Friday Dec, 13 2019 04:23:54 PM

NDBC BIDA BALITA (11.11.19)

NDBC BALITA • 14:30 PM Mon Nov 11, 2019
325
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. SUNDALO, PATAY habang dalawang iba pa, sugatan sa bakbakan kontra BIFF sa Mamasapano, Maguindanao.

2. ESTUDYANTE at magsasaka, patay habang apat na iba pa sugatan matapos masangkot sa vehicular crash sa magkahiwalay na lugar sa North Cotabato

3. Koronadal City Anti-Drug Abuse Council Action Officer, pabor sa pagkakatalaga kay Vice President Leni Robredo bilang Co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-illegal drugs

4. 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

PATAY ang isang sundalo habang dalawang iba pa ang sugatan sa pakikipagbakbakan laban sa mga miembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Sgt. Randy Alivar habang ang mga sugatan naman ay kinilalang sina PFC Ruel Sumilhig at PFC Allan James Cabildo.

Sinabi ni Western Mindanao Command Spokesperson, Major Arvin Encinas na habang nagpapatrolya ang mga sundalo sa Barangay Tukanalipao nang maka-engkwentro ng mga ito di pa matukoy na bilang ng mga armadong miembro umano ng BIFF Bungos Faction.

Ayon kay Encinas, dalawang mga miyembro din ng BIFF ang nasawi sa engkwentro noong Sabado, November 9.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng clearing operations ang militar para tuluyang maitaboy ang BIFF sa lugar.

Nabatid na may mga ilang pamilya na rin mula sa nabanggit na barangay ang lumikas dahil sa nangyaring bakbakan.

 

-0-

 

PATAY ang isang lalaki, habang sugatan naman ang kasama nito matapos silang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Cotabato city.

Kinilala ang nasawi na si Ramiel Jamero Diero, 50 anyos, balo, self-employed at taga Parang, Maguindanao habang sugatan naman kasama nitong si Rodolfo Jamero Diero, 68, may-asawa, walang trabaho at taga -Davao City

Sa report ng Police Station 1, binabaybay ng mga biktima ang Notre Dame Avenue sa Barangay Pob. 4 sakay ng kulay itim na Ford Ranger nang bigla silang dikitan ng motorcycle-riding suspects at pinagbabaril pasado alas singko ng hapon kamakalawa.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba't ibang parte ng kanyang katawan si Ramiel na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang tinamaan naman si Rodolfo sa tiyan at ngayon ay patuloy na ginagamot sa ospital.

Nakuha sa Crime Scene ang anim na mga basyo ng bala ng cal. 45 pisotl na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pamamaril sa mga biktima.

Nabatid na dumalo sa wedding anniversary celebration ng kanyang kapatid si Ramiel nang mangyari ang insidente.

 

-0-

 

Malubha ang kondisyon ng isang lalaki nang isugod sa pagamutan matapos nba mabiktima ng pamamaril sa Barangay Kiga, Upi, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si JOEL MAGALLANES, 28 anyos, magsasaka at residente rin ng nabanggit na Barangay.

Base sa kwento ng kapatid ng biktima, pasado alas dos ng madaling araw kahapon habang nakikipag usap si Magallanes sa isang babae sa labas ng kanilang tahanan nang lapitan ito ng di pa nakikilalang suspek na lalaki at bigla na lamang binaril gamit ang cal. 45 pistol saka mabilis na tumakas.

Nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran ang biktima, dahilan upang isugod ito sa pagamutan.

Patuloy namang inaalam ng Upi PNP ang pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo nito sa pamamaril sa biktima.

 

-0-

 

Dead on Arrival sa ospital ang isang senior citizen matapos mabangga ng Pick-up truck sa harap ng simbahan ng Iglesia Ni Cristo, sa Barangay Baguer, Libungan, North Cotabato

 

Kinilala ang biktima nasi Luzviminda Norilla Galvez, 63 anyos, balo, at taga Sitio Baleleng ng naturang barangay.

Habang kinilala naman ang driver ng Pick-up truck na nakabangga sa biktima na si Jhon Leo Tobias Reoma, 26 anyos, single, walang trabaho at taga Barangay, Presbitero, Pigcawayan.

Sa ulat ng Libungan PNP, patawid sana ang biktima para magsimba nang biglang nahagip ng humaharurut na Mitsubishi Strada na minamaneho ng suspek nasi Reoma pasado alas syete ng umaga kamakalawa.

Tumilapon ang Biktima at nagtamo ng mga Bali sa iba't ibang parte ng kanyang katawan

Kaagad na isinugod sa pagamutan si Galvez ngunit ideneklara itong Dead on Arrival

Kalaboso na ngayon ang suspek at mahaharap sa kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.

 

-0-

 

 

ARESTADO ang isang drug suspect sa inilunsad na buy bust operation ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 sa Libungan, North Cotabato.

Nakilala ang nadakip na si Macalangan Timpi, 59 anyos, may asawa, isang driver na sinasabing taga Datu Salibo, Maguindanao.

Ayon sa Libungan PNP, matagal na nilang minamanmanan ang suspek na nagbebenta umano ng iligal na droga sa Libungan at Midsayap

Nakuha mula sa suspek ang isang malaking sachet ng pinaniniwalaang shabu at nabawi rin dito ang ginamit na marked money.

 

-0-

 

Pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa bayan ng Makilala, kanselado pa rin hanggang ngayong linggo Wala pa ring pasok ang mga mag-aaral sa bayan ng Makilala, North Cotabato simula ngayong araw.

Ito ayon kay Municipal Administrator Sheryl Orbita matapos na pinalwig pa ni Mayor Armando Quibod ang pagsuspende ng klase ng isang linggo simula ngayong araw.

Ibig sabihan lahat ng antas kapwa pribado at pampublikong paaralan ay wala pa ring pasok matapos na ginagawang evacuation center ang mga paaralan ng mga residenteng nasira at lubusang nawasak ang tahanan dahil sa lindol.

Bukod sa Makilala, tatlong Barangay din sa Tulunan ang walang pasok, ito ang Daig, Magbok at Paraiso dahil sa hindi pa ligtas ang mga Paaralan. Piling lugar naman sa Kidapawan City ang may pasok dahil na rin sa pinsala ng mga gusali. Samantala, umakyat na rin sa 19 katao ang naiulat na nasawi may Kaugnayan sa lindol sa probinsiya ng North Cotabatao at tinatayang nasa 25 na ang patay sa buong Mindanao.

Tatlo sa Davao del Sur, 2 sa South Cotabato at isa sa Sultan Kudarat. Ayon naman kay Provincial Incident Command Spokesperson Board Member Jeomar Cerebo nasa 265 katao naman ang nasugatan sa North Cotabato lamang. 35,188 na pamilya ang apektado, 32 ang mga ipinatayong evacuation center.

16,719 ang totally damage na bahay, 16,667 ang partially damage na mga bahay. 758 na mga gusali ng pamahalaan kagaya ng mga Paaralan, health center, barangay hall at mga pribadong establisiemento ang nasira. Nabatid na hind inaman bababa sa 10 katao ang missing matapos na gumuha ang ilang bundok sa bayan ng Makilala. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

CDRRMO may panawagan sa mga mamamayan na iwasang masangkot sa mga insidente dahil limitado ang health services ng mga pagamutan sa lungsod

Gustuhin man ng mga malalaking pagamutan sa Kidapawan City na tumanggap ng mga pasyenteng nagkakasakit ngunit limitado pa rin ang mga serbisyong medikal na kanilang maibibigay dahil sa danyos na dulot ng lindol sa kanilang gusali.

Kaya muling nagpaalala ngayon si City Disaster Risk Reduction and Management Council o CRDDMC Head PSalmer Bernalte na mag-triple ingat lalo na sa mga motorista upang hindi na masangkot sa mga insidente na maaaring humantong sa pagpapa-ospital.

Maliban sa pagbawas ng health services lalo na ang tatlong malalaking hospital sa lungsod ay punuan at siksikan pa rin hanggang sa ngayon ang mga pasyente rito. Dagdag pa ni Bernalte na prayoridad na lamang sa ngayon ang mga pasyenteng nagkaroon ng malalang sakit at mga kondisyong nangangailangan ng medikal na atensiyon.

Binigyang diin ng opisyal na kinakailangang mag-ingat ng mga motorista at iwasan munang uminom. Ayon kay Bernalte na batay sa tala ng CDRRMC ay marami pa ring kaso ng vehicular crash at bagamat hindi malala ay may ilang insidente na kinakailangan pa rin ng medikal na atensyon. Nagpaalala rin ito na sa mga bumabyahe na magbigayan sa daan at bawasan ang takbo ng mga sasakyan.

 

-0-

 

Estudyante at magsasaka patay habang apat na iba pa sugatan matapos masangkot sa vehicular crash sa magkahiwalay na lugar sa North Cotabato

Patay ang 15-anyos na mag-aaral habang sugatan naman ang dalawang babae na angkas nito makaraang masangkot sa vehicular crash sa National Highway Barangay Lanao, Kidapawan City alas 11:30 ng gabi nitong sabado.

Kinilala ang nasawing biktima na si Ace Agudo Obas, grade 10 student ng Kidapawan City National High School habang sugatan naman ang angkas na sina Charlene Babia, 14 at Rona Joy Ligante, 16.

Ayon sa imbestigasyon, binabaybay umano ng biktima ang daan sakay ang dalawang babae nang pagsapit sa lugar ay bumangga ito sa kasalubong na tricyle. Dahil sa lakas ng impact tumilapon ang tatlo sa sementadong kalsada dahilan ng ikinamatay si Obas habang ikinasugat ng dalawang iba pa.

Samantala, sa Makilala North Cotabato patay din ang isang magsasaka matapos namang sumalpok ang minamenahong motorsiklo sa isa pang sasakyan sa Barangay Old Bulatukan alas 8:30 kagabi.

Nakilala ang nasawi na si Samuel A. Hernan, 34 years old at residente ng Barangay Takepan, Pikit, Cotabato. Sa imbestigasyon ng Makilala PNP, binabaybay ng motorsiklo ang daan at nang pagsapit sa lugar ay sumalpok sa Pajero Canter, drop side type na minamaneho ni Merlito Depilo Arreza sakay sina Ramil Delig Gorgonio at Sandro Ranulo Leguira kapwa nakatira sa Davao City.

Pagsapit sa lugar ay uiwas umano ang motorsiklo sa check point operation hanggang sa napadako sa kabilang kalsada at bumangga sa kasalubong na sasakyan. Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa aksidente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mabilisang pagsasaayos ng mga nasirang paaralan sa North Cotabato dulot ng lindol, isa sa mga bibigyang tugon ni Senator Gatchalian kasabay ng kanyang pagbisita sa lalawigan

Bilang Chairman ng Basic education, arts and culture sa senado, isa sa mga pagtutuonang pansin ni Senator Win Gatchalian ay ang mabilisang pagpapayos ng mga paaralan sa North Cotabato na nasira dulot ng pagyanig. Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng kanyang pagbisita at nagbigay din ng cash assistance sa mga pamilyang lubos naapektuhan ng lindol.

Sa North Cotabato, nasa halos 180 na mga paaralan ang hindi magaganit matapos masira. Abot sa 13.5 Billion ang iniabot na tulong ng senador at Valenzuela City Government sa ibat- ibang lugar sa North Cotabato. Ikinalungkot din ng senador ang balita na may ilang lugar na hindi na maaring matirhan dahil sa banta ng landslide.

Bukod dito ay hindi na rin makakabalik pa ang mga residente sa kanilang kinalakihang lugar at kung saan sila namumuhay sa pang araw-araw. Nangako din ang opisyal na tutulong ang gobyerno sa lahat ng mga nabiktima at aasahang magbibigay ng permamenteng matutuluyan. VC - GATCHALIAN Si Senator Win Gatchalian.

 

-0-

 

City Anti-Drug Abuse Council Action Officer ng Koronadal pabor sa pagkakatalaga kay Vice President Leni Robredo bilang Co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-illegal drugs.

Makatutulong ng malaki sa kampanya laban sa iligal na droga si Vice President Leni Robredo. Ito ang paniniwala ni Koronadal City Anti-drug Abuse Council o CADAC Action Officer Retired General Agustin Dema-ala Sinabi ito ni Demaala kasunod ng pagtanggap ni Roberedo sa alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin siyang Co-Chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-illegal drugs o ICAD. Ang ICAD ay pinamumunuan naman ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Ayon kay Demaala bilang isang lawyer tiwala itong isang malaking development sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga ang pagpasok ng bise presidente sa ICAD. Paliwag ni Demaala ang ICAD kasi ay isang policy implementing body. Pangunahing gawain nito ay ang magplano ng mga programa na ipatutupad naman ng implementing arm ng PDEA at PNP.

 

-0-

 

Synchronized Mass Immunization kontra Polio pinaghahandaan na ng DOH at mga local government unit sa South Cotabato

Pinangunahan ng Department of Health o DOH ang Micro-Planning of Oral Polio Vaccine o OVP Synchronized Mass Immunization bilang paghahanda sa malawakang anti-polio vaccination sa lalawigan sa November 25 hanggang 7.

Kasama ng DOH sa pagsasagawa nito ang Provincial Health Office ng South Cotabato at mga local government units sa lalawigan. Ibinahagi naman ni Sarangani Provincial Health Officer Dr. Arvin Alejandro sa mga participant ang Polio Situation sa Pilipnas at Update sa Environmental Surveillance. Binigyan diin ni Alejandro na dapat maabot ng bawat lokal na pamahalaan sa kanilang bakuna kontra polio ang 85 percent ng kanilang target sa November 25 hanggang 30 pa lamang.

Ito ay upang matiyak na maabot ang 95 percent target sa pagtatapos ng malawakang anti-polio vaccination sa December 7. Ipinahayag ni Alejando na para matiyak na maabot ang target na bilang mga benepisyaryo magkakaroon din ng ikalawang bugso ng synchronized mass immunization kontra polio sa region 12.

Pinaalalahanan din ni Alejandro ang mga LGU na dapat na maibalik din sa DOH ang mga OPV vials. Layun nito na matiyak ang tamang disposal sa tulong ng World Health Organization o WHO at UNICEF. Sinabi din nito na maari ring tumulong sa disposal ng mga ginamit nang OPV vials ang lalawigan ng South Cotabato dahil mayroon itong Health Care Waste Treatment Facility.

Pinausapan din sa Micro-planning session ang mga Guidelines on Polio Outbreak Immunization, OPV2 Vaccine Management Guidelines at National Polio Immunization Response.

 

 

-0-

 

Ordinansa na magpapaigting ng kampanya laban sa African Swine Fever disease hihilingin sa konseho ng city veterinary office ng Gensan Nais pagisahin ng city veterinary office ng General Santos ang tatlong mga executive orders o EOs ni Mayor Ronnel Rivera.

Ito ay para makabuo ng oridansa na magpapaigting ng mga programa para mapigilan ang pagpasok ng African Swine Fever o ASF disease sa lungsod. Ininuutos ng EOs 39,40 at 44 ni Rivera ang pagpapatupad ng biosecurity measures, pagtatag ng ASF Task force, at temporaryong ban sa pagpasok sa Gensan ng mga buhay na baboy at mga processed na karneng baboy mula Luzon.

Ayon kay Gensan City Veterinarian Dr. Antonio Ephrem Marin, isusumite nila ang merging ng nasabing mga EO sa Sangguniang Panglungsod. Ipinahayag ni Marin na ito ay bilang kabahagi ng isinusulong rin nilang pag-institutionalize ng biosecurity measures.

Layun nito na mapanatiling ligtas sa ASF at iba pang mga sakit sa hayop ang Gensan. Sinabi ni Marin na siya ring namumuno sa operasyon ng ASF Task Force na nakapaglagay na sila ng tatlong quarantine checkpoints sa national highway sa mga Barangay ng Apopong, Tinagacan at Mabuhay.

Ang nasabing mga checkpoints ayon kay Marin ay binabantayan ng kanilang mga personnel at may mga power sprayer, footbaths, at sinages.

Ipinahayag din ni Marin na nakapag-inspection ang quarantine checkpoints ng Gensan Veterinary Office ng mahigit 1,300 meat vans at may 1,700 na mga delivery trucks hanggang sa huling Linggo ng Oktobre.

 

-0-

 

Knowledge Resource Network itatatag ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Koronadal City

Maglalagay ng Knowledge Resource Network o KRN sa Koronadal City ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP. Ayon kay BSP General Santos Head Perry Dequita ang Koronadal City Library ay isa sa mga lugar sa Pilipinas na napili nila para maging sentro ng Knowledge Resource Collection o KRC. Layon ng BSP-KRN na makatulong sa aspetong pinansyal at pagunlad ng ekonomiya ng bansa.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga publication hinggil dito. Makikita dito ang mga libro, manuals, guides at iba pang mga information materials na makatutulong sa mga mamamayan ng lungsod. Bilang paunang hakbang sa pagtatag ng KRN lumagda ng kasunduan ang mga opisyal ng BSP sa mga lokal na opisyal ng Koronadal City.

Nakapagbigay na rin ng ilang mga libro ang BSP sa City Libaray na matatagpuan sa Koronadal City Hall.

 

-0-

 

Pagpapataas ng produksyon ng kape tinalakay sa 4th Regional Soccksarten Coffe Congress sa Koronadal City

Kailangan pa rin ng mga magsasaka ng kape sa Region 12 na mapataas ang average production kada ektarya kahit na nangunguna sa produksyon ng kape sa bansa ang rehiyon Binigyan diin ito ni Coffee Soccksargen Alliance Incorporated Chairman Dante Eugenio.

Ipinahayag ito ni Eugenio sa katatapos lang na 4th Regional Coffee Congress sa Koronadal City. Ayon kay Eugenio para sa mas mataas na produksyon ng mga coffee growers kailangan ang makabagong teknolihiya at pagpapahalaga sa bawat buto ng kape. Naging highlight naman ng coffee congress ang pagbuo ng mga participant ng polisiya at resolution na makatutulong sa lalo pang pagunlad ng industriya ng kape sa SOCCKSARGEN.

Dumalo sa 4th Regional Coffee Congress ang mahigit dalawang daang mga stakeholders sa Coffee Industry. Tema ng nasabing aktibidad ang “Nagkakaisa sa Kalidad at Pagunlad ng Industriya.”

 

 

 

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

 

NAIS ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na magkaroon ng security force ang mga hukom dahil sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga ito.

Ayon kay Peralta, marami ang nagrekomenda at nagpayo na bumuo ng marshals system tulad ng United States’ Marshals Service matapos ang pamamaslang kina Judge Mario Anacleto Bañez ng La Union at dating judge Exequil Dagala na inambush sa Siargao noong nakaraang linggo.

Bagamat may sariling security, sinabi ni Peralta na hindi naman ito maaaring mang-aresto at mag-imbestiga.

Giit niya, nais nilang magkaroon ng security na tulad ng power ng National Bureau of Investigation at PNP.

Nais din ni Peralta na magkaroon ng authority ang judicial marshals na umaresto at mag-imbestiga at hindi na kailangan pang dalhin ang kaso sa PNP. Sila na rin aniya ang magsasampa ng kaso.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, maaari na rin magkaroon ng trabaho ang senior citizens sa bansa.

Ito’y matapos ilunsad ng Ang Probinsyano party­list sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment o DOLE at at Polytechnic University of the Philippines ang Tulong Panghanapbuhay para sa Displaced Workers o TUPAD program na magbibigay ng trabaho sa senior citizens sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na sa mga pampubliko at mga unibersidad sa bansa.

Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, lumagda sila sa isang memorandum of agreement para sa implementasyon ng naturang programa.

Paliwanag ni Ong, ang PUP ang unang tatanggap ng unang batch ng senior citizens kung saan kada tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon ay papasok sa trabaho ang mga senior citizen.

Ang sahod ng mga ito ay kukunin sa alokasyon ng DOLE sa TUPAD na nakabase sa minimum salary sa kada rehiyon.

 

-0-

 

Sa kabilang dako naman, nag-anunsiyo na ang ilang kumpanya ng langis hinggil sa dagdag-bawas sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo simula bukas, November 12.

Sa abiso ng iba’t ibang kumpanya, may bawas na kinse sentimo ang presyo sa kada litro ng diesel.

Ang presyo ng gasolina ay tataas naman ng 85 sentimo kada litro sa Petron, Caltex, Phoenix Petroleum Philippines at Cleanfuel habang 80 centavos naman sa Shell at Petro Gazz.

Sa kerosene o gaas, may bawas na 10 centavos kada litro ang Caltex at Petron habang 15 centavos naman sa Shell.

BARMM holds 1st food security summit

COTABATO CITY — The Bangsomoro Government's Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) spearheaded the conduct of the first ‘...

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...