3 patay sa "hit and run" sa Mlang, North Cotabato
MLANG, NORTH COTABATO - Patay ang tatlo katao, kabilang na ang 3-anyos na bata habang isa namang menor de edad ang sugatan, matapos na mabangga ng isang sasakyan ang kanilang motorsiklo sa Purok Centro, barangay New Rizal Mlang, North Cotabato.
Kinilala ang nasawi na sina Efren Pacheca Pagdato, 48-anyos, Barangay Peacekeeping Action Team, angkas na si Conchita Buenaventura, 48-anyos, may asawa at Ken Nathaniel Cabana Fuentes, 3-anyos habang ginagamot naman ngayon sa isang ospital si Aldrin Jay Caluna Cabana, 9-anyos at lahat nakatira sa naturang lugar.
Batay sa ulat, alas-7:00 ng gabi habang sakay ang mga biktima ng isang XRM 125 na motorsiklo na minamaneho ni Pagdato patungo ng BagonTapay, Mlang.
Habang nasa kaparehong direksyon naman ang isang Grandia Van at pagsapit sa lugar ay nabundol nito ang naunang motorsiklo.
Tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo kung saan dead on the spot si Buenaventura habang isinugod naman sa ospital ang mga sugatan pero binawian din ng buhay si Pagdato at ang 3 taong gulang na bata.
Mabilis namang tumakas ang drayber ng van sa halip ay tulungan ang mga biktima.