahilan ng panibagong sagupaan ng grupo nina Kapitan at alyas Hasim.

Nabatid na isa umano sa mga kasamahan ni Kapitan na si na si Umbal Kapitan ang nasugatan at agad na dinala sa ospital sa Cotabato City.

Wala namang naiulat na paglikas ng mga residente sa lugar.

Sa ngayon ay nakaalerto na ang mga pulis at sundalo sa bayan at nakikipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan ng South Upi sa MILF-CCCH para maayos ang gulo ng naglalabang grupo.

 

-0-

 

PAKAKAWALAN NA sa kanyang natural habitat ang nahuling Philippine Pinskers Hawk Eagle sa Sitio Lampaki, Barangay, Kimarayag, Pigcawayan, North Cotabato kahapon ng umaga.

Pangungunahan ni Pigcawayan Mayor Jan Dino Roquero kasama ng Municipal Environment and Natural Resources Officer Juaquin Tacula at Sangguniang Pambarangay ng Renibon, ang pagpapakawala sa agila.

Ang nahuling agila ay nasa maayos na kondisyon at may timbang na aabot dalawang kilo, may taas na 1 foot at  maari umanong nasa dalawang taong gulang na

Ang Pinskers Hawk Eagle ay isang uri Ng Philippine Eagle na kadalasang makikita sa mga lugar na maraming punong-kahoy at ito ay isang endemic o nanganganib Ng maubos dahil na rin sa Wala na Itong matirhan.

Ayon sa MENRO, ito ang unang beses na nakitaan ng isang uri Ng Philippine Eagle ang bayan na indikasyon umano na maganda ang biodiversity sa lugar.

Nabatid na hinuli ng residenteng si Ronald Deniega  ang naturang agila dahil kinakain umano nito ang kanyang mga alagang manok. 

Dagdag pa nito, marami pa umanong mga agilang nakatira sa lugar.

 

-0-

 

IDINEKLARA bilang isang Muslim Holiday ang araw ng Sabado, November 9 bilang pagdiriwang ng “Mauluddin Nabi” o ang kaarawan ng Propeta Muhammad.

Batay sa Presidential Decree No. 1083, walang pasok sa mga paaaralan at tanggapang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ganundin sa mga lalawigan ng Lanao del Norte, North Cotabato, Sultan Kudarat, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at Zamboanga Sibugay at sa mga lungsod ng Cotabato, Kidapawan, Tacurong, Iligan, Pagadian at Zamboanga.

Ito ay para bigyang daan ang mga mamamayang Muslim sa lugar na ipagdiwang ang naturang mahalagang okasyon sa Islam.

 

-0-

 

Iwas Paputok Campaign para sa Pasko sinimulan na ng Integrated Provincial Health Office ng South Cotabato

Sinimulan ng Integrated Provincial Health Office o IPHO South Cotabato ang kanilang kampanya sa firecracker inujury prevention sa pamamagitan ng Iwas Paputok Orientation.

Ang nasabing aktibidad na isinagawa sa Koronadal ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Department of Education, Health Education Promotions Officers at mga kasapi ng media. Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. kuntento ito sa trend ng pagbaba ng kaso ng mga firecracker related injury sa South Cotabato nitong nakalipas na taon.

Ayon Aturdido, mula sa limamput pito noong January 2018 bumaba sa dalawamput pito ang mga nasugatan dahil sa paputok at iba pang pyrotechnic devices sa lalawigan noong January 2019. Sinabi ni Aturdido na ito ay dahil sa pagtutulungan ng mga concern na ahensya ng pamahalaan. Sa mga Illegal na fire crackers pinakamaraming may tatlong naging biktima nitong taon ang triangle na nalagpasan na ang mga nasugatan dahil sa piccolo.

Habang sa legal na mga fire crackers naman nanguna ang pasirit na nakambiktima ng anim katao. Itinuro naman ni Koronadal City Firecracker Vendors Association President Jomel Alo sa mga participant sa orientation ang Republic Act 7183 o batas na nagrere-gulate sa bentahan, paggawa,at paggamit ng mga Firecrackers at iba pang pyrotechnic devices.

 

-0-

 

Accreditation ng dalawang mga ospital sa Koronadal City ibinalik ng Philhealth 12

Mapapakinabangan na muli ng mga mamamayan ang serbisyo ng Philhealth sa Allah Valley Medical Specialists Center Incorporated o AVMSCI at Dr.Arturo P. Pinggoy Medical Center o DAPPMC sa Koronadal City. Ito ay matapos bawiin ng Philhealth ang withdrawal sa accreditation ng dalawang mga ospital na pinakamalaki sa South Cotabato.

Sa isang pahayag sinabi ni AVMSCI Hospital Administrator Ronald Echon na ang hakbang na ito Philhealth ay patunay ng pagsasa alang-alang ng sa kapakanan ng kanilang mga myembro. Pinasalamatan din nito ang mga provincial government ng South Cotabato, City of Koronadal, Second District Congressional Office at DSWD 12 sa tulong na ibinigay sa kanilang mga pasyente.

Sa isang ring pahayag pinasalamatan din ni DAPPMC Chief Executive Officer at Medical Director Nanette Franco ang Philhealth sa tiwalang muling ibinigay sa kanila para makapagbigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng Koronadal at karatig lugar.

Matatandaan na dahil umano sa anomalya sa claim, tinaggalan ng Philhealth accreditation ang nasabing mga ospital noong nakaraang buwan. Nauna na ring ipina-hold in abeyance ng Philhealth ang suspension ng accreditation na kanilang ipinataw sa General Santos City Doctors Hospital Incorporated.

 

-0-

 

Special team para lalo pang mapaghandaan ang kalamidad, bubuuin ng lokal na pamahalaan ng General Santos City

Mangunguna sa updating at pagpapatupad ng disaster management preparedness plan sa lungsod ang itatatag na local government-wide disaster management team ng Gensan. Ang pagtatag ng nasabing special team ay ipinagutos mismo ni Gensan City Mayor Ronnel Rivera.

Layon nito na mapaigting ang kasanayan ng mga sangay at kawani ng lokal na pamahalaan ng Gensan sa pagresponde sa panahon ng kalamidad. Pinulong ni Rivera ang mga department heads ng local government para pagaralan muli ang kanilang disaster plan upang matiyak na makaagapay sa kasalukuyang panahon. Kasunod ito ng malakas na lindol at mga aftershock na naranasan sa Central Mindanao.

Ayon kay Rivera bilang paunang hakbang, bibili ang Gensan LGU ng mga additional disaster response equipment at materyales. Ang mga ito ay ang bump hats, go bags, handheld radios, at iba pang emergency gears.

Sinabi din ni Rivera na sa panahon ng emergency magtatalaga ang LGU ng mga coordinator at marshal sa mga strategic areas para sa posibleng evacuation. Dinagdag din nito na isasailalim din muli ng LGU sa dagdag na training at orientation drills ang mga kasapi ng kanilang response team.

 

 

-0-

 

Magasawa na pasimuno umano ng investment scam inaresto ng mga pulis sa Koronadal City

Kinilala ng Koronadal City PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Joelfel Siason ang inarestong magasawa dahil umano sa pagkakasangkot sa investment scam na sina Joseph at Rosa Maria Bucag.

Ang magasawang Bucag ay inaresto ng mga personnel ng Koronadal PNP habang pinupulong sa isang establisemento sa barangay General Paulino Santos ang mga umanoy recruit sa kanilang PERMED ENTERPRISES. Iba sa mga ito ay mula pa sa Cagayan de Oro City at General Santos City.

Ikinasa ng mga pulis ang pagaresto sa magasawa matapos isumbong ng isang Anna Mae Aleria Montero ang kanilang modus.

Sinabi ni Montero sa mga pulis na pinangakuan siya ng magasawa ng one hundred percent intrest sa loob ng pitong araw sa six hundred thousand pesos na investment nitong noong Agosto. Nalaman din ng mga kasapi ng intelligence operatives ng Koronadal PNP na kinukumbinse din ng mag-asawa na mag- reinvest sa kanila ang mga pinulong na biktima.

Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspected scammer ang sanitary permit at business certification ng Barangay Zone 3 Koronadal, fire inspection certificate at order of payment mula sa Department of Foreign Affairs sa PERMED ENTERPRISE ng magasawa. Nakuhanan din ang mga ito ng mga passbook, at sampung libong pisong marked money. Inihahanda na ng Koronadal City PNP ang kaukulang kaso laban sa magasawang suspected scammer.

 

-0-

 

DA 12 may team na nagsasagawa ngayon ng assessment sa mga pananim at agriculture infruscture projects na sinira ng lindol sa North Cotabato

Nagpadala ng tatlong Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA teams ang Department of Agriculture o DA 12 sa Cotabato Province. Ang mga ito ay nagsasagawa ngayon ng assessement sa mga pananim at infrustruktura na sinira ng lindol.

Ito ay ayon kay DA 12 Regional Executive Director Milagros Casis. Ayon kay Casis ina-assess din ng RDANA team ang mga apektadong mga magsasaka. Kasabay din nito ang monitoring sa presyo ng mga agricultural commodities sa mga nilindol na lugar.

Matatandaan na bilang kabahagi ng inter-agency assistance sa mga biktima ng lindol ,ang DA ay nakapagbigay ng paunang dalawang daang sako ng palay sa mga bayan ng M’lang, Tulunan at Makilala. Naglagay din ng ahensya ng tatlumpung solar-powered lights sa iba’t ibang mga evacuation centers sa lalawigan.

Ayon kay Casis namimigay din sila ng mga relief goods sa mga apektadong mga magsasaka at mangigisada. Sinabi ni Casis na sa inisyal na taya ng DA ang mga pagyanig ay sumira sa mahigit 4.5 million pesos na halaga ng mga pananim sa North Cotabato.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

Mangangailangan ang gobyerno ng nasa apat na bilyong pisong pondo para maibalik sa normal ang buhay sa mga lalawigan sa Mindanao na naapektuhan ng magkakasunod na lindol.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council executive director Ricardo Jalad na estimated cost pa lamang ang naturang halaga pero malalaman umano ang eksaktong halaga kapag natapos na ang kanilang isinasagawang assessment.

Magugunitang tatlong malalakas na lindol ang yumanig sa Mindanao noong Oktubre kung saan hindi bababa sa 28 katao ang nasawi at higit 400 ang nasugatan.

Nasa 230 thousand katao naman ang naapektuhan ng lindol kung saan nasa 40 libo sa mga ito ang namamalagi sa 47 evacuation centers.

Sa iba pang balita, ikinatuwa ng Malacañang ang 6.2% na paglago ng gross domestic product o GDP ng bansa para sa ikatlong quarter ng taon.

Inilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA kahapon ang GDP data kung saan pinakamabilis ang paglago ng service sector sa 6.9%, sinundan ng industry sector, 5%, at agriculture 3.1%.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang paglago ng GDP ay nagpapakita ng kakayahan ng administrasyong pangalagaan ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga kinaharap na suliranin.

Sa kabilang dako naman, nagpatawag na ng meeting si Vice President Leni Robredo sa mga miyembro ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD kahapon.

Ito ay makaraang tanggapin ng bise ang hamon na pamunuan ang drug war sa pamamagitan ng pagiging co-chair ng ICAD.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, patunay ito ng dedikasyon ng bise presidente sa kanyang bagong trabaho.

Ang ICAD ay binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency, Department of the Interior and Local Government, Dangerous Drugs Board, at ng Department of Health.

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...

Mindanao checkpoints to continue even without martial law

MANILA -- Checkpoint operations in Mindanao will continue despite the lifting of martial law by year-end.

"Well definitely...