Tuesday Feb, 25 2020 11:32:32 AM

NDBD BIDA BALITA (10.18.19)

NDBC BALITA • 19:15 PM Fri Oct 18, 2019
371
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Bilang ng mga naapektuhang mga bahay sa North Cotabato, dumarami; ginang nakaranas ng miscarriage dahil sa lindol

2TATLONG mga hindi pa nakikilalang lalaki, patay matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Cotabato city

3. Bilang ng mga nasirang bahay at istruktura kasunod ng Magnitude 6.3 na lindol sa North Cotabato, patuloy na dumarami.

4. PAMBUBOGBOG umano sa isang sibilyan, itinanggi ng chief of police ng Banga, South Cotabato

 

 

‘ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

Bilang ng mga nasirang bahay at istruktura kasunod ng Magnitude 6.3 na lindol sa North Cotabato, patuloy na lumolobo

Patuloy ngayon ang isinasagawang assessment at inspeksyon ng mga Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office o MDRRRMO sa iba’t-ibang mga bayan sa North Cotabato na matinding tinamaan ng Magnitude 6.3 na pagyanig nitong Miyerkules ng gabi.

Sa bayan ng Makilala na siyang sentro ng pagyanig, abot na sa 63 mga pamamahay ang nasira habang 24, mga indibidwal ang natalang nagkaroon ng minor injuries. Kitang-kita rin ang gumuhong kisame ng municipal hall. Sa Tulunan, North Cotabato, abot na sa siyam na mga gusali ang nakatakdang isailalim sa repair at reconstruction matapos makitaan ng mga bitak.

Tatlong mga barangay naman sa nabanggit ding bayan ang mga nakitaan ng severely damaged na mga gusali gaya ng mga barangay hall sa Brgy Paraiso at Batang, New Caridad High School at Brgy Paraiso birthing home habang abot naman 60 mga bahay ang totally damaged at apat katao ang nagkaroon ng minor injuires.

Habang sa Kidapawan City, nananatili pa rin sa mga covered court at city gymnasium ang mga pasyente ng mga ospital at wala pang abiso mula sa CDRRMMO kung kailan na ito pwedeng makabalik.

Samantala, sa Mlang North Cotabato, gumuho naman ang gusali ng SB Hall. Kaugnay nanatili pa ring suspendido ang klase sa lahat ng antas sa bayan ng Tulunan, Makilala, Mlang at Kidapawan City.

Sa kabuuan umaabot na sa lima katao ang patay sa pagtama ng lindol sa North Cotabato at mga karatig lalawigan sa Mindanao.

Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD) 11, tatlo ay nasawi sanhi ng landslide sa Magsaysay, Davao del Sur; isa ang nabagsakan ng pader sa Datu Paglas, Maguindanao at isa ang inatake ng altapresyon na kinila­lang si Tony Panangulon, 50, sa M’lang, North Cotabato.

Naitala naman sa 89 katao ang nasugatan, 21 dito ay sanhi ng landslide sa Magsaysay, Davao del Sur; 68 sa North Cotabato, General Santos City at South Cotabato. Ayon sa PHIVOLCS abot na sa mahigit tatlong daang mga aftershocks ang naitala. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

SAMANTALA, isang ginang sa Kidapawan City ang nakaranas ng miscarriage o nalaglag ang bata sa kanyang sinapupunan matapos ang lindol noong Mierkules ng gabi.

Sinabi ni Kidapawan City disaster action officer Psalmer Bernalte na na-trauma ang ginang habang nasa bahay nang maganap ang lindol.  Nagkaroon ng bleeding ang di kinilalang ginang habang sinusugod sa ospital.

Samantala, ipinatupad din ang force evacuation sa mga residente ng Barangay Ilomavis dahil sa rock fall o gumugulong na mga bato mula sa itaas na bahagi ng barangay kung saan naroroon ang geothermal plant.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa Kidapawan City.

 

-0-

 

PATAY ang tatlong mga hinihinalang holdaper matapos na manlaban at makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis sa Cotabato city.

Sa report ng City PNP, nangyari ang shootout sa Yap Sy Street, Barangay Rosary Heights 10 ng lungsod pasado alas singko ng hapon kahapon.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang tropa ni Police Station 2 commander Police Capt. RUSTUM PASTOLERO hinggil sa mga namataang kahina-hinalang mga lalaking naka-motorsiklo na tila nagmamasid-masid sa lugar.

Agad na nagresponde ang mga pulis at naaktuhan ang tatlong mga suspek na tinutukan umano ng baril ang estudyanteng pasahero ng isang payong-payong sa lugar.

Nang makita ng mga suspek na papalapit ang mga pulis at agad na umano nilang pinaputukan ang mga otoridad kaya nagkaroon ng palitan ng putok kung saan napuruhan ang tatlo.

Hanggang ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawing suspek.

Sa iba pang balita, DEAD ON ARRIVAL naman sa ospital ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok 7, Barangay Bagua 3 ng syudad pasado alas dyes ng gabi kamakalawa

Kinilala ang biktima na si Roseville Daniel Angot, 47 anyos, may asawa, cashier ng isang kilalang hotel at residente rin ng nabanggit na lugar

Batay sa imbestigasyon ng Police Station 1, pauwi n asana ang biktima nang pagbabarilin ito di kalayuan sa kanilang tahanan.

Nagtamo ng dalawang mga tama ng bala sa dibdib at isa pa sa ulo ang biktima mula sa cal. 45 pistol na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

 

-0-

 

MAGBIBIGAY umano ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Cotabato city sa mga pamilyang nasunugan sa Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.

Gayunman, ayon sa City Social Welfare and Development Office o CSWDO, magsasagawa muna sila ng assessment at validation sa 12 mga bahay na nasunog sa Rosal Street Barangay Rosary Heights 6, pasado alas dos ng madaling araw kahapon.

Nais kasing matiyak ng CSWDO na ang mga totoong nasunugan ang makakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan panglungsod.

Nakatakda namang magbigay ng relief assistance ang City LGU bilang paunang tulong sa mga apektadong pamilya.

Samantala, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao naman, humihingi ng tulong mula sa DOS LGU ang mga negosyanteng nasunugan sa bayan.

Nasa 33 stalls kasi ang natupok ng apoy nang sumiklab ang sunog sa Barangay Poblacion nitong Martes ng gabi.

Kaya panawagan ng mga apektadong negosyante, tulungan sila ng lokal na pamahalaan na maitayong muli ang kani-kanilang mga negosyo

 

-0-

ARESTADO ang isang lalaking may kinakaharap na tatlong mga kaso ng panggagahasa Libungan, North Cotabato.

Kinilala ang nadakip na si Rene Boy Alegor Andea alyas Kimpo, 38 anyos, may asawa, isang laborer at residente rin ng Brgy. Kitubod ng nasabing bayan.

Sa report ng Libungan PNP, hinuli si Andea pasado alas-dose ng madaling araw kahapon sa tahanan nito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Rregional Trial Court 12 Branch 24 sa Midsayap, North Cotabato nito lamang October 11.

 

-0-

 

MAHIGIT kalahating kilo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na 3.4 million pesos ang nasamsam ng mga otoridad mula sa isang drug suspect sa ikinasang buy bust operation sa Malabang, Lanao del Sur.

Sinabi ni PDEA-BARMM Director Juvenal Azurin na itinuturing nilang High Valued Target ang natimbog na si Mohamad Timan alyas Orak, na taga Brgy. Paridi-Kalimudan, Madalum, Lanao del Sur.

Katuwang ng PDEA BARMM sa operasyon ang Marine Battalion Landing Team 5, 1402nd at 1403rd Regional Mobile Force Company ng PNP-BARMM at ng Malabang PNP.

Nasa kustodiya na ngayon ng Malabang PNP lockup cell ang nadakip na suspek at nakatakdang dalhin sa detention facility ng PDEA BARMM.

 

-0-

 

PATAY ang 26 anyos na mister matapos siyang makuryente habang gumagawa ng samapayan gamit ang alabre o tie wire sa tabi lamang ng kanilang bahay sa Barangay Layog, Pagalungan, Maguindanao

Nakilala ang nasawi na si Mohammed Kasan na residente rin ng nasabing lugar.

Nangyari ang insidente pasado alas nuwebe ng umaga kahapon habang naglalaba ang misis ni Kasan at inihahanda naman nito ang sampayan.

Aksidente kasing nahawakan ni Kasan ang live wire dahilan para siya makuryente.

 

-0-

 

PINATAWAN ng Sandiganbayan Sixth Division si Mayor Datu Sajid Islam Ampatuan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao ng 90 araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay ng kasong graft, malversation, at falsification laban sa kanya.

Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan ibinasura nito ang argumento ng kampo ni Ampatuan na hindi na siya dapat pang suspendihin dahil hindi naman na umano nito inu-okupa ang posisyong tinutukoy sa kaso.

Giit ng Sandiganbayan na base sa Supreme Court ruling na batay sa Section 13, Republic Act No. 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act, maaaring patawan ng preventive suspension ang isang akusado kahit anupamang posisyon ang inuukupa nito.

Nag-ugat ang kaso laban sa alkalde ng Shariff Saydona Mustapha noong siya ay gubernador pa ng Maguindanao.

Mali umano ang paggamit ni Ampatuan ng 72.26 million pesos na pondo noong 2009 na laan sana sa pagpapagawa ng school buildings.

Ibinigay umano ni Ampatuan ang naturang pondo sa apat na non-existent lumber companies.

 

-0-

 

13 mga bayan sa Maguindanao ang kabilang sa tatanggap ng Seal of Good Local Governance o SGLG mula sa Department of the Interior and Local Government o DILG ngayong taon.

Kabilang sa mga SGLG awardee ang mga bayan ng Guindulungan, Barira, Buldon, Datu Abdullah Sangki, Datu Paglas, Datu Piang, Kabuntalan, Matanog, Paglat, Shariff Aguak, South Upi, Sultan Kudarat, Sultan sa Barongis at Upi.

Samantala, sa buong BARMM ay mayroong 25 LGUs na recipient ng SGLG.

Dalawa sa mga ito ay mula sa Basilan; anim sa Lanao del Sur, isa sa Sulu at dalawa sa Tawi-Tawi.

 

-0-

 

Magnitude 6.3 na lindol, pinakamalakas na naitala sa probinsya ng North Cotabato – ayon sa Philvocs

Pinaalalahanan ngayon ang mga mamamayan sa luong lalawigan ng North Cotabato na maging handa sa lahat ng pagkakataon matapos ang nangyaring pinakamalakas na naitalang pagyanig sa probinsya. Sa panayam kay Phivocs Kidapawan OIC Manager Engineer Hermes Daquipa, dapat ay may saktong paghahanda ang bawat indibidwal dahil kahit-anumang araw o oras simula ngayon ay maaaring makakaranas pa ng mas malakas na lindol.

Ayon sa kanya, base sa earthquake bulletin number 2 nasa bayan na ngayon ng Makilala, North Cotabato ang sentro ng pagyanig dahil unang lumalabas sa ulat na ang bayan ng Tulunan ang sentro nito.

Paliwanag ni Daquipa na sa initial plotting na kanilang isinagawa lumalabas na ang lokasyon ay nasa sa isang lugar sa Tulunan pero nang dumating ang ilan pang mga datus ay kanila itong pinasok sa system upang makalkula ang lokasyon at maging ang lalim nito at nakumpirmang sa bayan ng Makilala ang sentro ng pagyanig.

 Dagdag pa ng opisyal, may mga fault line din anya sa ilang lugar sa Kidapawan City pero hindi pa ito nasali sa mapa ng Philvocs.

 

-0-

 

Magsasakang nakamotorsiklo, sugatan sa pamamaril sa Pikit, North Cotabato

Ginagamot na ngayon sa pagamutan ang isang magsasaka makaraang pagbabarilin ng di pa nakikilalang mga suspek sa Purok Bougainvillea, Barangay Ginatilan, Pikit, Cotabato alas 11:45 ng umaga kahapon.

Sa inisyal na ulat ng Pikit PNP, nakilala ang sugatang biktima na si Sadam Bacana Dagadas, 27 years old, may asawa at nakatira sa Baranagay Manaulanan Pikit. Sinasabing binaril si Dagadas ng mga suspek habang lulan ng kanyang Rusi na motorsiklo na tumama sa kanyang mukha. Mabilis na isinugod ang biktima sa Cruzado Medical Hospital para sa kanyang agarang medikasyon.

Narekober sa crime scene ang dalawang mga basyo mula sa caliber 9MM pistol na isinumite na sa Provincial Laboratory para sa ballistic examination. Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Pikit PNP sa pangunguna ni Pikit Chief of Police Police Captain Mautin Pangandigan upang mahuli ang responsible sa pinakahuling kaso ng pamamaril sa bayan. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Isa ka tao patay, apat sugatan sa banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Mlang, North Cotabato

Dead on the spot ang isang lalaki habang sugatan naman ang apat na iba pa matapos ang nangyaring banggan ng motorsiklo at tricycle sa National Highway sa Barangay Tibao, Mlang North Cotabato alas 10:00 kagabi. Sa ulat, nakilala ang nasawi sa apelyidong Marcelino at sugatan din ang angkas nito na kinilalang si Aloncio Vinancio 19 na residente ng nabanggit na lugar.

Mabilis ding isinugod sa pagamutan ang sakay ng tricycle na nakilalang sina Shiella Mae Quillo 31 years old, Jucilyn Juvillan 43 years old at isang menor de edad pawang residente ng Sitio Patnulangon Matalam. Binabaybay umano ng dalawang mga sasakyan ang National Highway sa nasabing lugar at pagsapit sa pinangyarihan ng aksidente ay bumangga ang motorsiklo sa kasalubong na tricycle.

Napag-laman ding lango sa nakakalasing na inumin ang dalawang sakay ng motorsiklo habang patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa naturang vehicular crash. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dalawang mga rebel returnee nakatanggap ng tulong pinansyal kasabay ng Serbisyo Caravan sa isang barangay sa Magpet, North Cotabato

Dalawang mga dating miyembro ng News People’s Army o NPA ang kusang nagbalik-loob sa gobyerno ang nakatanggap ng tulong pinansyal kasabay ng isinagawang Serbisyo Caravan sa Brgy. Basak, Magpet, North Cotabato kahapon.

Abot naman sa tig 20-thousand pesos na cash-assistance ang ibinahagi ng provincial government sa dalawang mga rebel returnee kasabay rin pagsuko ng kanilang mga matatatas na armas sa militar. Ito’y bahagi pa rin ng patuloy na programa ng gobyerno sa ilalim ng Executive Order No.70 ni Pangulong Rodrigo Duterte o ang Whole of Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict o ELCAC. Nabatid na nasa dalawampung mga partner line agencies ang nagpaabot ng kanilang serbisyo sa daan-daang mga residente sa nabanggit na lugar.

Tampok din nasabing programa ang pamimigay ng Certificate of Land Ownership o CLOA ng Department of Agrarian Reform o DAR sa tatlumpong mga benepisyaryo. Samantala, livelihood assistance naman ang karamihang hinihiling ng mga mamamayan sa nasabing barangay ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE, kaya maglalaan ng pondo ang nasabing ahensya na kukunin mula 24-million pesos na una nang inilaang pondo sa North Cotabato.

Matatandaan na nitong lunes, inihatid ng gobyerno sa Brgy Balite sa nasabi ring bayan ang mga pangunahing serbisyo kung saan dinagsa rin ito ng daan-daang mga mamamayan. Kabilang pa rin dito ang DSWD, DOH, LTO, OPVET, DENR, DILG, PNP, AFP ang marami pang iba. Ang nasabing barangay naman ay kabilang lamang sa walong mga barangay sa probinsya na nakatakdang bisitahin ng serbisyo caravan, kaya malaki ang pasasalamat ni Brgy Basak Chairman Feliciano Fajardo sa mga serbisyo ng gobyerno na inihatid sa kanyang mga nasasakupan.

Batay sa Executive Order 70 , ini-institutionalize ang “whole nation approach policy” para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at New People’s Army kung saan uunahin at aayusin ang pagbibigay ng basic services at social development packages sa mga conflict areas at vulnerable communities sa bansa. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga Traffic Enforcers ng Pikit North Cotabato sinanay ng Basic hand Training ng TMU Kidapawan Nagtapos na kahapon sa tatlong araw na training ang 23 na mga Traffic Enforcers ng Pikit North Cotabato.

Sa pakikipagtulungan ng Kidapawan city Traffic management Unit o TMU Kidapawan ay sinanay ang mga enforcers sa tamang pagpapatakbo ng trapiko sa kanilang bayan. Ayon kay Police Corporal Badrudin Manalasa ng Pikit PNP, ito ang kauna-unahang training aniya ng mga enforcer ng naturang bayan.

Ramdam na kasi ang bagal ng mga sasakyang dumadaan sa kanilang bayan partikular sa barangay Poblacion at hindi aniya sapat ang kaalaman ng kanilang mga enforcers. Ayon kay TMU Kidapawan head Rey Manar, kabilang sa mga itinuro sa mga Enforcera ng Pikit ay ang Basic hand Signal at ang Good Conduct kapag nasa gitna ng National Highway.

Kahapon ay dinala ang mga enforcers sa lungsod at isinalang sa National Highway upang i-apply ang kanilang natutunan sa training. Positibo naman ang naging obserbasyon ni Manar at sinabi nitong handa na ang mga ito na isalang bilang enforcers ng kanilang bayan. Naka handa rin umano ang TMU na magbigay rin ng training sa mga LGU sa North Cotabato na gustong mabigyan rin ng kahalintulad na training ang kanilang mga Enforcers. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

National Competitiveness Examination sa pitong examination center sa rehiyon ipinagpaliban dahil sa lindol ng Philippine Science High School-SOCCKSARGEN Campus

Hindi na matutuloy bukas, October 19 ang National Competitiveness Examination o NCE ng Philippine Science High School-SOCCSKSARGEN region o PSHS-SRC sa pitong mga test centers sa region 12. Kasunod ito ng pagtama ng malakas na lindo sa iba’t ibang lugar sa regioon 12 noong Myerkules ng gabi. Layon nito na matiyak ang kaligtasan ng mga examinees at maging ng mga personnel na mamamahala sa nasabing eksaminasyon. Ipinahayag ito sa isang kalatas ni PSH-SRC Director III Chuchi Garganera.

Ayon kay Garganera, ang mga NCE examinee ay pinapayuhan na pumunta sa kanilang mga examination centers sa November 9. Kabilang sa mga ito ang mga kukuha ng exam sa Kiamba National High School sa Sarangani Province, Mindanao State University High School Campus sa General Santos City, Koronadal National Comprehensive High School sa Koronadal City, Sultan Kudarat State University-Laboratory High School sa Tacurong City, University of Southern Mindanao-Kidapawan Campus sa Kidapawan City, ULS-University of Southern Mindanao sa Kabacan,North Cotabato at Cotabato State and Polytechnic College sa Cotabato City.

Ayon kay Garganera sa ngayon ay sinisikap ng PSHS-SRC personnel na maipaalam sa mga examinees ang pagpaliban ng kanilang NCE.

 

-0-

 

Pambubogbog umano sa isang sibilyan itinanggi ng chief of police ng Banga, South Cotabato

Pinabulaanan ni Banga, South Cotabato Chief of Police, Major Joseph Forro III na nambugbog umano siya ng isang sibilyan. Sinabi ito ni Forro matapos sampahan ng reklamong alleged physical maltreatment ng isang Jestoni Saligumba.

Binigyan diin ni Forro na fabricated o gawa gawa lamang ni Saligumba ang akusasyon na panununtok at pagmamaltrato umano sa kanya.

Ayon kay Forro ang nagakusa sa kanyang si Salimgumba ay tinanong lamang nito hinggil sa insidente ng pambabato sa mga motorista sa national highway barangay Liwanay, Banga. Binigyan diin ni Forro na nilapitan nito si Saligumba at isinailalim sa interogasyon bilang standard operating procedure nang rumesponde sa nasabing lugar.

Kinumpirma ni Forro na ipinatawag na siya ng Internal Affairs Service ng South Cotabato PNP para maimbestigahan. Ito ay upang malaman kung may sapat na dahilan para siya makasuhan ng administratibo.

Iginiit nito na kumuha lamang sila ng mga impormasyon sa mga mamamayan sa lugar at marahil ay hindi nagustuhan ng iba ang pamamaraan nila ng pagtatanong at walang naganap na paglabag sa karapatang pantao. Ayon kay Forro plano nitong kumuha ng pribadong abogado para sa counter charges na ihahain laban kay Saligumba.

 

-0-

 

Total lockdown sa mga colorum na tricyle ipinatupad ng lokal na pamahalaan sa General Santos City

Layon ng “total lockdown” sa mga colorum na tricycle na karamihan ay galing pa sa ibang lugar na maibsan ang problema sa trapiko sa General Santos City.

Ipinahayag ito ni Gensan City Traffic Management Assistant Chief, Willie Ramos. Sinabi ni Ramos na naglagay na sila ng checkpoint sa apat na mga pangunahing entry at exit points sa Gensan. Ayon kay Ramos karamihan sa mga kolorum na tricycle na bumibyahe sa Gensan ay mula sa mga karatig bayan ng Polomolok sa South Cotabato at Alabel, Maasim at Malungon sa Sarangani.

Iginiit ni Ramos na tanging papayagan lamang na pumasada sa Gensan ang mga nabigyan ng prankisa ng lokal na pamahalaan. Sinabi din nito na ang “lockdown” ay bahagi ng pagpapatupad sa Oplan Ligtas,Linis Kalsada” na inilunsad sa lungsod noong Martes.

Ayon kay Ramos mahigit 30 percent ng mga tricycle na bumibyahe sa Gensan ay mula sa ibang lugar. Naniniwala naman si City Administrator Arnel Zabatos na may sapat na mga registered tricycle ang Gensan. Tiniyak din ni Zapatos ang mariing pagpapatupad ng transport and traffic code ng lungsod.

 

-0-

 

Drug-free workplace isinusulong ng PDEA at lokal na pamahalaan sa Tacurong City, Sultan Kudarat

Nangako ang tatlumpung may ari at kinatawan ng mga establisemento sa Tacurong city, Sultan Kudarat na panatilihing ligtas sa iligal na droga ang kanilang lugar. Ang mga ito ay dumalo sa katatapos lang na advocacy program ng lokal na pamahalaan at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12. Layon nito na maisulong ang drug-free workplace sa nasabing lungsod.

Kaugnay nito umapela si Tacurong Mayor Lino Montilla sa mga participant na sundin ang Drug-Free Workplace Policies ng Department of Labor and Employment o DOLE. Ang mga mayari at tagapamahala ng mga hotel, bar, restaurant, subdivision at bodega sa Tacurong ay tinuruan ng mga personnel PDEA 12 sa pag-detect ng iligal na droga.

Itinuro din sa mga ito ang pagtukoy sa mga drug laboratories at iba pang mahahalagang probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Ito ay ayon naman kay PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan. Tampok din sa aktibidad ang paglagda ng declaration of support para sa lugar na ligtas sa illegal na drugs ng mga participant.

 

-0-

 

Mga karne mula Bulacan na dadalhin sana sa Koronadal City at iba pang bahagi ng Mindanao naharang ng mga otoridad sa Tacloban City

Abot sa P1.6 million pesos na halaga ng assorted frozen pork meat products mula sa Bulacan ang naharang kamakailan lang sa Tacloban City bilang bahagi ng umiiral na total ban ng pork-related products sa lungsod na nagmumula sa Luzon sa gitna ng African Swine Fever Scare.

Ang delivery van ng Marby Food Ventures na may kargang 700 crates ng frozen meat products ay naharang sa Veterinary Quarantine Checkpoint sa San Juanico Bridge.

Ayon kay Tacloban City Veterinarian Dr. Eunice Alcantara, nakumpiska ang nasabing meat products dahil sa hindi kompletong mga dokumento. Ipinahayag ni Alcantara na resibo lang ng produkto mula sa Bulacan na ikinokonsiderang “ground zero” ng ASF kaya agad nilang kinompiska ang nasabing mga karne. Nakasaad sa mga resibo na ang mga karne ay dadalhin sana sa mga tindahan sa Tacloban, Ormoc, Digos City, Iligan City, San Francisco City, Koronadal City, Butuan, at Surigao.

Ang mga nakumpiskang produkto ay inilibing sa Tacloban City Sanitary Landfill sa Barangay San Roque ng lungsod. Una nang pinatunayan ng Koronadal City Veterinary Office na nananatiling ASF free ang lungsod sa pamamagitan ng sabayang pagkain ng pork barbecue at pagtuloy sa "Pigdiriwang" Lechon Festival noong kasagsagan ng 19th Charter Anniversary Celebration ng syudad.

Naglagay din ng quarantine chekcpoints ang nasabing tanggapan sa mga pangunahing entry at exit points sa lungsod.

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

NDBC BIDA BALITA (Feb. 25, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. Miembro ng Special CAFGU Active Auxiliaries, patay sa panibagong kaso ng...

Cotabato Light says its payment and customer service office open today

COTABATO CITY - The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) has announced that its Collection and Customer Service office located at Al...

Mag-asawa sa Koronadal City, pinagsasaksak at napatay, suspek nahuli

KORONADAL CITY - Patay na nang datnan ng "drier caretaker" ang mag-asawang matatanda sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Magsaysay, Koronadal...

6-member drug dealing gang surrender in Radjah Buayan

MAGUINDANAO --- Six drug dealers pledged to reform for good over the Qur’an Monday, three days after authorities shot dead two heavily-armed...